"Ano itong ginawa mo, Anak?" Iyak nang iyak ang nanay ni Bryle nang makita ang anak sa kulungan.
Pagkatapos malaman nina Pressy at Kenneth sa social media ang nangyari kay Bryle, na kasama nga ito sa hinuli gawa ng pangho-holdap sa isang bangko ay agad nilang ipinagbigay alam kay Aling Celia na nasa ospital din ng mga oras na iyon. Muntik pang mahimatay ang kawawang ginang sa napakasamang balitang iyon.
“Ganoon na nga ang sitwasyon ng mag-ina, pati na rin pala ang Kuya Isagani mo, nagawa mo pa ito? Paano na sila ngayon, Anak?”
Lungong-lungo si Bryle. Hiyang-hiya siya sa ina. Walang imik na parang batang idinikit ang noo niya sa mga kamay ng ina sa nakakapit sa rehas.
Naawa naman si Aling Celia sa anak. Masuyo niyang inihaplos-haplos ang isa niyang kamay sa ulo nito.
"Hindi ko sinasadya, ‘Nay,” dikawasa’y tinig na ni Bryle.
"Bakit hindi ka man lang nag-isip? Lalo mo lang dinagdagan ang inyong problema? Paano na ngayon ang mag-ina mo? Mas lalo na silang kawawa, Diyos ko," sabi pa ni Aling Celia sa gitna ng paghagulgol nito. Lalong napaiyak ang ginang sa nakikitang pagsisisi ng anak.
"’Nay, gusto ko lang naman sana na makahanap ng pera.” Kahit lalaki’y ragasa ang pagpatak ng mga luha ni Bryle.
"Diyos ko naman, Anak. Sana’y hindi sa ganoon na paraan.” Kulang na lang ay himatayin na ang matanda.
Matagal na nag-iyakan ang mag-ina. Malungkot na nakamasid lang sina Pressy at Kenneth sa mga ito.
"Paano niyo nalaman ang nangyari?" tanong ni Bryle na sisinghot-singhot sa kanila pagkatapos ng dramahan nilang mag-ina.
"Nakita namin sa social media. Naibalita ang ginawa niyo kahit sa f*******:," si Pressy ang sumagot sa kaniya.
Nanlumong napayuko ng ulo si Bryle. Nahiya pa siya lalo, ni hindi siya makatingin ng diretso kay Kenneth. Ang lakas niya laging magyabang pero siya naman pala itong g*go. Isang malaking palpak.
"Paano na ang anak at asawa mo ngayon, Anak?" ulit na tanong na naman ni Aling Celia sa kaniya.
Napahilamos sa kaniyang mukha si Bryle. Ang totoo ay iyon ang kanina pa niya iniiyakan. Ang tanga! Ang tanga-tanga niya talaga para nagpademonyo kay Andong!
“Bakit kung kailan kailangan ka nila ay nangyari ito?” sabi pa ng nanay niya, puno pa rin ng paghihinagpis ang hitsura. Mabuti na lamang at nasa likod nito si Pressy na laging nakaalalay.
Hindi sumagot sa ina si Bryle. Nakayuko lamang siya ng ulo dahil hindi niya talaga alam kung paano na sina Leia at Lacey ngayong nasa likod na siya ng mga rehas.
"Huwag po kayong mag-alala. Ako muna ang bahala sa kanila," mayamaya ay sabad na usapan ni Kenneth.
Salubong ang mga kilay na napatingin si Bryle sa kapwa lalaki.
“Kenneth, huwag muna ngayon,” saway naman ni Pressy sa pinsan.
"Hangga’t nandito ka sa kulungan ay ako muna ang magiging ama ni Lacey at—" patuloy ni Kenneth pero sinadya nitong binitin ang sinasabi.
Awtomatiko ang pagdilim ang mukha ni Bryle. Nasuntok niya ang rehas na namamagitan sa kanila. "Ano’ng sinasabi mong g*go ka?!" saka duro niya kay Kenneth na ang kapal ng mukha. Alam niya ang karugtong ng sinasabi nito, na ito na rin ang magiging asawa pansamantala ni Leia. Bobo siya pero hindi siya tanga.
"Look, Bryle. Wala nang ibang tutulong sa pamilya mo kundi ako,” giit ni Kenneth.
"Kenneth, ano ba?!" pigil na ni Pressy sa pinsan dahil mali na ang sinasabi nito.
“Pati sa kapatid mo. Ako na ang bahala,” dagdag pa ni Kenneth. Ayaw talagang papigil.
"G*go ka talaga! Sinasabi ko na nga ba’t may plano ka talaga sa pamilya ko!” Nagwala na talaga si Bryle. Muntik na niyang mahablot si Kenneth na kung nagkataon ay bubugbogin niya ito sa rehas. Gusto niyang basagin ang pagmumukha nito.
"Gusto ko lang tumulong, pare," seryoso talaga sa sinasabi si Kenneth. "Sige, isipin mo, kanino mo ipapaubaya ang pamilya mo ngayon? Hahayaan mo na lang ba sila na mabulok sa ospital at mamatay? Alam mo bang ang laki na pati ng utang ni Leia sa akin dahil kay Lacey?”
Sa pagkakataong iyon ay nanlaki ang mga namumulang mga mata ni Bryle dahil sa magkahalong galit at pagsisisi.
“At alam mo rin ba ang tungkol sa pambabasag mo ng kotse nang baliw-baliwan ka? Ako rin ang nagbayad niyon dahil ginigipit na si Leia.” Ngumisi si Kenneteh. “Oo, Pare, sobrang laki ng utang na pera at utang na loob niyo sa akin na mag-asawa.”
“Diyos ko.” Nanghina na talaga ang mga tuhod ng nanay ni Bryle sa nalaman din.
“Huminahon lang po kayo,” pag-alo rito ni Pressy. “Puwede ba, Kenneth! Tama na!” tapos ay galit na sita sa pinsan.
Kahit tumutulo naman na ulit ang mga luha ni Bryle ay masama pa rin ang tingin niya kay Kenneth. Halos magkabasag-basag ang mga ngipin niya sa ngitngit at madurog sa mga kamao niya ang mga hawak na rehas.
“What if singilin din kita ngayon? Ano’ng ibabayad mo? Gusto mo idemanda ko kayo para madagdagan pa ang sintensya mo at lalong hindi mo na makasama ang pamilya mo?” sabi pa ni Kenneth.
“Sabing tama na, Kenneth!” bulyaw na ni Pressy, hindi na nakatiis sa ginagawang pamba-blackmail ng pinsan kay Bryle. Patung-patong na nga ang problema ng tao ay ginagatungan pa. “Halika na! Umalis na tayo!" pagkuwa’y hila niya sa pinsan. "Aling Celia, sa labas na namin kayo hihintayin.”
Nagpahila naman si Kenneth, pero bago ang lahat ay may iniwan muna siyang salita kay Bryle. "Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko, pare. Ako muna ang bahala sa kanila o hahayaan ko na lang sila? The choice is yours.”
“Halika na!” Hinila na talaga ni Pressy ang pinsan.
Pagdating nila sa labas ng kulungan ay nagtatawa roon na parang baliw si Kenneth.
"Ikaw! Nababaliw ka na talaga!" hampas ni Pressy sa balikat ng pinsan. Totoong galit na siya rito.
"Insan, sorry. Masaya lang ako!”
"Masaya? Masaya ka dahil naghihirap nang husto ang pamilya ni Bryle tapos ginigipit mo pa?! Gano’n ba?! Tao ka pa ba, ha?!”
"No, that’s not what I meant, insan. Masaya lang ako dahil mapapasaakin na talaga si Leia.”
"’Yon na rin ‘yon!" Lumakas pa ang boses ni Pressy. Hindi na niya kaya ang gustong mangyari ni Kenneth. Ayaw na rin nito na nakikitang nababalot na ito ng kasamaan dahil lang sa baluktot na nararamdaman nito para kay Leia.
"Don’t blame me, insan. Wala naman akong ginawa. Si Bryle mismo ang gumawa nito. Ibig sabihin ay tadhana na na mismo ang gumagawa ng paraan para makasama ko si Leia.”
Sunod-sunod ang naging iling ni Pressy sa pinsan. "Ewan ko sa ‘yo!"