Nang muling magising si Leia ay medyo kalmado na siya. Umiiyak pa rin man dahil sa nalaman niyang pag-iwan sa kanila ni Bryle ay tahimik na lang siya habang lumuluha, hindi katulad noong unang nagising siya na hagulgol talaga at nagwawala siya.
"Don’t worry, Leia, nandito lang ako. Hindi ko kayo pababayan ni Lacey," pampalubag-loob sa kaniya ni Kenneth.
Tumingin lang si Leia sa binata. Gusto niyang sabihin na hindi ito ang kailangan niya. Ang kailangan niya ay ang asawa niya, pero hindi niya ginawa dahil ayon sa sabi sa kaniya ng nanay niyang si Aling Linda ay ito ang sumuporta sa kanila ni Lacey noong nanganganib ang buhay niya. Ito rin daw ang gumastos at nag-asikaso ng lahat ng pangangailangan nilang mag-ina sa ospital.
"Siya na ang tumayong ama at asawa sa inyo simula nang parang naglahong parang bula si Bryle, Leia. Utang natin ang lahat sa kanya. Ang buhay niyong mag-ina pati na ang mga gastusin dahil wala rin pa lang kuwentang lalaki ang asawa mo na iyon. Baliw na talaga siya para iwanan niya kayo sa ganitong sitwasyon," sabi kanina ng nanay niya sa kaniya.
Ibinaling na lang ni Leia sa ibang banda ang tingin niya. Hindi na naman niya mapigilan ang kaniyang pagluha. Tuloy-tuloy ang pagtulo niyon. Hindi pa rin siya makapaniwala na ginawa iyon sa kanila ni Bryle.
Nasa’n na ito?
Bakit sila pinabayaan?
Bakit ngayon pa na ganito ang sitwasyon niya. Sitwasyon na baka hindi na raw siya makakalakad ayon sa sabi ng doktor niya kanina nang masinsinan siyang kinausap. Ang isa pa sa ikinabibigat ng kaniyang kalooban.
Gayunman, wala siyang pakialam sa bagay na iyon. Kung ito ang kapalaran niya, ang maging disabled na siya ay tatanggapin niya. Wala rin naman siyang magagawa.
Ang ikinasasama ng loob lang talaga niya ay ang pag-iwan daw sa kanila ni Bryle. Ayaw niyang maniwala. Ayaw niya sanang maniwala sa mga pinagsasabi ng mga taong nasa paligid niya dahil kilala niya ang kaniyang asawa, na noon nga na hirap na hirap din sila ay hindi sumuko sa kanila si Bryle, ngayon pa kaya?
Subalit ang tanong niya, paano maipapaliwanag na wala ito ngayon sa tabi nilang mag-ina?
Nasaan ito?
Bakit wala ito?
"Leia, nagtanong-tanong na rin kami sa mga tao pero wala talagang makapagturo kung nasa’n ang anak ko. Pasensya ka na, Leia, kung pinabayaan kayo ng anak ko. Sana ay mapatawad mo siya," sabi rin sa kaniya ni Aling Celia na siya ring ipinagtataka niya. Bakit pati ito na ina ni Bryle ay sinasabi rin nitong iniwan na sila ni Bryle? Dapat na rin ba siyang maniwala?
Lalong rumagasa ang luha niya sa kaniyang mga mata. "Bryle, bakit? Bakit mo kami pinabayaan? Bakit mo kami iniwan? Akala ko ba sa hirap at ginhawa tayo?" tapos ay madamdaming usal niya sa isip niya.
Pinabayaan na siya sa kaniyang pananahimik.
Hanggang sa dumating na rin si Pressy. "Kumusta ka, Leia?”
Hindi niya ito sinagot.
"Sorry sa nangyari. Pero huwag kang mag-alala, alam ko babalik din siya. Babalik si Bryle sa inyo. Siguro ay natakot o naguluhan lang siya sa mga nangyayari na sa buhay niyo.”
“Pero paano kung tuluyan siyang sumuko, Pressy?”
“Huwag kang mag-isip ng ganyan. Hindi iyon magagawa sa inyo ni Bryle. Ikaw ang mas nakakaalam niyon.”
Tumulo ulit ang mga luha niya na tumango sa kaibigan. Madaming kuwento sa kaniya si Pressy. Na ganoon, ganyan pero parang wala siyang naririnig. Ayaw talagang maniwala ng puso niya na iniwan na lang sila basta-basta ni Bryle. Nararamdaman niyang may mali. Pero ano nga kaya ang mali?
Mayamaya pa’y si Lacey na ang ipinasok ni Aling Celia sa silid niya. Na-discharge na ito sa ospital, sa tulong ulit syempre ni Kenneth daw, kaya maaari na itong pumunta sa silid niya. Sariwa pa ang mga sugat nito gawa ng sunog pero hindi na ganoon kadelikado.
“Mama!”
“Lacey!” Sobrang higpit na niyakap niya ang kaniyang anak.
"Okay ka lang ba, Mama?" tanong sa kaniya nito.
"Okay lang, Anak. Ikaw? Hindi na ba masakit ang mga paso mo?"
"Mahapdi po minsan at makati pero okay lang po, Mama.”
Nginitian niya ang anak. Pinilit niyang hindi umiyak para maipakita sa anak niya na matatag siya kahit iniwan na sila ni Bryle.
Isa-isang nagsilabasan muna sina Kenneth, Aling Linda, Aling Celia at Pressy sa silid na iyon para bigyang privacy ang mag-ina at para na rin makapag-usap-usap sila.
"Hindi ko talaga alam kung tama ‘tong ginagawa natin, Kenneth. Parang mas nakakaaawa sila sa ginagawa natin,” nababahalang panimula ni Pressy.
"Ito na lang ang paraan para mapabuti pa rin ang lagay nila kahit nakakulong si Bryle. Mas nakakaawa sila kung wala ako sa tabi nila. Willing naman ako na maging asawa at ama muna kaya walang problema. Wala tayong ginagawang masama,” kaso ay giit pa rin ni Kenneth sa gusto nitong mangyari.
"Pero paano kung hindi papayag si Leia sa mga gusto mo Kenneth?" si Aling Linda, nasa tono nito na parang gusto nang magsisi sa pagsang-ayon sa mga balak ng binata.
"Kaya nga po kayo nandiyan, ‘di ba? Kayo ang nanay niya kaya alam ko kayo ang didinggin niya,” sagot dito ni Kenneth.
"Pero paano kung mas gustong hanapin ni Leia ang asawa niya?" si Pressy ulit.
"Naisip ko na ‘yon. Nagawa na ng paraan ni Anna,” sagot ni Kenneth.
“Anna?” naibulalas ni Aling Linda. Pagkuwa’y salubong ang mga kilay na napatingin ito sa balae. “Pati si Anna, na asawa ni Isagani, may alam dito?” tapos ay kinikilabutan nitong tanong.
Nagyuko lamang ng ulo si Aling Celia.
“Oo, Aling Linda, dahil ako ang gumagawa ng paraan para madugtungan ang buhay ng kaniyang asawa,” si Kenneth ang sumagot.
“Diyos ko!” Kamuntikan nang mabuwal si Aling Linda. Awang-awa siya sa anak na binibilog nila ng ulo dahil lang sa pera at tulong na naibibigay sa kanila ni Kenneth.
“Kalma lang po, Aling Linda.” Mabuti na lamang at naalalayan ito ni Pressy.
"Pumunta si Anna sa lugar niyo at lahat ng tao doon na nakakaalam sa nangyari kay Bryle ay nabayaran na niya at nasabihan na raw niyang hindi sila magsasalita oras na magtanong sa kanila si Leia kaya wala na tayong problema,” kuwento pa ni Kenneth.
Napanganga ang tatlong kausap ni Kenneth. Hindi sila makapaniwala na talaga sa ginagawa ng binata.
Hindi rin sila sang-ayon ulit sana pero sa huli ay naging pipi silang tatlo, lalo na ang dalawang matanda.
Ang binata pa rin ang nasunod dahil parang tau-tauhan na lamang sina Aling Linda at Aling Celia kay Kenneth. Para sa kapakanan nina Leia at Lacey ay parehas nagbubulagbulagan ang dalawang matanda. Hindi rin naman sila makaalma dahil ang laki na ng utang na loob nila kay Kenneth.
“Hindi ko pa rin po naigagalaw ang mga paa ko, ‘Nay? Mukhang pilay na nga talaga ako,” pag-iiyak na naman ni Leia kinabukasan.
“Kumalma ka, Anak. Sandali lang at tatawagin ko ang doktor,” sabi ni Aling Linda.
Sa kasamaang palad, kung ano ang sinabi sa kaniya ng doktor kahapon ay ganoon pa rin ang sinabi nito, na pansamantala muna itong hindi makakalakad o hindi na makakalakad kung hindi magagawan ng paraan.
Tanggap na niya pero parang pinagsakluban ng langit at lupa si Leia. Umiyak na naman siya nang umiyak.
Lihim na nasiyahan naman si Kenneth. Mukhang nasulusyunan na talaga ang problema niya tungkol sa pinapangambahan niya na baka hahanapin ni Leia si Bryle. Hindi na mahahanap ni Leia si Bryle dahil pilay na ito.
“Nanay, hindi maaari ito. Paano na si Lacey kung mapipilay ako nang tuluyan? Wala na nga si Bryle ay ganito pa ako. Paano na ang anak ko?” iyak ni Leia sa kaniyang ina.
Awang-awa naman si Aling Linda sa anak pero wala itong sinabi. Hinagud-hagod lang nito ang likod ng anak.
“Leia, nandito lang ako. Hindi ko kayo pababayaan ni Lacey,” masuyong sabi naman na rito ni Kenneth. “At saka sabi naman doktor ay makakalad ka pa rin. Kukuha ako ng kahit ilang therapist para makalakad ka lang ulit. Ako’ng bahala, Leia. Huwag ka nang umiyak.”
Subalit lalong nag-iiyak si Leia. Hindi dapat kasi si Kenneth ang nagsasabi niyon sa kaniya, dapat ang asawa niya, dapat si Bryle.