Part 9

1323 Words
“Heto ang thorn stripper mo, Maiza. Ginagamit ito para madaling tanggalin ang mga tinik ng bulaklak, lalo na ang mga roses,” ang sabi ni Iris kay Maiza. May bitbit din ang dalaga ng iba’t ibang klase ng bulaklak at mga iba pang gagamitin nila. “Halika. Tuturuan kitang gumawa ng bouquet.” “Salamat, Iris,” sagot naman ni Maiza na nakangiti. Kahit na may tampuhan sila ni Olmer at hindi na naman umuwi ang asawa ay pinili pa rin niyang pumasok. Mahalaga ngayon para sa kaniya ang bagong trabaho. Malaki ang maitutulong nito para makapag-umpisa ulit siya. Mamaya na lang niya kakausapin si Olmer kapag nasa bahay na ang asawa. Kailangan lang maunawaan ni Olmer na hindi puwede ang gusto nito; iyong dedepende na lang sila kay Ate Olivia. Maling-mali iyon dahil malalakas pa naman sila upang magtrabaho. At nagsimula na nga siyang turuan ni Iris. Isang piraso ng rose muna ang ginawa nila. Pinapili siya kung ano ang gusto niyang bulaklak at syempre ang mga red roses ang pinili niya. “Ang cute,” tuwang-tuwa niya na saad nang makatapos siya ng isa. Natawa sa kaniya si Iris. “Madali lang, ‘di ba?” Madaming tango ang ginawa niya. “Kailan kaya ako mabibigyan ng kahit ganito man lang?” “Bakit? May boyfriend ka na ba?” “Oo at mag-live-in na kami.” “Asawa mo na siya kung gano’n?” “Parang ganoon na nga,” kiming sang-ayon niya sabay ipit ng buhok sa likod ng kaniyang tainga. “Ay, sana all,” inggit na nasabi na lamang ni Iris. Mayamaya pa’y busy na ulit sila. Itinuro lahat sa kaniya ni Iris ang mga basic technique sa paggawa ng iba’t ibang bouquet. Nang dumating si Yumi at Therese ay natigil lang sila saglit para bumati sa kanilang mga boss. “Sana mag-enjoy ka sa trabaho rito, Maiza,” sabi sa kaniya ni Yumi. “Opo, Miss Yumi. At thank you po ulit sa pagtanggap at pagtitiwala niyo sa akin.” Tipid na ngumiti sa kaniya ang mabait na amo. Pagkuwa’y lumakad na sila ni Therese papasok sa office nila. “Nandiyan na naman si ex-pogi mo na makulit. Hindi mo ba kakausapin?" kilig na kalabit ni Therese kay Yumi. Nakita kasi nila sa di-kalayuan ng boutique si Olmer. Iniiwas ni Yumi ang brasong kinakalabit ni Therese saka tiningnan ito nang masama. “Kung gusto mo ay ikaw na lang ang kumausap sa kaniya. Nakukulitan na talaga ako sa lalaking ‘yan, eh.” Napanguso si Therese. “Ang suplada naman talaga.” Umikot ang mga mata ni Yumi pagkuwan ay lumakad na papasok sa office nito. "Sino si ex-pogi?" curious na tanong naman ni Maiza kay Iris nang wala na ang mga boss nila. One hour pa bago magbukas ang mall. Maaga sa isang oras talaga ang pasok nila para maihanda nila ang boutique. Sabi naman ni Iris ay may bayad iyon. Kasama raw sa over time nila. "Dating boyfriend siya ni Miss Yumi. Si Miss Therese lang ang nagbansag niyon. Pang-asar niya kay Miss Yumi," sagot ni Iris sa kaniya. "Pero ang alam ko ay bumabalik ulit si ex-pogi kay Miss Yumi? Mahal siguro talaga ni ex-pogi si Miss Yumi. Hatid-sundo nga siya ulit kay Miss Yumi. Kulang na nga lang ay haranain ni ex-pogi si Miss Yumi, ang kaso dahil sobrang nasaktan noon si Miss Yumi ay hindi pa rin niya mapatawad. Niloko raw yata kasi ni ex-pogi si Miss Yumi.” “Sa ganda na iyon ni Miss Yumi nagawa pa siyang lokohin?” hindi makapaniwalang naibulalas ni Maiza. Natigilan siya sa pagti-trim sa bulaklak. “Babaero raw kasi talaga si ex-pogi,” sabi ni Iris. Ito naman ang umaayos sa brown na kraft paper. “Anong pangalan ni ex-pogi?” tanong niya ulit. “Opss, bawal banggitin dito. Ayaw ni Miss Yumi na marinig ang pangalan ni ex-pogi kaya ‘wag mo nang alamin.” Napakamot si Maiza sa kaniyang ulo. Sabagay mas maganda nga na hindi niya malaman pa. Ewan ba naman kasi niya at bakit nagkainteresado siya sa ex-pogi na iyon. Nagmukha tuloy siyang tsismosa. “Tama na ‘yang maritesan niyo, girls. Baka marinig kayo ni Yumi," saway na sa kanila Miss Therese nang lumabas sa office. “Iris, pabili raw ng frappe si Yumi,” saka utos nito. “Gawin mo nang apat, Iris, para tig-isa tayo,” biglang singit ni Yumi. “Oh, bakit ka pa lumabas? Para masilip si ex-pogi?” tudyo ni Therese sa kaibigan. Napatingin nga si Yumi sa may labas ng boutique. Lahat na sila, pero wala namang tao na roon. "Oh, kita mo hinahanap mo rin," tudyo pa ni Therese sa kaibigan. Kinilig naman sina Iris at Maiza na nagkatinginan. “Kapag nandiyan ang tao, pinagtatabuyan. Pero kapag wala, hinahanap. Ay naku, kupido ang gulo-gulo. Hindi pa kasi aminin na mahal pa rin,” parinig na naman ni Therese kay Yumi. "Oo na. Mahal ko pa rin naman siya pero pasaway kasi, eh, ayaw ayusin ang buhay," bigla tuloy ay pag-amin ni Yumi. Nagtilian na sina Maiza, Iris at Therese. Kilig na kilig sila para sa kanilang amo. “Hoy, ‘wag nga kayong ano,” parang hindi boss na saway ni Yumi sa tatlo. Natawa na rin ito. “Gaano kapasaway, Miss Yumi?" usisa ni Iris na nakangiti. Ang hitsura nito ay parang in love na rin. Kulang na lang ay magkorteng puso ang mga mata nito. "Sobra pasaway. Masyadong babaero kaya hayaan niyo siyang maghirap nang malaman niyang mahirap din akong magpatawad," mabilis na sagot ni Yumi. "Eh, nagbago na nga raw, ‘di ba? Sabi nga niya sa akin ay ikaw lang pa rin ang mahal niya,” sabad ni Therese. Nanunukso pa rin ang ngiti nito kay Yumi. "Bakit hindi mo siya bigyan ng second chance? Malay mo nagbago na nga talaga? Lahat naman ng tao nagbabago, eh, basta gustuhin niya. Kita naman na nag-i-effort siya.” "Pero nakakatakot pa ring magtiwala. Ayoko ulit masaktan. Gusto ko kapag nagkabalikan kami ay wala na akong pagsisisihan," open na talagang sabi ni Yumi. Nakiki-ride na talaga ito sa usapan nilang apat. “Sabi nila, Miss Yumi, mas masarap daw magmahal ang mga playboy or bad boy kapag nagbago siya para sa ’yo,” pakikisali na rin ni Maiza sa usapan. Naalala niya si Olmer. Nai-connect niya ang love story nila ni Olmer. Masasabi niya kasi na nagbago naman kahit papaano ang pasaway noon na si Olmer nang naging silang dalawa. "Oh, kitam pati si Maiza gano’n ang isip. Hindi naman kasi lahat ay forever na playboy ang isang lalaki. Ikaw lang naman kasi ang ayaw buksan ang puso sa pangalawang pagkakataon," sabi ni Therese kay Yumi. Nginitian ni Yumi si Maiza. "Pero paano kung hindi pala?" "Pero paano nga kung nagbago na talaga? Eh, di sayang ‘yung time na dapat magkasama kayo na masaya?" giit pa rin ni Therese. “Oo nga, Ma’am,” sang-ayon na rin ni Iris. Tumango-tango naman si Maiza habang nakangiti. Saglit na napaisip si Yumi. "Sabagay tama kayo,” dikawasay sabi nito na mukhang nakumbinsi na nila. Natuwang nagkindatan sa isa’t isa sina Therese at Maiza. Kinikilig na umalis naman na ni Iris upang bumili. “Sige na labasin mo na at baka nasa tabi-tabi pa lang siya. Mag-usap lang daw kayong saglit," susog pa ni Therese kay Yumi. "Samahan mo ako," paglalambing naman ni Yumi rito. "Tara," ani Therese at inakay na nito ang kaibigan. "Maiwan ka muna namin, Maiza," pero bago ang lahat ay sabi nito kay Maiza. “Sige po," sabi naman ni Maiza. Nakangiti niyang ipinagpatuloy ang pagtatanggal ng mga tinik ng mga roses nang wala na ang magkaibigang boss nila. Masaya siya para kay Yumi. Sana nga ay magkaayos na sila ni ex-pogi. Hanggang sa may pumasok sa isip niya. Siya kaya? Kaya niya rin kayang magbigay ng second chance oras na makagawa rin ng kalokohan si Olmer?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD