Paglabas ni Kenneth sa temporary detention kung saan pansamantalang nakakulong si Bryle habang dinidinig ang kaso nito ay daig pa niya ang nanalo ng lotto. Sisipol-sipol siya na sumakay sa kotse niya at pinaandar iyon pabalik na sa ospital kung nasaan sina Lacey at Leia.
"Huwag kang mag-alala, Bryle, dahil magiging maligaya sa piling ko si Leia. Sisiguraduhin ko iyon sa ‘yo," at paulit ulit ding usal nito sa sarili. Animo’y nababaliw na rin siya sa sobrang kasiyahan. Kaniya na nga talaga si Leia. Kaniyang-kaniya na dahil parang ipinaubaya na rin sa kaniya ni Bryle ito. Nanalo na siya kahit wala pa siyang ginagawa. Mukhang kakampi na nga niya talaga ang langit ngayon.
Pagdating niya sa ospital ay diretso muna siya sa kuwarto ni Lacey. Ngayon pa lang ay gusto na niyang maging ama ng bata, at kahit paano ay sensero siya. Totoong magaan ang loob niya kay Lacey at malamang iyon ay dahil napakatagal na walang bata sa pamilya niya. Ang Ate Shelly at Kuya Marvin niya kasi ay wala pang anak kaya never pa siya nagkaroon ng pamangkin.
"Hi," masayang bati niya sa bata nang makita niya ito.
"Tito Kenneth!" Masiglang yumakap naman sa kaniya ito. "Sa akin po ‘yan, ‘di ba?" at inunahan pa siya sa barbie doll.
Ngiting-ngiti si Kenneth na ibinigay na iyon. "Nagustuhan mo ba?"
"Opo. Thank you po, Tito Kenneth. Ang tagal ko nang nagpapabili ng ganito kay papa, eh." Tuwang-tuwa na niyakap ni Lacey ang manika.
Masayang hinaplos naman ni Kenneth ang mahaba at maitim na mga buhok ng bata. Hanggang sa mapansin niyang wala pa lang kasama si Lacey sa kuwarto.
"Nasaan ang lola mo?" tanong niya rito.
Hindi na kinailangang sumagot ng bata dahil humahangos na dumating na si Aling Celia.
"Bakit niyo naman po iniiwan si Lacey na mag-isa?" kompronta agad ni Kenneth sa matanda.
"Eh, kasi si Leia…"
Awtomatiko ang pagkunot ng noo ni Kenneth. Kinabahan siya bigla. "A-ano po’ng nangyari kay Leia?"
"Kenneth, nagising na siya.”
Agad na napalitan ng kasiyahan ang kabang naramdaman niya sa sinabing iyon ni Aling Celia. Walang sali-salita’y tinakbo na niya ang patungong silid ng magiging asawa niya. Ni hindi na siya nakapagpaalam kay Lacey.
Ang saya-saya niya na tumatakbo sa hallway. Ngiting-ngiti rin siya na sumakay sa elevator.
"Leia?!" Pagdating naman niya sa VIP room ni Leia ay excited niyang pabalibag na binuksan ang pinto.
At tama si Aling Celia, gising na nga si Leia. Gising na ang babaeng pinakamamahal niya. Subalit ang ngiti niya unti-unting nabura nang makita niya ang kondisyon ni Leia.
"Nasaan si Bryle?! Nasaan ang asawa ko?!" ang paulit-ulit nito kasing sinasabi. Nagwawala si Leia at iyak nang iyak habang hinahanap ang asawa nito.
"Anak, tahan na. Huminahon ka," at paulit-ulit ding alo ni Aling Linda sa anak. Kasama ang dalawang nurse na lalaki na pumipigil kay Leia.
Pakiramdam ni Kenneth ay sinasaksak ang dibdib niya ng paulit-ulit sa nasasaksihan. Ang tanga kasi niya pala. Umasa siya na pangalan niya ang tatawagin ni Leia oras na gumising ito. Hindi niya naisip ang reyalidad na talagang si Bryle ang hahanapin nito agad dahil si Bryle nga ang asawa nito at hindi siya.
"Bryle! Bryle, nasaan ka?!" palahaw pa rin ni Leia. Hirap na hirap si Aling Linda na payapain ang anak.
Hanggang sa dumating na ang tinawag na doktor at tinurukan ng gamot si Leia na siyang muling nagpatulog dito.
"Okay lang po siya. Pampakalma at pampatulog po ang tinurok po sa kaniya," paliwanag ng doktor kay Aling Linda.
"Maraming salamat po, Doc."
"Babalik na lang po ako. At tawagin niyo na lang po ulit ako ‘pag muli siyang magising."
"Sige po, Doc.”
Wala na ang doktor pero katahimikan pa rin ang namamayani sa silid dahil si Kenneth ay parang natulos na ito sa kinatatayuan habang dismayado ang mukhang nakatingin sa payapa na ulit na natutulog na si Leia.
Inayos-ayos muna ni Aling Linda ang anak pagkuwa’y ito na ang unang nagsalita. "Hindi naman siya nagwala agad nang magising siya. Natuwa pa nga siya nang sinabi kong makakalabas na ng ospital si Lacey bukas."
Dahan-dahang napatingin si Kenneth sa mukha ni Aling Linda, at muli ay napaiyak ang ginang.
"Ang kaso ay hinanap niya kasi ang asawa niya tapos—" garalgal ang tinig na patuloy sana nitong sabi pero hindi naituloy gawa nang nagsikip nitong dibdib.
Nakusot ang guwapong mukha ni Kenneth. "Ano’ng sinabi mo sa kaniya?"
Nagpunas muna ng kaniyang mga luha si Aling Linda. "S-sinabi ko ang sinabi mo na dapat kong sabihin oras na magising siya.”
Napahugot nang malalim na buntong-hininga si Kenneth. Kahit paano ay natuwa siya.
Lumanghap din ng hangin si Aling Linda. Kinakapus na kasi ito sa paghinga dahil sa mga dinidibdib nito. Alam ng Diyos, kung papipiliin ang ginang ay si Bryle pa rin ang gusto nito para sa anak, pero ano’ng magagawa niya? Katulad ng balae niyang si Celia ay wala rin naman itong magagawa para sa sitwasyon ngayon ng mag-asawa. Ang laki-laki na ng utang nila kay Kenneth, sa pera at utang na loob, kaya kahit masakit sa kanila ay pikit-mata na lang nilang inaayunan ang gusto ni Kenneth.
Nag-uusap silang magbalae kanina bago nagising si Leia. At iyon nga ang napagdesisyunan nila kahit labag sa kalooban nila na ipaubaya na ang mag-ina kay Kenneth. Ang sabi nila’y bahala na ang mangyayari kapag nakalabas sa kulungan si Bryle. Ang mahalaga muna ngayon ay ang mailigtas ang buhay nina Lacey at lalo na ni Leia. Ang mabayaran lahat ng hospital bills.
"Ano’ng sinabi mo sa kaniya? Linawin mo po, Aling Linda," untag na tanong pa ni Kenneth sa ginang. Gusto niyang makasiguro.
"Si-sinabi ko ang… ang sinabi mo na iniwan na sila ni Bryle. Na… na mula nang maaksidente siya ay hindi na natin nakita pa si Bryle... at ayun, ayaw niyang maniwala kaya nagwala siya. Hindi raw magagawa iyon sa kanila ni Bryle.”
Natigilan si Kenneth, pero saglit na saglit lang ay napangiti na siya kay Aling Linda. “Salamat po. Tama po. Tama po ang sinabi niyo sa kaniya. Huwag po kayong mag-alala dahil titiyakin ko at ipinapangako ko sa inyo na ngayon lang iiyak at mahihirapan si Leia. Once we're together, I will make sure she won't suffer anymore.”
Tigmak ng luha ang mga matang tumango ang ginang.
Nilapitan naman na ni Kenneth si Leia at buong pagmamahal na hinalikan ito sa noo.
"Pero, iho, paano si Bryle?" may pangambang tanong ni Aling Linda. “Paano kapag nalaman niya ang ginawa nating ito?”
"Wala na po kayong dapat ipag-alala. Ang totoo ay galing ako sa kaniya. Dinalaw ko po siya at okay na po ang lahat, ipinauubaya na niya sa akin ang mag-ina niya.”
“Totoo ba?” Hindi makapaniwala ang ginang.
“Opo. Wala rin naman siyang magagawa.”
Medyo nakahinga nang maluwag si Aling Linda kahit na hindi talaga siya makapaniwala na nagawa ngang ipasa na ni Bryle ang pagiging ama at asawa nito kay Kenneth. Parang ang imposible. Alam niya kung gaano kamahal ng kaniyang manugang ang kaniyang anak at apo.
Pumasok agad sa isip nito na dalawin din ang manugang sa detention, subalit iniisip pa lang niya iyon ay wala na siyang mukha na ihaharap kay Bryle.
"Siguro na-realize niya rin na kawawa ang anak at asawa niya kung magmamatigas siya sa ‘kin," sabi pa ni Kenneth. Likod ng kamay naman ni Leia ang hinalikan nito.
"O-okay na pala ang lahat kung ganoon. Ang problema na lang natin ay si Leia,” napilitang komento ni Aling Linda.
"Wala po kayong dapat ipag-alala, ako na pong bahala sa kaniya at ipinapangako ko po sa inyo ibibigay ko ang lahat nang hindi naibigay sa kanila ni Bryle. Natitiyak ko na magugustuhan din niya ako.”
Napatango-tango na lang ulit si Aling Linda, hindi na siya nagkomento pa. Sana lang ay tama itong pagkonsinti niya sa binata. Sana ay hindi siya nagkakasala sa mag-asawa.
"Siya nga po pala kapag dumating ang mommy ko ay dadalhin ko na sila ni Lacey sa probinsya namin," wika ulit ni Kenneth.
Nagpamaang iyon kay Aling Linda. "Ilalayo mo ang anak at apo ko sa amin?"
Ngumiti si Kenneth. "Kailangan po at sana maintindihan niyo."
"Pero—" Kokontra sana si Aling Linda pero wala siyang lakas ng loob. Ang tingin na niya ngayon sa binata ay parang amo na kailangang ito lagi ang masusunod gawa na ang laki ng utang na loob nila rito. Ang totoo kasi’y nagbigay rin ng pera sa kaniya si Kenneth nang malaman ang kondisyon ng ama ni Leia na may TB. Hindi nito natanggihan dahil kailangan ding mapasuri ang asawa at mabilhan ng gamot.
"Naisip ko po kasi na baka kapag dito kami manatili sa Maynila ay may tendency po na malaman niya ang totoong nangyari kay Bryle. Alalahanin niyo po na kayo ang nagsabi sa kaniya na iniwan na sila ni Bryle kaya dapat alagaan natin ang kasinungalingan na iyon,” paliwanag pa ni Kenneth.
“Oo. Tama ka. Sige, ikaw na ang bahala sa anak at apo ko kung ganoon. Ipinagkakatiwala ko na sila sa iyo, iho,” napilitang sang-ayon na nga ulit ni Aling Linda kahit na sobra-sobra na ang paninikip ng dibdib nito.