Matapos kong makasagupa ang marami sa mga alipores ng lugar na ito ay muli kong narating ang kinaroroonan ni Kaito. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Nananatili pa rin siya mula sa pagkakasalampak niya sa sahig. Tulala habang nakatitig sa hati-hating parte ng bangkay ng kanyang ama. Huminto ako sa kanyang harapan. Dahan-dahan naman siyang lumingon sa akin. Alam kong sa mga oras na ito ay halos hindi na ako makilala dahil naliligo na ako sa dugo ng ibang tao. Bahagya na rin akong hinihingal ngunit hindi ako makaramdam ng pagod. Manhid na ang lahat ng aking pakiramdam. Nagtama ang aming paningin. Hindi ko matukoy ang kadilimang nababanaag ko sa kanyang mga mata. Pakiramdam ko ay kaming dalawa na lang ang natitira sa mundong ito kahit nariyan pa rin ang maraming putukan sa paligid.

