NASA minigym ng Rancho Estate si Nathan kasama sina Byron at Axel. Gawain na nila iyon tuwing Linggo ng umaga at kapag holiday. At doon na rin sila nakakapagkuwentuhan nang matagal-tagal.
"Nasaan nga pala si Thad?" tanong niya habang tumatakbo sa treadmill. "Hindi ko yata siya napapansin dito kanina pa."
"Nasa covered court," sagot ni Axel na abala sa pagwe-weight lifting. Si Byron ang umaalalay rito. "Pumoporma yata roon sa bagong instructress ng mga bata."
"Iyong kasama niya noong get-together party?"
"Yup. An expert in tae kwon do." Napailing si Byron. "Poor guy. Nakita kong ginagarote siya n'ong babae sa harap ng mga bata. And would you believe na siya pa mismo ang nag-volunteer para maging punching bag ng mga estudyante nito?"
Napatawa silang tatlo. Kilala kasi nila si Thad. Likas na palikero ngunit ni minsan ay hindi ito nagpaagrabyado. Noon lang.
"I met her already," patuloy ni Byron. "She is something. And her cat—or whatever that thing is."
Lalong napalakas ang halakhak nila. Naikuwento na kasi sa kanila ni Byron ang tungkol sa kakaibang alaga ng babae.
"So, Nathan," ani Axel. "Kumusta na kayo ng 'secret lover' mo? Mukhang may balak ka na ring magseryoso sa babae, ah."
"Secret lover?"
"Pare, don't you read newspapers? Naman! Isa akong publisher na naturingang kaibigan mo pero ni hindi ka nagbabasa ng diyaryo ko. Sikat na sikat na kayo ngayon," sabi ni Byron.
"There's nothing going on between me and Sam," pahayag niya. "Normal lang naman na magkita kami, lalo kung nagkakataong iisang lugar lang ang pinupuntahan namin." Unless it was planned by his sister.
"Sa mall and then iyong biglaan niyang pagsulpot sa Rancho Estate party when you were supposed to be dateless," pahayag ni Axel. "And, oh, Byron, ikaw ba iyong kumuha ng larawan nila sa restaurant? Because I saw it in your paper."
"Labas ako riyan. Marahil ay talagang magaling lang ang aking mga reporters."
Binilisan pa niya ang takbo ng treadmill. Gusto na niyang mapagod para may dahilan na siyang makauwi at makalayo sa mga intrigerong kaibigan. Marahil ay kailangan na muna niyang linawin sa mga ito ang tungkol sa kanila ni Sam.
"Haven't you heard of the word 'coincidence'?" tanong niya sa mga ito.
"In your case?" nag-chorus ang dalawa. "No!"
"Kung ayaw ninyong maniwala, hindi ko na problema iyon."
"But the paper said—"
"Forgive me for saying this, Byron, but I believe na hindi lahat ng sinasabi ng diyaryo ay totoo."
"No offense taken."
"So, there is no serious thing between you two?" tanong ni Axel.
Kung hindi lang siya abala sa pagtakbo sa treamill ay hinarap na niya ang mga ito at hahamunin na lang niya ng manu-mano. Ang kukulit kasi.
"Kung ganoon, Byron, puwede na nating diskartehan si Sam—"
"Don't you even dare, Axel," banta niya.
"Akala ko ba available pa rin si Sam? Bakit ngayon, eh, pinagbabawalan mo kami?" susog pa ni Byron.
"Dahil alam ko na ang likaw ng mga bituka ninyo. She's available but not to the two of you."
Narinig niyang tumawa ang mga ito sa kanyang likuran.
"Umamin ka na kasi, pare," ani Byron. "Ayaw mo siyang mapunta sa iba dahil type mo rin siya."
"Of course not," tanggi niya saka hinawi ng kamay ang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang mukha. "Hindi siya ang tipo ko."
"Kung gano'n, puwede ko na siyang ligawan," pangungulit pa ni Axel.
"No!" Naiinis na siya rito. Gusto pa yata siya nitong galitin nang husto bago siya pakinggan.
"Ewan ko sa iyo, Nathan. Ang g**o mong kausap, eh."
"Ganyan talaga ang mga in love, 'tol," sabad ni Byron. "Magugulo ang utak."
"Shut up!" He continued to run. Kung tumatakbo lang siguro ang isip niya, baka malayo na ang kanyang narating. Bakit nga ba ganoon na lang ang reaksiyon niya sa mga panunukso ng mga ito? At kapag lalapit siya kay Sam ay tila siya isang sundalong laging on red alert. May nakikita ba ang mga kaibigan niya sa kanya na hindi niya napapansin?
"Magte-training na siya sa akin sa Monday," narinig niyang sabi ni Byron. "At kung hindi lang ako interesado doon sa babaeng nakilala ko sa Café Helenas ay talagang liligawan ko si Sam."
Nagtagis ang kanyang mga bagang ngunit hindi siya nag-react sa sinabi nito. Wala nga naman siyang magagawa kung talagang gusto nitong ligawan ang dalaga. Unless—
"Café Helenas? Hindi ba't iyan 'yong matagal mo nang gustong i-expose ang mga aktibidades? Iyong sinasabi mong high-class p**********n den?" tanong dito ni Axel.
"Yes. I have all the evidence pero kailangan ko pa rin ng mas konkretong ebidensiya. And I have tickets to get in. You wanna come?"
"No, thanks," sagot ni Axel. "May taste pa naman ako sa babae kahit papaano."
"Are you sure? Sayang. May nakita pa naman ako doon na kamukhang-kamulha ng ex mong si Raven." Natahimik si Axel. "Ikaw, Nathan? Gusto mong sumama?"
"Kung hindi mo ako isasama sa exposé mo, why not?"
"Of course. Kaibigan ko kayo, 'di ba? Kahit na ayaw mong paligawan sa amin si Sam ay hindi kita ipapahamak."
"Speaking of ligawan," singit ni Axel, mukhang nakabawi na ito. "May nabanggit sa akin ang sister mong si Xander, Nathan, tungkol kay Sam."
"Ano 'yon?"
"May boyfriend na raw ito."
Bigla siyang nadulas sa treadmill at bumagsak sa sahig.