Sa kulungan. Pinalabas si Bryle upang makita at makausap niya ang bisita niyang ina sa araw na iyon.
“Anak, hinahanap ka pa rin ng asawa mo sa kabila ng kanIyang kondisyon na hindi makalakad. Hindi pa rin siya sumusuko,” namumula ang mga matang sabi ni Aling Celia kay Bryle nang magkaharap silang mag-ina sa isang lamesa para sa mga bisita ng mga preso.
“Hindi po makalakad si Leia?” Napatuwid ng pagkakaupo at nanlaki ang mga mata ni Bryle sa nalaman. Iyon agad ang kumuha sa atensyon niya.
Naluluhang tumango ang matanda. “Sabi ng doktor daw ay napuruhan ang balakang niya sa pagkakaaksidente niya.”
“Hindi na po makakalakad ang asawa ko?” Kinilabutan ang buong katawan ni Bryle, para pang lumaki ang kaniyang ulo sa kaniyang pakiramdam. Awang-awa siya sa asawa. Sumidhi ang pangungulila niya rito, ang pagnanais niyang muling makita si Leia.
“Pansamantala. Iyon ang sabi ng doktor. Sa tulong daw ng therapist ay baka puwede pa. Gayunman ay huwag daw masyadong umasa. Nasa kay Leia pa rin kung makakalakad pa siyang muli o hindi na.”
Napayuko ng ulo niya si Bryle at dahan-dahang napapikit nang mariin. Lumong-lumo siya. Naglitawan ang ugat sa kamao niya sa grabe ng higpit nang pagkakamao niya. Ano itong ginawa niya? Kung kailan kailangang-kailangan siya ng asawa ay nandito siya nakakulong? T*ng ina!
“Anak, huwag mo masyadong isipin iyon. Ayos lang naman si Leia kahit ganoon ang kondisyon niya ngayon. May wheelchair naman. Patuloy nga siya sa paghahanap sa iyo. At saka hindi siya pinababayaan ni Ken—” Biglang tigil si Aling Celia sa pagbanggit ng pangalan ni Kenneth. Pagkuwa’y bumuntong-hininga ito. “Sa tingin mo tama ba talaga ‘yong ginawa natin na iparaya na siya kay Kenneth?”
Masaya siya dahil alam niyang mahal pa rin siya ng asawa niya kahit ganoon na ang alam nito ay iniwan na niya ito at pinabayaan. Gayunman, wala pa rin siyang balak na bawiin ang desisyon niya na ipaubaya na ang pamilya niya kay Kenneth dahil alam niyang hindi pababayaan ni Kenneth ang asawa at anak niya.
Masyadong marami nang paghihirap ang dinanas nina Leia at Lacey sa piling niya at ayaw na niya iyong madagdagan pa kapag nalaman nilang nandito siya at nakakulong at hindi alam kung makakalaya pa. Ayaw niyang maging mas miserable pa ang buhay ng mag-ina niya. Mabuti na ‘yon na nasa piling na sila ni Kenneth, kahit na iyak siya nang iyak sa gabi.
“Anak?” Ginagap ng nanay niya ang isang kamay niya na nakapatong sa ibabaw ng lamesang pinagigitnaan nilang mag-ina.
Tumingin si Bryle sa ina niya. Matatag siyang tao. Kahit nga tamaan siya noon ng bala ay wala lang sa kaniya. Hindi siya iyakin, pero sa sandaling iyon ay parang bata siya na umiyak na sa mga bisig ng nanay niya.
“’Nay, hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko na alam ang tama at mali. Sana mabaliw na lang ako nang tuluyan kaysa ganito. Ang sakit-sakit,” aniya sa gitna ng paghikbi. Hanggang sa humagulhol na talaga siya. Wala na siyang pakialam pero para kasi ay sasabog na talaga siya. Hindi na niya talaga kaya ang sama ng loob.
Ang g*go niya! Ang laki niyang g*go para iparaya na lang basta-basta ang anak at asawa niya sa ibang lalaki!
“Wala akong kuwentang ama! Wala akong kuwentang asawa! Wala akong kwentang tao, ‘Nay! Sana mamatay na lang ako!” aniya pa. Kulang na lang ay dukutin na niya sa sandaling iyon ang puso niya para wala na siyang maramdaman pa na sakit. Hindi na niya kaya ang matinding sakit.
“Anak ko, ang kawawa kong anak. Diyos ko.” Napahagulgol na rin ni Aling Celia sa sobrang pagkaawa niya kay Bryle. Niyakap niya nang sobrang higpit ang anak.
Medyo gumaan naman kahit paano ang dinidibdib ni Bryle nang maghiwalay sila ng ina. Subalit natutulala pa rin siya na naglalakad nang patungo na siya sa selda nila, dahilan para masagi niya ang sanggano at puros tattoo ang katawan na kakusa nila.
“Problema mo?! Gusto mo ba ng gulo?!” galit tuloy na paghamon nito.
“W-wala, pare. Pasensya na, malalim kasi ang inisiip ko,” aniya na nagpapakumbaba. Yuko ang ulo at himas-himas niya ang batok na itinuloy niya ang paglalakad.
“Baliw ka kasi!” subalit ay habol na sabi sa kaniya ng kakusa.
Sa narinig, ayaw man niya ay nagpanting ang kaniyang tainga. Nag-iinit ang ulong nilingon niya ito. “Ano’ng sabi mo?!”
“Sabi ko baliw ka! Dapat sa iyo sa mental daw nakakulong!”
“G*go ka pala, eh!” Mayamaya pa ay hatak-hatak na niya sa kuwelyo ang lalaking maangas dikawasa’y tumama sa panga nito ang kaniyang kamao. “Ikaw ang g*go! Sira-ulo pa!” malutong pa niyang singhal at nanggigil na ibinalibag niya ito sa sahig. Hindi nakuntento, pinatayo niya ito at isa pa sanang suntok ang ipapatikim niya ngunit may mga kamay nang pumigil sa kaniya.
Sa isang iglap siya na ang pinagtulungan ng mga kapwa nila preso. May sumuntok sa kaniyang tiyan. May pumalo sa kaniyang ulo. May bumanat sa kaniyang likod. At nang matumba siya sa sahig ay sabay-sabay siyang pinagtatadyakan.
“Ang yabang mo! Kabago-bago mo pa lang!” mabangis na sabi ng lalaki na unang nakaalitan niya. Nang tumigil ang iba sa pambubugbog sa kaniya ay ito ang nagpakasawa na tinadyakan siya nang tinadyakan. Nakakuha pa ng walis at buong lakas na inihampas nang inihampas sa kaniya.
Walang nagagawa si Bryle kundi ang kumuyuyot sa pagkakahiga na parang fetus. Nakaprotekta ang dalawang mga kamay niya sa kaniyang ulo. Ipinipikit nang mariin ang bawat sakit na natatatamasa.
“Tama na ‘yan, pare! Tama na!” pagsasaklo sa kaniya ni Oscar, ngunit pati man ang kumpare niya ay binugbog na rin. Mabuti na lamang at nagsidatingan na ang mga prison guard. Gamit ang batuta ay pinagpapalo nila ang mga nambugbog sa kanila.
Nakahinga nang maluwag si Bryle. Agaw niya ang hiningang nagpasalamat sa Diyos dahil buhay pa siya.
Hindi puwede na mamatay siya rito sa kulungan. Kailangan niya pang makalabas. Gusto niya pang makita ang mag-ina niya at mayakap sila. Gusto niya pang magpaliwanag kay Leia bakit ginawa niya ang desisyong ipaubaya sila kay Kenneth na mag-ina.
Kailangang… kailangan niya pang bawiin sina Leia at Lacey. Oo, babawiin niya pala ang asawa at anak niya. Nagbago na ang isip niya. Siya lamang! Siya lamang ang asawa ni Leia at ama ni Lacey!
Patuloy ang kaguluhan ng mga preso at prison guard. At dahil gusto niyang ilayo ang sarili upang matiyak niya ang kaligtasan ay unti-unti ay ibinangon niya ang kaniyang sarili. Hinang-hina at duguan na itinukod niya ang kaniyang kamay upang makabangon siya.
“Ugh!” Subalit bigla ay may pumalo sa kaniyang ulo ng batuta, dahilan para mapahiga ulit siya.
“Leia, Lacey,” huling banggit niya sa pangalan ng mag-ina niya bago tuluyang magdilim ang lahat sa kaniya.