"Una, tignan mo muna kung ano ba ang puntirya mo," ani Amadeo na siyang tinanguan ni Afiya na hawak-hawak ngayon ang isang pana upang magsanay sa paggamit nito.
"Pangalawa, ilagay mo na ang bala at huwag na huwag mo munang bibitawan hangga't hindi mo ito itinataas at hindi mo pa naisasakto sa puntirya mo ang dulo ng pana," patuloy ni Amadeo na siyang marahang tinanguan ni Afiya kasunod nang marahan nitong pagtaas ng hawak na pana at ang mabusisi ngang pagpuntirya niya sa maliit na babasaging bote na malayo ngayon mula sa kinatatayuan nila.
Nagpakawala ito ng napakalalim na buntong-hininga at tuluyan ngang napapikit nang bitawan na ang pana.
"Nagawa mo!" bulalas ni Amadeo dahilan upang matigilan ito at unti-unti ngang napamulat ng kaniyang mga mata.
Napangiti ng pagkalaki-laki nang makitang basag ang boteng puntirya niya.
"Nagawa ko nga!" bulalas nito na hindi nga napigilan ang sariling yakapin si Amadeo na halos isang linggo na rin nga siyang sinasanay sa paghawak at paggamit ng pana.
Ngunit natigilan ang mga ito at agad na kumawala si Afiya sa pagkakayakap nang makita ngayon ang paglabas ng ilang mga manananggal na natira sa loob ng kastilyo dahil sa kadahilanang sila ay nagdadalawang-isip pa rin sa pagsali sa kanilang pwersang binubuo laban sa mga ravena.
Nangunguna sa grupo si Ondayo na siyang nagsisilbi ngang kanang-kamay ni Amadeo. Noong una ay nagmatigas itong sumali sa pwersa ngunit ngayon ay tila nagbago ang ihip ng hangin at tila nagpasya na ito at ang mga kasama niyang makiisa.
"Ako at ang mga kasama ko ay nagpasyang sumunod sa desisyong ginawa ng aming pinunong si Amadeo," ani Ondayo dahilan upang unti-unting mapangiti ngayon si Amadeo. "Kami ay sasama na sa inyong pwersa upang iligtas ang aming mga kalahing hawak ngayon ng mga ravena."
Agad ngang napabuntong-hininga si Amadeo na siyang marahang tinanguan si Ondayo nang mapatingin ito sa kaniya.
"Kung gayon," ani Maginoong Ahmad na kasama ngayon si Mahalia na lumapit kila Ondayo. "Maaari na nating planuhin ang magaganap na pagligtas sa inyong mga kalahi."
"Gayon na nga ho Maginoong Ahmad," ani Ebraheem.
_________________________
"Ano naman itong pinagkakaabalahan mo Shakir?" tanong ni Afiya na siyang akmang hahawakan na sana ang maliit na boteng inilapag ni Shakir sa mesa ngunit agad ngang hinawakan ni Shakir ang pulso nito upang mapigilan.
"Kagagaling lamang sa kalan ang laman niyan Afiya," ani Shakir na siyang unti-unti na ngang binitawang ang pulso ni Afiya.
Marahan namang yumukod ngayon si Afiya upang itapat ang mga mata sa bote.
"Ano ito Shakir? Ano ang nagagawa ng kabal na ito?" sunod-sunod na tanong ng amatista sa babaylan.
"Isang kuat o kabal na makapaggagaling sa sugat na nanggaling sa mga ravena," sagot ni Shakir na siyang maingat ngang nagsasalin ng katas patungo sa isa pang maliit na bote.
"Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may amatistang gagamot sa sugat na maaaring matamo ng isa sa amin kaya mabuti na ang handa," patuloy ni Shakir na ngayon ngay isinara ang pangalawang bote.
"Ako ay magtutungo sa dagat Shakir, nais mo bang--"
"Ako!" bulalas ni Ebraheem mula sa pintuan kasunod ni Mahalia na siyang papasok nga ngayon sa kwarto.
"Ako ay sasama sa iyo upang malibang naman kahit papaano at hindi panay pagsasanay ang ginagawa ko buong araw," tanong at ani Ebraheem na siyang tinanguan naman ni Afiya.
"Ikaw Mahalia, nais mo rin bang sumama?"
Marahan ngang tumango si Mahalia bilang tugon dito dahilan upang ngayon ay ibaling naman niya ang tingin kay Shakir na siyang kanina pa tahimik at abala sa paghahalo ng katas ng halamang gamot.
"Nais mo rin bang sumama sa dagat Shakir--"
"Patawad Binibining Afiya"--agarang pakli ni Shakir na siyang saglitan ngang natigilan at napabuntong ng malalim na hininga--"hindi kita masasamahan sa pagkakataon na ito."
"Bakit naman?" tanong ni Afiya na siyang kunot noo ngang nakatingin ngayon kay Shakir.
"Ako ay magtutungo pa sa kagubatan upang kumuha ng mga halamang gamot," sagot ni Shakir na hindi nga nag-abala pang tignan si Afiya bagkus ay nasa hinahalong palayok ang buong atensyon nito.
Buntong-hininga naman ngayong tumango si Afiya.
"Kung gayon ay apat lamang tayong--"
"Teka," sambitla ni Shakir na siyang dahilan upang bumalik ang tingin sa kaniya ni Afiya. "A--apat? Hindi ako sasama Afiya--"
"Tayo ba ay aalis na Afiya?"
Agad ngang natigilan si Shakir at tulad nila Mahalia ay nabaling din ang tingin sa pintuan.
"Si Amadeo ang isa sa mga sasama Shakir," ani Afiya na siyang tumayo na nga mula pagkakaupo kasunod nila Ebraheem at Mahalia.
"Ikaw ba talaga ay hindi sasama babaylan?" nakangising tanong ngayon ni Ebraheem sa kaniya dahilan upang magpakawala ito ngayon ng isang napakalalim na buntong-hininga.
_________________________
"Teka lamang!" bulalas ni Shakir na palabas nga ngayon ng kastilyo at na siyang pumigil sa akmang paglalaho nila Mahalia patungo sa dagat.
"S--shakir?" kunot-noong sambitla ni Afiya.
"P--pwede pa bang sumama?"
"Akala ko ba ay pupunta ka pang kagubatan--"
"May natira pang halaman na ngayon ko lamang nakita," pakli ni Shakir na siyang agad ngang nginisian ni Ebraheem.
"Kung gayon ay hali na rito at humawak ka na rin sa kamay ko nang makaalis na tayo," ani Mahalia dahilan upang agad na tumango at tumakbo si Shakir patungo sa kanila.
_________________________
Tagaktak ang pawis at hindi maawat ngayon sa paghingal ang Raja Ismail.
Hindi na tulad ng dati, ngayon ay kasama niyang nagtratrabaho at nagbabanat ng buto ang ibang mga babaylan, mapa-ulipon, timawa, o maharlika, ay pare-parehong pinagsisilbihan na ngayon ang amatista ng Aeras na si Helios.
Buong araw na nagpapatayo ito ng tahanang gawa sa bato kasama ang iba pang mga kalalakihan habang sila ay binabantayan ng mga ravena na siyang nagkalat ngayon sa buong kampo ng mga babaylan.
"Raja Ismail."
Natigilan ang raja sa akma niyang pag-abot ng bato at marahan nga niya itong ibinaba sa lupa bago pa man ibaling ang tingin sa ravenang tumawag sa kaniya.
"Sumama ka sa akin," ani ng kawal na siyang dahilan upang mapakunot ang noo ng raja. "Ikaw ay pinapatawag ng kamahalang Helios."
_________________________
"Ano ang iyong kailangan--"
Itinaas ni Helios ang kaniyang palad dahilan upang matigilan ang babaylan sa kaniyang pagsasalita.
"Helios--" Hindi ngang muling naituloy ng raja ang kaniyang sasabihin nang walang pasubaling sinipa ng ravenang nasa likod niya ang likuran ng kaniyang tuhod dahilan upang mapaluhod ito ng wala sa oras.
"Bigyang paggalang ang pinuno," ani ravena dahilan upang unti-unting mawala ang panlalaki sa mata ng raja at buntong-hininga ngang ibinaling ang tingin kay Helios.
"Kamahalan"--sambitla nito na siyang saglitang natigilan at marahang napatikom ng kaniyang kamao--"kamahalang Helios, ano ang aking maipaglilingkod sa iyo?"
Unti-unting ngumisi at ibinaba na ngang tuluyan ni Helios ang kaniyang palad.
"Kalimutan mo na ang lahat Raja Ismail, huwag lamang ang pagluhod at pagbibigay ng galang sa akin," ani Helios na siyang sinenyasan ang kawal na itayo na mula sa pagkakaluhod ang raja.
"Nabalitaan kong hindi nakasama ang iyong anak na si Punong Lakambini Aisha sa mga babaylang nadakip ng aking mga kawal," ani Helios dahilan upang matigilan ang Raja Ismail at unti-unti ngang manlaki ang mga mata nito.
"Maawa ka Helios. Huwag ang aking anak parangawa mo na--"
"Manahimik ka," pakli ni Helios na ngayon ay buntong-hiningang diretsong tinignan ang raja.
"Kung nais mo pang mabuhay ang iyong anak ay narapat na ngayon pa lamang ay sabihin mo na sa akin kung saan siya nagtatago," patuloy ni Helios na siyang sunod-sunod na inilingan ng raja.
"Hindi ko alam--hindi ko alam kung saan naroon ang aking anak Helios."
"Maaari ba 'yon?!" bulalas ni Helios na siyang marahang naglakad palapit sa babaylan.
"Anak mo ang pinag-uusapan natin dito Raja Ismail. Alam kong itinatago mo lamang siya sa akin," ani Helios na siyang hinawakan ang pulso ng raja kasabay ng kaniyang pagpikit ngunit natigilan nga ito at napabitaw sa pulso ng raja nang tuluyang makumpirma na nagsasabi ito ng totoo.
"Nagsasabi ka nga ng totoo," anya na ngayon ay buntong-hiningang ibinaling ang tingin sa kaniyang kawal.
"Sige na, ibalik niyo na iyan sa kampo."
"T--teka lamang, teka lamang Helios! Anong gagawin mo sa aking anak? Bakit mo siya hinahanap?" sunod-sunod na tanong ng raja na siyang pwersahang pinalabas na sa kwarto ng amatista.
"Tolentino," sambitla ng amatista dahilan upang lumapit sa kaniya ang ravena na siyang kanina pa nasa tabi ng pintuan.
"Bukod kila Afiya at Ebraheem, nais ko ring ipahanap mo ang Punong Lakambini Aisha."
"Masusunod ho kamahalan," tugon ng ravena na siyang marahang yumukod.
_________________________
"Kung kayong mga kibaan ay nagtatago sa kagubatang ito, saan naman naroon ang iba pang mga taga-Fotia Tunku?" tanong ni Punong Lakambini Aisha sa kibaan habang abala sila ngayon sa pagkuha ng mga halamang gamot na magagamit ni Aisha sa paggawa ng kabal.
"Tulad namin ay nagtatago rin sila sa mga kagubatan. Nagkawatak-watak ang bawat lahi at lumayo nga mula sa teritoryo ng mga ravena," sagot ni Tunku na siyang agad ngang sinalo ang santol na kanina pa niya binabato ng bato upang ito ay mahulog.
"Ang mga bampira," ani Aisha dahilan upang ibaling ng kibaan ang tingin dito. "Alam mo ba kung saan sila naroon ngayon?"
Buntong-hininga ngang umiling si Tunku bilang tugon sa lakambini.
"Bago pa man ang digmaang naganap sa pagitan ng Fotia at Aeras ay hindi na namin sila kasama sa kaharian."
"Bakit?"
"Hindi rin namin alam ngunit ang pinaniniwalaan ng ibang lahi ay sila ang siyang nagkanulo sa amin dahilan upang makapasok ang mga ravena sa kaharian. Ang sabi-sabi ay nakipagkampi raw ang amatista naming si Ebraheem kay Helios," sagot ni Tunku dahilan upang matigilan nga at magpakawala ng isang napakalalim na buntong-hininga si Aisha.
"Bakit mo pala sila naitanong binibini?" kunot noong tanong ni Tunku ngunit kalaunan nang mapagtanto ito ay unti-unti ngang nawala ang kunot sa noo niya.
"Oo nga pala, ikaw nga pala ang kasalukuyan nilang tagapangalaga at ang siyang pinagmumulan ng kanilang buhay," saad ni Tunku na siyang marahang tinanguan ni Aisha.
"Kailangan ko silang mahanap Tunku," ani Aisha. "Sa katunayan ay hindi lamang sila ang dapat nating hanapin."
"Ano ang iyong ibig sabihin lakambini?"
"Kailangan na magsama-samang muli ang buong Fotia sapagkat ito na lamang ang natitirang kaharian na hindi pa tuluyang nasasakop ng mga taga-Aeras. Ang kaharian niyo ang natitirang pag-asa ko upang iligtas ang aking mga kalahing babaylan at upang muli naming matamasan ang kapayapaan o kalayaan."
_________________________
"Umamin ka nga sa akin babaylan," ani Ebraheem na siyang tinabihan si Shakir na kanina pa nakaupo sa dalampasigan habang lumalangoy ngayon sa dagat sina Afiya, Mahalia, at Amadeo.
"Ikaw ba ay may pagtingin sa aking kaibigang si Afiya?"
Agad ngang natigilan si Shakir at nanlaki ang mga mata sa biglaang katanungan ni Ebraheem.
"Ano ba ang iyong sinasambit Ebraheem--"
"Huwag mo akong susubukan na linlangin, kita ko sa iyong mga mata maging sa iyong mga kinikilos na kanina ka pa naiirita sa tuwing nag-uusap sina Afiya at Amadeo," pakli ni Ebraheem ngunit tuwiran lamang siyang inilingan ni Shakir bilang tutol.
"Ikaw ay nagkakamali Ebraheem, kaibigan lamang ang turing namin ni Afiya sa isa't isa, wala ng hihigit pa roon," ani Shakir na marahang ibinaling ang tingin sa dagat dahilan upang makita niyang umahon mula rito si Afiya.
"Bakit ka sumama dito gayong may kukunin ka pa sa kagubatan?" usisa ni Ebraheem dito.
"H--hindi ba nasabi ko na, na may natira pang--"
"Anong halaman?"
Agad ngang natigilan ang dalawa at nabaling ang tingin kay Mahalia na siyang lumitaw na lamang bigla sa tabi ni Shakir.
"S--sambong," sambitla ni Shakir ngunit kinunutan lamang siya ng noo ni Mahalia.
"Sa aking pagkakaalam ay wala ng sambong na natira sa ginamit mo kagabi," saad ni Mahalia dahilan upang mapangisi ngayon si Ebraheem.
"Susubukan mo pa akong linlangin Shakir?" nakangising saad ni Ebraheem.
"Ikaw nga ay talagang may pagtingin--"
"Hindi iyan totoo!" bulalas ni Shakir na natayo nga sa kaniyang pagkakaupo.
"A--anong hindi totoo?"
Agad na natigilan ang tatlo lalong-lalo na si Shakir, na ngayon ngay ibinaling ang tingin kay Afiya at Amadeo na kakarating lamang ngayon sa dalampasigan.
Napalunok ng tuluyan si Shakir at nagpakawala ng isang napakalalim na buntong-hininga.
"A--ako ay mauuna muna at paparoon pa sa kagubatan," ani Shakir na madalian ngang naglakad patungo sa kagubatan.
"Sa kagubatan?" kunot-noong tanong ni Afiya. "Magtutungo siya sa kagubatan? Ano namang gagawin niya doon?"
Sunod-sunod nga niyang tinignan si Ebraheem at Mahalia ngunit pareho lamang siyang tinaasan ng mga ito ng balikat.
_________________________
Matapos ang isang linggong pagsasanay ay ngayon ngay nasa labas ng kastilyo ang lahat habang nakalinya at nahati ngayon sa apat na grupo na siyang pinangungunahan nila Mahalia, Ebraheem, Afiya, at Shakir.
"Tulad ng sinabi namin, ililigtas natin ang inyong mga kalahi sa isang payapang pamamaraan. Hindi tayo gagamit ng dahas maliban na lamang kung sila ang unang aatake sa atin," paliwanag ni Maginoong Ahmad.
"Ang unang pangkat na siyang pinangungunahan ni Mahalia ang siyang susugod sa likurang bahagi ng kampo," ani Ebraheem na siyang marahang tinanguan ni Mahalia. "At ang pangalawa naman na siyang pinangungunahan ni Shakir kasama si Amadeo ang siyang pwepwesto sa bandang kanan. Sa kaliwa ay ang grupo naman nila Afiya at ang pangkat ko ang siyang susugod sa harapan ng kampo."
"Muli kong ipapaalala," ani Mahalia na siyang buntong hiningang hinarap ang lahat-lahat. "Kapayapaan ang ating ipinaglalaban, kung maaari sana ay ayaw kong may dumanak na kahit na anong dugo sa laban na ito ngunit kung hindi maiiwasan at sila ang unang aatake ay gamitin niyo ang anong kapangyarihan o lakas na mayroon kayo upang iligtas ang inyong mga sarili at mga kalahi."