CHAPTER 41

1356 Words
“Juice niyo po, Ate.” Inilapag ni Elena ang tinimpla nitong inumin sa lamesa. “Salamat, Elena,” pasalamat naman niya. Sumimsim siya niyon at nakaramdam siya ng kaginhawaan. “Ano nga pala ang apelyido mo at ilang taon ka na? Sorry kanina, nakatulog ako. Hindi tuloy tayo agad nakapagchikahan pagdating mo.” “Ako po si Elena Bonalos, Ate Leia. Twenty-three naman po ako,” mabining sagot ng dalaga. Tiningnan niya muna si Lacey na naglalaro sa may di-kalayuan dahil tumakbo ang bata. “Lacey, dahan-dahan lang. Iyang mga sugat mo.” “Opo, Mama.” Kumaway sa kaniya ang anak at muling ipinagpatuloy ang paglalaro. “Nagmeryenda na po kanina si Lacey,” imporma sa kaniya ni Elena. Nakangiting tumango siya rito at muling nag-usisa. “Paano ka nakuha ni Kenneth na bagong kasambahay?” “Ah, kaibigan niya po ang pinsan kong si Kuya Athan. Tinawagan po ako noong isang araw ni Kuya Athan. Ipinasok niya po ako kay Kuya Kenneth at sakto may alam din po ako sa therapist dahil nagtrabaho po ako sa isang wellness center. Matutulungan ko po kayo diyan sa pilay niyo. Huwag po kayong mag-aalala, makakalakad din po kayo.” Lumawak ang pagkakangiti ni Leia. Nagustuhan niya ang nakita niyang totoong concern sa tinig at mga mata ni Elena sa kaniya. “Bukas po, umpisahan po natin paghihilot,” sabi pa ni Elena. Tumango siya at tinanaw ulit si Lacey. Enjoy na enjoy pa rin sa paglalaro ang kaniyang anak. Palibhasa ay ngayon lang nagkaroon ng mga magagandang laruan. “Ang cute po talaga ni Lacey. Kamukhang-kamukha niyo po siya, Ate. Wala man lang nakuha kay Kuya Kenneth.” Muntik na siyang nasamid dahil sa sinabing iyon ni Elena. Naubo siya. “Okay ka lang, Ate?” Na napansin ng dalaga. Nag-aalala ito para sa kaniya. “Mali kasi kung anuman ang iniisip mo, Elena. Hindi anak ni Kenneth si Lacey,” pagtatama niya rito. “Po? Akala ko po ay asawa ka ni Kuya Kenneth?” Manghang-mangha si Elena. “Hindi. Ang totoo ay kasambahay lang ako ni Kenneth, tapos naging magkaibigan kami. Tapos ito, tinutulungan niya kaming mag-ina. Hiyag-hiya na nga ako sa kaniya.” Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Elena. “Totoo po? Pero sabi sa akin ni Kuya Kenneth ay asawa ka niya po?” Madaming iling ang ginawa niya. “Hindi. Si Bryle ang asawa ko, Elena. Siya ang ama ng anak ko.” “Ganoon po ba?” “Oo, at mata ang nakuha sa kaniya ni Lacey.” Bigla na naman siyang nalungkot. She closed her eyes for a while, inaalala ang anyo ni Bryle. “Kaso iniwan na niya kami. Mula naaksidente ako ay hindi na siya nagpakita,” aniya pa nang magmulat siya ng mga mata. Sumimangot si Elena. “Iniwan po kayo? Bakit? Ang sama naman po ng asawa niyo, Ate?” “Mabait ang asawa ko, Elena,” pagtatanggol niya sa asawa. “Paanong mabait po iyon, eh, iniwan po kayo?” Napatingin si Elena sa kaniyang mga paa. “Baka dahil pilay na po kayo kaya ganoon? Baka sa isip niya ay mahihirapan po siya dahil pilay na ang asawa niya. Ganoon naman po ang ibang lalaki.” “Siguro,” napabuntong-hiningang turan niya. “pero naunawaan ko naman siya kasi—” “Ate Elena, halika na rito. Maglaro na po tayo.” Hindi niya naituloy ang pagtatanggol niya kay Bryle dahil biglang lapit na sa kanila si Lacey. Hinila na nito si Elena. “Mama, saglit lang po, ha?” sabi pa sa kaniya nito. “Basta dahan-dahan lang sa paglalaro,” pahabol niyang sabi rito. “Opo!” sigaw na lang din ng bata. Nakangiting inihatid niya ng tanaw ang dalawa, pagkatapos ay uminom siya ng juice. Nanuyo ang lalamunan niya sa napag-usapan nila ni Elena. Gumulo sa isip niya ang katanungang bakit kaya sinabi ni Kenneth na asawa siya nito? Napailing siya. Inisip niya na baka hindi lang nagkaroon ng pagkakataon si Kenneth upang itama ang inakala ni Elena na mag-asawa sila. Oo, baka ganoon nga. Pinanood na niya ang anak niya at si Elena na naglalaro. Naghahabulan naman ngayon ang dalawa. Mukhang makakasundo nga talaga nilang mag-ina si Elena. Salamat sa Diyos ay nadagdagan ang taong may concern sa kaniyang anak, kahit na… kahit na iniwan ito ng sariling ama nito. Bigla, nag-init ang mga mata niya. Naalala na naman niya si Bryle. At kahit anong pagnanais niya na makaramdam sana ng galit sa asawa ay hindi naman niya magawa. Hindi niya maikakaila na sa kabila ng ginawa nito ay mahal pa rin niya ang mister. “Bryle,” nangungulilang tawag niya sa pangalan ng asawa nang tumingala siya sa langit, “maghihintay kami ni Lacey sa iyo.” KUNG alam lang sana ni Leia na sa mga sandaling iyon ay parehas niya si Bryle na nag-iisip din, na iniisip din siya nito, na tahimik din na naman na umiiyak habang nakaupo sa gilid ng kanilang selda. “Leia…” na panay rin ang tawag nito sa kaniyang pangalan sa puso nito. Pasalamat ni Bryle at nauunawaan siya ng mga kakusa niya kaya hinahayaan lang siya ng mga ito kahit minsan ay nakakabulabog ang kaniyang mga singhot. "Leia, Lacey anak, patawarin niyo ako," tas paulit-ulit din na usal niya. Sobra ang pagsisisi niya sa pagpaparaya, ngunit wala naman siyang magagawa, lalo na at balita na ibababa na ang hatol sa kanila sa kasong attempting bank robbery. Maaaring twenty years imprisonment daw ang maging sentensya nila ng mga kasama niya, kaya wala na siyang magagawa pa para sa mag-ina niya. Wala na talaga. "Pare, sorry talaga sa nangyari," mahinang paghingi ng paumanhin sa kaniya ni Andong nang umupo sa tabi niya. Ang kumpare niyang nagyaya sa kaniya sa malaking pagkakamali na iyon. Hindi niya ito pinansin. Isinubsob niya ang puros pasa na mukha niya sa yakap-yakap niyang mga tuhod. Magkaganunpaman, hindi niya sinisisi si Andong. Kasalanan naman niya dahil nagpademonyo siya sa easy money. Hindi man lang niya naisip na ang pagho-holdup sa bangko ay isang napakaseryosong krimen. Siya ang naging tanga. Ang tanga niya. Mas inilubog lang niya ang pamilya niya, hindi lamang sa kahirapan kundi pati na sa kahihiyan. Ang tanga tanga niya para patulan iyon. Kung maibabalik lang sana niya ang araw na iyon ay hindi sana siya magpapademonyo. Itatama niya ang lahat para hindi mapalayo ang pamilya niya sa kaniya. Hindi na niya kakailanganing ipamigay kay Kenneth ang kaniyang mag-ina. “Kung gusto mo ay suntukin mo ako, pare. Bugbugin mo ako,” sabi pa ni Andong. Napilitan siyang mag-angat ng tingin. "Okay lang, pare. Nangyari na, eh. Magsisihan man tayo ay wala na tayong magagawa. Isa pa ay may kasalanan din naman ako," at totoong sabi niya kay Andong. Parehas niya din ito na miserable ang buhay sa kulungan dahil ngayon ay naghihirap na rin daw ang pamilya nito. Mas mahirap nga lang ang sitwasyon niya dahil madalas na siyang pag-trip-an ng kapwa preso dahil sa nangyari noong isang araw. Ayaw pa rin siyang tantanan ng mga tarantado. "Pero pa’no kung sabihin kong may magagawa pa tayo, pare?" Napakunot-noo siya. "Ano’ng ibig mong sabihin?" "Tatakas tayo kapag may nakita tayong pagkakataon.” Ang lakas ng "Ano?!" niya. Hindi niya inasahan iyon. Ipinaliwanag sa kaniya ni Andong ang plano nito kasama pa ang ibang kakusa nila. Seryoso nga sila sa pagtakas dahil nang pasadahan niya ang mga ito ng tingin ay mga tumango ito sa kaniya, kasama na si Oscar. “Ano? Sama ka?” ingganyo na naman sa kaniya ni Andong. Hindi siya nakasagot agad. Nasa gitna siya, eh. Gusto niya na ayaw niya ang plano ng mga kakusa niya. “Sumama ka na. Delikado rin naman ang buhay mo rito dahil kina Gardo. Tiyak pinagpaplanuhan na nila ng mga kasama niya kung paano ka itutumba. Mainit na ang dugo niyan sa iyo.” Pasimpleng ininguso ni Andong ang nasa kabilang selda. Kahit lalaki siya ay nakaramdam si Bryle ng takot. Takot para sa kaniyang buhay. At nang tumingin siya sa katapat na selda, nakita nga niya roon sina Gardo. Malademonyong nakangisi ito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD