NAGPAPALIT-PALIT NG tingin ang ama ni Sasha sa kanya at kay Raiden na sa wakas ay napawi na rin ang hapdi ng sugat na nabuhusan ng alcohol. Wala naman kahit sinong tinamaan ng bolo ng kanyang ama dahil nakapagpaliwanag sila agad ng binata. Mabuti na lang at nakalma naman ito agad. Akala niya ay talagang dadanak na ng dugo.
Hay naku, ilang beses ba siyang dapat masangkot sa magulong sitwasyon sa isang araw?
“’Te, boyfriend mo ba iyan? Ang guwapo, ha?”
“Pogi, may kapatid ka bang mga kasing edad ko? May number ka niya? Pahingi naman—“
“Kayong dalawa—“ Bago pa makatapos ang kanilang ama sa sasabihin ay nakabalik na uli sa silid ang mga kapatid niya. Napabuntunghininga na lang ito. “Nakita mo na kung bakit naghihigpit kami pagdating sa pagdadala ng lalaki dito, Anastasha? May mga nakababata kang kapatid na babae. Alam mo kung gaano kakukulit ang mga iyon. Ayoko na sanang mauulit ito.”
Tumango lang siya.
“Ikaw naman,” baling nito kay Raiden. “Kumusta na iyang sugat mo? Maayos ka na ba?”
“Ako na lang ho ang bahala sa sarili ko. Konting sugat lang naman ito.”
“Salamat nga pala sa pagliligtas mo sa anak ko. Pagpasensiyahan mo na rin ang naging reaksyon namin kanina. Alam mo naman ang mga magulang sa mga anak nilang babae, masyadong protective.”
“Naiintindihan ko ho.”
“Dito ka na matulog, hijo,” singit ng kanyang ina. “Mukhang inaantok ka na kasi.”
“Hindi na ho. Sa bahay ko na lang ako magpapahinga. Masyado ko na kayong naistorbo dito.”
“Walang anoman iyon. Iniligtas mo naman ang anak namin.”
“Maiwan na namin kayo rito. Anastasha, ikaw na ang bahala sa kanya. asikasuhin ko siyang mabuti.”
Iyon lang at pumasok na rin sa sarili nilang kuwarto ang mga magulang niya. Sa wakas ay natahimik na rin ang paligid.
“Pasensiya ka na.” Napapakamot na lang siya ng ulo. “Muntik ka pang ma-chop-chop ng tatay ko.”
“Oo nga. Lagi na lang akong napapahamak nang dahil sa iyo.”
Napamaang siya rito. What the heck? Bakit humirit na naman ito ng mga pamatay nitong linya? Hay naku, paminsan-minsan lang talaga ito nagiging mabait sa kanya.
“Sorry.”
“I better go.” Nang tumayo ito ay tumayo na rin siya.
Napansin niyang napatingin ito sa damit nitong bahagyang nakabukas. Pagkatapos ay muli nitong binuksan ang polo at nagpamaywang.
“Paki-bandage.”
“Ha?”
“Paki-bandage ang sugat ko. Hindi mo na iyan kailangang linisan pa dahil binuhasan mo na naman iyan ng alcohol kanina. Kaya paki-bandage na lang.”
“A, oo.” Agad siyang gumupit ng gasa at itatapal na lang niya iyon sa sugat nito ang matigilan siya. Her hands were shaking.
Pambihira! Hanggang ngayon ba’y pinagnanasaan pa rin niya ang katawan nito? Sasha, stop fooling around. Nasaktan at napahiya na nga ‘yung tao nang dahil sa iyo, iyan pa rin ang iniisip mo. Just bandage the guy, will you? Lahat ng willpower niya para makontrol ang nanginginig niyang mga kamay ay ginamit na niya para lang matapos na ang lahat. But everytime her finger would touch his skin, he moves away.
“Ano ba, Raiden? Huwag ka ngang magulo.”
“Ikaw ang magulo.”
“Anong ako? Ikaw diyan ang malikot. Just stay put.” She tried putting a bandage again but it slipped through her hand. Dumampi tuloy uli ang mga daliri niya sa balat nito.
He winced. “Huwag na nga.”
“Teka lang, kapag hindi natin nilagyan iyan ng bandage, baka maimpeksyon iyan.”
“Sa ospital na lang ako magpapa-bandage.”
“Ako na tutal nandito ka na. Just stay there.”
Hinawakan niya ito sa magkabilang beywang. Raiden winced again. But this time, alam na niya ang dahilan ng mga pagsinghap nito. She looked up to him and grinned when she saw his reddening cheeks. He was ticklish.
“So, dito pala ang kiliti mo…”
Hinawakan nito ang braso niya. “Stop it.”
“Huuu, ang lakas pala ng kiliti mo. Para kang babae.”
“Not because I’m a little ticklish doesn’t mean I’m—aahhh!”
Sinundot niya ang tagiliran nitong walang pinsala. Natawa na lang siya. Hindi niya akalaing may lalaki palang napakalakas ng kiliti sa katawan. At mas lalong hindi niya akalaing ang antipatikong tulad ni Raiden ay isa sa mga iyon.
“Uuyy! Uuuy!”
“Sasha,” he warned. “I said stop it.”
“Hi-hi-hi-hi!”
Ngunit sa ikatlong pagtatangka niyang kilitiin ito ay nahawakan nito ang kanyang dalawang kamay. He then pulled her to him, securing her hands on her sides.
“Kung hindi ko lang inaalala ang parents mo, hinalikan na kita bilang parusa sa kapangahasan mo.”
“Naks! So deep.”
Nagregodon ang puso niya nang ilapit nito ang mukha sa kanya. Syet! Hahalikan nga talaga niya ako! Magkakahalong excitement at kaba ang nagrambulan sa sistema niya. She backed out.
“Ah, hindi na ako uulit! Pramis! Hindi na kita kikilitiin.”
“I don’t believe you.” Patuloy ang pagbaba ng mukha nito sa kanya.
Patuloy din ang nakakabinging t***k ng puso niya. “T-teka, totoo iyon. Hinding-hindi na kita…Ma! Pa!”
“Ano iyan?” sagot ng ama sa loob ng kuwarto.
Agad na lumayo sa kanya si Raiden. Doon siya nakakita ng pagkakataon para mabilis na maitapal sa sugat nito ang bandage.
“Aalis na raw ho si Raiden!”
“Ingat, hijo!” sagot ng kanyang ina.
Alanganin na lang ang ngiti niya sa binata nang mataman siya nitong titigan habang ikinakabit uli ang butones ng polo nito.
“Salamat ho,” ganting sagot din nito. Then he patted her head and walked out. “See you at the office, Anastasha.”
Tila pagod na pagod siyang naupo sa sofa nang tuluyang makaalis ang sasakyan ni Raiden. Ipinaypay niya ang kamay sa sarili.
“So hot, huh,” sambit niya.
Grabe rin naman ang lalaking iyon. Hindi na mabiro. Ano ba naman ang makapag-enjoy ito ng konti kalokohan? Akala pa naman niya, since nakapagbitaw na ito ng biro kanina e okay na ito. Hindi pa rin pala. Nasulyapan niya ang mga ginamit niya para gamutin ang sugat nito. Isa-isa niya iyong ibinalik sa medicine kit.
“Pero masarap ka rin naman palang alagaan, Raiden.”
Sa tingin niya, hindi siya magsasawang alagaan ito. Kahit na ito pa ang pinakasupladong tao sa mundo. I’ll see you tomorrow.