Makukuntento na dapat si Kenneth sa pagsunod-tingin lang kay Leia, pero hindi na naman niya napigilan ang sarili nang makita niyang nahulog ang iniinuman ni Leia na softdrink at nabasag. Natarantang bumaba siya ng kotse at malalaki ang hakbang nilapitan pa rin si Leia.
“Are you okay, Leia?” Alalang-alang hinawakan at inilayo niya sa mga bubog ang babaeng minamahal.
Gulat na gulat naman si Leia nang makita ang amo. “Sir, ikaw pala.”
“Okay ka lang?” ulit ni Kenneth. Sinuri niya ang kabuuan ni Leia. Tiniyak na hindi ito nasugatan. “Bakit hindi ka nag-iingat? Muntik ka nang masugatan,” pagkatapos ay kastigo niya. Kinabig pa niya palapit si Leia at buong pagmamalasakit na niyapos.
Binalot naman ng init ang dibdib ni Leia. Na-touch siya sa labis na concern ng amo. Mapapangiti na dapat siya kung hindi lang ipinaalala ng kaniyang puso ang kaniyang asawa at anak.
“Sir, sandali lang po.” Alanganin at nabahalang itinulak niya si Kenneth.
“S-sorry…” Nahiyang natauhan naman ang binata. Isang hakbang paatras ang ginawa nito. “I'm really sorry, I didn't mean to hug you. I was just worried about you, Leia."
Napabuntong-hininga si Leia at tipid na tipid na ngumiti. “Ayos lang po, Sir. Wala po iyon.”
Nadadyaheng napahimas naman sa sariling batok si Kenneth. Nag-iwasan sila ng tingin at saglit na walang imikan na pinanood ang tindera ng bakery na nilinis ang nabasag na inumin sa sementong sahig.
“Sorry, Miss,” paghingi ng paumanhin ni Leia dahil nabigyan niya pa ng trabaho ang tindera.
“Ayos lang po,” mabait na saad ng tindera.
Napatingin naman si Kenneth kay Leia. Lalong humanga ito kay Leia. Napakabait talaga ni Leia. She truly never fails to impress him.
“Kumusta?” tanong nito nang wala na ang tindera. May mapag-usapan lang sila.
Nakagat ni Leia ang pang-ibabang labi. Ang naging dating niyon sa kaniya ay kinukumusta siya ni Kenneth kung makakapasok na siya sa trabaho. Bumalik ang hiya niya dahil pangatlong araw na pala ngayon na hindi pa siya nakakabalik sa trabaho.
“Sorry, Sir, hindi ko pa kasi nasasabi kay Bryle na babalik akong kasambahay sa bahay niyo kaya hindi pa ako nakakabalik, pero huwag po kayong mag-alala dahil hahanap na po ako ng tyempo ngayon para sabihin sa kaniya para makabalik na po ako.”
“No, no, Leia, it’s okay. Nandito lang talaga ako para kumustahin ka at ni Lacey,” agap naman ng binata na pagtatama sa kaniya.
Tipid na ngumiti si Leia. Gayunman, hindi siya naniniwala na iyon lang ang sadya ng amo. Malaking halaga ang inutang niya rito kaya naiintindihan niya kung nag-aalala si Kenneth na baka hindi na siya papasok sa trabaho dahil maayos na ang anak niya.
Hindi siya ganoon, babayaran niya iyon, hindi lang siya makapasok pa dahil hindi pa siya talaga makahanap talaga ng tyempo na sabihin lahat kay Bryle. Hindi niya alam kung paano.
“Okay na ba si Lacey?” tanong ulit ni Kenneth.
Ngumiti siya sa binatang amo. “Opo, Sir, at maraming salamat po. Huwag po kayong mag-alala babayaran ko ng matapat na serbisyo ang ipinahiram niyo sa aking pera.”
Hindi na nagsalita pa si Kenneth. Ngumiti na lang ito sa kaniya na nakatitig na naman. His eyes piercing the depth of her soul. May sinasabi na naman ang mga mata nito sa puso niya na hindi naman niya puwedeng tugunin.
“Ma’am, tinapay niyo po.” Ibinigay ng tindera ng bakery ang tinapay na binili niya kasama ang sukli.
Kinuha iyon ni Leia at inalok niya si Kenneth. “Gusto niyo po, Sir?”
“Salamat.” Hindi naman ito tumanggi. Kumuha ito ng isang piraso. “Masarap siya,” pagkuwa’y papuri sa tinapay.
“Spanish bread po ang tawag dito,” ani Leia.
“Yeah, I know. Kumakain ako ng ganito noong bata ako.”
“Talaga po?” Na-amaze si Leia. Hindi makapaniwala.
Natawa tuloy si Kenneth. “Oo naman. Ano’ng akala mo sa akin hindi kumakain ng tinapay?”
“Ah, eh…” Namutla na naman siya.
Payak na natawa si Kenneth pagkatapos ay na-cute-an na pinisil ang pisngi niya. “Ang cute mo talaga.”
“Akala ko po kasi ang mayayamang tulad niyo ay hindi kumakain ng mga ganitong klaseng tinapay na nabibili lang sa mga kanto-kanto. Isa pa ay galing po kasi kayong ibang bansa,” kiming paliwanag niya. Mahinhing sinalat din niya ang pisnging kinurot ng binata.
“Of course, we do. Alam mo bang mas nasasarapan pa nga kami sa mga pagkaing ganito kaysa sa mga minsan ay walang lasa na pagkain sa mga restaurant? Kung may lasa naman ay OA naman. Minsan pa’y kulang sa tiyan dahil ang liit ng servings.”
“Weh?” Umalsa ang curiosity sa sistema niya. Napapantastikuhan siyang napatitig sa binata.
“Hindi ka naniniwala?”
“Syempre hindi po. Alam ko naman na masasarap ang pagkain sa mga pangmayamang restaurant. Ang mamahal kaya.”
Muli ay natawa si Kenneth. “Para maniwala ka ay sumama ka sa akin nang hindi ako mukhang imbento lang. Let’s eat? Tamang-tama hindi pa ako kumakain ng tanghalian. Samahan mo ako. May nakita akong restaurant sa malapit.”
Leia felt a surge of excitement streaming through her veins. Gutom pa naman siya kaya natakam siya sa masasarap na pagkain na mga nag-flash sa utak niya. Subalit ipinaalala naman ngayon ng isipan niya na may anak, asawa at biyenan nga pala siyang naghihintay sa kaniya sa loob ng ospital. At malamang mga gutom na dahil ang tagal niyang bumili ng miryenda.
“Salamat, Sir, pero hindi po ako puwede. Kailangan ko na pong bumalik sa mag-ama ko. Hinihintay na po nila itong miryenda nila,” matapat na aniya.
“Is that so,” may panghihinayang na naiwika na lang ng binata.
“Opo, kaya maiwan ko na kayo rito, Sir. Mauna na po ako. Bumisita din kasi iyong biyenan ko sa anak ko.”
“Yeah, sure. Go ahead,” pagpayag naman ni Kenneth. Pumagilid din ito upang mabigyan siya ng daan.
“Sige po, Sir.” Lumakad na si Leia. Nilampasan ang binata, pero natigilan din ito at nilingon sa huling sandali ang amo. “Aabisuhan ko po kayo agad kapag nasabi ko na sa asawa ko ang pagbabalik ko po sa trabaho.”
Lumingon din sa kaniya ito. “Sige lang. Huwag mo munang isipin iyon. Malinis pa naman ang bahay. Take your time dahil mas kailangan ka muna ngayon ni Lacey.”
Tuwang-tuwa siya na marinig iyon. Buti na lang talaga at mabait si Kenneth na amo. Nakakaunawa.
“Sige po,” paalam niya ulit na abo’t abot sa tainga ang kaniyang pagkakangiti. At upang makalayo agad kay Kenneth ay may pagmamadaling tumawid na siya sa kalsada. Walang tingin-tingin kaya naman ay hindi niya napansin na magge-green light na pala ang ilaw ng stoplight.
Huli na nang makita niya ang nagmamadaling kotse. Sumalpok siya at tumilapon. Kasabay ng pagkalat sa kalsada ang mga tinapay na bitbit niya ang pagbagsak ng katawan niya sa kalsada.
“Leiaaaa!” sindak na hiyaw ni Kenneth na walang nagawa kundi ang mapasigaw lamang sa napakabilis na pangyayari.