"HELLO, Kuya? Si Andi ito."
"Oh, Xander." Inilipat ni Nathan ang awditibo telepono sa kabila niyang tainga. "Napatawag ka. May problema ba?"
"Wala naman. Nakalimutan ko lang na may aanakin pala ako sa binyag mamayang hapon. Eh, hanggang ngayon wala pa akong nabibiling regalo. Brother dear, baka naman puwede mo akong ibili ng baby dress."
"How the hell can I do that? I'm stuck in my office. Marami akong trabaho. Makakalabas lang ako mamaya dahil may conference ako."
"Eh, di mas okay. Puwede kang dumaan sa Glorietta. Sige na, Kuya."
"Xander, I can't. Bakit ba hindi na lang ikaw ang mag-shopping, tutal wala ka namang ginagawa?"
"Actually, nasa beauty parlor ako ngayon kasama si Christian at aabutin kami rito hanggang mamaya. Beauty rest, bro."
"Christian?" Wala yata siyang nababalitaang may boyfriend na ito. "Who's Christian?"
"My new friend," simpleng sagot nito. "Sige na, Kuya. Si Christian nga, eh, si Ate Sam na ang bibili ng kanyang regalo. Why can't you do the same to your only sister?"
"Sam?" Tila iyon isang malaking kampanang tumunog sa kanyang tainga "Sino naman si Sam?"
Ikinuwento na naman kaya ng mga kaibigan niya kay Xander ang tungkol kay Sam?
"Ang dami mo namang tanong, Kuya. Payag ka ba o ano?"
"No."
Pambihira talaga itong kapatid niya. He had been trying to forget Samantha Adriano since they last saw each other. Pero dahil sa katabilan ng kapatid ay back to zero na naman siya.
"Ang daya-daya mo, Kuya. Bakit ka ganyan, ha? Siguro hindi mo na ako mahal..."
Napabuntong-hininga siya. Heto na naman ang winning piece ng kanyang kapatid. He knew better than to argue with a kid reciting her favorite killing "poem."
"All right, all right. I'll do it."
"Ay, thank you! Sige, Kuya, bye. 'Love yah." At nawala na ito sa linya.
Napakunot-noo siya. Sabi ni Xander sa kanya, importante raw ang ipinabibili nitong baby dress pero hindi naman sinabi kung paano iyon makukuha sa kanya. Napabuntong-hininga siya.
Then his mind just went back to Sam.
"Oh, damn!"
Inis niyang binitiwan ang hawak na Parker pen. Hinayaan na lamang niyang lunurin ng mga alaala nito ang kanyang isip, her small face flooding his mind as her ridiculous but funny retorts kept on repeating in his head.
Sa unang pagkakataon mula nang makilala niya ito, he didn't mind at all.
Tinawagan niya ang sekretarya sa intercom.
"Miss, Martinez, I'm going out for a while. Kapag may naghanap sa akin, just tell them I'll be back in an hour."
"Yes, Sir."
And with a smile plastered on his face, he went out of his office whistling.
*****************************************************************************
NAKAKAILANG estante na si Sam ng mga baby dresses nang marinig niya ang dalawang salesladies na nag-uusap.
"Grabe! 'Andito siya!"
"Oo nga!" anas naman ng isa. "Hihimatayin na yata ako, Liza."
Tiningnan niya ang mga ito. Mga mukha namang normal na tao. Ang kakaiba lang ay ang tila pagtatago ng mga ito sa isang estante ng mga stuffed toys at tila may sinisilip na kung sino.
"Ang tangkad niya, Annie. Super sa pagkaguwapo at napakagaling magdala ng damit. Parang model."
"Oo nga. Haay, sana ako na lang ang kasama niya. Kapag nangyari iyon, puwede na akong tumalon sa Ilog Pasig."
"Gaga ka rin, 'no? Kung kailan nakasama mo na siya, saka ka pa magpapakamatay."
Pasimple niyang sinundan ng tingin ang tinutukoy ng mga ito. Ngunit wala naman siyang makitang kahit isang guwapo sa mga lalaking naroon. Puro matatanda at mga tatay na may akay-akay na bata ang naroon.
"May kasama ba siya?" anas pa ng isang saleslady.
Pinagbuti pa niya ang pakikinig. Ano pa ang silbi ng kurso niyang Journalism kung hindi rin lang siya eavesdropper?
"Meron. Maganda, sexy at mukhang mayaman. Hay, sayang. Mukhang mawawala na ang paborito kong bachelor," sabi pa ng isa.
Ano ba naman ang mga ito! Mag-aasawa na pala ang lalaking pinagpapantasyahan. Nag-aaksaya lang sila ng oras na tingnan pa ang lalaking iyon.
Itinuloy na lamang niya ang pamimili ng baby dress. Kailangan niyang magmadali upang maipabalot na rin iyon. Si Christian kasi, bigla na lang siyang sinabihan na mag-proxy muna rito sa binyag ng anak ng kaibigan nito. Nagahol tuloy siya sa oras, lalo na nang ipilit nitong sa Glorietta siya bumili ng panregalo.
"Oh, my God! Papunta siya rito!" tili na naman ng saleslady.
Bitbit ang dalawang pirasong baby dresses, pumihit siya upang magtungo na sa cashier nang mabangga niya ang isang matigas na bagay.
"Oops!"
Tiningala niya ang may-ari ng tinig na iyon. Napaawang ang kanyang mga labi nang mapagsino iyon.
"HELLO," nakangiting bati ni Nathan sa kanya kahit sambakol ang kanyang mukha. "Sabi ko na nga bang ikaw ang nakita ko, Sam."
Tiningnan niya ang direksiyon ng dalawang salesladies. They were staring at her with envy written on their faces.
"So, it was you," aniya na naiiling.
"I was what?"
"Ikaw ang tinutukoy ng dalawang salesladies na malapit nang ikasal." Napalatak siya. "Ang malas naman ng mapapangasawa mo. Pero 'di bale, reregaluhan kita ng helmet para sa misis mo. Baka kasi mauntog siya at matauhan, eh, bigla ka na lang niyang iwan. Kawawa ka naman 'pag nagkataon."
"It's been a week since we met, Samantha Adriano." He smiled at her lazily. "And you still haven't changed a bit."
"Twenty-two years na akong ganito. Bakit naman ako magbabago nang dahil lang sa iyo? Sino ka ba?"
"Nathaniel Figueroa, at your service."
Nasamyo niya ang masculine scent nito at parang nababatubalani na naman siya rito.
"Yeah, well, whatever," aniya saka tumalikod.
"Hey, kadarating ko lang, aalis ka na?" pigil nito. "Don't worry. Hindi totoo ang narinig mo kanina. Matatagalan pa bago ako tuluyang magpatali."
"Wala akong pakialam kung ngayon mismo ay mawala ka na sa harapan ko o maglaho na nang tuluyan. Mabuti nga iyon at nang mabawasan ang populasyon sa mundo." She didn't dare go near him. "Pero kung maaari lang, umalis ka na sa daraanan ko. Masyado mo na akong inaabala, eh."
Humalukipkip lamang ito. "Naaabala ba talaga kita o... natatakot ka lang sa akin?"
"Member ka ba ng Abu Sayyaf para matakot ako sa iyo?"
Nagkibit-balikat lamang ito habang ngiting-ngiting nakatitig sa kanya. She suddenly felt conscious with the way he was looking at her. Nakasimangot na nilagpasan niya ito.
May kahabaan na ang pila sa counter nang makarating siya roon. Balak sana niyang lumipat sa kabilang counter ngunit nang makitang naroon si Nathan ay hindi na lang siya tumuloy.
"Mas miiksi ang pila rito, Sam," anito. "Puwede kitang pasingitin, tutal ay magkaibigan naman tayo"
"Salamat na lang."
Napansin niyang panay na ang lingon sa kanila ng mga tao. Marahil ay namukhaan na ng mga ito ang lalaki.
"Come on, Sam. Hindi naman ako nangangagat, eh."
"Mr. Figueroa—"
"Nathan. Call me 'Nathan.'"
Tuluyan nang tumingin dito ang mga tao, lalo na ang mga babae na biglang lumapad ang mga ngiti. He waved to them and smiled back.
"Nathan, darling!" Lumapit dito ang isang babae. The woman was sophisticated, beautiful and obviously rich. "I thought you already left."
"May nakita kasi akong magandang item, Trixie." Sinulyapan siya nito. "So I decided to buy it." He was holding out a pair of baby pyjamas.
"Oh, darling, it's cute!"
"Really?" he asked, focusing his full attention to her. "What do you think, Sam?"
Nabaling sa kanya ang atensiyon ng lahat, pati na rin ang babaeng kasama nito.
Herodes talaga ang lalaking ito! Gusto pa yata siya nitong ipahiya.
Nanggigigil niya itong binalingan. Alam niyang hindi naman ang hawak nitong pyjamas ang itinatanong nito. He was asking her opinion about the woman standing beside him. "Ugly."
Bigla itong napahalakhak. "So, kailangan ko palang palitan. Any suggestion, Sam?"
"Nathan, darling, I don't think may time pa para mag-hanap ulit ng baby dress." Halata ang iritasyon sa tinig ng babae. "Mahuhuli na tayo sa lunch engagement natin."
Hindi na niya pinansin ang mga ito dahil siya na ang susunod sa pila. Pagkatapos bayaran ang binili ay diretso siyang lumabas ng mall. Nasa parking lot na siya nang maalala na hindi pala niya naipabalot ang biniling regalo.
"'Kainis kasing Nathan 'yon, eh."
Napilitan tuloy siyang bumalik sa loob ng mall. Bumili na lamang siya ng gift wrapper sa isang bookstore. Baka makita niya pa uli ang lalaking iyon at lalo pang masira ang araw niya.
Ngunit talaga yatang pinaglalaruan siya ng pagkakataon. Dahil pagbalik niya sa parking lot ay nakatayo sa tabi ng kanyang FX si Nathan.
"Talaga bang hindi mo ako tatantanan?"
"Hindi naman kita sinundan. I just want to ask kung okay na ang kotse ko. And also to give you this." Iniabot nito sa kanya ang kapirasong papel. "That's my phone number."
"Hah! Ang lakas din naman ng loob mo, ano? At sino naman ang nagsabi sa iyong interesado ako sa phone number mo?"
"That's not for you. That's for you brother Roger. Nakalimutan ko kasing ibigay sa kanya ang contact number ko."
Napahiya siya nang husto sa sinabi nito. Me and my big damn mouth! Lagi na nga siya niyong ipinapahamak, hindi pa siya natuto. Bakit ko nga ba naisip na maaaring magkainteres sa akin ang isang Nathaniel Figueroa? Ni wala siya sa kalingkingan ng babaeng kasama nito kanina.
"Sabi ng kuya mo ii-inform niya na lang ako kung okay na ang kotse ko. Since wala naman sa kanya ang numero ko, wala akong balita tungkol sa kotse ko. I'll appreciate it kung maibibigay mo iyan sa kanya."
Hindi na siya nagsalita. Ewan niya pero talagang tinamaan siya sa mga sinabi nito kahit ang totoo ay wala naman itong sinabing nakaka-offend. Maybe it was the way he ignored her words that made her feel that way. He didn't want to further her embarrassment pero ang nangyari ay lalo lamang siyang napahiya sa kanyang sarili.
"Sige, mauna na ako. Kumusta na lang sa kuya mo," paalam nito.
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa hindi na niya ito makita. Pakiramdam niya ay parang may mali, hindi lang niya matukoy kung ano.
"Hmp! Paranoid ka na naman, Sam," naibulong niya. "Umuwi ka na nga lang at itulog mo iyan. Baka sakaling paggising mo, eh, mahimasmasan na iyang utak mo."
She hoped so.