DANAYA Bago ako bumalik sa isla, dumaan muna ako sa sementeryo para madalaw ang aking anak. Kagaya kahapon, nang pumunta ako dito, may dala akong bulaklak at kandila. Nag-alay na rin ako ng taimtim na dasal at pinanalangin ko na sana’y masaya siya kung nasaan man siya ngayon. Nakaupo ako sa tapat ng puntod ng aking anak nang may nakita akong lalaking naglilinis sa isa pang puntod malapit sa akin. Mukhang siya ang katiwala dito sa sementeryo at naglilinis araw-araw, kaya ngumiti ako sa kanya nang makita kong nakangiti siya sa akin. Binitiwan niya ang hawak na walis at lumapit sa akin. “Good afternoon po, ma'am,” magalang na bati sa akin ng may edad na lalaki. “Magandang hapon din po, Manong,” nakangiting sagot ko. Sandaling sumulyap ang kanyang mga mata sa puntod ng anak ko at pagkata