SOFIA Isang puting Mercedes Benz ang sumundo sa akin at sinakyan ko pabalik dito sa safehouse. Nadatnan kong narito na sina Draven at Mommy, pero hindi ko nakita si Zion San Francisco. Hindi na ako nagtanong kung nasaan si Zion dahil tapos na rin naman ang participation ko sa operasyon. Nadatnan kong kausap ni Lolo Sabby si Mommy habang kaharap naman nila si Draven. “Pauwi na ako sa Pilipinas mamaya, sasama ka ba, Sofie?” tanong ng pinsan ko sa akin. “Tapos na ang operasyon, puwede na kayong bumalik sa Pilipinas,” sabi naman ni Lolo Sabby. “Okay,” tipid na sagot ko habang ang mga mata ko ay nakatingin sa taas ng bahay dahil hindi ko nakita si Chase dito sa baba. “Kung hinahanap mo ang asawa mo, nasa silid ninyo,” sabi naman ni Lolo Collin nang napansin niya kung saan ako nakatingin.

