JC Hindi na ako pinauwi ng mga magulang ko, kaya dito na lang sa bahay nagpalipas ng gabi dahil ang gusto ni Mommy ay maaga kaming pupunta sa bahay ni Ninong Dexon. Maaga pa lang ay ginising na ako ni Mommy at sinabing bilisan ko dahil ayaw niyang maghintay sa akin. Para akong batang nakatikim ng kurot mula sa aking ina dahil hanggang ngayon ay mainit pa rin ang ulo ni Mommy sa akin. Wala si Jamilla ngayon. Hindi ko alam kung nasaan ang aking kapatid dahil hindi ko siya nakikita dito sa bahay. Nakabihis na ako nang bumaba ako para mag-almusal. Nasa hapag na ang mga magulang ko at naghihintay sa akin nang lumapit ako sa kanila sa dining table. “Let's eat,” sabi sa amin ni Daddy. Tahimik na inabot ko ang kutsara at kumuha ng isang pirasong sugar bar at hinalo ito sa kape sa harap ko.