CHAPTER 23

1276 Words
“Mama, Papa, sorry po,” iyak ng batang si Lacey nang magising. Umiiyak ito dahil sa hapdi ng mga nasunog nitong balat sa katawan at sa nalamang nangyari sa bahay nila. “Hindi mo kailangang mag-sorry, Anak. Wala kang kasalanan,” madamdaming pag-alo ni Leia. Inayos niya ang mga buhok ng anak na tumikwas sa maliit nitong mukha. Iniipit sa likod ng tainga. Hinalikan naman ito sa kamay ni Bryle. “Tama ang mama mo, Lacey. Hayaan mo na ‘yon. Ang mahalaga ay buhay ka, Anak.” Sisinghot-singhot na tiningnan ni Lacey ang ama. “Nagutom po kasi ako. Sinubukan ko pong lutuin ‘yong kaunting bigas. Ginaya ko po kayo pero lumaki po ‘yong apoy.” Nagkatinginan ang mag-asawang Leia at Bryle. Mas tumindi ang awa na naramdaman nila para sa anak nila. Nadurog ang kanilang mga puso. “Anak ko…” Kaysa sisihin ay madamdaming niyakap ni Leia ang anak. Kung bakit kasi mahirap sila? Kung bakit kasi ganito ang buhay nila? Hindi nila gusto na halos araw-araw na lang ay nagugutom ang kanilang anak. “Huwag mo na ‘yung isipin, Anak. Ang mahalaga ay ligtas ka,” garalgal ang tinig na sabi na naman ni Bryle kasabay ang masuyong pagdikit sa kamay ng anak sa kaniyang pisngi. Kung mayroon mas nagi-guilty ay siya ‘yon dahil siya ang nang-iwan sa anak nila dahil lang sa selos niya kay Kenneth. Kung sana nilawakan na lang niya ang isip niya, kung sana naghintay na lang siya kay Leia at nagtiwala, hindi sana ganito ang nangyari sa anak nila at sana may bahay pa silang uuwian. Kasalanan niya ang lahat. Kasalanan na naman niya ang lahat kaya mas naghihirap pa ang kaniyang mag-ina. Wala siyang kuwenta! “Tama ang papa mo, Lacey. Huwag kang mag-alala, maitatayo ulit ng Papa mo ‘yong bahay natin. Basta huwag mo na iyong uulitin. Magpalakas at magkagaling ka,” pagsuyo naman ni Leia sa anak nang kumawala ng yakap. “Opo, Mama, Papa. Sorry po talaga.” Masaya na silang pinapakain ng apple si Lacey nang dumating ang nanay ni Bryle. “Kumusta ang apo ako?” sabi ng may katandaan na ring ina ni Bryle na halatang may deperensa sa mata dahil sa katarata. Pinaupo ni Bryle ang matanda. Magalang na nagmano sa biyenan si Leia. “Awa ng Diyos ay okay na po siya, ‘Nay,” ani Byrle sa ina. “Ang mga paso na lang po niya ang kailangang bantayan para hindi maimpeksyon. Baka bukas o makalawa ay ilalabas na rin po namin siya agad dito.” “Mabuti naman kung gano’n. Aba’y nag-alala ako nang husto.” Hinalikan ng matanda ang noo ng apo. “Huwag na po kayong mag-alala sa ‘kin, Lola. Ayos lang po ako. Minsan mahapdi lang po ang mga sugat ko, pero ayos lang po ako,” bibong sabi naman ni Lacey sa lola niya. “Magpagaling ka, Apo.” Ngumiti ang matanda sa bata. “Eh, paano na kayo ngayon niyan? Saan kayo tutuloy? Balita ko, eh, natupok ng apoy ang bahay niyo? Wala raw natira?” pagkuwa’y baling ulit ng matanda sa mag-asawa. “Bahala na po. Siguro may makikita naman po kami pansamantala na matutuluyan,” si Leia ang sumagot sa kaniyang biyenan. Nalungkot at naawa sa kanila ang matanda “Kung sana ay magkasya tayo sa bahay ay doon na lang sana kayo,” at sabi nito na naluha. Napatingin sa isa’t isa ang mag-asawa. Alam nila na gustong-gusto silang tulungan ng matanda, pero kung gaano ang hirap ng buhay nila ay mas mahirap pa ang mga ito sa kanila. Minsan nga ay namamalimos na kalsada ang nanay ni Bryle dahil simula hindi na sila natutulungan ni Bryle ay lalo pang humirap ang buhay nila. At ang bahay na sinasabi nito ay maliit na bunggalo lang na sobrang dami na ang nakatira dahil doon din nakatira ang dalawang kapatid ni Byrle na may mga asawa at anak na. Sa madaling salita ay siksikan na ang nakatira sa bahay na iyon kaya mas mahihirapan lang silang lahat kung sisiksik din sila, lalo na ang mga bata. At kung sa bahay naman ng mga magulang ni Leia ay open naman sana, kaso ay may sakit na TB ang tatay niya na hindi tuloy-tuloy na naipapagamot dahil sa kawalan ng pera. Umaasa lang ang tatay ni Leia sa gamot na naibibigay ng center, na minsan naman ay nauubusan daw. Mas ayaw nila doon makitira dahil na rin sa ayaw nilang mahawa ang anak nilang si Lacey sa sakit na iyon. Ang isang kapatid naman ni Leia ay nakapag-asawa sa malayong lugar kaya hindi na niya maasahan. “Patawarin niyo kami kung wala man lang kaming maitulong ng mga kuya niyo.” Naluha na ang matanda. Nilapitan ni Leia ang biyenan at hinagud-hagod ang likod. “Ayos lang, ‘Nay. Naiintindihan po namin. Huwag kayong mag-alala, makakaraos din po kaming mag-asawa.” “Kung bakit ba kasi tayong mahihirap pa ang dinadapuan ng mga ganitong klaseng mga problema sa buhay. Sunod-sunod pa. Diyos ko.” Ngunit lalong umiyak na ang matanda sa matinding awa sa kanila. Muli ay nagkatinginan sina Bryle at Leia. Si Leia ay hindi na rin napigilan ang sarili. Tahimik na naluha na rin siya. “Maiwan ko po muna kayo, ‘Nay. Bibili po muna ako ng makakain natin,” garalgal ang tinig na pag-iwas na lang niya nang maramdaman niya ang bigat ng damdamin. Ayaw niyang dagdagan pa ang bigat sa dibdib ng biyenan niya. Tinanguan naman siya ni Bryle. Paglabas ni Leia ay doon na niya hinayaang umiyak ang sarili. Napaupo siya sa baitang ng hagdan. Bakit nga ba? Bakit nga ba kasi na sila pa na mga walang kakayahan sa pera ang minamalas ng ganito? Matatag siya, ang kaso ay napanghihinaan pa rin siya ng loob dahil sunod-sunod na lang. Hindi pa tapos ang isang problema ay nandiyan na naman. Bakit gano’n? Bakit ang unfair ng buhay? Bakit sila na lang lagi ang nagkakaroon ng problema? Bakit sila pa na hirap na hirap na nga ang pinagsasakluban pa lalo ng langit at lupa? Ilang minuto siya na nag-iiyak. Pinagtitinginan na siya ng mga tao na nagdadaan sa hagdanan, pero wala na siyang hiya. Inisip niya na iyon na nga lang ang libre sa mundo, ang umiyak, ipagkakait rin ba sa kaniya? Bumaha pa ang kaniyang luha na halos hindi na siya makahinga. Hindi rin naman nagtagal ay kusa ring pumayapa ang kalooban niya. Namumugto ang mga mata niyang tumayo na. Kailangan na niyang bumili ng miryenda ng biyenan niya. Kailangan niya pa ring magpakatatag para sa anak niya. Mapapagod, iiyak, pero hindi siya susuko para kay Lacey. Lumabas siya ng ospital na buo ulit ang kaniyang loob. Sa labas siya bumili ng miryenda para mas mura. “Ate, huwag mo na pong i-plastic ang isang softdrink. Iinumin ko na po rito,” aniya nang makaramdam siya ng uhaw. “Heto po.” Ibinigay naman agad sa kaniya ang mumurahing inumin. “Salamat,” pasalamat niya’t kinuha iyon. Matapos sumimsim ay inilapag niya ang inumin sa salaming istante ng mga tinapay. Kumuha siya ng pambayad sa kaniyang bulsa. “Bayad ko, Miss,” aniya sa tindera. “Ay!” Subalit nang iaabot na niya ang pambayad ay hindi sinasadyang natabig niya ang botelya. Nahulog at nabasag sa kaniyang paanan. Gulat na gulat at takang-taka si Leia, lalo na nang kakaibang kumabog ang dibdib niya. Alam niya kasi na minsan ay masamang pangitain ang hindi sinasadyang pagkatabig ng babasaging bagay at mabasag. Parehas niyang nangamba ang dalawang pares ng mata na nagmamatyag sa kaniya. At iyon ay si Kenneth na naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD