“Ebraheem,” sambitla ni Afiya nang makitang nakakunot ang noo ng binata na akma nga sanang gagamitin ang kapangyarihan upang makatakbong mabilis patungo sa Sitio kung saan naroon ngayon ang mga babaylan.
Ngunit tuluyan ngang nanlaki ang mga mata ni Afiya maging si Mahalia nang bigla na lamang sumigaw si Ebraheem ng pagkalakas-lakas habang hawak-hawak ngayon ang kaniyang ulo. Unti-unting lumabas ang mga pangil nito kasabay nang pamumula ng kaniyang mga mata at buong mukha.
“Ebraheem, anong nangyayari?!” bulalas ni Afiya na magpahanggang ngayon ay hindi nga maigalaw ang batong paa.
“A—afiya,” sambitla ni Ebraheem na siyang hawak-hawak pa rin ang ulo. “Hindi ko kaya.”
“Anong ibig mong sabihin Ebraheem? Ebraheem, kailangan mong iligtas ang mga babaylan bago pa man dumating ang mga ravena!”
“Hindi ko na nga kaya!” sigaw ni Ebraheem na siyang napaluhod na ngang tuluyan sa lupa dahil sa pagsakit ng kaniyang ulo na tila baga dinadaganan ngayon ng ilang katao.
“Ebraheem, tumayo ka riyan!” bulalas ngang muli ni Afiya.
“H—huli na,” ani Mahalia dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya ni Afiya. “Nandito na sila.”
“Ebraheem, tumayo ka riyan! Kailangan mo silang iligtas lalong-lalo na ang anak ni Alec,” ani Afiya na siyang muli ngang ibinaling ang tingin kay Ebraheem ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa rin ito sa katinuan.
“Anak ni Alec, ang iyo bang tinutukoy ay si”—gulat na saad ni Mahalia dahilan upang mabaling muli ang tingin sa kaniya ni Afiya—“Shakir?”
“Kilala mo rin pati si Shakir—“ kunot-noong tanong ni Afiya ngunit hindi na niya naituloy pa nang bigla na lamang naggalawan ang mga puno sa paligid na siyang mabilisang lumaki dahilan upang matamaan ang ibang mga ravena at ang iba ngay magkahulog sa lupa.
Nanlalaking mga matang tinignan ni Afiya si Mahalia ngunit sa ilang segundo lamang ngay bigla na lamang itong naglaho sa kaniyang kinatatayuan.
“Isa lamang ang kilala kong nakagagawa ng kapangyarihan iyon,” usal ni Afiya sa kaniyang sarili. “Si Mahalia na amatista ng Geo.”
_________________________
“Ina? Ina, gumising ka!” bulalas ni Shakir nang tuluyan ngang napikit ang tagapangalaga kasunod nang pagbagsak niya sa bisig ni Shakir.
Unti-unti na ring nawawala ang kulay lilang ilaw sa gitna dahilan upang makatayo na nga ang ibang mga babaylan kasama na roon ang raja.
“Kunin niyo si Shakir!” utos nito ngunit bago pa man makatakbo ang mga kawal upang kunin ang si Shakir ay isang berdeng ilaw ang siyang pumabilog ngayon sa kinaroroonan ng binata kasabay nang paglitaw ni Mahalia sa tabi nito.
“S—shakir?” sambitla ni Mahalia dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya nito habang hindi pa rin maawat ngayon ang pagluha at hawak-hawak pa rin nga sa kaniyang bisig si Mapolan.
“Ikaw nga,” patuloy ni Mahalia ngunit natigilan siya nang marinig ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga ravena mula sa butas na bubong dahilan upang madalian niyang hawakan ngayon ang pulso ni Shakir.
“Ang mga ravena!” sigaw ng isa sa mga babaylan kasunod nang sunod-sunod na pagsigaw ng iba pang mga babaylan.
“S—sino ka? Bitawan mo ako—“
“Kailangan na nating umalis,” pakli ni Mahalia na siyang buong pwersa ngang hinila ang binata mula sa pagkakaupo sa sahig.
“I—ina,” sambitla ng binata nang mailayo siyang tuluyan sa walang malay niyang ina.
“Anong ginagawa mo binibini—“
Hindi na naituloy pa ni Shakir ang kaniyang sasabihin nang isinama siya ni Mahalia sa kaniyang paglalaho.
Ilang segundo ang nakalipas ay lumitaw ang dalawa sa gitna ng kagubatan.
“Bitawan mo ako! Ano bang ginagawa mo?” sunod-sunod na bulalas ni Shakir na siyang pwersahang inalis ang pagkakahawak sa kaniya ni Mahalia kasabay nang pagpunas niya ng kaniyang mga luha sa mata.
“Kailangan kong bumalik doon, kailangan kong iligtas ang ina at ang iba naming mga kalahi,” usal ni Shakir na siyang akmang aalis na pabalik sa Sitio ngunit hinawakan ngang agad ni Mahalia ang pulso nito.
“Nanduon na ang mga ravena, tiyak na makakasama ka lang sa mga bibihagin nila kung babalik ka roon. Shakir, kailangan ka ng mga babaylan upang iligtas sila mula sa mga ravena at hindi makakatulong ang pagbalik mo doon—“
“Sino ka ba ha? Bakit mo ba ako pinipigi—“
“Kung babalik ka pa doon ay tuluyan nang mabibihag ang mga kalahi mo at tuluyan nang walang matitirang magliligtas sa kanila.”
Agad na nabaling ang tingin ni Shakir kay Afiya na siya ngang unti-unting napakita sa gilid nila habang hawak-hawak ngayon si Ebraheem.
Ginamit nga ni Afiya ang kapangyarihan upang hindi sila makita ng mga nahulog na ravena kanina mula sa ere.
“I—ikaw?”
“Ikaw si Shakir?” baling na tanong ni Afiya sa kaniya dahilan upang matigilan siya.
“Shakir,” sambitla naman ngayon ni Mahalia dahilan upang bumalik ang atensyon sa kaniya ni Shakir. “Kailangan mong sumama sa akin upang mailayo kita mula kay Helios at upang—“
“Huwag mong linlangin ang babaylan binibini,” pakli ni Ebraheem na ngayon ay ibinaling ang tingin kay Shakir. ”Huwag kang sumama sa hindi katiwa-tiwala at mapaglinlang na binibining iyan, bagkus ay sa amin ka ni Afiya sumama Shakir.”
“Wala akong sasamahan sa inyo, bagkus ay babalik ako sa Sitio at ililigtas ko ang ibang mga babaylan maging ang aking ina,” ani Shakir na siyang pwersahang bumitaw sa pagkakahawak sa kaniya ni Mahalia.
Ngunit natigilan ngang muli ito nang halos sabay na lumitaw si Mahalia at Ebraheem sa harapan niya nang siya ay tumalikod upang sana ay bumalik na sa sitio.
“Ikaw ay maghunos dili babaylan,” pigil ni Ebraheem sa kaniya.
“Hindi ka babalik doon Shakir,” tuwirang saad naman ni Mahalia dahilan upang mapabuntong siya ng malalim na hininga at mabilisang itinapat ang palad patungo sa dalawa.
“Likomondos!” bulalas nito na dahilan upang halos sabay na umalis si Mahalia at Ebraheem sa kaniyang harapan upang iwasan ang engkantasyong ibinato nito.
Nang makakuha ng tyempo ay mabilisan ngang tumakbo ang binata ngunit natigilan nang bumagsak ang isang napakalaking puno sa harap niya.
Dahil sa lakas ng pagkakabagsak ng puno ay nawalan ito ng balanse at bumagsak sa lupa. At agad-agad naman itong napatakip ng kaniyang mukha nang tumilapon ang ibang parte ng puno sa kinaroroonan niya.
“Ikaw nga si Shakir, ngunit paano? Paano ka napunta sa taong ito Shakir?” sunod-sunod na tanong ni Mahalia na siyang lumitaw sa harap niya dahilan upang unti-unti niyang ibaba ang kaniyang kamay na nakatakip sa kaniyang mukha habang nakakunot ang noo at nanlalaking mga matang tinignan ang dalaga. “A—at paanong pati ang tagapangalaga ng pag-ibig na si Mapolan ay nandito rin at buhay?”
“S—sino ka ba talaga? At ano bang kailangan mo sa akin?”
“Huwag kang mag-alala, ako ay isang kakampi Shakir, ako si—“
“Si Mahalia”—patuloy ni Ebraheem bago pa man matapos ni Mahalia ang kaniyang sasabihin. Nanlalaki ang mga matang naglakad ngayon ito palapit sa kinaroroonan ng dalawa habang diretsong nakatingin ngayon sa kulay berdeng mga mata ni Mahalia—“siya si Mahalia, ang amatista ng Geo.”