Sa silid na ni Leia nagtungo si Kenneth matapos niyang kausapin ang asawa ng kapatid ni Bryle. Tiwalang-tiwala siya na makukuha niya rin ang loob ng babaeng iyon, na kapag wala nang makapitan ay sa kaniya rin kakapit tulad ni Leia.
Ugali ng mahihirap. Papairalin kuno ang pride, pero sa huli sasantuhin din naman ang pera kapag wala silang magawa.
Wala pa ring malay si Leia nang makarating siya sa magarang kuwarto ng ospital na pinaglipatan niya rito. Syempre para sa babaeng pinakamamahal niya, handa niyang ibigay kahit ang pinakamahal na bagay sa mundo.
“Dumating ka na pala,” pansin sa kaniya ni Aling Linda na nagbabantay sa anak nito.
“Opo. Nagpunta na rin po kay Lacey.”
“Kumusta pala ang apo ko?”
“Ayos naman na po. Minsan ay mahapdi lang ang sugat niya kaya umiiyak.”
Tumango-tango ang matanda. “Kawawang apo ko. Pero mabuti na lang at iyon lang ang nangyari sa kaniya. May awa pa rin ang Diyos.”
“Oo nga po, eh. Kumusta naman po si Leia?”
“Ayos lang naman. Dinalaw siya ng doktor niya kanina. Wala namang sinabi kundi hintayin lang daw na magising siya.”
“Mabuti naman po kung gano’n.” Lumapit si Kenneth kay Leia at walang anumang hinalikan ito sa noo. Hindi na siya nahiya, ni walang alinlangan. Wala siyang naging pakialam kung naroroon ang ina nito.
Kitang-kita nga niya ang gulat si Aling Linda sa ginawa niya nang sulyapan niya ito. Nakanganga pa ang matanda.
Nginitian niya ito. “May problema po ba?”
Nag-iwas ng tingin si Aling Linda. “W-wala. Wala naman, iho.”
Doon na hinarap ni Kenneth ang matanda. Hindi na siya magpapaligoy pa dahil wala naman na mga ito magagawa. Kaniya na si Leia dahil kung tutuusin ay siya ang nagbigay ng pangalawang buhay rito. Sa madaling salita ay patay na sana si Leia kung wala siya, kung wala ang pera niya.
“Aling Linda, gusto ko pong malaman mo na mahal ko ang anak mo.”
Mas gulat na napatingin sa kaniya ang ginang. “A-ano’ng sabi mo? A-akala ko ba’y kaibigan ka lang niya tulad ni Pressy?”
Tinamisan pa niya ang kaniyang ngiti. “Kaibigan nga po ako ni Leia, pero mas higit doon ang nararamdaman ko po sa kaniya. Nakita niyo naman kung paano ko siya iniligtas sa kapahamakan, hindi ba? Ako ang nagbayad ng lahat ng pangangailangan niya.”
“Pero, iho, may asawa na ang anak ko.”
“Wala po iyong kaso sa akin, Aling Linda. Wala po akong pakialam kung may asawa na siya dahil madali lang po ‘yong gawan ng paraan. At si Lacey, mas lalong walang problema po sa bata. Magaan ang loob ko sa kaniya. I warmly embrace the idea of having her as my child.”
“Pero—”
Pinadilim niya ang kaniyang mukha. Ipinakita niyang seryoso siya sa sinasabi at sasabihin. “Sana, Aling Linda, karamay ko kayo oras na magising na si Leia dahil malaki na ang utang niya sa akin. Ayaw niyo naman siguro na maningil ako, hindi ba?”
Napalunok ang ginang. Rumihestro ang matinding takot sa mukha nito.
Ngumiti siya ulit. “Ako na rin po ang bahala kay Lacey sa lahat ng gastos niya sa ospital. Alam na po iyon ni Aling Celia. At wala akong hinihiling kapalit o kabayaran basta sana kampi po tayo hanggang sa huli. Haggang sa magising si Leia at maging asawa ko siya.”
“P-paano naman ang manugang ko? Si… si Bryle?”
“Hindi niyo pa ba alam ang nangyari sa kaniya?” paligoy niya.
“A-ano’ng nangyari? Ano’ng nangyari sa kaniya?” Mas naging horror ang mukha ng matanda.
“Nakakulong po siya ngayon. Siya nga po ang dahilan kaya umalis kami saglit. Nanloob po sila ng bangko at siguradong matatagalan siya bago makalabas dahil mabigat na kasalanan sa batas ang ginawa nila.”
Napaiyak na lamang ang matanda sa nalamang kamalasang nangyari sa manugang. Nilapitan naman ito ni Kenneth at hinagud-hagod sa likod.
“Huwag na po kayong umiyak dahil wala kayong dapat ikaiyak. Narito naman po ako. Ako’ng bahala sa naiwan niyang mag-ina niya,” at sabi niya rito na may malademonyong ngiti dahil hindi naman nakikita ng matanda.
Nang napayapa ang kalooban ni Aling Linda ay lumabas ulit siya. Nagpahangin sa labas hanggang sa napadpad siya sa isang bar. Kailangan niyang mag-celebrate.
Habang umiinom siya paunti-unti ng wine ay hindi natatanggal ang ngiti niya sa mga labi. Sobrang natutuwa siya na umaayon sa kaniya ngayon ang langit, hindi tulad noon.
Nabura lamang ang ngiti niya nang habang nilalaro niya ang yelo sa baso na kaniyang hawak ay bumalik na naman sa isip niya ang nakaraan nila ni Katia. Unti-unting nagdilim ang mukha niya, napatiim-bagang na halos madurog ang mga ngipin niya sa sobrang ngitngit.
He will not allow himself to fail this time. Titiyakin niya na mapapasakanya si Leia at hindi na papalpak sa ngayon.
Dinukot niya ang kaniyang cellphone sa bulsa at tinawagan si Kyro. Negosyo ng pamilya ni Kyro ang security agency noon pa mang nag-aaral sila.
“What’s up, pre?” sagot agad ng kaibigan.
“I need bodyguards, pare,” hindi nagpaligoy-ligoy na aniya.
“Bakit? Nanganganib ang buhay mo?” kantyaw sa kaniya ni Kyro.
“Basta, bigyan mo ako. Tell your Dad that I need it urgently.”
“No problem, of course. Ikaw pa? Kailan mo kailangan?”
“Bukas na bukas din kung kaya.”
“Shoot. Inform kita bukas.”
“Salamat, pare.” At ibinaba na niya ang cellphone. Pinindot ang end call at saka tumungga ng alak. Muli siyang napabuntong-hininga pagkatapos.
“Kahit multuhin mo ako nang multuhin sa ating nakaraan, Katia, hindi mo na ulit masisira ang buhay ko. Hanggang nakaraan ka na lang,” mayamaya’y matigas niyang sabi sa isipan matapos inumin ang natitirang alak sa baso. Mabigat ang kamay na inilapag iyon at tumayo na. Oras na para bumalik siya sa ospital. Ngunit hindi pa man siya nakakapasok sa kaniyang kotse sa may parking lot ng bar ay isang tawag ang natanggap niya. Nagtaka siya nang tingnan niya kung sino ang caller. Isang unknown caller.
“Hello?” alanganing sagot niya.
Ilang segundo rin bago may narinig siyang nagsalita. “Sir Kenneth, ako po ito. Si Anna, ang asawa ng kapatid ni Bryle na si Isagani.”
Nagsalubong ang mga kilay niya na inilipat niya ang cellphone sa kaniyang kabilang tainga. Hindi niya inasahan na ganoong kabilis na kakailanganin ng babaeng kakausap lang niya kanina ang tulong niya.
“Yeah, so what is it? May problema ba?”
Dinig na dinig niya ang paglunok ng babae sa kabilang linya bago nagsalita. “Kailangan po ng bagong kidney ang asawa ko. Kung maibibigay niyo sa kaniya iyon, gagawin ko po ang lahat ng gusto niyo. Lahat ng sasabihin niyo ay susundin ko.”
Binasa ng dila niya ang mga labi niya. “Alam mong mahirap ang hinihiling mong tulong.”
“Alam ko po, Sir, pero desperada na po ako. Gusto kong madugtungan ang buhay ng asawa ko kaya gagawin ko po ang lahat.”
“Susubukan ko ang magagawa ko pero hindi ko maipapangako. Alam mo kung gaano kahirap maghanap ng donor. Pila-pila sa ospital ang katulad niya na nangangailangan ng donor.”
“Ayos lang po kung hindi agad-agad. Basta sana mapapadali. Hindi tulad ngayon na parang umaasa kami sa wala. Mahal na mahal ko ang asawa ko. Ayaw ko sana siyang mawala sa amin dahil lang sa sakit niya.”
Tumango-tango siya.
“Please, Sir Kenneth. Tulungan niyo po ang asawa ko,” samo pa ng babae sa kaniya. “Pangako gagawin ko ang lahat ng gusto niyo. Lahat-lahat.”
Naningkit ang mga mata niya at ginamit na nga niya ang pagkakataon. “Kahit pa ang ipapagawa ko kung sakali ay pagtatraydor sa bayaw mong si Bryle?” subok niya sa katapatan ng babae sa sinasabi nito.
“Sir?” halatang-halata sa naging tinig ng babae ang matinding pagkagitla.
“Malinaw naman na narinig mo ang sinabi ko, hindi ba? Do I need to repeat it?"
“Pero, Sir? Bakit po? Bakit po si Bryle?”
Ngumiti siya kahit hindi nakikita ng kausap niya. “Sabihin na lang natin na gusto ko ang misis niya. Si Leia.”
Napakatagal na walang naging tinig sa kabilang linya. Napapangiti naman siyang naghintay kung ano ang magiging desisyon nito.