Nang makabalik Cavite ay ibang negosyo naman niya ang kaniyang inasikaso. Nagbukas si Giovanni ng isang jewelry store na isinunod niya sa pangalan ng kaniyang yumaong ina sa isang malaking Mall sa Maynila. Ang Anne’s na kung saan ang mga mamahaling mga bato na nilalagay sa mga alahas ay galing mismo sa kaniyang sariling minahan at ang pagawaan ng mga alahas ay kaniya ring pagmamay-ari.
Mayroon parehong negosyo ang kaniyang ama sa Europa na Romanov’s ang ipinangalan. Ipinama iyon kasama ng iba pang ari-arian ng kaniyang ama. Sunod naman sa kanilang apelyido. Pinalitan na niya ang ngalan kasabay ng pagbubukas niya ng Anne’s at ang pangalan na ng main branch na iyon ay Alejandro’s.
Karamihan ng mga produkto sa Anne’s ay simpleng mga alahas lamang. Mga diamond at iba’t-ibang klase ng mga gemstones na hindi kasing mahal ng mga nasa Alejandro’s. Kahit simpleng mga disenyo lamang ang naroon, hindi naman biro ang kalidad ng mga alahas. Kaya naman kahit kabubukas pa lamang ng tindahan ay dinagsa na sila ng mga tao.
Naging epektibo ang commercial na kanilang inere at malaking billboard sa Edsa at ang mga promotion sa lahat ng mga social media platforms. Ito ang kanilang pinagkaabalahan habang may hinihintay.
Isang hapon ay personal siyang pumunta sa Anne’s bago sila magsara upang tignan kung anong mga alahas pa ang natitira at kung ano ang mga disenyong mabenta at upang kumustahin na rin ang kaniyang mga tauhan roon.
Kasalukuyan siyang nagtitingin-tingin sa mga display nang may email na natanggap si Amir sa kaniyang laging bitbit na tablet. Galing iyon sa congressman at may attachment na kasama.
“May email galing kay kongressman,” anunsyo ni Amir habang nakatingin sa notification sa screen ng hawak na tablet.
“Okay, later,” kaniya lang sagot. Kahit hindi tignan ni Giovanni ang laman ay alam na niya kung ano iyon. Halatang minadali dahil ilang araw pa lamang mula nang huli silang nagkausap at mukhang tapos na nilang i-revise ang agreement.
Lunes sana nila uumpisahan ang minahan ngunit dahil sa nadikubre niya nang mag-ikot sila sa bundok ay hindi natuloy kaya kanilang minamadali. Mukhang atat nang makuha ang kabuuan ng bayad. Iyon kasi ang sinabi niya. Hindi niya ibibigay ang kabuuan hanggang hindi pa nasasaayos ang mga legal documents. Re-review-in niya pa iyon at hindi basta-basta pipirma sa print-out ng kopya kung may nakita siyang kahit isang hindi niya nagustuhan.
“Come here,” tawag ni Gio sa newly hired Manager ng Anne’s na nakasunod lang naman sa kanilang dalawa ni Amir.
Mabilis naman itong lumapit upang alamin ang nais ng kanilang boss.
“Take this necklace here-, aniya habang tinuturo ang kwintas na sinasabi niya na nasa loob ng estante. -and that pair of earrings,” dugtong niya matapos humakbang at itinuro sa kabilang estante ang isang pares naman ng hikaw na parehong .5 carat blue diamond.
Blue diamond ang isa sa most expensive diamonds sa merkado. Maliit lang ang bato sa pendant at napakasimple kahit pa mismong chain ng kwintas ngunit ang presyo ay nakalulula. Gamungo ngunit kumikinang kapag natatamaan ng liwanag at kahit maliit ay mahal talaga iyon.
Inutos ng manager sa clerk na nasa kabilang panig kung saan naroon ang bukas na parte na kunin ang itinuro ng kanilang boss at nang mailabas na pareho ay inutos niya naman sa manager na alisin ang isang display na kita sa harapan at iyon ang ipalit. Inalis ng manager ang nakalagay na hikaw at kwintas sa puting prettyia mannequin bust na gawa sa resin at ipinalit ang mga may blue diamond.
Sinundan ni Giovanni ng tingin at ilang sandali pa’y magbago bigla ang isip niya. Masyado kasing delikado iyon doon dahil hindi biro ang halaga ng isang blue diamond at para bang hindi iyon bagay roon dahil nais niyang simple at hindi napakamahal ang mga halaga. Pinaalis niya rin matapos at sinabing ilagay na lamang sa kanilang vault. Maliban roon ay may ilan pa siyang isinama. Kinuha niya ang kanilang record at inalis ang mga mabigat sa bulsa. Naiwan lang ang may halaga ng 10 million pababa at ang mga humigit roon ay itatabi muna sa mas ligtas na lugar at pinirmahan ang kanilang inventory matapos i-check ang bawat item na naroon naiwan na naka-display at ang mga nasa vault na.
Ang puwesto lang nila ang may tatlong guard sa harapan na nagbabantay. Lahat ng sulok ng ay may camera. Fully secured ang vault at ang mga estante ay hindi susi ang ginagamit na pambukas kundi card at passcode.
Mahigpit ang rules para sa mga empleyado at hindi basta-basta nagpapapasok ng mga customer lalo na kung mukhang mga walang kakayahan na makabili ng mga alahas na naroon. May diskriminasyon ngunit iyon ang protocol upang makaiwas sa hindi inaasahang pangyayari.
Matapos roon ay umalis na si Gio at Amir. Nakasakay na sila sa limousine nang ipaalala ni Amir ang email ni congressman. Nilahad ni Gio ang palad niya nang hindi tinitignan ang kaniyang butler. Ipinatong naman ni Amir ang tablet sa palad nito at habang nasa biyahe sila ay binabasa niya ang naka-attach na file sa email.
Napapatango siya habang nagbabasa at may mga pagkakataon na napapangisi na lamang dahil kitang-kita sa mga nakasaad kung gaano makasarili ang mga opisyal upang hindi isaalang-alang ang mga karapatan ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan.
May parte roon na nagpakunot ng kaniyang noo at nagpangisi sa kaniya labi.
“Read this part,” aniya kay Amir at inabot ang tablet na kaniyabg hawak sa kaniyang butler.
Kinuha naman ng matanda at binasa. Maging siya ay nagulat sa nakasaad. Unang pumasok sa isip niya ay hindi iyon makatarungan. Binalik na niya sa binata ang tablet at nagpatuloy na si Gio magbasa at habang binabasa niya ay may mga tao naman na abot langit ang nararamdaman na kaba nang mga oras na iyon habang naghihintay silang lahat ng sagot mula sa bilyonaryong binata.
Paano naman kasi, nabawasan na nila ang advance payment na ibinigay nito may isang buwan na ang nakararaan. Ang isang opisyal ay nakabili na ng kaniyang bagong sasakyan habang ang isa pa ay nagpapatayo na ng kaniyang bagong bahay. Wala silang alam na pagkukunan sakaling bawiin ang advance payment na bilyon ang halaga.
Napilitan magsimba ang ilan sa kanila upang ipagdasal na sana’y hindi magbago ang isip nito at tuluyan na nitong bilhin ang bundok dahil wala silang pagkukunan kung sakaling bawiin nito ang pera na kaniyang pinauna.
Maingat na binasa ni Giovanni ang lahat ng nakasulat sa agreement at kinabukasan ay dumating na ang sagot sa opisina ng kongressman. Pirmado na rin ng binatang Romanov ang pina-fax niyang mga dokumento. Nang matanggap ng mga opisyal na kabado ang resulta ay nagdiwang na sila. Nakahinga na sila nang naluwag sa wakas at hindi na kailangan pang mangamba ngunit kung mayroon man tuwang-tuwa sa lahat, iyon ang mayor at congressman na higit na nakinabang sa kanilang ipinatong na presyo sa orihinal na presyo ng bundok na mapupunta lahat sa kaban ng bayan at hindi nila maaring galawin.