CHAPTER 26

1098 Words
Takang-taka na si Bryle dahil hindi niya pa rin makita ang kaniyang asawa. Kanina pa siya paikot-ikot at pabalik-balik sa mga tindahan na nagkalat sa tapat ng Malvaro Hospital ngunit wala talaga. Nasaan na ba si Leia? Saan ba ‘yon nagpunta? Saan ba ‘yon bumili ng miryenda? “Diyos ko, sana walang nangyaring hindi maganda sa asawa ko,” usal niya nang kinabahan na naman siya. Ilang ikot pa siya at hanap pero wala talaga siyang nakita kahit anino man lang sana ng kaniyang asawa. Hanggang sa mapansin niya ang usap-usapan ng mga tao na nadaanan niya. "Kawawa talaga ‘yong babae, ano?” "Grabe talaga. Grabe ang pagkakabangga sa kaniya. Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin ako.” “Sana buhay pa siya.” “Kahit mabuhay ‘yon baka magkakaproblema na. Nabali yata ang mga paa niya, eh.” Noon na rin napansin ni Bryle sa kalsada ang magkahalong sariwang dugo at softdrink pati na ang mga pisa-pisang tinapay na nagkalat dahil nasasagasaan na ng mga nagdaraang mga sasakyan. At hindi alam ni Bryle pero biglang may sumikdong nakakatakot na kaba sa kaniyang dibdib. Nagtayuan na rin ang mga balahibo niya sa braso. Ang ikinilabot niya ay nang sumagi sa isip niya na baka si Leia ang tinutukoy ng mga tao na babaeng nabangga. “A-ano po’ng hitsura ng babaeng nabangga?” hindi niya napigilang tanong. “Ang napansin ko lang ay maganda siya,” sagot ng ginang. “Ano po’ng damit niya?” tanong niya pa. “Naka-t-shirt na kulay puti at pantalon.” Nanlamig na talaga ang mga palad ni Bryle. Kulay puti ang tanda niyang damit ni Leia. “Gray po yata ‘yon,” ngunit nang pagtatama ng isang dalagita ay medyo nabawasan ang kaba niya. “Naku, hindi ko pala sigurado, iho,” paumanhin naman sa kaniya ng ginang. “Sige, ha?” At umalis na ito. Sumunod ang iba. Napabuga na lang si Bryle sa kaniyang bunganga. Diyos ko, huwag naman sana. Huwag naman sanang si Leia iyon. Ilang sandali pa na napatingin-tingin siya sa nagkalat na mga tinapay sa kalsada. Mayamaya, kahit namimigat ang puso niya sa magkahalong takot at pangamba ay itinuloy niya na ulit ang paghahanap kay Leia. Kailangan niyang maging positibo. Hindi tama na isipin niya agad na si Leia ang nabanggang babae. Napakadaming babae na nagkalat sa kalsada na nakaputi. Sobrang kamalasan naman na nilang mag-asawa kung si Leia nga talaga ang nabangga. Ang unfair na ng mundo kung ganoon. Bumili siya ng tinapay at softdrink para sa nanay at anak niya nang sumuko na siya sa paghahanap. Nagpasya na siyang bumalik sa loob ng ospital at baka nanay naman niya ang mag-alala sa kaniya. Pilit na lang niyang pinapapanatag ang kaniyang isipan at damdamin. Pilit na isinisiksik sa kaniyang isipan na baka may pinuntahan lang si Leia na biglaan. Baka biglang dumating si Pressy. Napakunot-noo nga lang siya nang napatingin siya sa isang taxi na tumigil sa tapat ng entrance ng ospital dahil tyempong nakita niya doong bumaba ang tinukoy sa isipan na si Pressy. Mali siya na magkasama sina Pressy at Leia. “Pres—" Tatawagin niya dapat ang kaibigan ng kaniyang asawa subalit dahil parang nagmamadali na pumasok sa ospital ito ay hindi niya nagawa. Nagtatakbo si Pressy. Napakunot-noo siya. Sa isip-isip niya ay may nangyari ba? May naospital ba itong kakilala na malubha ang kalagayan? Lalong nadagdagan ang kaba sa dibdib ni Bryle. Dumadagundong na naman iyon sa hindi niya mawari kung para saan. Hindi siya tsismoso pero nagugumulihan siyang sumunod kay Pressy. Sa operating room ng ospital ito patakbong nagtungo. Ang ikinatigagal na naman niya ay nang makita niyang naroon si Kenneth. Agad nagyakap ang magpinsan. Halos magdugtong ang dalawang kilay ni Bryle sa mga nakikita. Sa nakikita niyang matinding pag-aalala sa mukha nina Pressy at Kenneth. Sino kaya ang nasa loob ng operating room? "Nasa’n siya?" si Pressy kay Kenneth. "Nasa loob pa rin, eh," sagot ni Kenneth kay Pressy kasabay nang paghimas nito ng batok. “Ano’ng sabi ng doktor?” “Wala pang lumalabas.” “Diyos ko.” Napatutop si Pressy sa bunganga na napatanaw sa pinto ng operating room. Halos magdugtong na talaga ang mga kilay ni Bryle. Hindi pa rin siya napapansin ng dalawa. Siguro ay dahil sa pagkakaaligaga nila para sa taong nag-aagaw buhay na kakilala nila. Nangangati siya na malaman kung sino iyon upang makatulong kay Pressy, subalit nauunahan naman siya ng pride dahil kay Kenneth. Kapag napapadako nga ang tingin niya sa kapwa lalaki ay kumukulo pa rin ang dugo niya. “Sana ay ligtas siya Kenneth,” sabi pa ni Pressy. “Sana nga,” sabi naman ni Kenneth. Hindi nagtagal ay isang doktor ang lumabas mula sa operating room. Hindi masyado narinig ni Bryle ang sinabi ng doktor pero halata niya sa naging reaksyon nina Pressy at Kenneth na hindi maganda ang lagay sinumang nasa loob. Bumuntong-hininga siya’t pumihit na siya patalikod. Aalis na dapat siya dahil hindi tama na maging usyosero siya sa ganoong sitwasyon. "God, kawawa naman si Leia. Paano na ito?" pero dahil umabot pa sa pandinig niya na naisambulat ni Pressy ay natigilan siyang muli. Animo’y nakakita siya ng multo na nanlaki ang ulo niya’t nangilabot. “Ang dami na nga nilang pinagdadaanan. Bakit siya pa ang nalagay sa ganitong sitwasyon?” sabi pa ni Pressy. “I don’t know, Insan,” sabi naman ni Kenneth. Mataas ang mga balikat nito sa klase ng pagkakapamulsa nito ng dalawang kamay sa harapang bulsa ng pantalon nito. Kitang-kita na sobrang apektado ito sa kalagayan ni Leia. Nanlalaki ang mga matang pabigla nang napalingon si Bryle sa magpinsan. Kasabay niyon ang animo’y slow motion na pagbagsak sa sahig ng supot ng tinapay at soft drink na bitbit niya. Doon na napansin nina Kenneth at Pressy ang kaniyang presensiya. Lumuwa rin ang mga mata nito. "Bryle?" sambit ni Pressy sa pangalan niya. "Ano’ng sinabi niyo?! Si Leia ang nasa loob?! Paano?! Bakit?!” bulyaw niya agad sa mga ito. Takot ang histurang nagkatinginan sa isa’t isa sina Pressy at Kenneth. Kapwa hindi nila parehas alam kung ano ang gagawin at sasabihin kay Bryle. "Sabihin niyo sa akin na hindi tama ang mga narinig ko?! Na hindi si Leia na asawa ko ang nandiyan sa loob ng operating room!” sigaw na talaga ni Bryle. Imbes na sumagot ay napayuko ng ulo si Pressy. "Si… si Leia. Si Leia nga ang nasa loob, pare. Nabangga siya kanina sa labas," kaya naman si Kenneth ang sumagot dito. Pakiramdam ni Bryle sa mga sandaling iyon ay saglit siyang namatay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD