Umaga na nang nagising si Maiza. Napabalikwas talaga siya ng bangon. Ang sabi lang niya kagabi ay iidlip lang siya tapos pupuntahan niya ulit si Olmer kapag tulog na si Ate Olivia, pero nagtuloy-tuloy na pala ang kaniyang tulog.
Nag-alala agad siya para kay Olmer. Kawawa naman ang kaniyang asawa.
Nang makababa siya sa kama ay dali-dali niyang hinagilap ang kaniyang tsinelas at may pagmamadali na lumabas ng kuwarto. Nagi-guilty siya dahil feeling niya, eh, umpisa pa lang ng pagsasama nila ni Olmer sa iisang bubong ay hindi na niya nagampanan ang pagiging butihing misis. Iniwan niya at pinabayaan niya ang lasing niyang asawa na dapat ay inasikaso niya. Napakawalang puso niya.
Ganoon na nga lang ang pagtataka ni Maiza dahil wala naman si Olmer sa kinahihigaan nitong sopa kagabi nang makarating siya sa salas. Napakunot-noo siya. Nasaan 'yon? Saan natulog? Maaga bang nagising?
Saglit ay may narinig siyang humahagikgik na babae sa may bandang kusina.
"Ikaw talaga," sabi ng babae sa medyo pabebe na tinig. Pero parang si Ate Olivia.
Naintriga si Maiza. May sariling buhay ang mga paa niya na dahan-dahang lumapit doon. Maingat. Paisa-isa ang hakbang niya.
At si Ate Olivia nga ang nakita niya roon. Abala ang ginang sa pagluluto. Nagbabati ng itlog.
Napabuga si Maiza ng hangin. Naginhawaan siya dahil akala niya’y kung sino na. Hindi na dapat niya papansinin o aabalahin ang mabait na ginang, kaso kasi ay nahagip na rin ng mga mata niya si Olmer. Naroon din pala si Olmer at nagkakape. Nakaupo ang kaniyang asawa sa dining table at ito ang kausap ni Ate Olivia. Mukhang masaya ang dalawa sa pinag-uusapan nila. At kahit ayaw man niya ay nakaramdam siya ng kirot sa dibdib niya. Nagtatawanan kasi sila na hindi na nila nagagawa ni Olmer.
"Oh, Maiza, buti gising ka na," mayamaya ay pansin sa kaniya ni Olmer nang mabalingan siya ng tingin. Himalang nakangiti ito. Kabaliktaran ng kaniyang iniisip kanina na badtrip ito dahil sa hangover. Nakapagtatakang maganda ang gising ni Olmer kahit na lasing na lasing ito kagabi.
“Oo, kagigising ko lang.” Kiming ngumiti naman siya sa asawa.
Nang sulyapan niya si Ate Olivia ay nahuli niyang may isinisenyas ito kay Olmer. Gumalaw-galaw ang kilay ng ginang. Iyong gesture na pasimpleng may inuutos o nais ipagawa.
Unti-unti ay nabura ang ngiti niya sa mga labi. Ano kaya 'yon?
Tumayo naman si Olmer. Lumapit ito sa kaniya at masuyong hinalikan siya sa mga labi.
"Good morning," pagkatapos ay bati sa kaniya na grabe ang pagkakangiti.
Napatanga naman siya. Iyon ba ang isinenyas ni Ate Olivia?
"Ikaw ang pinag-uusapan namin, Maiza. Ikuwinento ko kasi kay Olmer na grabe ka makapag-alala sa kaniya kagabi, pero sinabi ko na pabayaan mo siya kasi sino ba’ng may sabi na magpakalasing siya. At sinabi ko na bumawi siya sa 'yo kasi unang gabi niyo pa naman sana kagabi bilang mag-asawa," pero nang paliwanag na ni Ate Olivia ay unti-unti nang nabura ang mga katanungan at pagtataka ni Maiza sa kaniyang isipan. Nauunawaan na niya.
Totoong ngumiti na siya kay Olmer. Kung ganoon ay mukhang maganda lang talaga ang mood ng kaniyang asawa kahit na nakakapagtaka. Nakakapagtaka talaga dahil hindi lang naman kasi kagabi lang na nakita niyang lasing na lasing si Olmer.
Sa factory, doon sa dati nilang trabaho, ay ilang beses na niyang nakita na lasing si Olmer, at ilang beses na rin niyang nakitang bad mood ito kinabukasan dahil sa hangover. Minsan nga ay hindi na ito nakakapasok noon sa trabaho kapag nalalasing, tapos ang sungit-sungit din nito sa kaniya. May isang beses pa ngang naitulak siya nito kasi makulit daw siya kahit na concern lang naman siya.
"Hoy!" Pumitik sa harapan ng mukha niya si Olmer para magbalik siya sa sarili niya. Natulala na pala siya. "Okay ka lang?"
"Uhm, o-oo naman. Good morning din." Napilitan siyang makisabay na lang sa good mood ng asawa. Tapos napansin niyang patapos na si Ate Olivia sa pagluluto.
"Sorry po, Ate Olivia. Hindi na naman ako nakatulong sa inyo sa pagluluto," nahiya niyang sabi sa ginang.
"Naku ayos lang, Maiza. Itlog lang naman ito at hotdog. Kayang-kaya ko nang mag-isa na trabahuin. Kahit pa naman noong wala ka ay ginagawa ko na ito na mag-isa,” ang laki ng pagkakangiti sa kaniya ni Ate Olivia na sabi nito.
Ewan nga lang niya kung bakit parang feeling niya ay may laman iyon. Parang double meaning. For the first time, she became green-minded.
"Tara, kain na tayo," buti at anyaya sa kaniya ni Olmer kaya nawala siya sa malaswang naiisip.
“S-sige, kain na tayo,” pagpapatianod naman niya.
Saglit lamang ay ang saya na nilang tatlo na pinagsaluhan ang almusal.
Pagkatapos ay umalis na si Ate Olivia. May lakad daw na importante ang ginang. Sinamantala iyon ni Maiza para maglambing kay Olmer. Gusto niyang may mangyari sa kanila ni Olmer ngayon na dapat ay kagabi pa. Hinaplos niya nang masuyo ang braso ni Olmer habang nakahiga ito sa kama nila at nanonood ng TV.
"Ano ba?! Pagod ako!" subali't ay angil na may kasamang tulak naman ni Olmer sa kaniya nang hinalik-halikan niya ng pino ang dulong tainga nito.
Hindi niya pinansin iyon dahil baka nagpapakipot lang si Olmer. Alam niya kung gaano ito kabaliw sa s**, dahil noong nasa factory pa lang sila ay halos mapunta lagi sa s*kd*l*n ang kanilang lambingan. Hindi lang talaga puwede kaya pigil na pigil nila ang sarili. Natatawa na lang siya noon kapag sinasabi ni Olmer na masakit daw ang puson nito.
"Sabing pagod ako, eh! Hindi ka ba nakakaintindi?!" Ngunit marahas na itinulak siya ni Olmer. Bigla-bigla ay bad mood na naman. "B*w*sit! Ang l*l*b*g niyong mga babae!" sabi pa sabay walk-out ng kuwarto. Ibinalibag pa nito ang pinto.
Mabilis na nawala si Olmer sa paningin ni Maiza pero nakatitig pa rin siya sa may pinto. Hanggang sa kusa nang tumulo ang kaniyang mga luha. Nasasaktan siya dahil hindi ganito ang nasa isip niyang mangyayari sa pagsasama nila ni Olmer.
At saka pagod? Pagod daw si Olmer? Saan ito napagod? Sa pagtulog? Sa pagkain ng almusal? Sa pakikipagkuwentuhan kay Ate Olivia habang tulog siya? Nakakapagod ba ang mga iyon?
Dahan-dahan niyang inihiga ang kaniyang sarili dahil parang nanlambot siya at naninikip ang dibdib niya.
Niyakap niya nang mahigpit ang unan. Inalo niya na lamang ang kaniyang sarili upang hindi pa mapunta sa kung saan ang mga itinatakbo ng kaniyang isipan.
Hindi bale, pasasaan at kakalabit din si Olmer sa kaniya kapag nangailangan.