"Rojalez, may bisita ka!" Kinalampag ng warden ang rehas ng kulungang kinabibilangan ni Bryle. Subalit ni hindi man lang kumilos si Bryle, tulala lang ito sa kinauupuang sulok.
"Ganyan na siya lagi," sabi ng warden kay Kenneth. Ito ang bisita ngayon ni Bryle na tinutukoy nito.
"Kailan pa po siya naging ganyan?" tanong ni Kenneth. Nakakunot ang noo na kay Bryle ang tingin.
"Simula dinala siya rito. Pero ganyan talaga ang mga first time na makulong kaya wala kang dapat ipag-alala."
"Ganoon po ba. Sige po ako na hong bahala. Kakausapin ko siya."
Tumango ang warden at umalis na.
Napabuntong-hininga naman nang malalim si Kenneth habang pinagmamasdan niya si Bryle. Mukhang napapanawan na kasi ito ng matinong pag-iisip. Malamang ay dahil hindi na ito nakakainom ng gamot.
"Bryle, p’re, okay ka lang?" alanganin na niyang tanong dito. "Nandito ako para sabihing makakalabas na si Lacey sa ospital bukas.”
Wala pa ring naging kilos ang kapwa lalaki.
"At hinahanap ka niya. Hinahanap ka na ng anak mo, pare,” sabi pa niya makuha lamang ang atensyon nito.
Ilang minuto na naghintay si Kenneth ng magiging reaksyon ni Bryle, pero wala talaga. Dismayadong napailing na lang siya. Akala niya kasi ay matatag itong lalaki dahil ex-military pala ito. Hindi naman pala.
Madami na siyang alam tungkol kay Bryle dahil kay Anna, ang asawa ni Isagani na kapatid ni Bryle at mukhang pera rin pala.
Nakausap niya si Anna noong isang araw at ito ang nagsabi ng lahat. Tuwang-tuwa nga siya nang malaman na niya ang sakit ni Bryle na hindi nasabi sa kaniya noon ni Leia hanggang sa makalimutan na niyang alamin.
“Nabihag sila noon ng mga bandido. Ilang araw din silang pinahirapan kaya nang nailigtas sila ay may PTSD o Post-Traumatic Stress Disorder ang ilang sa kanila. Mga na-trauma raw. Naipagamot naman sila pero minsan sinusumpong pa rin siya, lalo na kapag hindi siya nakakainom ng gamot,” imporma sa kaniya ni Anna noong nag-uusap sila.
Muli siyang bumuntong-hininga. Sabagay maganda nga ang nangyayari dahil kapag natuluyan si Bryle na mabaliw ay wala na talaga siyang magiging problema pa. Hindi na nito mababawi sa kaniya sina Leia at Lacey, makalabas man ulit ito sa kulungan o hindi na.
Isa pa, sa kaniyang nalaman na kondisyon nito ay mas lalong tumindi ang kagustuhan niya na hindi niya ibabalik pa si Leia sa asawa nito. In Leia's case, she doesn't deserve a spouse with a mental health problem.
"Sige, aalis na ako. Tatagan mo ang loob mo. Huwag mong hayaang mabaliw ka para sa sarili mo," paalam na niya. Animo’y seryoso at concern, pero sa loob-loob niya’y tatawa-tawa siya.
Ang hindi niya inasahan ay ang biglang lingon si Bryle sa kaniya. "Hindi pa ako nababaliw. Nag-iisip lang ako kung paano na ang pamilya ko. Kung ano’ng gagawin ko, at isa pa hindi ko kailangang makipag-usap sa ‘yo," at sabi nito na kay sama ng tingin sa kaniya. Nagtatagi ang mga ngipin.
Nagulat man ay napangiti si Kenneth. Lumitaw ang dimple niya sa kaniyang pisngi. "Mabuti naman kung gano’n. Akala ko kasi ay natuluyan ka na. Sayang."
Dumilim lalo ang mukha ni Bryle. Galit itong tumayo saka lumapit sa kausap. Pabiglang humawak sa mga rehas na kung siguro hindi bakal iyon ay mga nabali na. "Bakit ka nandito? Ano’ng dahilan mo? Hindi naman kita kaanu-ano para dalawin pa ako rito.”
"Relax. I'm just checking on your condition. May nakapagsabi kasi sa akin na bigla kang sinusumpong ng sakit mo sa utak. Nag-alala lang ako,” nakangising sagot niya. Tutal napakaangas pa rin nito kahit parang daga na itong nakakulong, aasarin na lang niya ito lalo.
Ito ang kinaiisan niyang ugali ng mga mahihirap, ang tataas ng ihi!
"Tinitingnan mo ang kalagayan ko? Concern ka? Bakit naman?” Tumaas ang isang gilid ng mga labi ni Bryle. “O baka naman gusto mo lang makita na nawawala na ako sa sarili ko para maagaw mo nang tuluyan si Leia sa akin? Tama?!”
Naglaban ang tinginan nila. Bilib na talaga siya sa tapang ng apog ng lalaking ito. Pero dahil meron naman talaga siyang sasabihin ay siya ang unang nag-iwas ng tingin. Nagpatalo siya.
"Ito’ng tatandaan mo! Hindi mapapasaiyo ang asawa ko!" maangas na wika ulit ni Bryle. Kinalampag nito pati ang mga rehas habang nagngingitngitan na naman ang mga ngipin nito.
Itinaas na ni Kenneth ang hawak niyang barbie doll. At doon lang napansin iyon ni Bryle.
"Para saan ‘yan?”
"Binili ko para kay Lacey. Gusto raw kasi niya ng toy na ganito noon pa. Siguradong matutuwa siya sa akin nito, hindi ba?”
“Ano’ng binabalak mo sa anak ko? Tantanan mo si Lacey! Lumayo ka sa mag-ina ko! Hayup ka!” Lalong nagngalit si Bryle na napahawak sa mga rehas.
“Kailangang gawin ko ‘to para mapalapit sa akin ang anak mo. Hindi ba’t sabi ko ay ako na ang bahala sa kanila?" nang-aasar na aniya. “Unless, may pambayad ka sa lahat ng nagastos ko? May million ka bang nakatago?”
Napatiim-bagang si Bryle. Grabe ang pagtaas-baba ng dibdib nito sa hindi nito normal na paghinga gawa ng matinding galit.
Kenneth chuckled sardonically. Kahit naman magalit si Bryle ay wala naman na rin na itong magagawa. Imposible na makalaya pa ito kaya matapang siya.
"Ang kapal din talaga ng mukha mo, ano? Pati anak ko gusto mong ariin! Ang g*go mo! Ipagdasal mo na hindi ako makakalabas dahil papatayin talaga kitang tarantado ka!"
“At talagang umaasa ka pa na makakalaya ka?” Kenneth continued to tease, leaning his body forward.
Sinamantala iyon ni Bryle, bigla siya nitong hinablot sa damit. Hinila siya nito sa matinding galit. Napasubsob siya sa mga rehas. Nagulat siya at nasaktan, pero hinayaan lang niya ito nang makuha niya ulit ang sarili.
“Hindi ako papayag sa mga gusto mong mangyari! Papatayin muna kita!” Kahit noong sinakal na siya nito ay pinagbigyan niya.
"Sige, Bryle. Patayin mo ako para mamatay ring dilat ang mga mata ng asawa mo," nakangising pagpopo-provoke pa nga niya rito.
"Hayup ka talaga!"
"Sinasabi ko lang ang puwedeng mangyari kay Leia at sa anak mo oras na mawala ako. Sa tingin mo ba ay may tutulong pa sa mag-ina mo maliban sa ‘kin? Wala, Bryle, ako lang. Ako lang ang mabait na handang gawin ang lahat mailigtas lang ang buhay ni Leia. Tandaan mo, mas mahirap pa sa daga ang pamilya mo at pamilya niya.”
Lumuwang ang mga kamao ni Bryle sa leeg niya. Nakapag-isip-isip din malamang.
Tinabig niya ang kamay nito at inayos ang nakusot na damit. "Dapat nga magpasalamat ka pa sa akin, eh, dahil kung hindi sa akin ay malamang nakaburol na ngayon si Leia at ililibing sana na hindi mo man lang siya makikita."
"Huwag na huwag mong sasabihin ‘yan!" Nagliyab ulit ang mga mata ni Bryle.
"Opps, hindi ko sinasadya. Pasensya na, ayaw ko rin namang mangyari ‘yon. Pero ito lang ang masasabi ko sa iyo, pare, nasa kamay ko ngayon ang buhay ng asawa mo kaya umayos ka sa mga pinagsasabi mo sa akin.”
Mabangis ang mukha at tumataas-baba ang dibdib ni Bryle. Ni katiting ay hindi naiibsan ang nararamdamang nitong pagkamuhi sa kapwa lalaki.
Ngumisi muna ulit si Kenneth bago muling nagsalita. "At ipagpapatuloy ko pa ang pagtulong sa kanila. Ibibigay ko ang langit sa kanila na hindi mo naibigay, lalo na kay Leia.”
"Wala akong pakialam sa pinagsasabi mo!" mabilis na angil ni Bryle.
"Sa isang kondisyon,” patuloy niya. Hindi niya ito pinansin. “At alam ko na alam mo na ang kondisyon na iyon, pare.”
"Hindi ko alam! Umalis ka na rito, tarantado ka!" malakas na malakas na sigaw ni Bryle sabay yugyog sa mga rehas.
Medyo natawa na lang si Kenneth. Kahit anong tapang ang ipinapakita ni Bryle ay wala siyang takot. Wala siyang pangamba. Sapagkat malakas ang loob niya na kakagat din ito sa pain niya.
"Ano’ng nangyayari diyan?" silip sa kanila ng warden. Habang ang mga kasamahang preso ni Bryle sa kulungang iyon ay napapatingin lang sa pagtatalo ng dalawa.
"We’re okay, Sir. Nag-uusap lang kami,” mabait na sabi ni Kenneth sa warden.
Tiningnan muna nang masama ng warden si Bryle bago ulit sila iniwan.
"Fine," uma-acting na pagsuko ni Kenneth nang ibalik niya ang tingin kay Byrle. "Sige, kung ayaw mo ay wala akong magagawa. Gagawin ko na lang ang gusto ko. Wala namang makakapigil sa akin kahit ikaw pa.”
"Tumigil ka na!" singhal ulit ni Bryle.
"Yeah, sige na hindi na ko magsasalita at aalis na ako.” Ibinaba niya ang barbie doll at akmang aalis na nga sana siya.
Napatitig naman ng matagal si Bryle sa laruang pambata. Mayamaya ay nag-unahan na sa pagpatak ang masaganang luha nito.
"Kenneth, sandali!" bago makalayo ay tawag na nga nito kay Kenneth.
Dagling tumigil naman sa mabagal na paglakad si Kenneth at lihim na napangisi. Inasahan na niya ‘yon pero kinabahan siya kaunti. Akala niya kasi ay hindi na siya tatawagin ni Bryle. Buti na lang at gumana ang plano niya, ang plano niya na guluhin pa lalo ang utak nitong baliw.
Marahan siyang lumingon kay Bryle.
“Tulungan mo ang asawa ko. Iligtas mo ang buhay niya,” iyon lang ang sabi ni Bryle at nagyuko na ng ulo.
“Makakaasa ka,” sabi naman niyang napangiti.