"Nakatulog ba kayo nang maayos?!"
Nagulat sina Dhoy at Darwin dahil pagkabukas nila ng pinto ay si Joylyn ang nakatayo sa pinto ng bahay-kubo na tinulugan nila. Natakot sila sa mahabang buhok nitong nakalugay sa harapan nito. Parang si Sadaku kasi kapag biglang tingin. Pero magandang Sadaku naman.
"Oo naman, my love,” tugon ni Darwyn na inakbayan agad ang babae nang mahimasmasan.
Sunod na lumabas sina Vhon, Kear at Hilmar na iinat-inat pa.
"Wala pa rin si Jake?” pansin ni Hilmar nang i-check ang mga kaibigan at lima lamang sila.
"Huwag niyo nang hanapin si Jake. Nasa piling siya ni Franzes at masaya silang dalawa doon sa paraiso,” malamunay ang boses na sagot ni Joylyn.
"Sa paraiso?” halos sabay-sabay nilang sambit.
Mabining humagikgik si Joylyn.
"Ah, alam ko na 'yon. Ikaw, ah.” Kiniliti ni Darwyn sa tagiliran si Joylyn.
Naunawaan na rin ng apat ang paraisong sinasabi ng babae.
"Gusto mo punta rin tayo ro'n?" pilyong biro pa ni Darwyn kay Joylyn.
"Naku, may nainggit," tukso ni Dhoy.
"Puwede naman, Darwyn, pero kumain daw muna kayo. Sumama kayo sa 'kin," ngiting sagot ni Joylyn. Nagpatiuna na ito sa paglakad.
"Narinig niyo 'yon! Narinig niyo 'yon!" Tuwang-tuwa na turo ni Darwyn sa mga kasamahan. Halatang bumukol nga ang junior nito sa harapan.
Naiiling na lang na nilagpasan ito ng apat. Kahit ang totoo ay naiinggit sila.
"Ikain mo na Lang muna 'yan," sabi ni Vhon na tinapik si Darwyn sa balikat.
Sa dating kubo na kinain nila sila dinala.
"Wow!" at bulalas agad ni Kear dahil umuusok na sabaw na may karne ang nakita nilang nakalapag sa lamesa.
Natakam ang lahat sa pagkain. Sa wakas malalamanan na rin ng masarap ang mga tiyan nila.
"Kumain na kayo. Masarap ang karneng niluto namin para sa inyo," sabi ni Lheizel na dumating.
Nilapitan agad ni Dhoy ang babae at kinuha ang kamay nito at hinalikan ang likod ng palad nito. "Ang suwerte naman namin sa inyo. Thank you, mahal, ha?”
Nagngitian ang mga babae sa lakas-loob ni Dhoy.
Nagtagpo naman ang mga tingin nina Vhon at Miyaka. Pasimpleng kininditan din ni Kear si Steff. Kiming nginitian sila ng mga babae.
Habang si Hilmar ay si Alene naman ang hinahanap ng mga mata, pero hindi nito pinahalata. Wala ang dalaga kaya nanlumo si Hilmar.
"Sige na kumain na kayo," sabi ulit ni Lheizel sa kanila na umiwas kay Dhoy.
Nagsimulang papakin ng limang sundalo ang karne. Ang lambot ng karneng iyon at ang sarap. Ngayon lang sila nakatikim ng ganoong karne. Tumutunog pa ang bawat paghigop nila sa sabaw. Malasang-malasa talaga. Kakaibang karner.
"Ang sarap naman nito. Ano ito karne ng baka?" hindi napigilan itanong ni Kear.
Umiling si Steff na tiningnan nito.
"Basta kumain na lang kayo," si Lheizel ang sumagot.
May inilapag na petsel si Miyaka. "Baka nauuhaw kayo. Uminom kayo nito."
Kumuha agad ng baso si Hilmar at nilagyan ito ng tubig na nasa baso. Pero nang ininom nito iyon ay naibuga nito iyon. Muntik pang mabugaan ang ibang mga babae.
“Ano ‘to? Bakit pula ang kulay? Saka bakit ganito ang lasa at amoy? Ang lansa,” takang tanong niya.
"Parang dugo 'to, ah?" pansin na rin ni Vhon.
"Dugo nga 'yan. Dugo ng karneng kinakain niyo," sagot ni Joylyn.
Napa-"Huh?!" ang lahat at agad nandiri.
"Kung hindi kayo sanay uminom ng fresh na dugo ay sige papalitan ko na lang ng tubig. Pasensya na.” Kinuha ulit ni Miyaka ang petsel at umalis.
Nagkatinginan ang limang sundalo.
"Normal na sa amin na gawing juice ang sariwang dugo ng mga hayop. Pasensya na kayo kung inakala namin na magugustuhan niyo," paghingi na rin ng paumanhin ni Lheizel.
"Wala 'yon, Mahal ko. Wala 'yon. Dapat nga ay kami pa nga ang magpasalamat sa inyong kabutihan," tarantang sabi ni Dhoy. Pasimple nitong mga sinipa ang mga paa ng mga kasamahan sa ilalim ng lamesa.
"Uhm, oo nga. Nabigla lang kami." Si Vhon, nakaramdam din ng hiya. Kasi nga kung iisipin ay malaking tulong na sa kanila ang pagpapakain at pagpapatulog sa kanila ng mga babae tapos dahil lang sa dugo, eh, kukuwestyonin na nila ang mga ito. Ang kakapal naman nila. Saka nakasanayan na nila iyon kaya okay lang siguro.
"Pero bakit kayo umiinom ng—" Si Hilmar sana pero agad tinakpan ni Kear ang bunganga nito at pinandilatan.
"Huwag niyo ng pansinin ang tanong niya," sabi ni Kear sa mga babae. “Kumain na lang tayo,” saka pasimpleng binulungan si Hilmar.
"Pero—" hihirit pa sana ni Hilmar. Sinubuan ito ni Dhoy ng karne para magtigil na.
At ipinagpatuloy na nila ang pagkain.
"Ito na ang tubig." Inilapag ni Miyaka ang petsel na tubig na ang laman at hindi na dugo.
"Salamat," pasalamat ni Vhon kay Miyaka.
Muling naging sarap na sarap ang limang sundalo sa karne na kinakain. Kung sana ay titingin lang sana sila sa mga babae ay makikita nila ang makahulugang ngisi ng mga ito.
Natigil lang sila nang may makuha si Dhoy na parang kumpol ng buhok sa isang bowl ng inuulam nila.
"Ano 'to?” nandidiri nitong tanong. Itinaas ni Dhoy ang tinidor na kinasusungkitan ng kumpol na buhok na parang may balat pa.
Napatanga roon ang mga kasamahan nito.
Nataranta na kinuha iyon ni Lheizel. "Wala 'to! 'Yong balahibo ng karne! Sorry naisama yata ng nagluto!"
Napalunok at nagkatinginan ang lima. Buti na lang at busog na sila dahil hindi na sila nakakain pa.