"Ang bait naman ni Ate Olivia. Kaanu-ano mo siya?" tanong ni Maiza kay Olmer habang nag-aayos siya ng mga gamit nila sa silid na pinaukopa sa kanila ng ginang na Olivia Hortizuelo ang pangalan.
"Huwag ka na ngang maraming tanong. Magpasalamat ka na lang at mabait iyong tao," subalit pabalang na sagot ni Olmer sa kaniya. Nag-aalis naman ito ng sapatos na nakaupo sa gilid ng kama.
Natameme si Maiza. Gusto lang naman niyang makilala sana ng lubos si Ate Olivia kaya nagtatanong siya. Gusto sana niya itong maging kaibigan. Hindi siya kasi makapaniwala na may taong katulad pa rin ni Ate Olivia na kusang loob na magpapatira sa bahay nito na walang hinihiling na kapalit.
"Alisin mo nga 'tong medyas ko!"
Nataranta si Maiza. Nagmamadali niyang tinungo ang kinaroroonan ng kaniyang asawa.
'Asawa'. Oo, Asawa na ang itatawag niya kay Olmer dahil magsasama na talaga sila. Puwede naman siguro 'yon kahit wala pang kasal. Uso naman na ngayon ang live-in partner. Isa pa, sure naman siya na magpapakasal sila balang araw.
Maingat niyang inalis ang medyas ng kaniyang asawa. Maingat at buong pagmamahal. Napangiti pa siya dahil ang totoo, ito ang gusto niyang gawin noon pa. Ang paglingkuran ang lalaking pinakamamahal niya.
Humiga si Olmer pagkatapos.
Nagkusa na rin si Maiza na tinanggal ang pantalon nito. Hirap siya dahil ang bigat ni Olmer pero iba 'yung pakiramdam, kinikilig siya kaysa ang nahihirapan. Ganito pala ang pakiramdam kapag pinagsisilbihan mo ang lalaking pinakamamahal mo, ang saya-saya sa damdamin. Pakiramdam niya ay buo na siyang babae.
Nakatulog agad si Olmer dahil siguro sa pagod. Sinamantala naman niya iyon, mabilis niyang tinapos ang pagliligpit. Balak niyang tumulong kay Ate Olivia sa gawaing bahay dahil napansin niya na walang kasambahay ang ginang.
Bumaba nga agad siya nang natapos niya ang pag-aayos sa kuwarto nila ni Olmer. At sa may kusina niya nakita ulit si Ate Olivia.
Tumikhim siya para makuha ang atensyon ng ginang. Lumingon ito sa kaniya at ngumiti.
"May maitutulong po ba ako?" magalang niyang tanong. Nagluluto kasi si Ate Olivia.
"Naku, magpahinga ka na lang muna sa silid niyo, iha. Kaya ko na ito," sagot ng sexy at donya na ginang pero mukha talagang mabait.
Nagpumilit siya. Siya na ang nagbalat ng mga sibuyas at hindi naman na umangal ang ginang.
Nagkuwentuhan silang dalawa habang nagluluto. Doon nalaman ni Maiza na may kasambahay pala ang ginang, nagbakasyon lang pala kaya nag-iisa ito pansamantala. Nalaman din niya na hindi pala magkaanu-ano sina Olmer at Ate Olivia. Nagkakilala lang daw ang dalawa sa isang mall at naging magkaibigan.
May sumikdong kakaiba na kaba sa dibdib ni Maiza. At ewan niya kung para saan ang kaba na iyon. Pinilit niya lamang na binalewala.
Nalaman din niyang sundalo pala ang asawa ni Ate Olivia. May mataas na katungkulan at madalas madestino sa malalayong lugar kaya laging mag-isa raw si Ate Olivia. Pero okay lang naman daw iyon kay Ate Olivia. Sanay na raw ito.
"Naluto na 'to. Tawagin mo na si Olmer," utos sa kaniya ni Ate Olivia nang i-check ulit ang niluluto nilang kare-kare.
"Sige po, Ate." Mabilis niyang tinungo ang kuwarto nilang mag-asawa. Hindi mabura-bura ang ngiti niya sa mga labi. Sobrang nagpapasalamat siya kay Ate Olivia. Tunay ngang may mga tao pang mabubuti ang kalooban.
Pagpasok niya sa kanilang silid ay masuyong ginising niya si Olmer.
“Kain na raw tayo sabi ni Ate Olivia,” sabi niya sa asawa nang magmulat ito ng mga mata.
“Sige, gutom na rin ako.” Tumayo si Olmer.
"Ano ba!" ngunit angil ni Olmer nang hahawakan niya sana ito ng kamay patungong kusina.
Nagulat man ay hinayaan na lang niya ang asawa. Inisip na lang niya na dahil bagong gising ito kaya bad mood na naman.
Nang kumakain na sila ay panay ang tawanan nina Ate Olivia at Olmer. Panay kasi ang kuwentuhan nila. Good mood agad si Olmer nang nakarating sila sa kusina.
Nakikitawa rin naman siya dahil nadadala siya sa tawanan ng dalawa kahit na pakiramdam niya ay naa-out of place na siya.
"Naku, Maiza, huwag kang mag-isip ng kung anu-ano, ha? Talagang close lang talaga kami ni Olmer," mayamaya ay pansin sa kaniya ni Ate Olivia nang nananahimik na siya. Nanahimik siya dahil hindi na siya maka-relate sa usapan ng dalawa.
"Naku wala po, Ate. Tingin ko nga po sa inyo, eh, mag-ina po," sagot niya na ngumiti nang buong puso.
"Magkaibigan kami! Hindi mag-ina! Tanga nito!" subalit bigla ay pabalang na pagtatama ni Olmer sa sinabi niya sa mataas na tono.
Napatanga si Maiza. Nasaktan siya. Sa loob-loob niya ay masama ba sa sinabi niya? Totoo namang parang mag-ina ang dalawa.
"Hay naku naman kasi, Maiza, itong ka-sexy-an ko na 'to mukha ba akong nanay?" nakatawang saad naman ni Ate Olivia.
"N-naku, sorry po. Sorry po, Ate Olivia," senserong paumanhin niya. Naisip niya na baka ayaw nitong tinatawag na matanda. Mali nga yata ang sinabi niya.
"Nawalan na ako ng gana!" Padabog na tumayo na si Olmer at walang anumang umalis. Wari ba’y ito pa ang nasaktan nang sobra sa nasabi niya imbis na si Ate Olivia.
"Olmer, sorry na?" tawag niya sa asawa. Susundan sana niya ito pero pinigilan siya ni Ate Olivia.
"Ako na ang kakausap sa kaniya. Kumain ka na lang dito. Baka mag-away lang kayo kapag ikaw ang kakausap agad." Masuyo na pinaupo siya ulit ni Ate Olivia.
Alanganin man ay tumango siya kay Ate Olivia. "S-sige po, Ate. Salamat at saka sorry po ulit. Hindi ko sinasadya 'yung sinabi ko."
"Ayos lang ‘yon. Wala iyo sa akin." Nakangiting tinapik ni Ate Olivia ang balikat niya bago nito sinundan si Olmer.
Naiwan si Maiza na guilting-guilty doon sa lamesa. Hindi rin siya nakakain dahil sa pag-aalala kaya napatunganga na lang siya habang nag-iisip. At na-realize niya na baka iniisip ni Olmer na binabastos niya si Ate Olivia na tumutulong sa kanila?
Napakamot siya sa kaniyang sintido. God knows, wala siyang anumang ibig sabihin sa sinabi niyang mag-ina sila. Saka sa laki na ng respeto niya kay Ate Olivia ay hindi niya kailanman na siguro ito mababastos pa.
Napabuntong-hininga siya ng malalim. Sana naman ay hindi magtagal ang galit sa kaniya si Olmer. Unang araw pa naman nila bilang mag-asawa ngayon, sana ay hindi masira dahil lang sa kaniyang katangahan.