Pabalik na sina Pressy at Kenneth sa ospital galing sa isang restaurant. Kanina nang maayos na talaga ang kalagayan ni Leia ay pinilit ni Pressy si Kenneth na kumain muna sila.
Ligtas na raw si Leia ayon sa doktor. Naoperahan na ang isang paa nitong napuruhan sa pagkakabangga. Ang bad news lang ay sinabi ng doktor na baka matatagalan bago makalakad si Leia, worse baka hindi na kahit kailan.
“Kenneth, hindi mo dapat talaga ginawa iyon. Hindi ka dapat nagdesisyon na sa private room ilipat si Leia. Dapat hinintay muna natin si Bryle,” pagtuligsa na naman ni Pressy sa pinsan nang nagpa-park na si Kenneth sa parking lot ng Malvaro Hospital. Sinusubukan pa rin niyang kumbensihin ang binata sa mga maling ginagawa nito. Feeling na yata ni Kenneth ay ito na ang asawa ni Leia kaya kung makaasikaso ay sobra-sobra na, daig pa ang tunay na asawa.
“Hayaan mo na ako, Insan. Ako naman ang magbabayad,” sabi ng binata.
Bumuntong-hininga si Pressy. “Mag-CR muna ako. Mauna ka na.”
“Okay.”
Sa lobby naghiwalay ang magpinsan. Nagtungo nga sa comfort room ng ground floor ng ospital si Pressy at si Kenneth ay sumakay naman sa elevator. Dire-diretso siya sa kuwartong kinuha niya para kay Leia.
Ang hindi niya inasahan ay mararatnan niya roon si Bryle. Yakap-yakap nito ang asawa habang umiiyak.
Kaysa maantig ang kaniyang damdamin ay napatiim-bagang siya. Nagselos siya. Kamuntikan nga niyang sugurin, hablutin at ilayo si Bryle kay Leia.
Ang kapal ng mukha nito para magpakita pa!
Naniningkit ang mga matang napatitig siya sa likod ni Bryle. Hindi maaari ang ganito. Dapat may gawin na siya.
“Aalis lang ako saglit, Mahal, ha? Pero huwag kang mag-alala, babalik ako agad,” napakunot-noo pa si Kenneth nang marinig niyang sabi ni Bryle. Parang nagpapaalam ito kay Leia.
At nang kumilos si Bryle ay bigla siyang alis at tago sa isang pillar. Hindi siya nagpakita kay Bryle. Gayunman ay pasilip-silip siya kaya nakita niya ang nagmamadaling paglisan ni Bryle sa ospital.
Nang lumabas siya sa pinagtataguan ay nahulog sa malalim na pag-iisip si Kenneth. Dinagsa siya ng madaming katanungan. Isa na roon ang kung bakit iniwan ulit ni Bryle si Leia. Saan na naman ito pupunta?
“Bakit nandito ka pa? At sino’ng tinitingnan mo?” ang mga tanong ni Pressy na umuntag sa kaniya.
“Ah, w-wala. Hinihintay lang kita para sabay na tayo,” pagsisinungaling niya. Nauna na siyang pumasok sa kuwarto ni Leia.
Tiningnan ni Kenneth ang tulog pa rin na si Leia tapos ay inasikaso.
“Natatakot talaga ako sa ginagawa mo, Kenneth. Baka hindi mo makayanan kapag sa kabila ng lahat ng ginagawa mo ay mabigo ka,” sabi na naman ni Pressy.
“Hayaan mo na ako, Insan, tutal wala namang kuwenta ang asawa niya. Tingnan mo nga’t hindi pa bumabalik,” pagmamatigas ni Kenneth. Nabuo ang pasya niya na hindi na kailangang malaman ni Pressy na nagbalik si Bryle kanina pero umalis lang ulit.
“Pero paano nga kapag bumalik si Bryle? At nagawan niya ng paraan ang pera?”
“Eh, di bayaran niya ako kasama na ang utang sa akin ni Leia,” kunwa’y wala lang na sagot niya, kahit deep inside ay ramdam niya ang inis. Ano ba ang gagawin niya para hindi na makabalik ang Bryle na ‘yon sa buhay ni Leia?!
Pinakatitigan niya si Leia. Iisipin pa lang niya na babalik ito kay Bryle oras na magising ay nadudurog na ang kaniyang puso. Masayang-masaya na siya ngayon na siya ang nag-aalaga rito. Animo’y nagkaroon na siya ng silbi sa buhay. Nagkaroon ng saysay ulit ang bawat araw na kaniyang paggising.
Hinawakan niya ang kamay Leia at masuyong hinalikan. “Pagaling ka, Leia. I'm just here for you. Waiting for you,” sabi na lang niya muna. Mamaya na lang niya pag-iisipan kung ano ang gagawin.
Wala naman nang sinabi si Pressy. Naiiling na lang ito para sa pinsan. Ayaw man sana nitong konsintihin si Kenneth, pero ano pababayaan na lang din nila si Leia kanina na mamatay? Hindi rin naman niya ‘yon maaatim.
Lumabas muna siya. Hindi siya makahinga. Gulong-gulo siya kaya nagpasya siyang puntahan na lang si Lacey sa charity ward ng ospital.
“Pressy!” subalit ay tawag sa kaniya nang dumating na nanay ni Leia.
“Nanay Linda?”
“Nasaan si Leia, Pressy? Kumusta ang lagay ng anak ko?” Maluha-luha ang ginang na halatang-halata ang kahirapan sa buhay dahil sa hitsura nitong hindi maayos at sobra sa kapayatan.
Lalong parang hindi makahinga si Pressy sa awa sa matanda. “P-paano niyo po nalaman?”
Hindi na napigilan ni Aling Linda ang hindi mapaluha. “Pumunta sa bahay si Bryle kanina. Siya ang nagsabi na nandito ang anak ko na tingnan ko raw at gagawa raw siya ng paraan pambayad dito sa ospital.”
Animo’y sinibat ang puso ni Pressy. Wala sa sariling nayakap niya ang kawawang ina ng kaibigan.
Natigagal si Aling Linda. Takot na takot ito gawa nang pagyakap ni Pressy. Naisip agad ng ginang na may nangyari nang masama sa kaniyang anak.
“Pressy, huwag kang ganyan. Ano’ng nangyari sa anak ko? Sabihin mo na… na ayos lang siya. Sige na, Pressy,” sumamo ni Aling Linda.
“Opo, Nanay Linda, ayos lang po si Leia. Ligtas na po siya sa kapahamakan,” ani Pressy sabay kawala sa pagkakayakap. “Nandiyan po siya. Pasok po tayo.”
“D-diyan ba?” Nagtakang turo ni Aling Linda. “Ba… bakit naman diyan? Mahal diyan, hindi ba?”
Inakbayan ni Pressy ang ginang. “Huwag po kayong mag-alala. May isang tao na mabuti ang kalooban na tumutulong po sa ‘yong anak,” at aniya. Patawarin na lang siya ng Diyos kung nagsisinungaling siya.
“Talaga?”
“Opo. Pasok na po tayo.”
Nanginginig ang buong katawan ni Aling Linda na nagpatianod, at anong panlulumo nito at iyak nang makita na nito ang kalagayan ni Leia.
Nagkatinginan ang magpinsan at nagpasya silang iwanan muna ang mga ito.
“Salamat, Kenneth,” sabi ni Pressy habang palabas sila ng ospital. Nagpasya muna silang magkape sa nakita nilang café.
“Saan?”
“Sa ginagawa mo para kay Leia. Kung wala ka ay hindi ko alam kung paano sila tutulungan. Kilala mo naman ang asawa ko sa higpit sa pera.”
Nagngitian silang magpinsan.
“Pero nasaan na kaya si Bryle? Hating gabi na pero wala pa rin siya,” ani Pressy nang maalala ang asawa ng kaibigan. Sinipat pa niya ang relo sa bisig. Alas dose na nga ng gabi.
“Baka wala pang nahanap.”
“Siguro nga. Kawawa talaga sila.”
Hindi na nagkomento si Kenneth. Walang kaalam-alam ang kausap na mas pinagdadasal nga niyang hindi na sana makabalik pa ang Bryle na iyon.
Nag-change topic na sila. Kung saan-saan na napunta ang usapan nila habang ini-enjoy ang kanilang kape.
“Insan, tingnan mo ‘to,” ala-una ng madaling araw nang may hindi sinasadyang may nakita si Kenneth sa social media.
Isang habulan ng kriminal at mga pulis ang mapapanood sa kapo-post na balita ng kilalang tagapagbalita.
“Ano ‘yan?” tanong ni Pressy na sumilip. At anong gilalas nito nang makita nito si Bryle na kasama ng tatlong lalaki na sukol ng mga pulis.
“Diyos ko, Bryle!” at nasambit ni Pressy dahil ayon sa news, kasama sa nanloob ng isang bangko si Bryle kani-kanina lamang.