CHAPTER 3:
HABANG PRENTENG NAKAUPO SI VERON SA NAG-IISANG PUTING monoblock na upuan ko rito sa loob ng bahay, hindi rin mapigilan ng mga mata niya ang pag-ikot no'n sa paligid. Sinusuyod ang bawat sulok, tila siya ang husgado at hinuhusgahan niya ako sa pamamagitan ng pagkilatis sa bahay na tinitirhan ko.
Ikinrus ko ang magkabila kong braso sa ibabaw ng aking dibdib pagkatapos ay tumikhim.
"Oo na, maliit lang ang bahay ko. Ako lang naman ang nakatira dito kaya hindi ko kailangan ng malaking bahay," sarkastikong sabi ko.
Tumigil siya sa pagsiyasat sa paligid at lumingon sa akin. Dumapo ang singkit at bilugan niyang mga mata sa akin pagkatapos ay tumayo.
"Napansin kong iisa lang ang upuan sa bahay mo, maupo ka. Ako na ang tatayo," aniya. "Pasensya ka na talaga at naabala kita, hindi lang talaga ako mapakali hangga't hindi ako nakakapagpasalamat sa 'yo."
Nangunot ang noo ko, nakapagtataka naman 'tong taong 'to. Hindi ba dapat kapag nasagasaan ka ng isang tao, ipapakulong mo. Habang siya, ito at gusto pang magpasalamat.
"Nabagok talaga ang ulo mo 'no? Sa tingin ko kailangan mong magpa-CT scan."
He gently chuckled at what I've said. Iyong tawa niya parang nanloloko lang. Kumbaga sa babae, ang hinhin at parang dalagang pilipina.
"Akala mo siguro para lang akong tanga na nagpapasalamat sa taong nakasagasa sa akin 'no?" tanong niya.
"Gano'n na nga. Para ka naman talagang tanga," sagot ko. Bahagyang nakangiwi dahil sa ipinapakita niyang kabaitan. Baka mamaya may hidden agenda pa 'yan!
"Ah, basta. Just accept my apology. Wala ka rin namang magagawa kundi tanggapin ang paghingi ko ng tawad."
Nanliit ang mga mata ko. "Anong hidden agenda mo?"
Nagkibit-balikat siya. "Wala, just saying thank you. Tatanggapin mo ba ang paghingi ko ng tawad?"
Napatitig ako sa kaniya. Sinubukan kong basahin ang maamo niyang mukha na ngayon ay nakatitig lang sa akin. Pero wala akong mabasang kahit ano, kundi ang pagkasinsero.
"Sige." Tumango ako. "Apology accepted."
Unti-unti siyang napangiti hanggang sa umabot na hanggang tenga niya ang magandang ngiting 'yon. "Thank you! I really appreciate your kindness."
Nakangiwing tinanguan ko na lamang siya. At saka, ayaw ko na'ng magtagal siya rito. Ang awkward, kasi hindi ako sanay na papasukin ang hindi kakilala sa bahay ko.
"So. . ."
"So aalis ka na?" tanong ko.
Ngumiti ulit siya, walang katapusang ngiti. "Yeah, I'll see you again next time."
Tumango na lang ako kahit ayaw ko 'yong huling sinabi niya. Wala na'ng susunod na pagkikita. Aba! Bakit pa kami magkikita e wala naman na kaming atraso sa isa't isa. Ayaw ko kayang masangkot sa kontrobersyal na buhay niya.
Pero. . .
Kung ibang babae siguro ang pinuntahan niya—I mean, iyong fan niya o kaya naman ay mga tipo ng lalaking gaya niya ang gusto. Ewan ko na lang kung hindi sila kikiligin.
Mabuti na lang talaga at hindi ko tipo iyong mga mukhang hindi makabasag pinggan. Mas tipo ko kasi 'yong mga lalaking bad boy looking. . . tapos kapag niyaya akong makipag-s*x, tatanggihan ko.
Ang gaga ko talaga.
—
"Sabi niya, mahal na mahal ka pa rin daw niya. Bakit kasi hindi mo na lang pagbigyan?"
Kanina pa daldal nang daldal itong si Taylor habang nag-aayos kami ng mga lamesa't upuan. Hindi ganoon kalaki ang pub na ito o bar na nagse-serve ng pagkain, madalas na rito nagkikita-kita ang mga magkakaibigan at mag-iinuman sila. Kapag nagtatanong ang ibang tao sa akin kung ano ang trabaho ko, at kapag sinabi kong sa isang pub. Hindi nila alam kung ano 'yon. Tapos kapag in-explain ko na ang pub at isang bar, aakusahan nila ako ng kung ano-ano. Ayaw ko pa naman sa lahat iyong mga judgemental.
"Pagbibigyan ba kasi saan?" naiiritang tanong ko.
Nakakairita na rin itong si Taylor.. Hindi na nakakatuwa. Noong unang beses na nagkausap kami, buong akala ko magiging kaibigan ko siya. Ngunit sa paglaon, hindi pala siya pwedeng maging kaibigan kasi masyado siyang pakialamera.
"Pagbigyan mo na at balikan mo na! Girl, hindi na uso ngayon ang pabebe! Mabait naman si Nilo e, hindi ka sinasaktan at gusto lang naman sana ng s*x pero ayaw mong pagbigyan."
Naihampas ko sa lamesa ang basahang hawak ko. Pinanlisikan ko siya ng mga mata at saka tinalikuran para pumasok na lang sa kusina.
"Ang over acting mo talaga, girl! Ang arte mo! Feeling virgin!"
Napailing na lang ako. E virgin naman talaga ako at wala akong balak na magpagalaw sa kahit na sinong lalaki hangga't hindi ako pinakakasalan. Itinatak ko na 'yan sa sarili ko at hindi na magbabago.
Hindi ko na lang pinansin si Taylor para wala na'ng away. Ayaw kong masira ang imahe ko kay Kuya Miguel na may-ari ng pub na ito. Bago pa lang ako rito pero ang ganda na kaagad ng kinikita ko kaya hindi dapat ako magpakita ng pangit na imahe.
Alas singko ng gabi, nagbukas na ang pub. Nagsimula nang mapuno loob ng pub at nagsisimula na rin silang um-order. Madalas na beer at sisig ang order sa amin. Kaya ngayon, hinihintay kong matapos ang inilalagay ni Zanjo sa sizzling plate.
Sanay na sanay ang mga kamay ni Zanjo habang hinihiwa ang mga rekado. Ang gwapo niyang tingnan kapag nagluluto, kahit na hindi naman talaga siya ka-gwapuhan.
Nag-angat siya ng tingin sa akin matapos niyang ilagay ang kalamansi sa gilid ng sizzling plate.
"Salamat."
Nginitian ko siya pero hindi manlang niya ako nginitian pabalik. Sanay na kami sa kaniya, parang walang nararamdamang emosyon. Buti na lang at masarap ang mga luto niya, okay na 'yon.
Lumabas ako ng kusina at dumiretso sa table 10 para ihain ang order nila.
"Maraming salamat, ganda!" pagpapasalamat ng matandang lalaki na um-order mag-isa.
Um-order siya ng isang bote ng beer at sisig. Mukhang malapit na siyang senior citizen, kaya hindi na namin papayagan kapag nakatatlong bote na.
Luminga ako sa paligid at naghintay ng may tatawag sa akin. Maaliwalas ang pub na ito, may pagka-old style. May sampung lamesa at sa bawat lamesa, may apat na upuan. Mula sa pintuan, kapag papasok ka, bubungad ang bar counter kung saan naroon ang barmaid namin na si Aika. Si Aika na madalas na binabalik-balikan ng costumer dahil bukod sa maganda na, magaling pang mag-mix ng drinks.
Dumiretso ako sa may bar stool, naupo at pinanuod si Aika na kasalukuyang nag-mi-mix ng inuming para sa lalaking costumer. Nakanganga ito habang nakatingin kay Aika—hindi sa inumin naglalaway, kundi sa nag-mi-mix ng inumin.
Ilang saglit lang ay tapos na siya sa pag-mi-mix at inilagay sa margarita glass. "Here's your margarita, Sir!"
Ngumiti ito nang abot tenga. "Thank you, beautiful!"
Yuck! Nag-iwas na lang ako ng tingin. Mabuti na lang at sanay na si Aika sa mga ganyang klaseng lalaki at mabuti na lang din, wala pang nambabastos sa kaniya.
Muli kong iginala ang mga mata ko sa costumers para sana tingnan kung may o-order. Pero napahinto ako nang makita kung sino ang papasok mula sa entrance ng pub. Mabilis na tumayo ako sa kinauupuan ko't magtatago sana pero hindi ko na nagawa nang may tumawag sa akin na costumer.
"Miss, o-order ako!" tawag ng isang babaeng kulay blonde ang buhok.
Mabilis na dumapo ang tingin sa akin ni Nilo kaya agad kong iniwas ang tingin sa kaniya, kunwaring hindi ko siya nakita. Dali-dali akong pumunta sa kinaroroonan ng costumer.
"Ano pong order mo, ma'am?"
Itinuro niya sa menu ang order niya at isinulat ko naman iyon sa papel. Pilit kong inisip na hindi ko nakita si Nilo at sana lang talaga, hindi siya manggulo rito. Ayaw kong masisante nang dahil sa kaniya!
"Got it, ma'am!"
Kaagad na tumalikod ako sa costumer at didiretso na sana sa kusina nang malamig na kamay ang humawak sa akin.
"Babe. . ." tawag niya. "Usap naman tayo, please?"
Nilingon ko siya gamit ang malamig na tingin. "Nasa trabaho ako Nilo, please. . ."
Sumimangot ang mukha niya saka tumango. Binitiwan niya ang kamay ko't hinayaan akong dumiretso sa kusina. Hindi niya ugali ang mag-eskandalo kapag nasa matinong pag-iisip pa siya, pero kapag nakainom na, hindi niya na talaga makontrol ang sarili. Gaya na lang no'ng isang gabi, na tinawagan ako ni Taylor.
"Order, Zanjo." Inabot ko sa kaniya ang papel na pinagsulatan ko ng order.
"Pwedeng pakibasa?" tanong niya.
"Hindi mo na naman mabasa?" balik-tanong ko habang panay ang tanaw sa labas.
Nakaupo na ngayon sa lamesang malapit sa pinto. Sana h'wag siyang lapitan ni Taylor para bigyan ng alak. Ewan ko ba sa baklang 'yon, parang may gusto kay Nilo. Hindi matiis! At nakakainis!
"Ang pangit ng sulat mo," panlalait ni Zanjo.
Ibinalik ko ang tingin ko sa kaniya saka bumaba ang tingin sa kapirasong papel. Napangiwi ako nang makita kung gaano kapangit ang sulat ko.
"Oo nga, ang pangit."
No choice ako kundi banggitin sa kaniya habang halos mabali na ang leeg ko sa katatanaw kay Nilo.
"Tanginang Taylor," hindi ko naiwasang mura.
"Paano lutuin 'yang tanginang Taylor?"
Natauhan ako't muling ibinalik ang tingin kay Zanjo. Nakangisi na ngayon ang labi niya.
"S-sorry, ano pala. Ensaladang talong."
Iiling-iling na yumuko siya para kumuha ng talong, kamatis, sibuyas at iba pang rekado.
"Mahal mo pa, bakit hindi mo balikan?" tanong niya.
"Mahal ko pa siya, hindi naman agad mawawala 'yon e. Pero kasi, mas mahal ko ang sarili ko. At naniniwala ako na kung mahal niya ako, irerespeto niya ang desisyon ko. Kung hindi niya matanggap, edi h'wag."
Hindi na siya sumagot, pero ngumiti siya't nagsimulang hiwain ang talong. Hindi na rin ako nag-attempt na ituloy ang usapan namin dahil alam kong hindi na niya ako kakausapin. Tatlo o apat na sentence. Iyan lang ang limitation ni Zanjo.
Muli kong ibinalik ang tingin sa labas at nakita kong palapit na si Taylor kay Nilo, hawak ang bote ng alak. Ilang beses na napamura ako sa isipan. Kasi putangina talaga niyang baklang 'yan, napakakunsintidora. Kung hindi lang ako tinutulungan niyan para makahanap ng raket, masusupalpal ko talaga 'yan ng salita.
Matapos gawin ni Zanjo ang order na ensaladang talong at chicken adobo, kinuha ko na 'yon at lumabas ng kusina.
Pilit akong ngumiti nang ilapag ko ang order sa lamesa ng costumer.
"Here's your order, Ma'am, Sir!"
Pagkatapos nilang magpasalamat, diretso at determinado akong naglakad palapit kay Nilo. Nang nasa tapat na ako ng lamesa niya, agad siyang nag-angat ng tingin sa akin. He was about to say something when I snatched the bottle of beer from his hand.
"Mag-usap tayo sa labas."
Nilagok ko ang natitirang laman ng bote ng beer at padarag na inilapag 'yon sa lamesa.
"Babe, t-teka—"
Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita nang hablutin ko ang kamay niya't hinatak palabas. Naiinis na talaga ako sa kaniya. Halos dalawang linggo na kaming hiwalay pero hindi niya pa rin ako tinatantanan. Oo nga, mahal ko pa siya. Pero hindi nga 'yon sapat na dahilan para balikan ko ang isang taong hindi kayang respetuhin ang desisyon ko.
Nang tuluyan kaming makalabas sa pub at nailayo ko na siya sa entrance. Kaagad kong sinampal ang kaliwang pisngi niya. Hindi ko 'yon nilakasan kasi puhunan n'ya 'yang pagmumukhang 'yan.
"s**t, babe!"
"Huwag mo na akong tawaging babe. Huwag ka nang pumunta rito. Huwag ka nang mag-eskandalo."
Nag-igting ang panga niya't diretsong tumingin sa akin. "Hindi naman ako mag-e-eskandalo kung kakausapin mo lang ako."
"Pumayag na akong mag-usap tayo, huwag ka nang mag-eskandalo. Ano pa bang pag-uusapan natin at baka hanapin na ako sa loob."
Gumapang ang pait sa kaniyang mukha. "Bakit gano'n lang kadali sa 'yo na hiwalayan ako? Simple lang ang problema natin, Cammi. Kung ayaw mo, edi sige hindi ko na ipipilit. Bumalik ka lang sa akin, please? Mahal na mahal kita."
"Hindi mo ako mahal, Nilo. Kasi kung mahal mo ako, sana noong unang beses pa lang, naintindihan mo na ako. Ang kaso, ilang beses mo ba akong pinilit?"
"Cammi naman. . ."
"Umalis ka na, parang awa mo na. Ayoko na talaga."
Tinalikuran ko na siya pero hindi niya ako hinayaan. Niyakap niya ako mula sa likuran na ikinabigla ko. Malaki ang katawan ni Nilo dahil nag-g-gym siya kaya hindi ako makapagpumiglas.
"Nilo! Bitiwan mo ako!"
"Balikan mo na ako, Cammi. Please, hindi ko kayang mawala ka. Magpapakamatay ako kapag hindi mo ako binalikan. Ikaw na ang buhay ko!"
"Tangina mo, edi magpakamatay ka!" Sinubukan kong kumawala. "Nilo! Ano ba?!"
"Magpapakamatay talaga ako kapag hindi mo ako binalikan!"
"Wala akong pakialam, bitiwan mo ako!"
"Hindi kita bibitiwan hangga't hindi ka umu-oo!"
Hindi ako sumagot. Mas nilakasan ko ang pwersa para sana makawala sa kaniya pero hindi ko talaga kaya. Sinipa ko ang paa niya mula sa likuran na nagpaluwag sa pagkakayakap niya sa akin.
I was about to get out of his grip when someone did it for me.
Nanlaki ang mga mata ko nang paglingon ko'y nakahawak na ito sa balikat ni Nilo. Nakakulay grey na hood siya at nakasaklob iyon sa kaniyang ulo kaya hindi ko makita.
"Sino ka ba?"
"Hindi binabastos ang babae, pare," aniya sa pamilyar na boses.
"Huwag kang mangialam dito, problema namin 'to." Muli akong binalingan ng tingin ni Nilo. Hahawakan na sana ako ulit pero bago niya pa magawa, tinabig na ng lalaki ang kamay niya't diretso sinapak siya sa mukha.
Napasinghap ako't napahawak sa bibig ko ang bumulagta si Nilo sa sahig.
"A-anong ginawa mo?!"
Hindi makapaniwalang dinaluhan ko si Nilo. Nawalan siya ng malay!
"That's what he get for harassing you."
Muli akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Bumungad sa akin ang maamong mukha ni Veron.