ISANG malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Carmina habang nakatitig sa makipot na eskinitang dinaanan ni Gabriel. Mula roon ay nabaling ang tingin niya sa kanang kamay kung saan hawak niya ang black calling card na ibinigay nito. Unti-unting nagsalubong ang dalawang kilay niya. "Napakaulol!" malutong niyang mura matapos maalalang wala nga pala siyang selpon. Naiiling na binagtas niya ang makipot na daang pinapagitnaan ng mga bahay na pawang mga sira-sira. Nadaanan pa niya ang tindahan ni Aling Tina habang nasa bungad ng pintuan nito ang babae at nakataas ang isang kilay na nakatitig sa kaniya. Hindi niya ito binigyan ng pansin. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa matanaw ang posteng nakatayo sa tabi ng kanilang barung-barong na bahay. Hindi kalayuan mula sa bahay nila ay