Part 5

1229 Words
"Olmer, what are you doing here?" takang-taka ang isang napakagandang babae na nagbukas ng pinto sa kinatok na bahay ni Olmer. Doon nagpunta ang binata pagkatapos niyang ma-badtrip kay Maiza. "Yumi, puwede ba tayong mag-usap?" napakasuyong samo ni Olmer sa dalaga. Si Yumi or Mayumi Devera ay dating nobya ni Olmer at mahal na mahal niya. Katunayan ay masaya sila noon ni Yumi pero dahil may kaya ang pamilya nito at ayaw sa kaniya ang kapatid nitong lalaki ay napilitan silang maghiwalay noon. Siniraan siya, sinabing babaero siya kaya lumabo ang tiwala sa kaniya ni Yumi hanggang masayang ang relasyon nila at napunta sa hiwalayan. Lalo pang lumabo ang lahat sa kanila ng dalaga nang nalugi ang kumpanya niya at naging ordinaryong lalaki na lamang siya. Lalo siyang inayawan ng kapatid ni Yumi. "What kind of crap is this, Olmer? Nakalimutan mo na bang galit sa 'yo ang kuya ko. If I were you, you better leave now at baka madatnan ka niya rito." "Busy naman siya, 'di ba? Miss na miss na kasi kita, Yumi." Akmang yayakapin ni Olmer ang dalaga pero umiwas si Yumi. "Tumigil ka na, Olmer! We're done! At matagal na tayong tapos!” galit na singhal nito kay Olmer. "Yumi, alam mong mahal na mahal kita. Ikaw lang ang babaeng gusto kong makasama habambuhay." Nangilid ang mga luha ni Olmer. "Pwes, baguhin mo ang ugali mo, ang buhay mo, dahil hangga’t ganyan ka ay mabuting magkalimutan na lamang tayo," mas dumiin ang tono ni Yumi. Halatang nagpipigil na ito sa mas matinding galit. "Yumi, hindi naman totoo 'yon, eh. Siniraan lang ako noon. Ikaw lang ang mahal ko. Maniwala ka naman sa akin, oh." Ginagap ni Olmer ang mga palad ng dating nobya at buong pagmamahal na hinalikan. "Nakita na rin kita minsan, Olmer. Nanahimik lang ako pero nakita kita kasama ang isang babae. Please, go home because you're only wasting my time," ngunit paninindigan ng dalaga kasabay nang pagbawi ng kamay ni Olmer. Animo’y pinagsakluban na naman ng langit at lupa si Olmer. Napasuklay siya sa kaniyang buhok. Noon pa man ay hindi siya nagsawa na suyuin si Yumi. Gustong-gusto niyang bumalik ang dating relasyon nila. At alam ng Diyos na ginagawa niya ang lahat upang maayos ang buhay niya para rito, na ginagawa niya rin ang lahat para yumaman ulit upang mapantayan niya ang kayamanan ng kuya ni Yumi at muli siyang tanggapin. "Bye, Olmer," huling sabi sa kaniya ni Yumi bago isinarado na ang pinto ng malakang bahay. Olmer had no choice but to leave. Nasipa na lang niya ang isang latang nakita sa kalsada. Buwisit na buwisit na talaga siya. Kung sino pa ang totoong mahal niya ang siyang may ayaw sa kaniya. Batrip. Sobrang badtrip talaga! *** MAGHAHATING GABI na pero wala pa rin si Olmer. Pasilip-silip si Maiza sa bintana. Sa loob ng silid na inuukopa nila ay matiyaga niyang hinihintay ang kaniyang asawa dahil nakakahiya kay Ate Olivia nila kung pakalat-kalat siya sa sala. Nakailang buntong-hininga na siya at ilang tingin rin siya sa orasan sa may dingding. Nasaan na kaya ang kaniyang asawa? Siguro kung alam lang niya ang pasikot-sikot sa Maynila ay kanina pa niya hinahanap si Olmer. Ang kaso ay hindi pa. Natatakot nga siyang lumabas at baka maligaw siya. Naghintay pa siya. Hindi niya magagawang matulog. Dumadagundong ang dibdib niya sa pag-aalala para kay Olmer. Hanggang sa tumahol na ang mga aso ng mga kapitbahay. Agad siyang lumabas ng silid at baka si Olmer na 'yon. Naginhawaan na siya kahit paano. Subalit ganoon na lamang ang gulat niya dahil nakita niyang nakaalalay agad si Ate Olivia sa kaniyang asawa sa may pinto. Naunahan siya ng ginang na pagbuksan ng pinto ang kaniyang asawa. At sa hitsura ni Olmer ay lasing ito. "Maiza, kumuha ka ng mainit na tubig at bimpo. Babanyusan ko siya," utos sa kaniya ni Ate Olivia nang nakita siya. Dinala nito si Olmer sa may sofa at doon ipinahiga. Nguyngoy ang katawan ni Olmer. Hindi lang pala ito lasing kundi lasing na lasing. "Maiza, narinig mo ba ako?" "Ate?" Napamaang siya. "Ay sus, sabi ko ay kumuha ka ng maniit na tubig at bimpo. Huwag kang tumunganga lang diyan. Kilos na." Nawala siya sa pagkabigla. "S-sige po." Nagtataka man sa ikinikilos ng matandang babae ay dali-dali ngang tinungo ni Maiza ang kusina at kinuha ang termos at isang bimpo. Nang bumalik naman siya sa salas ay nadatnan niyang hinihubaran na ni Ate Olivia ng T-shirt si Olmer. Lumaki ang mga mata niyang napatanga. May pumasok na hindi maganda sa isip niya. "Akin na 'yan. Dali!" hindi lamang niya napagtuunan ng pansin dahil narinig niyang mando ulit sa kaniya ni Ate Olivia nang makita siya. "Ah, eh... Ate, ako na po. Ako na po’ng bahala sa asawa ko," sabi niya nang nagbalik siya sa kaniyang sarili. May pagmamadali niyang isinawsaw sa mainit na tubig ang bimpo at piniga. Sa loob-loob niya’y nakakahiya kasi na si Ate Olivia ang gumagawa sa dapat ay ginagawa niya. "Hindi, ako na kasi mabigat siya. Sa liit mong 'yan ay mahihirapan ka," ngunit sabi sa kaniya ni Ate Olivia. "Akin na 'yan." Alanganin man ay inilapit niya kay Ate Olivia ang bimpo. Si Ate Olivia na nga ang nagpunas at nagpulbos kay Olmer na lasing na lasing. Takang-taka man ay hinayaan na lang niya ito. Pinigil rin niya ang kaniyang sarili na huwag mag-isip ng hindi maganda. Ganito rin naman minsan ang magkaibigan, 'di ba? Saka baka hindi na lang kaibigan ang turing ni Ate Olivia kay Olmer, baka anak na. Naalala niya na nabanggit na rin sa kaniya ni Ate Olivia na walang anak ito. Hindi na raw kasi puwedeng magkaanak noon pa si Ate Olivia. Nagkakumplikasyon daw ang matris nito noong una pa lang na pagbubuntis nito. "Iakyat ko na po siya sa kuwarto," sabi niya nang naghihilik na si Olmer. "Hindi na. Dito na lang siya sa sala," pero pagtanggi na naman ni Ate Olivia. "Sige na, matulog ka na. Ako na ang bahala sa kaniya." "Po?" hindi na niya nakontrol ang sarili na reaksyon. Halos magsalubong na rin ang mga kilay niya."Pero ako po ang asawa ni Olmer, Ate Olivia." Ilang sandali na napamaang si Ate Olivia. Natitig ito sa kaniyang mukha at saglit pa'y napangiti na nang tila ay may naalala. "Oo naman, Maiza. Alam ko na ikaw ang asawa niya, pero nakikita mo naman na tulog na tulog na ang asawa mo kaya hayaan na natin siya rito sa sala. Isa pa, bakit kasi siya naglasing, 'di ba? Naku, hayaan mo ang mga lalaking ganyan. Huwag mong kunsintihin. Tama nang nalinis natin siya dahil ayokong mag-amoy alak ang salas ko.” Hindi nakaimik si Maiza. Napakurap-kurap lang siya. "Tara na’t matulog na tayo," anyaya na sa kaniya ni Ate Olivia. "Hayaan mo siya r’yan. At huwag mong bibigyan ng kumot, ah. Turuan mo ng leksyon ‘yang asawa mo na ‘yan.” Walang nagawa si Maiza kundi iwan ang asawa niya sa sala nang kayagin siya ni Ate Olivia paakyat sa taas. Panay ang lingon niya kay Olmer habang paakyat sila sa hagdanan. Kunsabagay, tama naman si Ate Olivia. Huwag kunsitihin ang lalaki para hindi masanay. Ang kaso, hindi naman siya makatulog kahit anong pilit niya nang nasa silid na siya. Nag-aalala pa rin siya kung komportable ba si Olmer sa salas o hindi. Kawawa naman ang kaniyang asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD