NAKAKABINGING katahimikan ang bumalot sa malaking silid habang nagsusukatan ng tingin ang mag-ama. Nagpapakiramdaman sila kung sino ang mauunang magsalita. Sa pagitan nila animo'y may hindi nakikitang boltahe ng kuryente. Kung makakapagsalita lamang ang mga mata nila, paniguradong marami nang narinig na masasakit na salita ang kanilang mga tainga. "Ano itong nabalitaan ko na paaalisin niyo si Deina sa school? Anong dahilan?" Naunang napigtas ang pasensya ni Kristoffer kung kaya't siya na ang unang nagsalita. Mukhang isang achievement iyon para sa kaniyang ama na nagawa pa munang ngumiti bago magbigay ng sagot. "Magaling ang nagpaabot sa iyo ng balitang iyan. Nagsumbong ba sa iyo ang girlfriend mo? Pasensya ka na kung hindi kaagad ikaw ang pinagsabihan ko dahil alam kong darating tayo