CHAPTER 5:
TINATAWAG NA BA AKO NG KALIKASAN? KAILANGAN ko na ba talagang madiligan? Bakit parang binibigyan na yata ako ng sign?
"Matulog ka na nga! Nadi-distract ako sa 'yo, kanina pa dilat ang mga mata mo!" saway sa akin ni Nora.
Abala pa rin siya sa ginagawa niya. Mukhang over time dahil matatapos na raw ang season ng sinusulat niyang Finding Antidote. Iyon ang zombie webtoon series niyang sinusulat.
"Hindi nga ako makatulog e," sagot ko.
"Ano ba kasing iniisip mo?" tanong niya.
Itinigil niya ang ginagawa at saka humarap sa akin. Halata ang pagiging kuryoso sa mukha niya.
"Wala akong iniisip, siguro dahil hindi ako masyadong pagod kaya hindi ako makatulog," pagdadahilan ko.
Nanliit ang mga mata niya. "Tungkol ba 'yan sa toot?"
Tumaas ng kilay ko. "Anong toot? Ngipin?"
Napasinghap siya. "Duh? Toot as in censored! Ang sabi mo kasi kanina, bakit lahat ng pinag-uusapan ay tungkol doon? Ibig bang sabihin niyan, 'yon ang pinag-uusapan n'yo ng ka-chat mo?"
Napilitan akong bumangon sa kinahihigaan kong banig at saka nag-indian sit.
"Hindi naman as in 'yon ang pinag-usapan namin. Bigla na lang napunta sa gano'ng topic. Pero hindi pa rin vulgar, parang naisingit lang talaga," sagot ko.
Tumango-tango siya. "Baka naman kailangan mo na talagang madiligan. Ang tanda mo na kaya!"
Nanlaki ang mga mata ko. "Matanda na ba ang 26 years old para sa gano'n? Para sa akin as long as hindi pa ako nakalalampas sa kalendaryo, okay pa ako."
"Sus! Para sa 'yo 'yon! Pero para d'yan sa flower mo, unti-unti na siyang kumukunat."
"Anong kumukunat na? Kumukunat ba 'yon?"
Ngumisi siya. "Kumukunat 'yan, tanong mo pa sa nanay mo."
Nanlaki ang mga mata ko. "Bakit kailangan ko pang itanong kay nanay?!"
Natawa siya nang malakas nang dahil sa sinabi ko. Para bang tuwang-tuwa siya sa nagiging reaksyon ko.
"Ewan ko sa 'yo, itulog mo na 'yan! Iyan yata ang epekto sa 'yo ng walang trabaho, nagiging praning!"
Sinamaan ko na lang siya ng tingin pagkatapos at muling nahiga sa banig. Pumikit na lang ako at tinakpan ang mukha ko para naman kahit papaano ay hindi ako makadistract kay Nora.
Mabuti pa itong si Norabelle, explorer! Noon talaga, sa sobrang curious niya sa lahat ng bagay, sinusubukan niya ang lahat. At s'yempre kasama ang bagay na 'yon sa in-explore niya kasama ang ex-boyfriend niya.
Samantalang ako, erotic ang genre ko sa webtoon tapos wala pa akong experience doon. Puro lang ako research sa goglee! Kaya balak ko na talagang lumipat ng genre, bahala na kung hindi pumatok. At least hindi na ako nasasaktan.
Sa kaiisip ng kung ano-ano, nakatulog din ako sa wakas. Nagising akong umaga na at masarap na masarap na rin ang tulog ni Nora sa higaan niya.
Bumangon ako at dumiretso sa kusina kagaya ng nangyari kahapon. Medyo nalungkot lang ako, ibig bang sabihin nito ay paulit-ulit sa loob ng dalawang buwan ang gagawin ko?
Napailing ako, ngayon ko lang napagtantong paulit-ulit lang din naman ang ginagawa ko sa araw-araw. Hindi ko lang napapansin dahil abala ako sa pagsusulat ng webtoon. Sa loob ng imahinasyon ko, nakakapaglakbay ako. Sa mga imahinasyong isinusulat ko, nakakatakas ako sa magulong mundong mayro'n ako.
Matapos kong magluto ng almusal, hindi na muna ako kumain. Hihintayin ko na muna si Nora na magising bago kami kumain.
Naupo ako sa sofa at kinuha ang phone ko na nasa bulsa. Kanina ko pa 'to dala pero nag-aalangan pa akong buksan ang wifi connection dahil hindi ko pa alam kung ano ang sasabihin ko kay ZDA24.
Pagbukas ko pa lang ng internet, message niya na kaagad ang bumungad sa akin.
ZDA24:
Good morning! What's your plan for today?
Nagsend rin siya ng smile emoticon sa dulo ng message niya.
Ailith26:
Good morning too! Wala naman akong plano para ngayong araw, mukhang sa loob ng dalawang buwan ay paulit-ulit lang na iikot ang mundo ko rito sa bahay ng kaibigan ko.
Habang hinihintay siyang mag-reply, binuksan ko na muna ang T.V. para kahit papaano ay malibang naman ako. Alas otso na ng umaga at sigurado naman akong may palabas na 'gaya ng Unang Birit sa Umaga.
Pagbukas ko ng T.V. bungad kaagad ang interview kasama ang Sexy Seven. Ang gagwapo talaga nila, ang problema lang ay hindi naman ako mahilig sa mga kanta nila. Mas type ko kasi 'yong mga kantang nakaka-sentimental!
"Kumusta pala kayo after the release of your sixth album, Biglang Iniwan?" tanong ng host na si Karenina Avila.
Ang sumagot ay 'yong si Zareb. Siya iyong member nila na kilala bilang lead rapper at pinakamatangkad sa kanila.
"Ayos naman po kami, hindi namin inakalang magiging sikat ang kanta naming 'yon dahil kilala kami sa mga good vibes music. Pero ito, ang lungkot. Kaya nanibago kaming lahat," sagot niya.
"Totoo, ang lahat ay nanibago nang dahil sa bago n'yong kanta. Hindi siguro nila akalain na kaya n'yo ang malungkot na kanta. Ramdam na ramdam pa namin ang lungkot. May experience ba kayo na bigla kayong iniwan at ganyan kasakit ang pagkakakanta n'yo?"
Lahat sila ay napaturo sa leader ng grupo na si Andrew.
"Ikwento mo naman sa amin kung paano at bakit?" tila kuryosong tanong ni Karenina.
Umiling lang si Andrew sabay mahinang suntok sa katabi niyang si Nicholai.
Hindi ko pa naririnig ang kanta nilang Biglang Iniwan. Mukhang susubukan ko nang pakinggan ang kanta nila ngayon dahil mayro'n na silang emotional song. Sana lang ay hindi ako mabigo.
Matapos ang interview sa kanila, nagpunta sila sa stage at nag-umpisa nang kumanta.
Umpisa pa lang ay nakakalungkot na. Halos kilabutan ako sa lungkot nang mag-umpisang kumanta ang leader nilang si Andrew.
"Akala ko ba ikaw na hanggang wakas?
Akala ko kasama kita sa pangarap nating bukas?
Akala ko ako na pero ba't bigla mong iniwan?
Akala ko mahal mo ako pero ba't mo sinaktan?"
Ramdam na ramdam ko kung ang sakit sa bawat linyang binibitiwan ni Andrew. Halata nga talagang may experience na siya tungkol sa pang-iiwan.
Hanggang sa nag-chorus na. . .
"Oh bakit, bakit mo biglang iniwan,
Kulang pa ba ang pinagsamahan?
O kulang pa ba ang pagmamahal?
Alam kong ako'y mahal ngunit bakit 'di ka nagtagal?"
Mabilis na hinanap ko ang kanta sa spotlify at inilgay iyon sa playlist ko. Mukhang magugustuhan ko talaga siya.
At nang mag-rap na si Zareb, namangha ako dahil sa galing niya at sa angas niyang mag-rap. Hindi ako mahilig sa mga rap music dahil hindi ko masundan ang sinasabi ng mga rapper na ang bibilis magsalita pero natuwa ako kung paano siya mag-rap dahil naiintindihan ko pa rin at hindi niya kinakain ang words.
Natapos ang kanta na satisfied ako at napagtanto ko na kung bakit sila sikat na sikat hanggang sa ibang bansa.
"Good morning!"
Nilingon ko si Nora, kagagaling niya lang sa kwarto niya at pupungas-pungas pa ang mga mata.
"Hay salamat at nagising ka na, makakakain na ako!" bulalas ko.
Tumayo ako at dumiretso sa kusina. Sa kusinang makikita lang din ang sala kaya makakapanuod pa rin kami ng T.V.
"Bakit hindi ka pa kumakain? Para kang tanga," aniya.
"E gusto ko sabay na tayong kumain," sagot ko.
"Sa wakas may kasama na akong kumain, nakakaboring kumain kapag walang kasama. Kaya kung minsan hindi na ako kumakain e!"
Nagkibit-balikat ako. Pareho kami, parehong walang ganang kumain kapag walang kasabay. 'Yon nga lang, marami sana akong pwedeng makasabay kumain sa bahay pero iba-iba naman ang oras namin kung kumain. Kaya hindi kami nakakapagsabay. Minsan, sinasabayan ako ni Aris dahil alam niyang hindi ako kumakain nang maayos kapag walang kasabay. Namiss ko tuloy ang kapatid ko.
Matapos naming kumain, bumalik na siya sa kwarto niya para mag-umpisa na sa trabaho. Habang ako ay bumalik naman sa sala para silipin ang phone ko at manuod na rin ng T.V.
Bumungad sa akin ang reply ni ZDA24.
ZDA24:
Bakit dalawang buwan? I missed those days that I don't have anything to do with my life.
Ailith26:
Dalawang buwan ang naisipan kong pahinga mula sa pagtatrabaho.
ZDA24:
Really? What kind of job do you have? Businesswoman ka ba to have that kind of free time?
Ailith26:
Hindi ah! Freelancer lang ako, webtoon artist o kaya graphic designer. Tapos na kasi ang webtoon series na sinulat ko at plano kong magpahinga ng dalawang buwan habang nag-iisip ng panibagong series.
ZDA24:
Wow! Do you write the story or you draw the whole webtoon? Hirap nga akong mag-drawing kahit stickman lang.
Bahagya akong natawa sa sinabi niyang 'yon. Hindi ko rin alam kung bakit may mga taong nahihirapan magdrawing. Basta ang alam ko, bata pa lang ako, hilig ko na talaga ang magdrawing.
Ailith26:
Ako ang nagsusulat ng story script, ako rin ang nagdo-drawing. Author and artist at the same time. Huwag kang mag-alala, hindi lang naman ikaw ang hindi marunong magdrawing.
ZDA24:
I can't believe you are talented. Can I read your webtoon series? I'll download the app where you put your story.
Kumabog ang puso ko nang itanong niya 'yon. Hindi ko akalain na gugustuhin niyang basahin ang gawa ko. Ilang segundo akong tulala sa harap ng phone ko habang iniisip kung sasabihin ko ba or hindi. Hanggang sa tumayo ako at tumakbo diretso sa kwarto ni Nora.
"Nora! Help!" sigaw ko.
Mabilis namang napatayo si Nora sa kinauupuan niya na para bang nataranta rin. Lalo na nang manlaki ang mga mata niya at hinanap ako. Halos bumunghalit ako nang tawa dahil sa reaksyon niya.
"Bwiset! Kape pa!" bulalas ko.
Kumunot ang noo niya at sumimangot. "Ano ba kasi 'yon?" inis na tanong niya. Napahawak pa sa dibdib dahil mukhang kinabahan nga talaga.
"Wait, nakakatawa ka kasi!" Hindi ko naiwasan ang matawa nang husto. Hanggang sa humagalpak na ako sa pagtawa.
Epic failed kasi ang itsura niya kanina, nakakatuwa talaga lalo na at naka-full bangs pa siya at medyo malaki ang mga mata.
"Napaka-bully mo 'no! Ano ba kasi 'yon?!" Nag-umpisa na siyang magalit.
Kaya pilit kong tinigilan ang katatawa, successful naman na napahinto ako habang hawak ang tiyan ko.
"Ano kasi, 'yong ka-chat ko nagtatanong kung pwede raw ba niyang basahin ang webtoon series na sinulat ko."
Kumunot ang noo niya. "Edi ipabasa mo? Anong problema ro'n?"
"Erotic 'yon!" katwiran ko.
"Naku naman, wala namang problema lalo na at lalaki naman 'yon."
"Kahit na! Nakakahiya!"
Inirapan niya ako. "Iyan ang pinili mong genre tapos kapag may nagtanong, hindi ka proud?"
Ngumuso ako. Tumango na lang dahil totoo naman ang sinabi niya. Iyon ang genre na napili ko pero hindi ako proud na iyon ang genre ko. Ang totoo, doon ko inilalabas ang s****l desires ko at bukod pa roon, mas patok kasi sa readers ang ganoong klaseng genre. Mas malakas kumita dahil kahit may bayad, bibili at bibili sila.
Bumalik ako sa sala habang nakatingin sa reply ni ZDA24. Mabuti nga at hindi pa siya nagreply ulit.
Ailith26:
Download mo ang app na Fine Webtoon at i-search mo ang penname na Reilization. May bayad ang webtoon ko, lalo na at sensitive.
Saglit lang din ay nagreply siya.
ZDA24:
Got it! I will download it right away.
Napalunok ako nang mabasa ang reply niya. Bigla ko tuloy sinilip ang app at tiningnan ang mga webtoon na gawa ko. So far, may apat na webtoon ako at lahat 'yon ay may tig-tatlong season. Isang wholesome romance, iyon ang unang sinulat ko noong una. Habang ang sumunod ay puro erotica na ang genre.
Sinubukan kong silipin 'yong huling webtoon na sinulat ko. Ito ay tungkol sa babaeng takot sa lalaki. Hanggang sa iyong kaibigan niya ay niregaluhan siya ng human size doll. It looked like a real man, ang hindi niya lang alam, tuwing gabi ay nagiging totoong tao ito. Akala niya panaginip lang na nakikipag-s*x siya sa lalaking doll. Hanggang sa iyon na nga. . .
Halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang biglang lumitaw ang chat ni ZDA24 sa screen ko. Mabilis na pinindot ko 'yon at halos makahinga nang maluwag nang mabasa ang chat niya.
ZDA24:
I saw your story, True Color. It's a romantic-comedy story. Mukhang maganda, you are a great artist!
Ngumiti ako at nagtipa ng reply.
Ailith26:
Thank you, kung gusto mo lang naman, basahin mo. Sa tingin ko hindi ka mahilig sa romance story.
ZDA24:
Yep, I'm not. That's why I'll choose this erotic story of yours, The Doll Who Raped Me Everynight.
Napatili na lang talaga ako nang dahil sa sobrang kahihiyan!