“Anak, hindi ko sana isasabay ito sa problema na pinagdadaanan niyo ni Leia pero naisip ko na dapat mo lang malaman.”
Mula sa pagpapakain ng lugaw kay Lacey na rasyon ng hospital sa mga pasyente ay inilipat ni Bryle ang tingin sa nanay niya.
“Bakit po? May problema ba sa bahay, ‘Nay?”
Nahiyang nagpunas si Aling Celia ng nagluluhang mga mata. Pero sa tingin ni Bryle ay totoong iyak na iyon. Umiiyak ang nanay niya.
Inilapag niya muna ang lugaw sa side table at mas binigyan niya ng pansin ang ina. Hinawakan niya ito sa isang kamay. “’Nay, ano ‘yon? Sabihin mo po sa akin baka makatulong ako.”
Doon na bumuhos ang luhang kanina pa kinikimkim ng matanda. “Ang Kuya Isagani mo kasi, Anak. May malalang sakit.”
Hindi pa man ay parang binagsakan na ng bato sa likod si Bryle. “A-ano po’ng sakit ni Kuya?”
“Sa kidney. Ang sabi ng doktor ay chronic kidney disease daw. Nalaman lang namin noong nakaraang buwan.”
“Malala na po ba?”
Marahang tumango ang nanay niya. “Kailangang mag-dialysis ang kuya mo hangga’t walang kidney donor.”
Dahan-dahang napapikit si Bryle sa nalaman. Naiyuko rin niya ang ulo. Batid niya kung anong klaseng sakit iyon. Ika nga ay sakit pangyaman ang CKD, dahil isa iyong pangmatagalang kondisyon kung saan unti-unting namamatay ang mga selula ng kidney. Dialysis na lamang ang magpapatuloy upang mapatagal pa ang buhay ng taong may sakit ng ganoon kung hindi maaaring magkaroon o walang kakayahan sa kidney transplant. At kung hindi biro ang gastos para sa kidney transplant, ganoon din panghabambuhay na pagpapa-dialysis.
Napabuga si Bryle ng hangin sa bunganga. Paraan niya para maibsan ang bigat sa kaniyang dibdib.
Walang katapusang problema. Puros na lamang problema.
Magaang hinawakan siya ng nanay niya sa balikat. “Huwag kang mag-alala, Anak. Sinabi ko lang ito sa iyo para alam mo lang ang nagyayari sa kuya mo. Hindi naman siya pinababayaan ng Ate Anna mo. Isa pa ay tumutulong din ang Kuya Edgar mo minsan kapag may sobra sila ng asawa niya.”
Naihilamos niya ang palad sa kaniyang mukha. “Sorry, ‘Nay, kung wala pa akong maitutulong sa ngayon kay Kuya Isagani. Alam niyo naman na—”
“Syempre alam ko, Anak,” pamumutol sa kaniya ng ina. “Alam namin ng mga kuya mo ang sitwasyon mo. Kami nga ang dapat na mahiya sa iyo dahil kami ang wala pang naitutulong sa iyo mula noon hanggang ngayon. Pasensya ka na, Anak.”
Namumula na ang kaniyang mga mata at nananakit ang lalamunan niya nang itaas niyang muli ang tingin sa nanay niya. “Sorry, ‘Nay. Sorry kung nabigo ko po kayo. Sorry kung naging mahina ako at nagkaroon ng sakit. Kung nagpakatatag lang sana ako ay sundalo pa rin sana ako hanggang ngayon. Natutulungan ko pa rin sana kayo.”
Hinaplos naman ngayon ng nanay niya ang kaniyang pisngi. “Huwag kang mag-sorry dahil sapat na sa akin ang buhay ka, Anak. Ang bumalik ka sa amin, lalo na sa iyong mag-ina. Mas gusto ko pa rin ang ganitong buhay basta nandito ka, kapiling ka namin.”
“’Nay…” Animo’y nagbalik sa pagkapaslit si Bryle na napayakap na sa kaniyang ina nang marinig iyon. Pinakawalan na niya ang mga luhang kanina pa pinipigil. Lahat ng sama ng loob at bigat sa dibdib na kinikimkim niya noon pa ay ibinuhos niya nang todo sa kanlungan ng kaniyang nanay. He cried and cried hanggang sa pati si Lacey ay nahawa at nakiyakap din sa kanila.
Mayamaya ay magkahalong kalungkutan at kaginhawaan sa dibdib ang nararamdaman ni Bryle nang matapos ang pagdadrama niya.
“May nautang si Leia sa bombay, ‘Nay. Sasabihin ko sa kaniya ang tungkol kay kuya para kapag may natira pa siyang pera ay makakapagbigay kami ng tulong,” sabi niya sa ina nang maayos niya ang sarili.
“Huwag na, Anak. Mas kailangan iyon ng apo ko. Huwag kang mag-alala dahil naroon naman ang hipag mo. Hindi niya pababayaan ang kuya mo,” subalit at pagtanggi ng nanay niya.
Tipid na ngumiti na lang si Bryle sa ina. Gayunman ay disidido siya na sasabihin niya pa rin kay Leia ang natuklasan niyang kalagayan ng kaniyang kapatid. Natitiyak niyang tutulong pa rin si Leia sa abo’t ng makakaya nito sa kaniyang pamilya. Gano’n kabait ang kaniyang asawa. Kahit walang-wala sila ay tutulong at tutulong pa rin ito.
“Huwag mong ikukuwento kay mama mo ito, Lacey, ah? Huwag mong sasabihin na umiyaka ako. Nakakahiya. Baka asarin lang niya ako,” pabirong saad niya nang balingan niya si Lacey.
“Iyakin ka rin pala, Papa. Yuck,” subalit ay tukso sa kaniya ng bata.
“Ah, gano’n.” Nakatawa naman niya itong kiniliti nang kiniliti.
“Papa, tama na! Tama na po!” paulit-ulit na tili ni Lacey.
“Hindi kita tatantanan,” patuloy niya. Kiniliti niya nang kiniliti pa rin ang anak. Natigil lamang siya nang natabig niya ang isang baso sa side table, nahulog at nabasag.
Natahimik silang tatlo. Nagkatinginan. Pare-parehas kinabahan.
“Ako na ang maglilinis,” saad ni Aling Celia nang mahimasmasan. Madali itong naghagalip ng puwedeng ipampamunas sa nabasang sahig at sa mga bubog.
"’Nay, sundan ko lang si Leia, ha? Ang tagal na niya, eh. Kayo na po muna ang bahala kay Lacey," paalam ni Bryle sa ina nang katagalan ay hindi na niya matiis ang tumubong kaba sa kaniyang dibdib matapos matapon at mabasag ang baso ng tubig.
"Oo, sige. Ako na’ng bahala sa apo ko."
Dali-dali na ngang lumabas si Bryle sa charity ward. Ang hindi niya inasahan ay makikita niya si Kenneth. Labis siyang nagtaka nang mabungaran niya ito sa labas ng pinto ng ward. Pabalik-balik ang binata at parang alalang-alala. Parang gustong kumatok at pumasok pero dahil nag-aalangan ay hindi nito magawa-gawa.
"Hoy! Ano na naman ginagawa mo rito, ha?!" singhal niya rito dahil umakyat agad ang dugo niya sa kaniyang ulo. Iba talaga ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ang kapwa lalaki. Feeling lagi niya ay aagawin nito ang kaniyang asawa o ng kaniyang pamilya.
"Pare, may ano… may sasabihin sana ako sa ‘yo tungkol kay Leia,” nauutal na sabi nito.
"Wala akong panahon para makipag-usap sa ‘yo! Hinding-hindi na babalik sa bahay mo ang asawa ko! Wala tayong pag-uusapan tungkol sa kaniya kaya umalis ka na!"
"Pero hindi tungkol doon ang sasabihin ko sa ‘yo, pare!" tumaas na rin ang tinig ni Kenneth.
"Sabing umalis ka na!" May nakita si Bryle na guwardya ng Malvaro Hospital. "Pare, paalisin niyo rito ‘to! Nanggugulo siya sa mga pasyente!”
"Sir, tara na po," hila nga ng guwardya kay Kenneth.
"You don’t understand! May sasabihin talaga ako sa ‘yo! Si Leia nabang—”
“G*go umalis ka na!" duro pa rin ni Bryle sa binata. Pasalamat pa ito dahil nakakapagtimpi pa siya.
“Bahala ka!” Nainis na umalis na lamang si Kenneth. Hindi na niya itinuloy ang dapat pagsasabi sa nangyaring aksidente kay Leia. Gulong-gulo siya na bumalik sa harapan ng operating room. Hindi niya alam ang gagawin niya. Alalang-alala siya para kay Leia. Pumunta siya kay Bryle para sana sabihin ang nangyari kay Leia, pero ang g*go itinaboy pa siya. What a complete idiot!
Hanggang sa si Pressy ang naisip ni Kenneth na tawagan.
"Ano?!" As expected, his cousin was utterly surprised when he told him what happened to Leia.
"Oo, Insan, kaya pumunta ka na rito at dalian mo. Leia needs you now."
“Sinabi mo na ba kay Bryle?"
"Sinubukan ko pero ayaw niyang makinig sa ‘kin. That rotten jerk!”
"Siya, sige, sige papunta na ako riyan. Magbibihis lang ako. Calm down, okay?”
"Okay, okay. Hurry up!”