CHAPTER 29

1492 Words
“Bakit ka pala nandito, Kuya? Si Nanay nagtungo sa ospital para dalawin si Lacey, ah? Hindi ba kayo nagkita doon?” tanong ng kaniyang Kuya Edgar. “Nandoon siya. Pinagbantay ko muna kay Lacey,” ani Bryle. Isang tingin at ngiti muna siya sa isa pang kapatid bago lumabas sa silid. Sa salas niya kinausap ang kaniyang Kuya Edgar tungkol sa totoo niyang sadya. “Nakainom ka ba?” “Napa-shot lang sa kanto,” aniya na hihimas-himas ang batok. “Kung ganoon ay ano’ng problema?” “Ang totoo, Kuya, naghahanap ako ng pera,” pag-amin niya. Nagulat ang kaniyang Kuya Edgar. “Kailangan mo pala ng pera pero bakit mo ibinigay ang limang daan mo kay hipag?” “Ayos lang ‘yon. Makakahanap pa siguro ako,” aniya na napasuklay sa kaniyang buhok. “Pero pagabi na.” “Kailangan ko kasing makagawa ng paraan, Kuya. Si Leia nabangga. Malala ang lagay.” Lumuwa ang mga mata Edgar. “Ay, Diyos ko naman. Panibagong problema na naman gayong hindi pa nga nailalabas si Lacey?” “Ganoon na nga, Kuya.” “Eh, saan ka maghahanap?” “Naisip ko si Tito Dado. Nandiyan kaya siya sa bahay nila?” Nagkibit-balikat si Edgar. “Iyon ang hindi ko alam pero baka.” “Samahan mo ako. Utang tayo. Idamay na rin nating utangan si Kuya Isagani.” “Ang tanong papautangin ka kaya? Ang alam ko malaki na rin ang utang ni Nanay sa kaniya, eh.” Hindi pa man ay parang binagsakan na ng langit si Bryle. “Subukan lang natin,” pero umaasa pa rin niyang sabi. “Kahit konti lang ang mautang natin basta may mautang lang ako. Kailangan ko nang bumalik sa ospital dahil nakakahiya kay Pressy na nagbabantay kay Leia.” “Sige, sige.” Palabas na sana ang magkapatid nang bigla ay makarinig sila ng atungal ng kanilang Kuya Isagani. Napakaripas sila ng takbo pabalik sa silid nito. “Kuya?!” tawag nilang parehas sa kanilang panganay na kapatid. “Ang sakit!” hiyaw ni Isagani. “Dalhin na natin siya sa ospital!” sabi ni Bryle sa kanyang Kuya Edgar. Walang pagdadalawang-isip na binuhat na niya ang kapatid. “Tatawag ako ng taxi!” sang-ayon naman ni Edgar at nagtatakbo na palabas. Nakasalubong nila ang hipag. “Bakit? Saan niyo dadalhin ang Kuya niyo?!” “Nahihirapan na siya, Ate! Dalhin natin sa ospital!” sabi ni Bryle habang pangko-pangko niya ang kapatid. Nag-iiyak na lamang si Anna sa sunod-sunuran. Awa ng Diyos ay sakto lang na nadala nila sa ospital si Edgar. Nailigtas ang buhay nito. “Salamat, Bryle. Salamat sa tulong,” sabi sa kaniya ng hipag nang kalmado na ang sitwasyon. Tinanguan lang niya ito. “Ikaw na muna ang bahala dito. Puntahan ko lang si Leia tapos sina Lacey at Nanay sa ward. Sasabihin ko na rin nandito si Kuya,” si Kuya Edgar niya ang kinausap niya. “Sige,” sang-ayon ulit ni Edgar. Kay bigat ng mga paang naglakad na nga si Bryle na umalis. Ang kaninang pakiramdam niya na may bolang kadena sa isang paa niya na hila-hila niya ay animo’y parehas dalawang paa na niya ngayon ang meron. Panay rin ang buga niya dahil ang bigat-bigat na talaga ng dibdib niya. Ang nanay niya may sakit sa mata, ang anak niya may sunog ang balat, ang kuya niya hirap na hirap sa sakit nito, at si Leia nag-aagaw-buhay. Paano ba? Paano ba ang gagawin niya para matulungan niya ang mga mahal niya sa buhay? T*ng ina! Habang naglalakad ay panay ang himas niya sa kaniyang batok. Stress na stress na siya. Nagbalik lang siya sa huwisyo nang marating niya ang operating room. Laking pagtataka nga lang niya dahil wala na roon sina Pressy at Kenneth. Dahil bigla siyang umalis kanina ay hindi nga pala niya alam kung saan ang silid ng kaniyang asawa. “Miss, iyong babaeng nabangga na inoperahan dito kanina nasaan siya? Ligtas ba siya?” kabadong tanong niya sa staff na lumabas doon. “Ay, wala na pong tao rito. Baka nailipat na po siya sa kuwarto o ward, Sir.” Napabuntong-hininga siya. Nga naman, ano bang in-expect niya? Ilang oras din siyang umalis. Syempre, naoperahan na ang kaniyang asawa. “Ganoon ba? Pero ligtas ba siya, Miss?” “Hindi ko alam, Sir, pero baka po dahil wala naman po akong nabalitaan pa na binawian ngayon ng buhay dito sa OR.” Naginhawaan siyang tumango-tango. “Sir, itanong mo na lang po sa information desk ng ospital kung saan po ang room ng asawa niyo po,” payo sa kaniya ng babae bago siya iniwan. Madali nga niya iyong ginawa at anong pagdidikit ng kaniyang mga kilay nang malaman niyang sa isang private room dinala raw si Leia. Ang gagong Kenneth! Nagpasya na hindi man lang siya tinatanong! Nakatiim-bagang at kuyom na kuyom niyang tinungo ang kuwartong tinukoy ng nurse sa fifth floor. Subalit habang nasa elevator siya ay hindi sinasadyang nahagip ng tingin niya ang oras sa nakabukas na cellphone ng kasabay niyang nakasakay. 10:20 PM ang nabasa niya roong oras. “Hihintayin ka namin hanggang alas onse y media,” tapos ay narinig niya sa isip niyang sabi sa kaniya ni Andong kanina. Muli siyang napaisip. “Pare, tiba-tiba tayo rito. Kung sasama ka sa amin mamayang gabi ay solve agad ang problema mo,” narinig niyang sabi na naman ni Andong sa kaniyang isipan. Napasuklay siya sa kaniyang buhok. Kakapit na ba siya sa patalim? Nagbukas ang pinto ng elevator at nakitangay siya sa naglabasang mga tao. Malalaki ang hakbang niyang hinanap ang sinabing VIP Room na kinaroroonan daw ng kaniyang asawa. Hindi naman siya nahirapan. Nahanap niya agad at doo’y nakita niya si Leia na napakadaming aparato na nakakabit sa katawan nito. Tumutulo ang luha niyang dahan-dahang nilapitan ang asawa. “Leia?” at gumagaralgal ang tinig niyang sambit niya sa pangalan nito. Sa nakikitang kalagayan ng asawa ay alanganin siyang hawakan ito kahit sa kamay. “Ano’ng nangyari sa ‘yo? Bakit nangyari ito sa ‘yo, Mahal?” lumuluhang sabi pa niya. Rumagasa ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Itinakip na lamang niya ang kaniyang palad sa bunganga niya upang hindi siya mapahagulgol. Sinikap niyang pinatatag ang sarili subalit hindi pa rin niya talaga nakayanan ang damdamin. Ang ginawa niya’y niyakap na niya ang asawa. “Sorry, Leia. Sorry hindi kita naprotektahan,” aniyang humahagulgol. Makikita sa pagyugyog ng kaniyang mga balikat ang labis-labis niyang pag-iiyak. Hindi naman nagtagal ay kumawala siya. Nakanganga siyang umayos ng tayo. Sisinghot-singhot at napapatiim-bagang. Awang-awa siya sa babaeng isinumpa niya sa harapan ng Diyos na poprotektahan, aalagaan, at hindi hahayaang masaktan kahit dulo ng darili. Sa hitsura ni Leia na halos lantang gulay, nagpapatunay lamang na nabigo siya sa lahat ng sinabi niya noon sa kanilang wedding vow. Wala talaga siyang kuwentang asawa! “Regular monitoring po, Sir,” untag ng isang nurse na pumasok. Binigyan niya ito ng daan. Lumuluhang tumabi siya. Pinanood niya ang pag-check ng nurse sa vital sign ng kaniyang asawa. Mayamaya ay may kung anong sumuntok sa dibdib niya at nagsabing, ano tutunga na lang ba siya? Panonoorin na lang na naghihirap ang kaniyang asawa? Walang gagawin para masigurong maililigtas ang buhay nito? “Kung sasama ka sa amin mamayang gabi ay solve agad ang problema mo,” nandedemonyong tinig na naman ni Andong na narinig niya sa likod ng kanyang utak. “Okay na po, Sir,” mayamaya ay sabi ng nurse tapos ay lumabas na. Ilang sandali na napatitig pa si Bryle sa mukha ng asawa. Wala siyang naging kilos. Hanggang sa dahan-dahan na ang pagkuyom ng kaniyang mga kamao. Kailangang may gawin siya! Kailangang magkaroon siya ng pera upang matiyak niyang maibibigay lahat ng kakailanganin ni Leia sa ospital! Nilapitan na niya ang asawa at masuyong hinaplos-haplos ang noo nito. Hinalikan na rin ng buong pagmamahal. At minsan pa’y tinitigan. “Aalis lang ako saglit, Mahal, ha? Pero huwag kang mag-alala, babalik ako agad,” pagkuwa’y paalam na niya. Mabigat man sa kalooban niyang iwanan ito kahit saglit lang ay tumalikod na siya’t nagmamadali na ngang nilisan ang lugar. Sampung minuto bago mag-alas onse y media ay narating niya ang kanto kung saan ay hinihintay siya nina Andong, Oscar at dalawang lalaki na makakasama nila. “Akala ko hindi ka na darating, pare,” natuwang sabi sa kaniya ni Andong nang makita siya. “Binantayan ko pa kasi ang asawa ko,” kaila niya. “Pasensya na.” Isang tapik naman sa kaniyang balikat si Oscar. “Ayos lang ‘yan, pare. Tama lang itong gagawin natin. Para ito sa pamilya natin.” Tipid siyang ngumiti sa kumpare at tumango. Sana nga… sana nga ay tama ang naging desisyon niya. Sapagkat ang totoo, labis-labis ang kaba niya sa gagawin nila. Unang pagkakataon na babaliin niya ang paniniwala niya sa batas na minsan ay pinaglingkuran niya ng matapat bilang sundalo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD