Sa bahay ni Kenneth, maganda ang kalagayan nina Leia at Lacey sa mga nakalipas na araw. Tuwang-tuwa nga na naman si Lacey dahil inuwian na naman siya ng bagong laruan ng kaniyang Tito Kenneth.
“Thank you po, Tito Kenneth.” Nag-hug at nag-kiss ang bata sa binata.
“You’re welcome, baby,” natuwang saad naman ni Kenneth. “Do you like it?”
“Opo. Sobra pong gusto ko.”
“Mabuti naman.” Tinulungan ni Kenneth si Lacey na ilabas sa mga kahon ang mga manika. Pagkatapos ay nakipaglaro na rin siya sa bata.
Pangiti-ngiti lang naman si Leia habang pinagmamasdan ang dalawa. Nakaupo siya sa sofa na animo’y walang problema ang kaniyang mga paa. Maayos na din ang hitsura niya dahil pati man siya ay binibilhan ni Kenneth ng mga bagong damit. Hindi naman niya matanggihan dahil wala naman siyang isusuot gawa na nasunog lahat ang damit niya sa bahay nila.
Laking pasasalamat talaga ni Leia sa Diyos na nasa tabi nila ngayon si Kenneth. Hindi siya nahihirapan sa pangangalaga sa anak niya. Hindi rin niya problema ang pagpapaliwanag kay Lacey kapag hinahanap nito ang papa niya. Kahit paano ay naipapadama ni Kenneth kay Lacey ang kakulangan ng ama.
“Lacey, puwede bang mag-request sa ‘yo ang tito?” mayamaya ay narinig niyang sabi ni Kenneth sa kaniyang anak.
“Ano po ‘yon, Tito Kenneth?”
Tumingin muna si Kenneth sa kaniya bago muling nagsalita sa bata, parang humihingi ng pahintulot. Kinabahan siya dahil wala siyang kaalam-alam kung ano iyon.
“Lacey, puwede bang tawagin mo na lang akong Daddy Kenneth?”
Nagulat si Leia sa pabor na iyon ni Kenneth sa kaniyang anak. Bagamat kinabahan, hindi agad siya nagkomento. Inisip na lang niya na baka gusto lang mapalapit pa nang husto si Kenneth kay Lacey. Walang nakikitang masama si Leia sa pagkakaroon ng mas malapit na ugnayan sa pagitan ng dalawa.
“Bakit po? Ayaw mo na po na Tito Kenneth ang tawag ko sa ‘yo?” Pati man ang bata ay nagtaka.
Sunod-sunod na iling ang ginawa ni Kenneth bilang tugon sa bata. “Mas gusto ko sana ay daddy na lang kung okay lang sa ‘yo?” tapos ay malambing nitong sabi. Nag-pout din ito upang amuin ang bata.
“Sige po. Daddy Kenneth na lang po ang itatawag ko po sa iyo simula ngayon.”
Nagliwanag ulit ang mukha ni Kenneth. “Thank you, Lacey.”
At nagyakap ang dalawa.
Iniiwas ni Leia ang tingin dahil naalala na naman niya ang kaniyang asawa. Napapansin niya kasi na ang pagkakahawig ng kilos at pagmamahal ni Kenneth sa bata, na agad bumabalik sa alaala niya kay Bryle. Walang duda na mapagmahal din kasi si Kenneth sa bata katulad ni Bryle, at natatakot siya. Nakakatakot na baka makita na niya talaga at mahanap niya si Bryle sa katauhan ni Kenneth.
“Bryle, nasaan ka na ba kasi? Bumalik ka na please,” piping tawag niya sa kaniyang asawa.
Marami nang araw ang nagdaan, ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin bumabalik sa kanilang piling si Bryle. Nahihiya na siya kay Kenneth, sapagkat tila ito na ang umako sa responsibilidad sa kanila na dapat si Bryle ang gumagawa, lalo na ang pagiging ama sa kanilang anak.
Ayaw niya sana, ngunit wala siyang pagpipilian dahil kung aalis silang mag-ina sa piling ng binata, saan naman sila pupunta sa kalagayan niya ngayon bilang isang baldado.
Kung siya lang sana, okay lang sana sa kaniya na umalis sa bahay ni Kenneth, ngunit mas iniisip niya ang kaniyang anak. Ayaw niyang makita itong nahihirapan dahil sa kawalan ng ama at sa kaniyang sariling kakulangan bilang ina. Hindi na niya kayang gawin ang simpleng mga gawain tulad ng paglalaba ngayon. Paano niya bubuhayin ang kaniyang anak sa ganitong kalagayan?
“Ay, oo nga pala. I almost forgot,” mayamaya ay tumayo si Kenneth at binuksan ang pinto. “Halika ka, pasok ka.”
Mula sa labas, isang dalagita ang pumasok. May dala itong malaking bag at bayong na puno ng mga gulay na nagpapahiwatig na galing ito sa probinsya.
“Magandang araw po,” bati nito na ngiting-ngiti.
Napakunot-noo si Leia. “Kenneth, sino siya?”
Ngumiti si Kenneth sa kaniya. “Siya si Elena. Siya na ang bahala sa inyo ni Lacey, Leia. All around siya rito sa bahay dahil may background rin siya as therapist. Matutulungan ka niya sa kondisyon mo.”
Napanganga si Leia. Bumalatay sa kaniyang mukha ang pagkadisgusto. Sobra-sobra na talaga ang ginagawa ni Kenneth para sa kaniya. Paano pa niya ito mababayaran?
“Ang dapat mo na lang gawin ay magpagaling, Leia, para makalakad ka na agad. Si Elena na ang bahala sa lahat. Kapag may kailangan kayo ni Lacey ay sabihin mo lang sa kaniya.”
“Pero hindi mo kailangang gawin ang lahat ng ito, Kenneth,” nahihiya niyang sabi.
Bago sumagot ay binalingan muna ni Kenneth ang bago nilang kasama sa bahay. “Elena, dalhin mo muna sa taas ang bata. Hayaan mo muna ang mga gamit mo dito.”
“Sige po, Sir.” Ngumiti din ang dalagita kay Leia. Akala yata nito ay siya ang misis ni Kenneth at si Lacey ay anak nila.
Nang sila na lang dalawa ang nasa salas, masuyong nilapitan ni Kenneth si Leia. Lumuhod ito sa harapan niya upang magpantay ang tingin nila.
“Kenneth, sobra-sobra na ang ginagawa mo sa aming mag-ina. Hindi na kita mababayaran pa kapag palagi na lang ganito. Kaya ko pa namang kumilos kahit pilay na ako. Kaya ko pang maghugas ng pinggan at maglinis ng bahay. Hindi mo na rin kailangang kuhanan ako ng therapist dahil baka nagsasayang ka lang ng pera. Hindi ba sabi ng doktor wala pa rin namang kasiguruhan na makakalakad ako kahit magpa-therapist ako?”
“Sino ba kasing may sabi na pababayaran ko ang lahat ng ginagawa kong ito sa para sa ‘yo?” wika ni Kenneth sabay kuha sa isang kamay niya.
Muli ay nagsalubong ang mga kilay ni Leia.
“Hindi mo ba nakikita na bukal sa loob ko ang lahat ng ito? Na gusto ko talagang gawin ito dahil gusto talaga kitang alagaan at pasayahin?” sabi ulit ni Kenneth, ngumiti ng pagkatamis-tamis. Pagkatapos, puno ng pagmamahal na hinalikan nito ang kamay niya.
Para namang may kuryenteng dumaloy sa buong pagkatao ni Leia sa ginawang iyon ni Kenneth. Nabahala rin siya dahil hindi naman siya ganoon katanga para hindi niya makuha ang ipinahihiwatig ni Kenneth.
Noon pa man ay nahahalata na niya ang espesyal na damdamin para sa kaniya ni Kenneth, subalit sa mga nagdaang araw, hindi man lang sumagi sa kaniyang isip na dahil doon kaya tinutulungan sila na mag-ina.
“Yes, I love you, Leia. Mahal na mahal kita na gusto kong ialay ang lahat sa iyo, pati na kay Lacey,” lantarang pag-amin na nga ni Kenneth sa nararamdaman.
“P-pero, Kenneth...” Sobrang nanlaki ang mga mata niya. Kinilabutan siya kaysa ang makaramdam ng kasiyahan.
“Sssh…” Inilagay ni Kenneth ang isang hintuturo nito sa bibig niya. “Handa akong maghintay hanggang sa matanggap mo ako, don’t worry.”
Hindi na nakaimik pa si Leia. Nagtitigan na lang sila ng binata. At kung si Kenneth ay ngiting-ngiti, siya nama’y kunot na kunot ang noo.