Part 7

1625 Words
"Pupunta ka ba sa office o sa flower shop? Ihahatid na kita, Yumi." Bigla na lamang sulpot at lapit si Olmer kay Yumi. Tutulungan niya sana ang dating nobya sa pagbukas ng gate ng bahay, pero umiwas ito. "Ano na naman ba ang ginagawa mo rito, Olmer? Wala ka ba talagang ginagawa sa buhay mo?" Subalit kaysa ang matuwa ay nagalit agad ang dalaga sa kaniya. Yumi was an heiress to their family company, but she preferred to run her own business, which was the Red Petals. At dahil hilig talaga ng dalaga ang bulaklak ay nag-boom ang kaniyang negosyo. Halos lahat na ng mall ng Metro Manila ay meron na ng branch ng Red Petals, dahilan kaya ipinaubaya na niya nang tuluyan ang pamamalakad ng kumpanya nila sa kaniyang Kuya Junley. Paminsan-minsan ay dumadalaw na lang siya sa office upang i-check ang kumpanya. Si Kuya Junley niya ay anak lang ng kaniyang Mommy sa ibang lalaki, kaya naman ang Dad niya ay sa kaniya pa rin ipinamana ang kumpanya na mahal na mahal nito, sa kadahilanang siya ang legit nitong anak. Gayunman ay walang nagbago sa pagtitinginan nilang magkapatid. Mahal na mahal pa rin siya ng kaniyang Kuya Junley. Nga lang sa sobrang pagpoprotekta nito sa kaniya ay kahit love life niya ay pinapakialaman na ng kanyang kapatid. Ayaw ng kaniyang kuya kay Olmer dahil daw wala siyang kinabukasan sa binata. Babaero raw kasi si Olmer. A ubiquitous womanizer. Katulad ng mga matatanda ng sabi nga ng kaniyang Kuya Junley; lagyan lang daw ng palda ang poste ay malamang papatulan pati ni Olmer. "Dinadalaw kita, Yumi. Ihahatid na kita, ah?" buong pagsuyo na sabi pa rin ni Olmer sa dating nobya. Sinubukan niya ulit itong alalayan. "Ano ba!" ngunit pagtataray na talaga ni Yumi. Salubong ang mga kilay na humarap siya sa binata. "I have my car, Olmer, so please leave now. Give me some space.” "Yumi, naman? Wala na ba talaga ako para sa 'yo?" mangiyak-ngiyak na samo ni Olmer. Pinakawawa niya nang husto ang kaniyang mukha upang maawa sa kaniya ito. "I've already told you, I don't know anymore, and this is all your fault. You know that." Natigilan si Olmer. Ngayon lang talaga siya nahirapan na suyuin si Yumi. Dati naman ay agad siyang napapatawad ng nobya kahit gaano pa kalaki ang nagawa niyang kasalanan. At totoong nababahala na siya. Mahal na mahal niya si Yumi, totoong mahal niya hindi lang dahil mayaman ang dalaga. Mali ang paratang sa kaniya ng Kuya Junley nito na pera lang ang habol niya rito. Maling-mali iyon. Si Yumi ang tanging babae na gusto niyang makasama habang buhay. “Umalis ka na, Olmer, at huwag ka nang babalik pa!” "Patawarin mo na kasi ako. Promise magpapakatino na ako." Pinilit na talaga ni Olmer na mapaluha. Mawala na lahat ng babae sa mundo huwag lang mawala sa kaniya si Yumi. Mamamatay talaga siya kapag ito ang nawala sa kaniya. Oo, babaero siya at laruan lang niya ang ibang babae lalo na ang mga babaeng nagpapakita ng motibo na gusto siya, pero alam niya namang magmahal ng totoo. May puso rin siya, at iyon ay para kay Yumi lamang. Bumuntong-hininga si Yumi at tinitigan siya habang nakahalukipkip pa rin. Buong akala ni Olmer ay maaawa na ito sa kaniya pero pagkatapos ay tinalikuran na ulit siya at pumasok na sa kotse. Walang anu-anong iniwan pa rin siya ng dating nobya. Walang nagawa si Olmer kundi ang mapakamot-batok na lang habang nakasunod ng tingin sa kotse ng dalagang papalayo. Pero nang mahimasmasan siya ay agad niya ring pinara ang taxi na parating. Susundan niya si Yumi. Hangga't may pag-asa siya ay hindi niya titigilan ang totoong babae na mahal niya. PAGDATING ni Yumi sa Red Petals ay sinalubong siya ni Therese. Kinuha sa kaniya ang mga papeles na kaniyang dala. Si Therese ay matalik na kaibigan niya na ginawa niyang katiwala sa kaniyang negosyo. Saktong-sakto kasi sa pinag-aralan nito ang position. "Oh, kasama mo pala si Mr. Pogi?" wika ni Therese nang nakita nito si Olmer sa labas ng main branch ng Red Petals. Animo’y kawawang palabot na nakatanaw ang binata kay Yumi sa may labas. “Hayaan mo siya,” sabi lamang ni Yumi at dire-diretso na siya ng pasok sa loob para i-check ang status ng kaniyang negosyo. Kabubukas lang kaya wala pang customer. Mayroon silang mini office ni Therese sa main branch niya dahil doon lagi niya pinipili na tambayan. "Sungit," palatak ni Therese sa kaibigan. Tapos ay nilabas na nito si Olmer at kinumpronta. "Ano na naman ang ginawa mo sa kaibigan ko, ah?" Ngumiti ng matamis si Olmer kay Therese. "Kailan ba mawawala ang pagkatupak ng kaibigan mo, Therese? Ang hirap na suyuin, eh." Iningusan ito ni Therese. "Magdusa ka. Dapat lang 'yan sa tulad mong lalaki na sobrang mapagmahal. Sobra sa babae kung magmahal. Hmmp!" Natigilan si Olmer pero sa huli ay nagtatawa siya na parang isang baliw. SA IBANG BANDA, ang haba ng pagkakanguso ni Maiza habang sinusuklay niya ang kaniyang buhok. Sobrang nalulungkot siya. Paano'y madaling araw pa lang ay wala na si Olmer sa bahay. Kung saan nagpunta ang asawa ay hindi niya alam. Hindi man lang kasi ito nagpaalam sa kaniya. Gusto nga niya sanang isipin na naghanap ng trabaho ang kaniyang asawa para hindi na siya nag-iisip ng kung anu-ano, kaso ay imposible iyon dahil nakita niya sa isang folder ang mga requirements ni Olmer. Wala namang maghahanap ng trabaho na walang dala kahit anumang dokumento. Malalim na napabuntong-hininga si Maiza. Malamang ay nagpunta lang sa kung saan ang kaniyang asawa. Ang tanong niya ay saan naman kaya iyon? Upang hindi ma-stress at hindi malasin sa kaniyang pupuntahan ay tumayo na siya nang matapos niyang ayusin ang sarili. Konting pulbos, lipstick, at blush on lang naman ang inilagay niya. Maghahanap siya ngayon ng trabaho. Nagpasiya na lang din siyang umalis. Siya na lang ang maghahanap ng trabaho. Naisip niya na nakakahiya naman kay Ate Olivia kung magtatagal sila sa bahay na iyon. Isa pa, gusto niyang mapatunayan sa sarili niya na kaya na niyang mag-asawa. Ayaw niyang dumating ang oras na malaman ng kaniyang mga magulang na nakikisama na siya sa isang lalaki, na wala pang maipapakita na kaya na niyang mapanindigan ang pag-aasawa. Kung puwede nga lang ay makasal na sana sila ni Olmer bago malaman ng kaniyang mga magulang na nakikisama na siya sa isang lalaki rito sa Maynila. Nga lang, imposible pa iyon na mangyari kaya hindi na siya umaasa. Nang umalis siya ay hindi na siya nagpaalam kay Ate Olivia dahil tulog pa yata ang mabait na ginang. Naglakad-lakad siya sa labas. Patingin-tingin siya sa paligid. May mga nakita siyang nakapaskil na mga hiring pero hindi umubra ang mga requirements niyang dala. Kung hindi siya bagsak sa height ay with experience at college graduate naman ang hinahanap nila. High school graduate lang kasi siya. Hanggang sa nagpasiya siyang magpalamig sa isang mall at napadaan siya sa isang flower shop. Nagandahan siya sa mga naka-display na mga bouquet kaya tumigil siya saglit doon. Hindi siya mahilig sa bulaklak, pero tulad ng karamihang babae ay gusto pa rin niya sanang maranasan na makatanggap niyon. Sa isip-isip niya ay ano kaya ang feeling kung bibigyan siya ni Olmer ng ganoong kagaganda na bulalak? Nakakakilig siguro. "Bouquet of flowers, Ma'am?" tanong ng isang staff ng shopr sa kaniya nang mapansin siya. Umiling siyang nakangiti. Syempre hindi siya bibili. At kahit gusto niya ay baka nga kailangan niya pang mag-ipon ng ilang taon bago siya makabili kahit simpleng bouquet lang ng red roses. "So, nag-aaply ka ng work?" tanong ulit sa kaniya ng babae. Itinuro nito ang brown envelope na dala niya. Mabining tumango si Maiza. “Oo sana.” Mas ngumiti sa kaniya ang babae. "Bakit hindi mo i-try rito?" "Hiring po kayo?" Nabuhayan ng loob si Maiza. Sa ganda kasi ng flower shop ay malamang mataas ang sahod dito. "Oo, need namin ng helper. Hindi lang nakapaskil kasi nagpapagawa pa sina Ma’am. Gusto mo bang subukan?" Lumawak ang pagkakangiti ni Maiza. "Puwede ba?" "Oo naman. Sige, halika. Samahan kita kay Miss Therese at Miss Yumi," anyaya na sa kaniya ng babae. "Ako nga pala si Iris." "Ako naman si Maiza." Gumaan ang pakiramdam niya sa babaeng Iris pala ang pangalan. Ang bait nito tapos laging nakangiti. Natitiyak niya na magiging kaibigan niya ito oras na matanggap siya sa trabaho… kung matatanggap nga siya. Hindi na naman kasi siya umaasa. "Sana matanggap ka para may bago akong kaibigan," sabi pa ni Iris. Mas ngumiti pa siya rito. "Salamat at sana nga dahil kailangan ko talaga ulit ng trabaho." "Saan ka ba dati?" "Sa factory ako dati. Stay in. Gumagawa kami ng mga damit" "Ah, mabuti kung gano'n at least may experience ka na sa pagwo-work. May pag-asa ka ngang matanggap." Muli silang nagngitian ni Iris. "Iris, tumawag 'yong supplier. Anong mga kailangan natin na o-order-in?" Natigilan sila sa pag-uusap nang biglang sulpot ang nagsalitang napakagandang babae. Aakalaing isang modelo ito sa ganda at tangkad. Maliit ang mukha nitong napakakinis, kainggit-inggit ang glass skin nitong balat. Matangos ang ilong nito at mapupungay ang mga mata kahit na halatang may bahid iyon ng lungkot. "Opo, Miss Yumi, ihahanda ko po ang listahan. At, Miss Yumi, may nag-a-apply po pala," sabi ni Iris sa magandang babae na siyang boss pala ng flower shop. Yumukod si Maiza sa magandang babae nang tapunan siya nito ng tingin. At ewan niya dahil for the first time ay nakaramdam siya ng insecurities. Lumiit nang husto ang tingin niya ngayon sa sarili niya bilang isang babae, dahil sa pagkukumpara ngayon sa napakagandang babae na kaharap niya. Sana lahat maganda, sana lahat mayaman. Nakakainggit si Miss Yumi and at the same time nakakahanga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD