"Ikaw ba Afiya ay tinatanggap si Shakir bilang--"
"Ano bang pinagsasabi mo Ebraheem. Kung hindi mo talaga matigil iyang bunganga mo na gawin akong katatawanan ay hindi ako magdadalawang-isip na lagyan din iyan ng bawang tulad ng ginagawa ni Mahalia," pakli ni Afiya na siyang natigil nga sa pag-eensayo ng esapada nang dahil sa pangungulit sa kaniya ni Ebraheem.
"Eh, ano ba kasing nangyari kahapon? Bakit nang pagbalik niyo dito ni Shakir ay tila baga mas lumapit kayo sa isa't isa at parang--"
"Tumigil ka Ebraheem," pakli ni Afiya na siyang sinamaan nga ng tingin ang binata. "Tinulungan niya ako at tinulungan ko siya. Tila baga nakahanap lamang ako ng bagong kaibigan Shakir."
"Bagong kai--"
"Wala ka bang gagawin at ako ay iyong ginagambala dito?"
"Wala"--natigilang husto si Ebraheem at nanlaki nga ang kaniyang mga mata nang maalala ang iniuutos sa kaniya ni Mahalia na kumuha pa ng kasangkapan sa paggawa ng espada at pana. "naku! Mayroon nga pala, ngunit, hindi ka pa rin ligtas sa akin Afiya hangga't hindi mo sinasabi ang tunay mong--"
"Umalis ka na," pakli ni Afiya na siyang nginisian at marahang tinanguan ni Ebraheem.
Nang tuluyang naglaho ang binata ay tuluyan din ngang nagpakawala ng isang napakalalim na buntong-hininga si Afiya.
_________________________
"Iba ang ngiti natin ngayon ha Shakir," ani Mahalia na siyang nakangisi ngang tinignan si Shakir habang magkasama sila ngayong naghahanap ng mga kakailanganing halamang gamot ng binata sa paggawa niya ng Kuat o isang uri ng kabal na nakapaggagamot ng sugat mula sa mga ravena.
"A--ano namang ibig mong sabihin Mahalia?" kunot-noong tanong ni Shakir na siyang natigilan nga sa pagkuha ng dahon.
"Kayo ba ni Afiya ay nagkaayos na? Sinunod mo ba ang aking payo na suyuin siya?" sunod-sunod na tanong ni Mahalia dito na siyang nagpatigil sa kaniya.
"Hindi namin pinag-usapan ang bagay na iyon--"
"Eh, anong pinag-usapan niyo sa dalampasigan kahapon at bakit parang ang saya-saya niyong dalawa na umahon sa dagat--"
"Teka, huwag mong sabihing nanunuod ka at hindi ka umalis ng oras na iyon Mahalia?" nanlalaking mga matang tanong ni Shakir dahilan upang matigilang saglit at kalaunan ay unti-unting ngumisi si Mahalia.
"Ikaw talaga," buntong-hiningang sambit ni Shakir.
"Ano na ngang nangyari? Akala ko pa naman kung ang pinag-usapan niyo ay ang nasabi mo sa kaniya noong gabing iyon. Pero iba pa?"
Natigilan ngang muli sa pagkuha ng dahon si Shakir at buntong-hininga nga ngayong tinignan si Mahalia.
"Tinulungan lamang niya akong harapin ang takot ko sa dagat," ani Shakir dahilan upang matigilan si Mahalia.
"T--takot sa dagat? May trauma--este takot ka sa dagat? Bakit? At paano?" sunod-sunod na katanungan ni Mahalia kasunod ng unti-unting pagkunot ng kaniyang noo.
"Noong mga bata pa lamang ako ay nagkakaroon na ako ng panaginip patungkol sa isang binata na kailanman ay hindi ko nakita ang pagmumukha. Laging nag-uumpisa ang panaginip ko sa kaniyang paglalakad sa dalampasigan habang siya ay tuliro at tila wala sa katinuan. Umiiyak at walang pasubali siyang sumulong sa dagat at kalaunan nga ay nalulunod na siya na maski ako ay ramdam ko kung paano siya mawalan ng hininga," saad ni Shakir na siyang napabuntong nga ng malalim pagkatapos ikwento ito kay Mahalia.
"Ang kaniyang kasuotan," ani Mahalia na siyang saglitang ngang natigilan at napabuntong ng hininga. "Hindi ba malabo tulad ng kaniyang mukha?"
Unti-unti ngang natigilan ngayon si Shakir na kalaunan ay kunot noong tinignan si Mahalia.
"Teka, bakit ba parang interesadong-interesado ka sa bangungot kong yaon. Alam mo, mabuti pa bumalik na tayo sa kastilyo gayong palubog na rin ang araw," ani Shakir na siyang inilagay na sa buslo (small basket) ang panghuling halaman na kaniyang pinitas bago pa man naglakad na pabalik sa direksyon na kanilang pinanggalingan.
Hindi naman agad na sumunod si Mahalia subalit ay natigil ito at tulalang napakunot ng kaniyang noo.
Sa tapat ng isang malaking mansyon, sa hindi kalayuan ay nakatayo ngayon ang isang dalaga na nakasuot ng itim na balabal sa kaniyang ulo dahilan upang hindi siya makilala ng sino man.
Nang akmang aalis na ito sa tapat ng bahay ay natigilan siya nang lumabas ang isang itim na kotse mula rito. Hindi naging alintala ang salamin ng sasakyan upang makita niya ang isang binatang lulan ngayon nito.
Agad siyang napabuntong ng malalim na hininga nang tuluyang umandar ang sasakyan paalis sa tapat ng mansyon. Kasunod nito ay ang tuluyan niyang paglalaho na parang bula sa kaniyang kinatatayuan.
Paglipas ng ilang minuto ay lumitaw ngayon ang dalaga, sa lugar na hindi kalayuan mula sa pinagtigilan ng sasakyan na kaniyang sinundan.
"Gusto niyo po ba ng maiinom Ser Gimel?"
Natigilan ngang husto ang dalaga sa kaniyang narinig.
"Ikaw na nga iyan Shakir," ani nito sa sarili na siyang hindi nga napigilan ang sariling mapangiti. "Lumaki ka at ligtas ka."
"S--sige ho manong."
Akmang mas lalapit ngayon ang dalaga sa binata ngunit natigilan ito nang makitang maglakad ito patungo sa dagat habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Agad na napakunot ang noo ng dalaga nang makita ang sunod-sunod na pagpatak ng luha mula sa mga mata nito. Kalaunan ay hinubad nito ang kaniyang pang-itaas na damit kasunod ng kaniyang pakikisabay sa pabalik na mga alon.
Naiwang nagtataka ang dalaga sa kaniyang kinatatayuan.
"Bakit may mga luhang pumapatak sa iyong mga mata Shakir? Ako ba ay nagkamali sa aking hinuha na ikaw ay masaya at ligtas sa panahon na pinagdalhan ko?" sunod-sunod na usal nito sa sarili.
"Mahalia," muling tawag ni Shakir sa tulalang amatista dahilan upang matigilan ito at mabaling ang atensyon sa binatang kanina pa siya inaantay na sumunod sa kaniya. "Ano pang ginagawa mo riyan? May kukunin ka pa ba?"
Agad ngang umiling ang amatista bilang tugon dito.
"M--may naalala lamang ako," ani nito. "Mabuti pa nga ay bumalik na tayo sa kastilyo bago pa magdilim."
Marahan ngang tumango si Shakir bilang tugon dito.
_________________________
"Kamahalang Helios, ako raw ay inyong pinatawag?"
"Oo Tolentino," ani ng ravena na siyang hinarap ang kakarating lamang niyang kawal.
"Ang sabi sa akin ng ibang kawal ay wala raw kayong naabutan ni isang manananggal sa kanilang pinagtataguan?"
Marahan ngang tumango si Tolentino bilang tugon dito.
"Hindi sila ganoong kadaling umaalis pwera na lamang"--ani Helios na natigilan sa kalagitnaan ng kaniyang pagsasalita kasunod ng panlalaki ng kaniyang mga mata--"pwera na lamang kung may nakauna na sa atin."
"Ano ang iyong ibig sabihin kamahalan?" kunot-noong tanong ni Tolentino dahilan upang ibaling ng amatista ang tingin dito.
"Ang mga huwad at traydor na ibang mga amatista lamang ang naiisip kong may kagagawan ng mga ito," ani Helios. "Nakakatiyak ako Tolentino na magkasama ngayon si Ebraheem at Afiya," patuloy ng amatista. "Nais kong ipahanap mo sila at kumpirmahin na sila nga ang siyang nakikipag-unahan sa atin."
Marahang tumango at yumukod ang kawal bilang tugon sa amatista.
"Ngayon-ngayon din ay magpapadala ako kamahalan ng ibang mga kawal sa lahat ng parte ng Berbaza."
_________________________
"Kung ang aming pinuno ay nabibilog niyo ay ibahin niyo ako," ani Ondayo kay Shakir nang abutan siya nito ng makakain.
"Huwag na kayong magsayang pa ng oras, hinding-hindi ako makakapayag na sumanib kami sa inyo," patuloy nito dahilan upang mapabuntong ng malalim na hininga si Shakir at marahan ngang naupo sa tabi ng manananggal.
"Sa tingin mo ba talaga," ani Shakir na siyang diretso ngayong tinignan si Ondayo. "Ang pakay namin ay katulad din ng mga ravena? Na nais naming maghari sa bawat kaharian at abusuhin ang aming mga kapangyarihan?"
"Bakit? Sino pa ba sa panahon na ito ang walang ganoon na intensyon?" nakangisi at sarkastikong tanong ni Ondayo. "Hindi lamang sa mundo ng mga tao naghahari ang kasakiman Shakir, kundi maging sa mundo natin."
"Ilang taon, ilang taon din na pinagdusahan ng aking mga kalahing babaylan ang naging epekto nang pang-huling digmaan. Nakita ng aking dalawang mata kung ilang bata ang nawalan ng magulang, asawa ang nawalan ng minamahal, mga magulang na nawalan ng anak, at kung ilang babaylan ang walang kalaban-laban na nawalan ng kapangyarihan nang dahil sa digmaan na yaon. Maraming buhay ang nagsakripisyo upang makamit namin ang kalayaan at kapayapaan ngunit ngayon mukhang kukunin at ipagkakait na naman nila ito sa amin."
"Ayaw kong mapunta sa wala ang mga pinaglaban ng aming ninuno Ondayo. Ang minsang kalayaan na aming nakamit ay nais kong ibalik at panatilihin sa aming lahi," patuloy ni Shakir dahilan upang matigilan at mapabuntong-hininga si Ondayo. "Alam kong tulad ko, kayo ring mga taga-Fotia ay naghahangad na maibalik ang kapayapaan sa pagitan ng mga kaharian sa Berbaza. Na tulad namin, ay nais niyo lang din mabuhay ng payapa at walang digmaan."
"Na tulad ko"--patuloy ni Shakir na siyang natigilang saglit at nagpakawala nga ng isang napakalalim na buntong-hininga--"nais mo lang din na mabuhay ang susunod na henerasyon sa isang payapang mundo."
"Shakir," sambitla ni Ebraheem na dahilan upang matigilan ang babaylan at mabaling ang tingin kay Ebraheem sa hindi kalayuan.
"Mag-uumpisa na ang ensayo, hali na rito!" patuloy ni Ebraheem dahilan upang marahan siyang tanguan ni Shakir kasunod nang pagtayo nito mula sa pagkakaupo sa sahig.
"Ikaw at kaonting manananggal na lamang ang natitira dito na ayaw sumanib. Huli't huli ay nasa inyo pa rin ang desisyon, sa oras na sumapit na ang gabi at parehong ayaw niyo pa ring sumanib ay tuluyan na namin kayong papakawalan ng mga kasama mo," paliwanag ni Shakir bago pa man nga tuluyang umalis.
Isang napakalalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Ondayo na tuluyan ngang napakamot ng kaniyang batok at tila baga napaisip sa mga sinabi ni Shakir sa kaniya.
_________________________
"Aisha, makinig ka sa akin!"
"Ama, nagsinungaling ka hindi lamang sa akin kundi sa buong angkan ng babaylan," pakli ng dalaga na siyang hindi na maawat ngayon sa pagluha at pwersahan ngang inalis ang pagkakahawak sa kaniya ng raja
"Aisha, ginawa ko iyon para sa kapakanan mo aking anak. Ang akala ko ay nagsasabi ng totoo ang ulipon na iyon--"
"Makasarili," sambitla ng lakambini na siyang nagpatigil sa kaniyang ama. "Isa kang makasarili ama! Iniisip mo lamang ang kaligtasan mo at ng iyong pamilya!"
"Aisha, kahit sino man ang nasa lagay ko ay pareho rin ang kaniyang gagawin," pangangatwiran ng raja ngunit inilingan lamang siya ng lakambini.
"Hindi ako sasama sa inyo, hindi ako makakapayag na gamitin niyo ako," ani ng lakambini dahilan upang mapakunot ng noo ang kaniyang ama.
"Ano ang iyong tinuturan Aisha?"
Buntong-hiningang umatras ang lakambini at nang subukan ngang muli siyang hawakan ng kaniyang ama ay mabilisan nga siyang tumakbo katulad ng kapangyarihang mayroon ang mga bampira.
"Aisha!" bulalas ng raja nang tuluyang naglaho ang kaniyang anak.
"Punong Lakambini Aisha?"
"Lakam--"
"Huwag mo akong hahawakan!" bulalas ng lakambini na siyang nanlalaki nga ang mga matang tumayo mula sa pagkakahiga.
"Ako ito si Tunku, ang Kibaan na iyong tinulungan lakambini," ani Tunku na sa gulat ngay napaatras din at kamuntikan na rin ngang nawalan ng balanse at mabitawan ang hawak na bayong na may kargang tinapay at maiinom.
Marahang huminga ng malalim ang lakambini na siya ngang naupo ng maayos matapos mapakalma ang sarili.
"Narito ang iyong almusal na inihanda ng aking ina lakambini," ani ng Kibaan na siyang dahan-dahan na nga ngayong lumapit sa kinaroroonan ng lakambini.
"P--patawad Tunku, ako lamang ay nagkaroon ng masamang panaginip," ani ng lakambini na dahan-dahan ngang kinuha ang iniaabot na almusal ng kibaan.
"Ayos lamang iyan lakambini," nakangiting tugon ng Kibaan. "Ako rin naman ay nagkakaroon din ng masasamang panaginip minsan. Hindi tayo nagkakaiba kahit na magkaiba pa tayo ng lahi."
Buntong-hininga ngang nabaling ang tingin ni Aisha sa hawak na bayong.
"Ang iyong ina ang gumawa nito?"
Marahang tumango ang Kibaan bilang tugon.
"Bilang pasasalamat sa iyong ginawang pagtulong sa aking ina," ani ng Kibaan.
"M--maraming salamat," saad ng lakambini na ngayon ngay sumubo na ng isang piraso ng tinapay.
"Naku, narito pa ang mainit-init na gatas, masarap isabay sa tinapay na aking niluto."
Agad na natigilan sa pag-nguya si Aisha at nabaling nga ang tingin sa pintuan kung saan naroon ang ina ni Tunku na hindi tulad kahapon ay masigla na ngayon at pagkalaki-laki ng ngiti.
"Narito iha, ang gatas na kakapakulo ko lamang."
Agad ngang ibinaba ni Aisha ang hawak na bayong sa kama at marahang kinuha ang iniabot na tasa ng ina ni Tunku.
"Maraming salamat ho--"
"Tulya," sambitla ng ina ni Tunku. "Yaon ang aking pangalan iha."
Natigilang husto si Aisha nang marahang hawakan ng kibaan ang kaniyang kanang kamay.
"Napakalaki ng utang na loob namin sa iyo Punong Lakambini Aisha. Kung hindi dahil sa--"
"Ang Dios ho," pakli ng dalaga. "Ang Dios ho ang dapat niyong pasalamatan."
Marahang ngumiti si Tulya at marahan din ngang tinanguan ang lakambini.
"Nagpapasalamat ako sa Dios na napadaan ka sa gabing yaon," ani Tulya.
"Oh, siya ina, hayaan nalang ho muna nating kumain ang lakambini dahil mahaba pa po ang araw upang kausapin niyo siya," ani Tunku na siyang tinanguan naman ng kaniyang ina kasunod nang pagbitaw nito sa kamay ni Aisha.
_________________________
Inabot nga ngayon ni Shakir ang kamay ni Ebraheem nang alokin siya sa pagtayo mula sa pagkakabagsak niya sa lupa nang sipain siya ni Ebraheem sa mukha habang nag-eensayo.
"Mahina ka pa Shakir sa pag-depensa ngunit mukhang may pagbabago naman sa iyong atake kaya--"
Natigilan ngang tuluyan si Ebraheem nang mapansing nasa iba ang atensyon ngayon ni Shakir at tila baga walang balak pakinggan ang kaniyang mga tinuturan.
"Hoy babaylan!" bulalas nito sa mismong tenga ni Shakir dahilan upang mapatalon naman ito nang dahil sa gulat.
"Anong tinitignan mo doon--"
Natigilang husto si Ebraheem nang tuluyang makita kung saan naroon ang atensyon ni Shakir kanina.
"Bakit nasa dakong paroon ka nakatingin? Nais mo rin bang matutong pumana?" sunod-sunod na tanong ni Ebraheem ngunit agad lamang nga siyang inilingan ni Shakir.
"O baka naman iba ang iyong tinitignan?" muling tanong ni Ebraheem habang siya ay nakangisi na siya rin ngang muli't muling inilingan ni Shakir.
"A--anong iyong ibig sabihin--"
"Afiya--"
Agad ngang tinakpan ni Shakir ang bibig ng amatista ng Fotia.
"Anong ginagawa mo?" nanlalaking mga matang tanong ni Shakir dito na siyang tinawanan lamang ni Ebraheem.
Ngunit kapwa nga ngayon natigilan ang dalawa maski ang iba na nag-eensayo sa labas ng kastilyo nang lumabas mula rito ang ibang lipon ng manananggal na kanina nga ay nagmamatigas at ayaw pa ring sumama sa pwersang binubuo nila.
"Ako at ang mga kasama ko ay nagpasyang sumunod sa desisyong ginawa ng aming pinunong si Amadeo," ani Ondayo na siyang ibinaling ang tingin kay Shakir na pagkalaki-laki ngayon ng ngiti nang makita nga ang paglabas ng mga ito mula sa kastilyo.
"Kami ay sasama na sa inyong pwersa upang iligtas ang aming mga kalahing hawak ngayon ng mga ravena."