CHAPTER 40

1352 Words
Nakatitig si Leia sa kisame ng silid, nakahiga ng tuwid, at ang kaniyang mga palad ay nakapatong sa kaniyang tiyan. Tahimik siyang nakahimlay habang nagmumuni-muni. Wala siyang anumang kilos. Isinusalang ang mga sinabi ni Kenneth, iniisip niya ang mga damdamin na inamin nito para sa kaniya. Alam niya na mali, na hindi na dapat niyang iniisip iyon, at dapat ay agad niyang tinanggihan ang alok nitong pag-ibig dahil may asawa na siya. Ngunit sa kabila ng lahat, naguluhan pa rin siya. Ang gulo-gulo ng isip niya. Oo, iniwan siya ni Bryle, sila ng anak nila, ngunit buhay pa rin ang kaniyang asawa kaya't wala siyang karapatan na agad niya itong ipagpapalit. May pag-asa pa na bumalik ang kaniyang asawa sa kanilang pamilya, kaya't hindi maaaring agad na ibaling niya ang kaniyang nararamdaman sa ibang lalaki. Isa pa, tiyak siyang si Bryle pa rin ang kaniyang iniibig. Hindi rin naman niya masisisi si Bryle kung bigla itong umalis. Marahil, nakaradam lang talaga si Bryle ng takot o pagod gawa ng pinagdadaanan nilang kahirapan, na maaaring naging dahilan ng pagkawala niya sa katinuan. Dagdag pa, ang pagkakaroon ng sakit ng kaniyang asawa ay maaaring nagdulot ng masalimuot na sitwasyon. Posible na naisip ni Bryle na hindi niya kayang harapin ang mga pagsubok na ito, at sa paraan ng pagtakas ang naisip nitong solusyon. Ganoon din naman siya noon, eh. Inaamin niya na ilang beses din niya noong naisip na lumayo na lamang kasi pagod na pagod na siya. Nabubura lamang iyon sa tuwing niyayakap siya noon ni Lacey kaya hindi niya naitutuloy. Kusa nang tumulo ang mga luha ni Leia. Ang tampo niya kay Bryle ay nahaluan na naman ng pag-aalala at pangungulila. Sana bumalik na ito. Sana magpakita na ito sa kanila. Sana ligtas ito at nasa maayos na kalagayan. Nang lumakas ang pag-iyak niya ay kinuha niya ang unan at doon niya isinubsob ang mukha. Ayaw niyang may makarinig sa kaniyang pag-iyak, lalo na ni Kenneth. Nakakahiya. Hanggang sa hindi na niya namalayan na nakatulog siya. Naging mahimbing dahil napanaginipan niya ang asawa. Ang nakaraan nilang dalawa. …….Dinala siya ni Bryle sa isang Japanese restaurant na nasa loob ng isang mall. At naging topic nila ang tungkol sa katatapos lang na naging misyon ni Bryle bilang sundalo sa Mindanao. Nahirapan daw sila ngayon sa pagsugpo sa mga bandido roon. Madami nga raw sugatan na kasama nito. Buti na lang at daplis lang sa balikat ang natamo nito, na medyo magaling naman na daw, kaya ang naramdaman niyang pag-aalala ay naglaho rin agad. “Buti pinauwi ka pala?” tanong pa ni Leia nang patapos na sila sa pagkain. “Na-miss kita,” simpatikong mabilis na sagot ng binata. “Talaga lang, ha?” “Oo at matagal-tagal ang kinuha kong military leave of absence. May gagawin kasi ako.” Nagseryoso naman agad si Bryle. Inabot ang linen napkin at nagpahid ng bibig. “Lagi ko na lang inaayos ang sigalot ng lugar na pinupuntahan ko, oras na siguro para buhay ko naman ang ayusin ko.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” Napatitig si Leia sa nobyo. Ang dibdib niya’y nagsimulang tumahip sa hindi niya mawari kung para saan. “Wala naman,” subalit ay sabi ng nobyo na nagkibit-balikat. Nakusot ang noo niya. “Huh? Akala ko aayusin mo ang buhay mo?” “Oo nga, at gusto ko kasama ko ang babaeng mahal ko na gagawin iyon.” Napalunok si Leia at inilapat ang likod sa sandalan ng kaniyang upuan. Inaasahan na niya na isang araw, sa pagbabalik o pag-uwi ni Bryle ay yayain na siya nito sa kasal. Sa totoo lang, handa na siya. Ang hindi niya inakala ay ganito na nininerbyusin siya nang matindi. Tumayo si Bryle mula sa pagkakaupo at inilahad ang kamay nito. Kinukuha ang kaniyang kamay. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong niya na nanginginig ang boses. “Basta akin na ang kamay mo,” anito. Bagaman alanganin dahil sa lamig at pagkakanginig ng kaniyang mga palad, sa huli ay ibinigay pa rin niya rito ang kaniyang kamay. “Bryle…” Nanlaki ang mga mata niya nang dahan-dahan ay lumuhod na nga si Bryle sa kaniyang harapan. Ngumiti at masuyong hinalikan ang likod ng kaniyang palad bago may kinuha sa six-pocket ng cargo pants nito. Nakakuyom, itinaas ni Bryle ang kaniyang kamao na agad ding ibinuka. Mula sa kaniyang palad, nahulog ang pendant ng kaniyang dog tag. Nangilid ang luha sa mga mata ni Leia nang ma-realize niya kung ano ang ibinibigay sa kaniya ni Bryle, kasabay niyon ng pagtutop niya sa isang kamay niya sa bibig niya. Ang dog tag nito na simbolo ng buhay nito bilang militar. Mas mahalaga pa sa isang engagement ring. “Tama ka, Leia, ibinibigay ko na ang buong buhay ko sa iyo at sana tanggapin mo?” simula ni Bryle sa pagpo-propose. Napasinghot siya dahil umiiyak na siya. Pagkatapos, maingat na hinawakan niya ang pendant ng dog tag. Kinapa ng hinlalaking daliri niya ang naka-engrave na pangalan doon ni Bryle. "Ang totoo, bukas pa sana ako bibili ng singsing. Ang kaso, natakot ako na baka maunahan ako ng Jolo na iyon. Mabuti nang mai-secure muna kita," patawang sabi pa ni Bryle. Natawa siya nang kaunti habang tuloy-tuloy ang pag-agos ng kaniyang mga luha, na halos hindi na niya nakikita si Bryle. Kaya pala nagyaya agad ng date ang loko kahit gabing-gabi na at kadarating lang. Hindi pala makalimutan si Jolo na nadatnan nito kanina na kausap niya. Pinunasan muna ang mga iyon ni Bryle bago nagtanong, “Tinatanggap mo ba ang pag-ibig ko, Leia? Will you do me the honor of becoming my wife?” “Naks, English?” tukso niya naman rito. Napahimas sa batok si Bryle. “Itinuro lang sa akin ng mga kasama ko. Nag-search pa sa internet ang mga iyon. Hayaan mo na kung wrong grahams, este kung wrong grammar.” Mukha na siyang baliw nang nagsabay ang tawa at iyak niya. “Bago mo ako tawanan, sumagot ka naman na. Ano? Payag ka? Pakasal na tayo?” samo naman ni Bryle. Namumula ang ilong niya na matamis siyang ngumiti at sumagot na nga ng, “Yes, I will marry you, Bryle Rojalez!” Pagkarinig niyon ni Bryle ay dagli itong tumayo at nagtatalon sa sobrang kasiyahan. “Yes! Yes! Ikakasal na ako! Ikakasal na ako!” “Hoy!” saway rito ni Leia. Sobrang tawa niya nang isa-isa pang kinamayan ni Bryle ang mga kasama nilang kumakain sa restaurant. Nahihiya siya pero tuwang-tuwa naman siya. Pasaway na Bryle! “I love you, I love you. I love you so much, Leia Alteza!” paulit-ulit nito pang sabi sa kaniya nang balikan siya. Pinatayo siya, buong pagmamahal na isinuot sa kaniyang leeg ang dog tag, at niyakap nang sobrang higpit……. Naalimpungatan si Leia sa mahimbing niyang pagkakatulog dahil sa mahihinang katok ng pinto. Nakatulugan pala niya ang pag-iisip at pag-iiyak dahil kay Bryle. Masakit tuloy ang ulo niya at maga ang kanyang mga mata na bumangon. Gayunman, nang maalala niya ang panaginip niya ay sumilay sa labi niya ang matamis na ngiti. “Ate Leia?” Napatingin din siya sa wall clock at napa, “Naku po!” siya dahil pagabi na pala. Natagalan pala ang pagkakatulog niya. “Pasok ka, Elena,” tugon na niya sa dalagang kasambahay. Sumungaw ang ulo ni Elena sa pinto. "Ate, buti nagising ka na. Nag-alala ako sa ‘yo kasi hindi ka na nakakain ng tanghalian." "Okay lang ako, Elena. Pasok ka.” Pumasok ang dalagang kasambahay. “Si Lacey?" "Nasa labas po naglalaro" “Ganoon ba? Puwede mo ba akong tulungan? Pupuntahan ko lang siya.” “Sige po. Dahan-dahan lang po.” Maingat nga siyang inalalayan ni Elena hanggang sa makaupo siya nang maayos sa wheelchair. "Um, Ate, tumawag pala si Kuya Kenneth. Sabi niya ay mag-ready daw po kayo ni Lacey dahil may bisita raw po kayo mamayang gabi na darating.” "Sino raw?" “Hindi ko po alam, eh. Hindi po sinabi." Itinulak na ni Elena ang wheelchair palabas ng silid. Nagtakang napaisip naman siya. Bisita? Sino naman kaya ang magiging bisita nila?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD