“Ina?” nanlalaking mga matang tawag ni Shakir nang makarating na sa kanilang kubo.
“Ina, nasaan ka?!” bulalas nito nang hindi nadatnan ang tagapangalaga sa kaniyang kwarto.
“Ina—“
“Kuya Shakir.”
Natigilan ang binata sa kaniyang paghahanap at ibinaling nga ngayon ang tingin sa kaniyang likuran.
“Tanya,” sambitla nito na siyang madalian ngang naglakad patungo sa bata.
“Nasaan ang ina? Nakita mo ba siya?”
“Naroon ho ang lahat sa Torogan Kuya Shakir,” ani ng bata na siyang saglit ngang natigilan at agad na napapunas ng tumulo niyang mga luha. “P—pumanaw na ang Maginoong Gyasi Kuya Shakir.”
_________________________
“Shakir, saan ka nanggaling?” usal ni Celestina na siyang nasa labas ngayon ng Torogan kasama ang ibang mga kauri niyang mga ulipon.
“Ang maginoo,” ani Shakir na siyang marahang inilingan ni Celestina.
Buntong-hiningang nabaling ang tingin ni Shakir sa pintuan ng Torogan na kalaunan ay tuluyan na siyang pinapasok ng mga kawal na nagbabantay rito.
Sa loob naroon ang mga maharlika at timawa habang pinapalibutan ang katawan ng yumaong maginoo.
Maharlika- ang pinakamataas na antas sa pagiging babaylan. Dito nabibilang ang Raja at ang kaniyang mga kamag-anak.
Timawa- pangalawang antas sa pagiging babaylan. Dito nabibilang mga mandirigma, kawal, at ang mga malayang babaylan.
Marahang naglakad ang binata patungo sa gitna at natigilan nga nang makitang tuluyan ang nakahandusay na katawan ng Maginoo.
Ngunit ang mas ikinatigil nito ay ang makitang duguan ang bandang tiyan ng matanda at makikita nga sa paligid nito ang nagkalat na dugo.
Unti-unting pumatak ang mga luha ng binata na kanina pa nagbabadyang tumulo.
“M—maginoo,” sambitla ng binata na tumakbong agad sa kinaroroonan ng matanda at hinagkan nga ito.
Nang makumpirmang wala ng pulso ang matanda ay nanginginig niyang ibinalik ang kamay ng matanda mula sa pagkakapatong sa dibdib nito.
“S—shakir, anak,” tawag ng kaniyang ina na ngayon ay nasa harapan dahilan upang unti-unting mabaling ang tingin niya rito.
Tuluyan siyang natigilan at napakunot ang noo nang makitang nakaluhod ang kaniyang ina sa gilid ng trono ng raja habang nakatali ang mga kamay at bantay-bantay nga ngayon ng mga kawal ng raja.
“I—ina,” sambit ng binata na siyang agad na tumayo at akmang lalapitan na ito ngunit hinarangan siyang agad ng mga kawal.
“Anong nangyayari dito? Mahal na raja, bakit nakatali ang mga kamay ng aking ina? At sinong may gawa nito sa Maginoo?” sunod-sunod na tanong ni Shakir dahilan upang buntong-hiningang mapaayos ng upo ang raja.
“Ang maginoo ay lumabag—“
“Lumabag? Kaya siya nakahandusay ngayon dito at duguan? Ikaw ba ang nagpapatay sa kaniya raja?” sunod-sunod na pakli ni Shakir na siyang namumula na ang buong mukha at napatikom ng kaniyang magkabilaang mga kamao.
“Hindi ako ang pumatay—“
“Kung gayon ay sino?!” bulalas ni Shakir na siyang umalingawngaw sa loob ng Torogan at na siya ring narinig nila Celestina sa labas.
“Ako,” sambitla ng dalagang katabi ng raja dahilan upang mabaling ang tingin dito ni Shakir.
“A—ako ang pumatay sa Maginoo Shakir,” patuloy ng dalaga dahilan upang matigilan at unti-unting kumunot ang noo ni Shakir.
“Lakambini Aisha?” gulong-gulong tanong ni Shakir.
“P—patawari mo ako—“
“Huwag na huwag mong susubukang humingi ng tawad Aisha sapagkat tama lamang ang iyong ginawa,” pakli ng raja sa kaniyang anak dahilan upang mas mapahigpit ngayon ang pagtikom ni Shakir sa kaniyang kamao.
“T—tama? Paano naging tama ang pagpatay niyo sa maginoo Raja Ismail?”
“Tumahimik ka Mapolan!”
“Anong ginagawa ng Maginoo para gawin mo sa kaniya ito Aisha?” baling na tanong ni Shakir sa lakambini habang diretsong nakatingin sa mga mata nito.
“Sinubukan niyang patayin ang aking ama Shakir, ano sa tingin mo ang aking gagawin?”
“Hindi gagawin iyon ng Maginoo kung hindi niya nakita ang pagtratraydor ng iyong ama!” bulalas ni Mapolan dahilan upang tumayo ang raja sa kaniyang trono at walang pasubaling sinampal ang tagapangalaga at mahigpit na hinawakan ang panga nito.
“Bitawan niyo ang aking ina!” sigaw ni Shakir na siyang nagpumilit na lagpasan ang mga kawal na nasa harapan niya.
“Huwag kang mangingialam dito Mapolan,” ani ng raja na mas napahigpit pa ang hawak sa panga ng tagapangalaga nang magpumiglas ito.
“Hindi magtatagal ay narito na ang mga ravena upang isailalim tayo sa kanilang pamamahala dahil sa kataksilang ginawa ng Raja Ismail!” sigaw ni Mapolan dahilan upang hindi nalang si Shakir ang magulat ngayon kundi maging ang ibang mga Maharlika at Timawa.
“Totoo ba ang tinuran ng tagapangalaga Raja Ismail?” tanong ng isa sa mga Timawa.
“Ama, totoo ba—“
“Tumahimik kayong lahat!” sigaw ng raja na siyang ibinaling nga ngayon ang atensyon sa mga babaylang hindi na maawat sa pagbubulungan.
“Raja Ismail, kataksilan sa lahat ng mga babaylan ang iyong ginawa—“
“Masasabi pa bang kataksilan kung yaon na lamang ang natitirang paraan upang iligtas ang buong babaylan?” pakli ng Rani Arwa na siyang natayo na sa kaniyang kinauupuan.
“Natitirang paraan? Hindi ba napag-usapan na natin na ang paraang gagawin natin ay ang ikasal si Shakir at ang Punong Lakambini?” sunod-sunod na tanong ni Malakias na siyang galing sa lipon ng mga Timawa at na siyang Puno ng mga kawal.
“Hindi ko ipapakasal ang aking kaisa-isang anak sa isang taksil na kagaya niya,” ani ng Raja Ismail dahilan upang mapakunot ng muli ang noo ni Shakir.
“Ano ang iyong sinasabi Raja Ismail?”
“Papasukin niyo ang ulipon,” saad ng Raja sa kaniyang mga kawal na siyang tinanguan siya at naglakad na nga ang mga ito patungo sa pintuan.
Unti-unting nagbukas ang pintuan kasabay nang marahang pagharap ngayon ni Shakir sa kaniyang likuran.
“C—celestina?” kunot-noong sambitla ni Shakir dahilan upang agad na mapaiwas ng tingin ang dalagang hawak-hawak ngayon ng dalawang kawal. “Anong ibig sabihin nito?”
“Sabihin mo ulipon ang iyong tinuran sa akin kaninang umaga upang malaman ng lahat ng mga babaylan kung sino ang traydor dito!” bulalas ng Raja nang makaluhod na ang dalaga sa kaniyang harapan.
“Magsalita ka ulipon!” bulalas ni Malakias nang ilang saglit ngang natigilan si Celestina gayong magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang tingin sa kaniya ni Shakir.
“I—inihayag sa akin ng babaylan na si Shakir ang kaniyang pakikipagsabwatan sa mga taga-Fotia. Ginamit ni Shakir ang kaniyang kapangyarihan sa labas ng ating sitio upang siya’y masundan ng mga taga-Fotia at tuluyang malaman ang ating kinaroroonan. Ito ay plano nilang simula pa lamang nang una,” ani ng dalaga dahilan upang magbulungan ang lahat ng mga babaylang nasa loob.
Hindi naman makapaniwalang tinignan ngayon ni Shakir si Celestina.
“Sila ay may planong dakpin ang Punong Lakambini upang hindi ito madamay sa digmaang mangyayari sapagkat nakasalalay sa kaniya ang buhay ng mga bampira—“
“Anong kahibangan ang iyong sinasabi Celestina?” pakli ni Shakir na siyang nagpumiglas ngang muli mula sa pagkakahawak sa kaniya.
“Tumahimik ka Shakir at hayaan mong marinig ng ibang babaylan ang iyong kataksilan,” ani ng raja.
“Pagkatapos na madakip ang Punong Lakambini ay yaon na ang pagkakataon na kanilang sasakupin ang ating lahi—“
“Anong patunay mo sa mga paratang mo sa aking anak?!” bulalas ni Mapolan na siyang marahang itinikom ang kaniyang kamao.
“Si Shakir ay kagagaling lamang sa kagubatan malapit dito sa ating Sitio. Siya ay aking sinundan gayong yaon ang utos ng Raja simula kaninang umaga,” ani ng isang kawal dahilan upang mabaling ang atensyon nilang lahat dito.
“Siya ay nakipagkita sa Amatista ng Nero,” patuloy ng kawal dahilan upang muli’t muling magulat at magbulungan ang mga babaylan. “Mukhang bumubuo ang Nero at Fotia ng alyansa kasama si Shakir upang tayo ay sakupin.”
“Hindi totoo iyan—“
“Likomondos!” pakli ni Malakias na siyang hindi na nakapagpigil ng sarili at binato ng engkantasyon si Shakir dahilan upang tumilapon ito at bumagsak sa pagkalayo-layo.
“Ang dapat sa mga traydor na katulad mo ay pinapatay—“
“Hindi!” bulalas ni Mapolan kasabay nang unti-unting pagkabutas ng kisame ng Torogan kasunod ng paglabas ng kulay lilang ilaw mula rito na siyang sumilaw sa mga mata ng mga babaylan at na siyang naglikha ng napakalakas na hangin.
Dahilan ito upang mapaatras at mapatakip ng kanilang mga mata ang mga babaylang nasa loob. At ang mga kawal ngang nakahawak kanina sa tagapangalaga ay sunod-sunod na tumilapon palayo sa kaniya.
Nanghihina man ang tagapangalaga ay ginamit na nga niya ang natitira niyang lakas upang maglaho sa kaniyang kinatatayuan patungo kay Shakir na siyang nakahandusay ngayon sa sahig.
“Shakir, kailangan mong makaalis dito bago pa man maubos ang natitira kong lakas at mawalang tuluyan ang ilaw—“
“I—ina, paano ka? Hindi mo dapat ginamit ang iyong kapangyarihan—“
“Shakir,” sambitla ng tagapangalaga na ngayon ay ipinatong ang kaniyang kaliwang palad sa dibdib ng binata dahilan upang matigilan ito at kalaunan ay unti-unting umiling.
“I—ina hindi, hindi mo gagawin ito ngayon,” ani Shakir kasunod ng unti-unting pagpatak ng mga luha mula sa kaniyang mga mata.
“Ilang taon ko ring inipon ang natitirang lakas ko Shakir para sa pagkakataon na ito. Panahon na Shakir—“
“Ina, huwag mong gawin ito,” pakling muli ni Shakir na siyang mahigpit na hinawakan ang kamay ng ina palayo sa kaniyang dibdib.
“Kailangan anak,” ani ng tagapangalaga na siyang mapait na ngumiti at hinawakan nga ang kamay ng kaniyang anak upang alisin ito mula sa kaniyang kaliwang kamay. “Dahil kailangan ka pa nilang lahat, hindi lamang ng iyong mga kalahi kundi ng buong Berbaza at ng Sihir.”
Tuwirang umiling si Shakir ngunit kahit gustuhin mang tumayo mula sa pagkakabagsak niya sa sahig at pilit mang gustuhing pigilan ang gagawin ng kaniyang ina ay hindi niya magawa dahil sa pamamanhid ng kaniyang katawan.
“H—hindi, ina huwag—huwag!”
Umalingawngaw ang sigaw nito sa buong paligid kasabay nang paglabas ng kulay lilang ilaw mula sa palad ng tagapangalaga patungo sa dibdib ni Shakir.