Part 8

1310 Words
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Maiza habang naglalakad pauwi. Pinag-start siya kasi agad ng may-ari ng flower shop na kaniyang in-apply-an. Sobrang masaya siya dahil tanggap na siya. Hindi niya akalain na ganoon kabilis na magtitiwala sa kaniya si Miss Yumi. Mukhang mabait nga talaga ang mayamang dalaga katulad ng unang impresyon niya. Salamat sa Diyos, may trabaho na siya ulit. Hindi na siya mahihiya kay Ate Olivia. Kahit paano ay makakatulong na siya sa gastusin sa bahay. At kung susuwertihin ay balak niya kapag nakaipon siya ay hahanap na siya ng mauupahang bahay nila ni Olmer. Makakapagsimula na sila ng kaniyang asawa. Hindi na nila kailangang makipisan pa sa iba. "Neng?" Napalingon siya nang may tumawag sa kaniya. Matandang babae pala. Nagwawalis ito sa bakuran ng bahay kahit padilim na. "Ako po?" naninigurong turo niya sa sarili na tanong. Madami kasing dumadaan din maliban sa kaniya. Tumango ang matanda. “Bakit po?” Ngumiti naman siya at lumapit. Naisip niya na baka nais lang ng ginang na makipagkaibigan. "Ano ka riyan sa bahay na ‘yan, ineng? Kamag-anak ka ba ni Olivia?" Umiling siya nang sunod-sunod habang nakangiti pa rin. "Hindi po. Asawa po ako ni Olmer. Nakikitira lang po kami kay Ate Olivia dahil wala pa po kaming matitirhan sa ngayon." Kapansin-pansin na lumaki ang mga mata ng matanda. Para ba’y nakakagulat ang kaniyang binitawang mga salita. "Tama ba ang narinig ko? Asawa ka kamo ni Olmer?" "Opo. Ako po ang asawa ni Olmer,” ulit niya. "Ay, Diyos ko!” Ngunit ay napa-sign of the cross ang matanda na animo’y nakakita ng nakakatakot sa kaniyang mukha. "Bakit po? Ano po’ng problema?" Unti-unti ay nawala ang ngiti sa mga labi ni Maiza. Hindi na kasi normal ang mga reaksyon ng matanda. "Ah, wala. Wala naman." Subalit ayaw namang liwanagin ng matanda kung ano ang mali sa kaniyang sinabi. “Bakit nga po? May sasabihin po ba kayo sa akin? May masama po ba sa sinabi ko na mag-asawa kami ni Olmer?” mga tanong niya pa rin. Hindi na kasi siya mapakali. Siya man ay nahihiwagaan na sa matanda. Sigurado siya na may nais itong sabihin pero nag-aalangan lamang. “Wala, ineng. Sige na. Pasensiya na sa abala,” subalit ay sabi lang ng matanda at nagkunwaring abala na ito sa pagwawalis. "Sige po kung gano’n. Papasok na po ako sa bahay,” napilitan niya na lang din na sabi. Yumuko siya bahagya bilang pagrespeto pa rin dito kahit na ginulo nito ang isip niya. "Ay, kawawang babae,” pero sa kaniyang pagtalikod ay narinig niyang mahinang bigkas pa ng matanda. Mahina iyon at halos pahinga lang, umabot lang sa kaniyang pandinig. Halos magsalubong na talaga ang mga kilay ni Maiza na nilingon ito, pero halatang umiwas na talaga sa kaniya ang matanda. Kay bilis nang pumasok ito sa loob ng bahay nito. Hindi naman siya nakakilos agad. Nahihiwagaan na talaga siya. Siya ba ang tinutukoy ng matanda na kawawang babae? Pero bakit naman siya kawawa? Dahil ba nakikitira lang sila ni Olmer sa bahay ni Ate Olivia o may iba pang dahilan? Minuto ang itinagal na nakatayo lang siya roon bago siya nahimasmasan. Napapabuntong-hininga na pumasok na siya sa loob ng bahay. Hinayaan na lang niya ang kakaibang kilos ng matanda. Hindi bale at malapit naman na silang makalipat ni Olmer. Hindi na maaawa sa kaniya ang nakausap na matanda. Bumalik ang excitement niyang ibalita kay Olmer at Ate Olivia na may trabaho na siya. "Nandito na po ako," malakas ang boses niyang sabi habang inaalis niya ang sapatos. Patingin-tingin siya sa taas ng bahay, sa kanilang silid. Wala nga lang tumugon. Parang walang tao ang bahay. Pumasok sa isip niya na baka hindi pa nakakauwi ang kaniyang asawa. “Olmer? Ate Olivia?” tawag niya sa pangalan ng dalawang kasama sa bahay. Sumilip siya sa kusina at nang walang tao roon ay umakyat na lang siya sa taas. Didiretso sana siya sa kuwarto nilang mag-asawa upang magpalit ng damit, ngunit ganoon na lamang ang kaniyang gulat nang biglang nagbukas ang kuwarto ni Ate Olivia at lumabas doon si Olmer. Napansin niya agad na pawis na pawis at naka-boxer short lang ang asawa. Wala rin itong pang-itaas na damit. “Mahal?” Napatanga siya sa mukha ni Olmer. Nagulat din si Olmer pero naka-recover din ito agad. "Oh, nandito ka na pala? Kanina ka pa?” Umakbay ito sa kanya. Umiwas siya. Pinalis niya ang kamay nito sa kaniyang balikat. "Bakit?" maang na tanong ni Olmer. “Ano’ng ginagawa mo sa loob ng kuwarto ni Ate Olvia?” lakas-loob naman niyang tanong. Hindi niya kasi gusto ang pumasok sa isip niya. “Ah.” Napakamot sa ilong si Olmer. “May pinagawa kasi si Ate Olivia. Katatapos ko nga lang.” "At ano naman ‘yon?" "Iyong cabinet ko. Nasira kasi ‘yong lock kaya nakisuyo ako kay Olmer, Maiza," si Ate Olivia na ang sumagot sa kaniya. Naka-roba itong lumabas ng silid. Katulad ni Olmer, kita rin ang iilang pawis nito sa noo. Naglipat-lipat ang tingin ni Maiza sa dalawa. Hindi na niya talaga gusto ang naiisip ng kaniyang utak. Ngunit saglit lang ay siya rin ang nahiya. Sinaway niya ang sarili niya dahil kailan pa naging malaswa ang utak niya. Ang sama niya para pag-isipan niya ulit ang mga ito ng masama. At saka matanda na si Ate Olivia para magawa nito ang nasa isip niya. Imposible iyon. “Gano’n po ba,” ang naisatinig na lamang niya bandang huli. "Sige, maiwan ko na kayo. Inaantok na ako, eh. Kumain na lang kayo sa kusina ‘pag gutom kayo," paalam naman na ni Ate Olivia. Bumalik na ito sa kuwarto. "Okay ka lang?" masuyong tanong ni Olmer sa kanya nang sila na lang dalawa. Nang hindi siya sumagot ay pinangko siya ni Olmer. “Olmer, ano ba?!” Hindi na niya napigilan ang hindi mapahagikgik. Mahigpit na ikinapit niya ang mga braso niya sa leeg nito. Dinala siya sa kuwarto nila at doon ay kiniliti nang kiniliti. “Tama na! Tama na! Mamamatay na ako!" tumatawa niyang awat sa asawa. Tumigil naman ito at humiga sila nang maayos. “Gusto mong kumain?" pagkuwan ay tanong sa kaniya nito. "Hindi pa ako nagugutom," sagot niya na nakangiti. Nakaunan siya sa matipunong dibdib ng asawa. "Sabihin mo lang ‘pag gutom ka na. Kain tayo." Tumango si Maiza. "Siya nga pala, mahal. May good news pala ako sa ’yo." "Ano ‘yon?" "May trabaho na kasi ako. Natanggap ako agad kanina sa inaplayan ko." "Talaga?" "Oo at sa isang flower shop. Mag-a-arrange lang ako ng mga bulaklak kaya siguradong kayang-kaya ko ang trabaho." Napaubo si Olmer. "Saan kamo?" "Sa isang flower shop.” Tumango-tango si Olmer. Sa isipan nito ay nagkalat naman sa Maynila ang mga flower shop kaya wala siyang dapat ipag-alala. "Okay ba naman doon?" “Oo, Mahal. Mukhang mabait naman ang magiging amo ko at ang mga makakasama ko roon," mabilis na sagot ni Maiza. "Pagbubutihin ko ulit ang trabaho ko para kapag nakaipon ako ay lilipat na tayo ng bahay. Mangungupahan tayo kahit maliit na kuwarto lang." Ang hindi niya inasahan ay ang pagsasalubong ng mga kilay ni Olmer. "Bakit? Maganda naman dito, ah? Bakit pa tayo aalis?” "Oo nga pero nakakahiya kasi kay Ate Olivia lalo’t hindi naman niya tayo kaanu-ano." "Wala ‘yon. Mabait ang matandang ‘yon. Saka dito wala tayong problema. Kahit hindi na nga ako magtrabaho, eh. Tutulungan pa nga niya ako na magkaroon ulit ng negosyo." "Pero…" "Huwag ka na ngang pero nang pero!” galit na putol ni Olmer sa dapat ay ikakatwiran niya. Para hindi magalit ang asawa ay hindi na umimik si Maiza. Mag-aaway lang sila kapag ipagpipilitin niya ang kaniyang gusto. Mas mainam siguro kung sa ibang araw na lang ulit niya ipapaliwanag na mas maganda pa rin na nakabukod silang mag-asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD