CHAPTER 14

1342 Words
"Papa, hindi pa ba tayo kakain?" nakalabing tanong ng batang si Lacey kay Bryle. Umaga na kaya gising na ang kaniyang anak ngunit wala pa rin ang kaniyang asawa. Hindi pa rin umuuwi. Napatingin si Bryle sa bata. Wala pa siyang tulog dahil hinihintay pa rin niya ang asawa. At hindi pa rin siya nakaluto dahil wala naman siyang perang pambili. Yumukod siya sa harap ng anak at masuyong hinawakan sa magkabilang balikat. "Saglit lang, Anak, ah? Wala pa kasi ang mama mo, eh.” "Nasaan po si Mama, Papa?" "Uhm..." Hindi niya masagot ang anak. Lihim na napatiim-bagang na lang siya. Nagngitngit ang mga ngipin niya. Kanina pa siya galit o tamang sabihin ay kagabi pa siya galit dahil sa hindi pag-uwi ng asawa. "Hindi ba umuwi si Mama, Papa?" "Syempre umuwi ang mama mo kanina, Anak, pero maaga lang umalis. Pumasok na siya sa trabaho ulit. Nag-kiss nga siya kaso tulog ka pa, eh,” mabilis na pagtatakip din niya sa asawa. Ayaw niyang mag-isip ng kung ano ang anak nila. "Ganito na lang. Doon ka muna sa kuwarto tapos ay bibili ako ng pagkain. Okay ba ‘yon?" Ngumiti ang bata. "Sige po, Papa." "Huwag kang lalabas ng bahay, ha? Hintayin mo lang ako." "Opo, Papa.” Ginulo niya ang buhok sa tuktok ng anak. Buti na lang at mabait si Lacey. Maliban kapag nagugutom ito ay wala siyang nagiging problema rito. "Sige na pasok ka ulit sa kuwarto. Hintayin mo ako doon.” "Opo, Papa." At nagtatakbo na ang bata sa loob. Isang napakalalim na buntong-hininga naman ang pinakawalan ni Bryle. Sapilitang pinakalma niya ang sarili. At upang hindi siya makagawa ng pagsisisihan na naman niya ay madaling ininom niya muna ang natitirang gamot niya bago siya lumabas ng bahay. Ang problema, kahit nakainom na siya ng gamot ay ayun pa rin ang galit niya sa asawa niya, nagdadagsaan pa rin sa dibdib niya. Ayaw kumalma ng puso niya. Sobra pa rin kung makatahip. Nagagalit pa rin siya. Isinunot na niya ang sumbrero at naninigkit ang mga mata niya na naglakad paalis. Kuyom na kuyom niya ang mga palad. Kung ano ang nasa isip niya ay hindi na mailarawan dahil kung anu-ano na talaga ang tumatakbo sa isip niya. Ngayon siya nagsisisi bakit hindi pa niya sinita ang boss ng asawa niya kahapong inihatid nito sa bahay si Leia. Ayaw niya sanang mag-isip ng masama tulad ng sinasabi sa kaniya ni Leia, pero sa ngayon ay hindi na talaga niya maiwasan. Sino’ng matinong asawa ang hindi uuwi ng bahay nila? Pakiramdam niya ay nagkabali-baligtad ang mga laman-loob niya dahil sa pag-atake ng selos. T*ng ina! Kina Pressy. Sa bahay nina Pressy ang naisip niyang puntahan dahil hindi niya pa alam ang bahay ng Kenneth na iyon. Malalakas na katok ang ginawa niya sa gate ng bahay nina Pressy nang makarating siya roon. "Bryle? Bakit naparito ka?” takhang tanong sa kaniya ni Pressy nang mapagbuksan siya nito. Pigil na pigil ni Bryle ang galit. Ngayon pa lang ay gusto na niyang magwala pero dahil malaki ang respeto niya kay Pressy at sa asawa nito ay pinilit niyang maging mahinahon. Kahit alam niyang pinsan ni Pressy ang Kenneth na iyon ay hindi niya dapat sila idamay anumang nabubuong problema sa pagitan nilang tatlo ni Leia. "May problema ba, Bryle?” ulit na tanong ni Pressy dahil hindi siya agad nakapagsalita. "Uhm, w-wala naman," mahinahong sagot niya kahit na parang sasabog na ang dibdib niya. Mabuti na lamang at naisipan niyang uminom kanina ng gamot. "Pressy, puwede mo ba akong samahan? Sunduin natin si Leia sa bahay ng pinsan mo.” "Huh?! Bakit? Ano’ng nangyari kay Leia?" Lalong nagtaka si Pressy. Awtomatiko ang pagkagat ng panic sa sistema nito. "Pressy, hindi kasi umuwi kagabi ang asawa ko," madiin at puno ng poot ang tinig ni Bryle. Nanlaki na talaga ang mga mata ni Pressy. "Sigurado ka ba?" "Oo. Katunayan wala pa akong tulog kakahintay sa kaniya. Nag-alala na ako sa asawa ko kaya sana samahan mo ako para sunduin siya.” “Sige, sige, tara.” Hindi na nakipagtalo o nagtanong si Pressy. Kitang-kita na rin kasi nito ang matinding galit ni Bryle na pilit lamang nilalabanan. "Saglit lang at kukunin ko lang ‘yong bag ko at susi ng kotse. Hintayin mo ako rito. Relax ka lang, ha?” “Sige.” Hindi naman nagtagal ay nakabalik din si Pressy. “Let’s go.” Tumango siya at walang imik na sumunod sa kaibigan ng asawa. “Oh, bakit diyan ka pa sasakay. Dito ka na sa harap,” sita nga lang nito sa kaniya nang akmang sa likod na upuan ng kotse ang bubuksan niyang pinto. “Pero—” Ayaw niya sana sa harapan umupo dahil hindi naman sila ganoong ka-close ni Pressy. “Bryle, hindi mo ako driver,” biro nito. Tipid na napangiti siya. “Ayos lang ba? Baka mabaho ako o madumi ako na tumabi sa iyo dahil wala pa akong ligo? Nakakahiya sa ‘yo.” “Ano ka ba? Ngayon ka pa ba nahihiya? Saka parehas lang naman tayo na hindi pa nakaligo. Ang aga-aga pa kaya.” Napakamot siya sa kaniyang batok. “Pasensya ka na talaga sa abala. Hindi lang kasi ako mapakali na hindi umuwi si Leia.” “Normal lang naman ‘yan. Kahit sino ay magtataka at mangangamba kapag hindi umuwi ang asawa kaya ayos lang. Naiintindihan kita.” Nagbuga na lang siya ng hangin. “Siya, tara na. Sakay na,” untag pa sa kaniya si Pressy. Hindi na nag-inarte pa si Bryle. Sa may harapan na nga siya sumakay. Tabi sila ni Pressy na siyang nagmaneho. Gayunman ay wala na silang imikan. Habang nakatutok si Pressy sa kalsada, siya naman ay panay ang buntong-hininga. Napapapikit din siya panaka-naka. Nalulunod siya sa samu’t saring emosyon. Nabibingi na siya sa lakas ng t***k ng puso niya. “Wala lang sana akong makikita na hindi ko magugustuhan sa bahay ng pinsan mo, Pressy, dahil tiyak na makakapatay ako ng tao,” mayamaya ay nagbababalang saad niya sa katabi. “Huwag ka munang mag-advance na mag-isip, Bryle. Mabait ang pinsan ko. Ano man ang itinatakbo ng isip mo ay natitiyak kong mali,” pakiusap naman sa kaniya ni Pressy. “Sana nga,” tipid niyang sabi. Halos bumaon ang mga kuko niya sa sariling palad niya sa tindi ng pagkakamao niya. Sa puntong iyon nag-init na pati ang sulok ng kaniyang mga mata sa labis na inis at sama ng loob. Ibinitaw ni Pressy ang isang kamay sa manibela at magaang itinapik-tapik sa balikat niya. “Hindi bale at malapit na tayo. Malalaman na natin ang dahilan kung bakit hindi siya nakauwi. Kumalma ka muna, okay?” Wala siyang naging tugon. Ni ang ngumiti o tumango ay wala. Sandaling namayani ulit ang nakabibinging katahimikan. Tanging ang tunog ng makina ng umaandar na kotse ang naririnig. After a moment, Bryle sucked in his breath and ran his fingers through his hair. Sinunod nga niya ang ipinayo ni Pressy; ang kumalma. “Nandito na tayo,” mayamaya lang ay sabi sa kaniya ni Pressy kasabay nang pagtigil ng kotse sa tapat ng malaking gate ng isang magarang bahay. Sa klase ng bahay meron ang amo ng kaniyang asawa ay nagpapatunay na hindi lang may kaya ang lalaki kundi mukhang ubod ng yaman. Magkaganupaman, wala siyang pakialam kung limpak-limpak ang pera ni Kenneth. Natitiyak pa rin niya na makakapatay siya ng tao oras na may makita siyang hindi niya magugustuhan. Nauna pa siyang bumaba kay Pressy. “Leia?! Leia?!” tawag niya. Siya na pati ang bumulabog sa gate. “May susi ako, Bryle,” pigil sa kaniya ni Pressy bago pa man sila makaagaw ng atensyon ng ibang tao o ng mga kapitbahay. “Buksan mo bilis,” aniya na tumabi. Ginawa naman iyon ni Pressy at wala siyang inaksayang oras. Dali-dali siyang pumasok sa malaking bahay. Ang hitsura niya’y parang susugod siya sa giyera. “Leia!” malakas na malakas na tawag niya sa kaniyang asawa pagkapasok niya sa main door.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD