Nang gabi nang mismong araw rin na iyon ang flight ng bise alkalde at ang ibang mga opisyal pabalik sa Zambales. Pare-parehong hapo nang makarating sila sa Caticlan Airport. Nang makasagap ang kanilang mga cellphone ng stable na signal ay roon sunod-sunod na dumating ang mga mensaheng na-traffic ng ilang araw na ang ilan.
Tumunog ang kanilang mga cellphone nang walang humpay. Pare-pareho silang nagtaka at nagkani-kaniya nang basa habang ang ibang mga mensahe ay parating pa. Si Kennedy naman ay nakatanggap ng napakaraming mensahe mula sa kaniyang nakababatang kapatid. Mukhang galit ang huling message nito. Iyon kasi ang pinakauna niyang nakita dahil natabunan na ang kauna-unahang pinadala nito. I-ba-back na sana niya upang basahin ang mensahe muna ng kaniyang asawa ngunit nahinto siya sa pagpindot nang mahagip ng kaniyang mata ang mga salitang mining at Lunes.
“V-Vice” tawag ng isang konsehal sa bise na kasalukuyan pang ini-scroll ang kaniyang inbox upang mabasa ang unang mensahe na pinadala ng kaniyang kapatid.
Hindi niya narinig ang pagtawag dahil nasa hawak na cellphone ang kaniyang buong atensyon. Napahawak siya sa cellphone nang pahigpit nang pahigpit.
Pagod silang pare-pareho at tanging pahinga na lamang ang kanilang nasa isip ngunit nang mabasa nila ang mga mensahe mula sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anakan ay biglang nabuhay ang mga dugo at daliang nawaglit sa isip ang pagod.
Matapos mabasa ni Kennedy ang mensahe ng kaniyang kapatid ay tinawagan naman niya ang kaniyang butihing maybahay. Dalawang ring lamang at sinagot na nito.
“Salamat naman at tumawag ka! Kanina pa kami nag-aalala sa inyong lahat d’yan,” nagagalak na bungad ni Trixia sa asawa nang sagutin niya ang tawag.
“Nandito na kaming lahat sa airport. Dito na kami nakasagap ng mas stable na signal. Kumusta kayo r’yan? Ang mga bata tulog na ba?” kaniyang sagot na halata sa tono ng boses ang pag-aalala.
“Mabuti naman pala kung ganoon. Malinaw ko na rin naririnig ang boses mo. Hindi na putol-putol. Maayos naman kami. Katutulog lang ng mga bata. Nabasa mo na ba mga messages na pinadala ni Alessia sa iyo? Saang parte ba kayo ng Boracay pinadala at mahina ang signal?”
“Katatapos ko lang din ngayon nabasa lahat. Mukhang nautakan kami ni mayor dahil sa isang maliit na isla kami pinadala. Kahit kuryente roon ay mahirap din. Ewan ba. Dapat pala ay hindi na lang ako pumayag,”
“Iyan nga rin ang parehong sinabi ko sa kapatid mo. Akala niya binlock mo siya kaya di ka nag-re-reply sa mga messages niya. Mabuti at naniwalang wala talagang signal na maayos kayong masagap. Kanina pa ako kinukulit. Naawa rin ako sa mga tagaroon malapit sa bundok. Pinaalis na raw talaga sila at ngayon ay wala silang masilungan. Ayaw naman daw nila sa covered court dahil malayo sa kanila. May mga gamit at mga alagang hayop pa kasi karamihan sa kanila ay ayaw nilang basta na lamang iwan,” mahabang saad ni Trixia sa kaniyang mister. Bakas sa boses ang pag-aalala at awa sa kanilang mga kababayan.
Napalakas ang boses niya. Nagawi sa kaniyang dalawang anak ang kaniyang tingin. Nagpasyang lumabas na lang ng silid. Doon kasi sa kwarto nila mag-asawa naiisip matulog ng dalawa bata upang samahan ang kanilang ina.
“Wala pa akong naisip na plano. Masyadong biglaan ang lahat." Napahawak na lamang si Kennedy sa kaniyang batok dahil blanko pa ang kaniyang isip nang mga oras na iyon upang makapag-isip nang maayos.
Akmang sasagot sana si Trixia ngunit naunahan siya ng malakas na anunsyo galing sa speaker na umalingawngaw sa buong airport.
Flight 104 bound to Clark please proceed to the Departure Area…
Sabay nilang narinig pareho.
“Ayan na, tawag na kami,” paalam ni Kennedy sa kaniyang misis.
“Sige pala, mag-ingat kayo. Tumawag ka na lang ulit sa akin kapag nasa Clark na kayo,” bilin ni Trixia mula sa kabilang linya.
"Kayo rin mag-ingat kayo r'yan," kaniyang tugon bago pinindot ang end sa kaniyang touchscreen na cellphone.
Humayo na sila ng kaniyang mga kasama. Nauna na ang tatlo at hinihintay naman siya ng dalawa pa.
“Mukhang naisahan nga talaga tayo ni mayor,” di na nakapagpigil si Kennedy na sabihin.
“Kaya nga!” nanggagalaiting sang-ayon ng isang konsehal.
“Magkano kaya ang kinita ng mga iyon? Mukhang minadali ang pag-uusap,’’ usisa ng isa pa nilang kasabay na naglalakad na bahagyang nakangisi hindi dahil masama ang loob niyang wala siyang kinita gaya nila kundi dahil mga mukhang pera ang mga naiwan doon at nagawa nilang ipagbili ang kanilang dignidad.
Hindi man lang nila naisip ang mga mamamayan na maapektuhan at ang mismong kanilang bayan na malalagay sa alanganin kapag nagkataon.
“Malamang malaki. Tiyak ako mayroon sa kanilang may bago ng sasakyan ngayon.” Kaniyang sagot na nakuha.
“Naku, hindi lang kotse. Baka sa susunod na mga buwan ay mayroong magpapa-blessing ng bahay,” singit ni Kennedy sa usapan nila at sabay-sabay na lamang silang natawa. Dinaan na lang sa tawa ang kanilang inis.
Lahat silang anim na naroon ay hindi sang-ayon sa minahan. Silang anim lang at sinadyang wala sila sa mismong araw kung kailan darating ang bilyonaryong buyer upang hindi sila makagawa ng hakbang na makagugulo sa kanilang negosasyon.
Si Kennedy ang pinakabata sa anim. Ang lima ay nasa mga edad limampu pataas na. Pinakamatanda ay nasa animnapu at nasa kaniya nang huling termino.
Sa paghinto nila sa pagtawang tatlo ay nalungkot naman ang kanilang mga mukha.
“Sabi ng kapatid ko ay nagkapirmahan na raw talaga at naibigay na ang buong bayad kaya sa Lunes na agad magsisimula. Naawa ako sa isang pinsan ko na nakatirik ang bahay sa pagmamay-ari ng munisipyo. Pinaalis kanilang tinitirhan ngayong araw at hindi lang basta pinaalis, sinira pa ang bahay nila,” nanlulumong wika ng konsehal kay Kennedy.
“Saan sila ngayon tumuloy?” may pag-aalalang tanong niya sa konsehal na nagsabi niyon.
“Nasa bahay sila ngayon. Pinapunta sila roon ng asawa ko nang mabalitaan ang demolisyon,” tugon ng konsehal.
“Mabuti naman pala kung ganoon. Marami pa raw roon ang naiwan at wala alam na lugar na pwedeng puntahan. Mayroon na sa amin ngayon. Nakiusap sa misis at mga anak ko na kahit sa garahe sila makisilong,”
Habang nag-uusap ang dalawang kasabay ni Kennedy ay nag-iisip naman ito ng maari nilang gawin upang matulungan ang mga pamilyang walang masilungan nang mga oras na iyon. Malapit na sila sa departure area nang may maisip siya.
Pinauna na niya ang dalawang kasabay niya. Sinabing may tatawagan daw muna siya. Pumila na sila habang si Kennedy ay pumunta muna sa isang tabi at may hinanap na numero sa kaniyang phonebook. Nang makita ay agad niyang pinindot ang call.
Nilapat sa tainga ang hawak na cellphone at ilang sandali lang ay may sumagot na sa kanilang linya.
"Hello, pare?"
"Hello, pare! Pasensya na sa abala,"
"Ano ka ba naman? Ayos lang? Ano ba ang atin?" wika ng lalaki na kaniyang kausap.
Nang matanong na nito ang kung ano ang kaniyang nais ay roon na siya nagsalita. Sinabi ang kaniyang pabor na nais sa kababata na may-ari ng Mall sa kanilang probinsya.
"Iyon lang ba?" tanong pa ng lalaki nang marinig ang kaniyang nais.
"Oo, pare. Iyo lang naman," sagot ni Kennedy at napangiti habang sinasabi iyon.
"Sige, magpapadala agad ako kung ilan ang available. Totoo niyan ay kanina pa ako naghihintay ng tawag mo e," medyo natatawa nitong wika.
"Iba ka talaga. Maaasahan ka talaga kahit kailan. Salamat, pare," usal ni Kennedy.
"Naku! Wala iyon, i-text ko na lang ang presyo sa'yo,"
"Sige, hintayin ko na lang. Sasakay na rin kami ng eroplano maya-maya kaya mas mainam text na lang. Maraming salamat talaga," ani Kennedy.
"Sige pala, kita na text ko na lang," ulit ng kaniyang kausap at doon natapos ang pag-uusap nila.
Pagtingin niya ng oras sa screen ay nakita niya alas dyes kwarenta na. Natanong niya ang sarili kung gising pa ba ang kaniyang kapatid na si Alessia nang ganoong oras. Tatawagan niya sana upang sabihing gumawa na siyang hakbang ngunit nauwi sa text message.
Nang matanggap naman ni Alessia ang mensaheng iyon galing sa kaniyang nakatatandang kapatid ay nabawasan na ang agam-agam niyang nararamdaman. Gising pa siya nang mga oras na iyon. Nakahiga na sa kaniyang kama ngunit hindi pa dinadalaw ng antok.
“Salamat naman,” usal niya at suminghot ng hangin saka buga nang malakas. Kanina pa kasi kay bigat ng dibdib niya dahil hindi siya pinapansin ng kapatid. Kahit naipaliwanag na ng kaniyang sister-in-law na mahirap nga raw ang signal sa islang kanilang kinaroroonan nang halos dalawang linggo.
Ibinalik na niya sa headboard ang cellphone niyang hawak matapos mag-reply sa kaniyang kuya ng salamat. Makatutulog na siya nang mahimbing kahit papaano. Nabawasan na ang kaniyang iisipin.
Pumikit na siya at nakangiting nakatulog. Marami pang dapat problemahin ngunit ang mabawasan ng isa bago matapos ang araw ay senyales lang na ang mga pagsubok na iyon ay kakayanin nila basta magtutulungan sila. Bilyonaryo man ang Giovanni na iyon at maraming pera, ipapakita nilang hindi nito mabibili lahat ng naisin niya.