CHAPTER 28

1164 Words
“Pareng Bryle!” Napalingon si Bryle sa lalaking tumawag sa kaniyang pangalan. Si Oscar na naman pala at kasama si Andong na naging kasamahan din nila sa construction. “Pare!” kaway niya sa mga ito. Ayaw niya sanang lumapit dahil tumatagay sila sa harap ng isang tindahan. Ayaw niya sanang uminom ngayon dahil sa mga problema. “Daan ka na muna saglit dito, pare,” anyaya sa kaniya ni Andong. “Oo nga naman, pare,” segunda ni Oscar. “Sige lang, mga p’re. May lalakarin pa kasi ako,” pagtanggi niya. Kaso ay si Andong na ang lumapit sa kaniya at pinilit siyang dumaan muna sa inuman nila. Pina-shot pa rin siya nito. At napangiwi siya dahil ngayon lang ulit siya nakatikim ng alak mula nagkasakit siya. “Nabalitaan ko ang nangyari sa inyo, ah?” sabi ni Oscar na inalukan din siya ng pulutan nilang adobong paa ng manok. “Sunod-sunod namang dagok ang nangyayari sa inyo ngayon, pare. Ang hirap niyan.” Kumuha siya niyon saka mapait ang naging ngiti. “Hindi ko nga alam bakit ganito. Sobrang minamalas, mga pare,” aniya na napailing-iling. “Eh, kumusta na ang anak mo?” “Okay na siya. Ang kaso ‘yong misis ko naman na ngayon ang problema ko.” “Ano’ng ibig mong sabihin? May nangyari ba kay Leia?” Malungkot na tumango siya at dahil sa sama ng loob ay siya na ang naglagay ng alak sa baso niya at tinungga muna bago sumagot. “Nabanggga kanina, pare, at masama ang lagay. Nakakainis pa dahil tinakasan siya ng driver ng kotseng nakabangga sa kaniya.” Lumaki ang mga mata ni Andong. Pabagsak na nailapag nito ang baso ng alak. “Grabe naman. Kawawa naman ang misis mo. Eh, bakit nandito ka naglalakad-lakad imbes na nando’n ka sa ospital?” “Para na kasi talaga akong mababaliw, pare. Hindi ko matanggap ang mga nangyayari sa pamilya ko.” Naglagay ulit siya ng alak sa baso niya at walang anuman na iyon ay ininom. Sumarap na ang alak sa panlasa niya. Tinapik siya ni Oscar sa balikat. “Magpakatatag ka lang, pare. Tandaan mo, mas kailangan ka ngayon ng asawa at anak mo.” “Oo, pare, dahil kahit naman sino, eh, mababaliw kung ganyan ang mga nangyayari. Mga pagsubok lang ‘yan, malalampasan niyo rin ‘yan,” pampalubag-loob na sabi rin ni Andong. “Hindi ko alam, mga pare. Parang hindi ko na kaya,” aniyang puno ng sama ng loob. “Wala naman kaming ginagawang masama ng misis ko pero puros kamalasan na lang ang napupunta sa amin. Parang mas gusto ko na nga talagang matuluyan na sa pagkabaliw, eh.” “Huwag mong sabihin ‘yan. Sinasabi ko sa ‘yo, pare, mas kawawa ang asawa at anak mo ‘pag natuluyan ka.” “Pero paano nga? Ni wala nga akong alam kung saan ako kukuha ng pera ngayon. Wala akong kuwenta talaga. Isang inutil!” Kumapa sa bulsa si Oscar at ibinigay sa kaniya ang limang daan. “Oh, kahit pangkain niyo lang sa ospital, pare.” “Salamat, pare. Hindi ko hihindian ito,” aniyang kinuha iyon at agad ibinulsa. Sobrang awa ang naramdaman ni Andong sa kaibigan. “Kailangan mo ba talaga ng pera?” Napatingin si Bryle dito. “Oo, pare. Baka may alam kang uutangan?” “Wala, pare, pero may alam akong raket.” Malademonyong ngumisi sa kaniya si Andong. Natigilan si Bryle dahil hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman ang mga katarantadohang raket ni Andong. Noon pa man ay isinasama na siya nito sa grupo nila, pero matatag ang paninindigan niya noon na hinding-hindi niya papakainin sa galing sa masama ang asawa at anak niya kaya tumatanggi siya. “Sama ka na,” bahagyang siko naman ni Oscar sa kaniya upang kumbensihin. “Sasama nga ako, eh.” “Pare, tiba-tiba tayo rito. Kung sasama ka sa amin mamayang gabi ay solve agad ang problema mo,” ingganyo pa sa kaniya ni Andong. Naglipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Ngumisi-ngisi ang mga ito sa kanya at siya nama’y parang nadedemonyo na. Ilang sandali na nawalan ng tinig si Bryle. Naglipat-lipat lamang ang tingin niya sa dalawang kausap. Kaya ba niya? Kaya ba niyang kumapit sa patalim para sa mag-ina niya? Bumuntong-hininga siya’t itinungga ang alak. Hindi niya alam. Hindi siya makapagdesisyon. Isa pa’y tiyak na magagalit sa kaniya si Leia kapag gumawa siya ng masama. Usapan nilang mag-asawa noon pa na kahit na anong mangyari sa buhay nila, kahit kumain na sila ng bato, hindi pa rin sila kakapit sa patalim. Nangako siya kay Leia. “Ganito na lang, pare, kung magbago ang isip mo ay magpunta ka sa kanto trese mamayang gabi. Doon kami magkikita-kita at hihintayin ka namin hanggang alas onse y media,” instruction sa kaniya ni Andong nang hindi na mahintay ang sagot niya. Isang tipid na tango ang ginawa niya bilang sagot. Itinaas naman ni Andong ang kamay para sa high five. Tinugon niya iyon. Nag-apir sila. “Shot!” sabi naman ni Oscar kasabay nang pagtaas ng baso nito. Nag-cheers silang tatlo at sabay-sabay ring tumungga. Pagkatapos ay kung saan-saan na nagtungo ang usapan nila. Pagabi na ng mabuwag ang inuman nila. Balik sa konsomisyon si Bryle na sumakay sa tricycle. Sa bahay ng magulang niya siya nagtungo. “Bryle, buti nandito ka,” anang kapatid niyang si Edgar. Niluwagan agad nito ang luma nilang gate upang mabigyan siya ng daan papasok. “Bakit, Kuya?” tanong niya kahit may naririnig siyang dumadaing ng sakit. “Si Kuya Isagani, sinusumpong ng sakit,” anito. Madali na silang pumasok sa loob ng bahay. At nakita niyang inaalo ng hipag niya ang kaniyang Kuya Isagani. Kawawang-kawawa ang hitsura ng kaniyang kapatid. Ang laki nang ipinayat at hawak nito ang tiyan na idinadaing. “Ano’ng nangyayari?” nabahalang tanong niya. Sa nakitang kalagayan ng kapatid ay animo’y biglang nawala lahat ng alak sa kaniyang ugat. “Masakit daw ang tiyan niya. Hindi kasi siya nadala sa dialysis center kahapon dahil wala kaming pera,” sagot sa kaniya ng hipag niyang si Anna. Mugto ang mga mata nito na malamang gawa ng kakaiyak. Naalala ni Bryle ang perang ibinigay sa kaniya ni Oscar. Kinapa niya iyon at iniabot sa hipag. “Bilhan mo muna ng gamot na puwedeng magpakalma sa tiyan niya.” Nahiyang kinuha iyon ni Anna. “Salamat, Bryle.” Pagkatapos ay lumabas na ito. “Bryle, salamat,” pinilit na magsalita rin ang kaniyang kapatid. “Kaya mo ‘yan, Kuya.” Nginitian niya ito. Lalo pang nadagdagan ang awa niya nang makita niyang namamaga ang paa at binti nito. “M-mawawala rin ito bukas kapag… kapag nakapag-dialysis ako. Magpapadala raw ang… ang kapatid ni Ate Anna mo,” hirap sa pagsasalita na paliwanag sa kaniya ng kapatid. May buntong-hininga na tumango na lang siya dahil tila nadudurog naman ang puso niya. Ang sakit ng lalamunan niya sa pinipigil niyang mga luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD