Ikalawang Bahagi: Kabanata 11

2349 Words
"Oh, kay dali niyo nga talagang mapaikot kaya lagi at laging nananalo ang mga ravena laban sa inyo," nakangising ani manananggal na siyang nakalabas na ang pakpak at lumipad na ngang tuluyan sa himpapawid habang naiwan sa lupa ang ibabang parte ng kaniyang katawan. "Ikaw ang pinuno ng mga manananggal," ani Afiya nang tuluyan ngang maalala ang minsan na nilang pagkikita. "Amadeo." "Nagagalak akong makita kang muli Binibining Afiya," nakangising tugon ng binata na siya ngang nagpakilalang Hector ngunit ang katotohanan ay siya nga ang hinahanap nila Mahalia at Ebraheem na pinuno at pinakamalakas sa lahi ng mga manananggal. "Hindi na kami makikilaban o ano pa man sa iyo Amadeo. Sa katunayan ikaw ang tunay naming pakay, nais ka naming makausap--" "Makausap?" sarkastikong pakli ng manananggal na siyang natawa nga ng pagkalakas-lakas at marahang napailing. "Huwag niyong sabihin na tama nga ang hinala ko na nais niyo kaming utuin at gawing kakampi niyo laban sa mga ravena? Dahil kung iyon nga ang tunay niyong pakay ay uunahan ko na kayo. Wala ni isa sa amin ang nais magpasakop sa sino man sa inyo. Kaya kong pamunuan at protektahan ang aking mga kalahi ng mag-isa." "Hindi namin nais na sakupin kayo Amadeo. Tulad niyo ay hangad din namin na makamit ang kalayaan mula sa mga ravena," ani Afiya. "At hindi natin magagawang makamit yaon kung hindi tayo magkakaisang mga natira--" "Tumahimik ka amatista! Alam kong katulad mo lamang si Helios! Gagamitin ang kapangyarihan hindi upang protektahan ang Berbaza kundi upang pagharian ito," pakli ng manananggal na hayag nga ang galit dahil sa kapansin-pansin na paglakas ng paggalaw ng kaniyang mga pakpak sa himpapawid. "Nagkakamali ka Amadeo--" "Tumahimik ka!" bulalas ng manananggal kasunod nga nang pag-ihip ng napakalakas na hangin dahil sa kaniyang mabilisang paglipad ng pa-ikot sa dalawa. "Hindi niyo makukuha ang aking mga kalahi at lalong hindi ako papayag na pigilan niyo at saktan ang ibang mga manananggal!" bulalas nito habang patuloy pa ring umiikot dahilan upang malito at mabilisan ding iikot ng dalawa ang kanilang paningin. "Ang sino mang manakit sa aking mga kalahi ay hindi makakalagpas sa akin!" Buntong-hininga ngang natigilan ngayon si Afiya at nabaling ang tingin sa ibabang parte ng katawan ni Amadeo na siyang naiwan sa harap nila ngayon ni Shakir. Maski nga ang manananggal ay natigilan din nang mapagtanto ang bagay na ito dahilan upang saglitang magtama ang mga mata nila ni Afiya kasunod nang halos sabay nilang pagbaling ng tingin sa katawan at ang pag-unahan ngang makalapit dito. Nang akma ngang makukuha na ni Amadeo ang kaniyang kalahating katawan ay natigilan ito nang unti-unting naging bato ang kaniyang mga kamay kasunod nang tuluyang pagiging bato ng buo niyang katawan. Nagpakawala ngang tuluyan ng isang napakalalim na buntong-hininga si Shakir nang bumagsak na tuluyan ang naging batong manananggal sa lupa. At maski nga si Afiya ay napabuntong-hininga na rin at unti-unting napangiti nang mapagtantong wala ng kawala at nasa kamay na nila ngayon ang pinuno ng mga manananggal. "Idadala na ba natin siya sa kastilyo?" tanong nga ngayon ni Shakir dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya ni Afiya at marahan itong tanguan. _________________________ "Pakawalan niyo kami ditong mga hayop kayo!" bulalas ni Amadeo na siyang umalingawngaw sa buong kastilyo kasunod ng sigaw ng iba pang mga manananggal na siya ngang nahuli at naipunta ng apat sa kastilyo. "Tumahimik kayo kung ayaw niyong sunugin--" "I said, we are here to make peace talk," pakli Mahalia na siyang walang pasubaling sinubuan ng isang butil ng bawang ang bibig ni Ebraheem dahilan upang agad niya itong iluwa at maubo sa kawalan. "Papatayin mo ba ako Mahalia?" nanlalaking mga matang bulalas nito na siyang nginisian lamang ni Mahalia. "Sabi ko kasi sa'yo ay peace lang, makikipag-usap tayo ng maayos sa kanila," sagot ni Mahalia na siyang buntong-hininga ngang ibinaling ang tingin kay Amadeo na siyang pagkalisik-lisik ng mga matang nakatingin sa kanila. "Amadeo tama?" "Sino ka namang babae ka--" "Mahalia," pakli ng dalaga na siyang marahan ngang naupo sa sahig at sa tapat ng nakataling manananggal. "Ang amatista ng Geo o ng kaharian na sinasamantala niyo," patuloy ni Mahalia dahilan upang unti-unting mapakunot ang noo ni Amadeo at marahang umiling dito. "Matagal ng patay ang--" Natigilan ngang agad ang binata nang magpalabas ng berdeng ilaw si Mahalia mula sa kaniyang palad. "Nais mo bang ipakita ko sa'yo ang aking kapangyarihan?" sarkastikong tanong ni Mahalia dahilan upang matigilang tuluyan ang manananggal. "P--paano?" "Wala akong oras para magkwento pa manananggal. Tulad ng sabi ko ay nandito kami para sa isang payapang pakikipag-usap sa inyo," sagot ni Mahalia. "P--payapa?" sarkastikong pag-uulit ni Amadeo. "Sa tingin mo payapa itong ginawa niyo sa amin? Payapa bang pwersahan niyo kaming idala dito ngayon ng aking mga kalahi?" "Oo," sambitla ni Mahalia na siyang buntong-hininga ngang tinignan ang mga nakataling manananggal sa paligid. "Isang payapang pagpwersa para sa mga manlilinlang at walang kapayapaang mga nilalang na tulad ninyo. Kung hindi namin kayo pwepwersahing ipunta dito ay paniguradong walang mangyayaring usapan, tama ba ako? Kayo rin lang naman ang dahilan kung bakit namin kailangang gamitan ng kaonting pagpwersa ang pakikipag-usap na ito kaya huwag mong isumbat sa akin iyon Amadeo. Tiyaka, payapa pa rin naman gayong wala namang namatay sa inyo hindi ba?" Natahimik ngang tuluyan ang binata at napaiwas nga ng tingin sa amatista. "Hayaan mo, sa oras na matapos ang usapan at hindi kayo pumayag sa kasunduan ay hindi naman namin kayo pipilitin," patuloy ngayon ni Mahalia. "Bagkus ay papakawalan namin kayo dahil tulad ng sinabi ko, ito ay magiging isang payapang pag-uusap." "Ano bang kailangan niyo sa amin? Makipagsanib pwersa sa inyo? Kung yaon nga ang magiging laman ng pag-uusap na ito ay uunahan na kita, hindi ako payag--" "Hindi mo man lang ba papakinggan kung anong magiging kapalit ng pakikipagsanib pwersa niyo--" "Kapalit?" kunot-noong pakli ni Ebraheem na siyang buntong-hiningang tinignan ni Mahalia. "Pwede ba Ebraheem, samahan mo na lamang muna si Maginoong Ahmad doon--" "Hindi maaari," pakli ni Ebraheem. "Dapat nandito rin ako upang marinig ang ano mang sasabihin mo. Baka mamaya niyan ay kung ano-ano ng kasunduan ang sinasabi mo." "Oh, siya, basta manahimik ka na lamang, entendido?" inis ngang sambit ni Mahalia na siyang nag-alangan namang tinanguan ni Ebraheem. "Mabalik tayo sa iyo Amadeo." "Anong kapalit?" nag-aalangang tanong ng manananggal. "Kaya namin ang mga sarili namin Mahalia at kahit na anong kapalit man iyan--" "Ang mga babae at mga batang manananggal ay hawak ngayon ng mga ravena hindi ba?" pakli ni Mahalia dito dahilan upang matigilan siya at marahan ngang tumango. "Tutulungan namin kayong iligtas sila Amadeo--" "Sinabi nang hindi namin--" "Alam mo sa sarili mo na hindi niyo kayang kalabanin ang mga ravena," putol ni Mahalia dito. "Tatlong amatista kami at hawak namin ang apo ng pinakamalakas na babaylan, at hindi lamang iyon, dalawa rin kaming Setangah Dewa dito ni Shakir. Sa tingin mo, hindi mo kailangan ang tulong namin?" Tuluyang natigilan ang manananggal at unti-unti ngang napakagat ng ibaba niyang labi kasunod ng pagbuntong niya ng hininga. "A--ano ang inyong plano?" Kalaunang tanong ng manananggal dahilan upang kapwa unti-unting mapangiti ngayon si Mahalia at Ebraheem. _________________________ "Pakawalan niyo kami dito!" bulalas ng isa sa mga manananggal na siyang kakatapos nga lang maitali ni Shakir. Buntong-hiningang tumayo ngayon si Shakir at nagpakawalang muli ng isang malalim na buntong na hininga nang mapagtantong natapos na nilang maitali ang lahat-lahat. Nang akmang magtutungo na siya ngayon sa kinauupuan ni Maginoong Ahmad na siyang abala ngayon sa pagpapanday ng espada ay natigilan siya nang mahagilap ng kaniyang mga mata si Afiya na kasalukuyang nakaupo sa sahig at ang ulo ngay nakasandal sa pader habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Noong una ay nag-alangan pang lumapit ang babaylan dito ngunit siya ngay natigilan at napakunot ng noo nang makita ang pamumutla sa mga labi ng amatista. "Ayos ka lamang ba Binibining Afiya?" nag-aalangang tanong nito dahilan upang unti-unting imulat ng amatista ang kaniyang mga mata na siyang agad ngang tumama sa mga mata ni Shakir. "Tapos na ba? Natali na ba silang lahat?" sunod-sunod na katanungan ni Afiya na siyang akmang tatayo nga ngunit tila umikot ang mundo nito at kamuntikan nang natumba kung hindi lamang siya agad na nasalo ng bisig ni Shakir. "Afiya!" bulalas ni Maginoong Ahmad na agad ngang tumakbo patungo dito. "Siya ay nanghihina Shakir," saad ng Maginoo nang makitang namumutla ang dalaga. "Kailangan niyang sumisid sa dagat upang manumbalik ang kaniyang lakas. Ngayon ay abala ako sa pagpapanday at may ginagawa rin naman sina Ebraheem at Mahalia--" "A--ako na hong sasama sa kaniya sa dagat maginoo," ani Shakir na siyang marahang ngang tinanguan ng matanda. "Mag-iingat kayo Shakir at sa lugar na walang tao kayo pumunta ni Afiya," paalala ni Maginoong Ahmad na siyang agad ngang tinanguan ni Shakir. _________________________ "Maiwan ko na muna kayo, babalik na lamang ako pagkaraan ng isang oras," ani Mahalia na siya ngang nagpunta kay Shakir na hawak-hawak ngayon ang walang malay na si Afiya sa isang lihim at ligtas na parte ng dagat malapit sa kastilyong tinutuluyan nila. Marahang tumango si Shakir bilang tugon dito kasunod nang tuluyang paglaho ni Mahalia. Unti-unting naglakad si Shakir patungo sa dalampasigan at marahang ngang inihiga si Afiya dito kasunod nang mabilisan niyang pagtakbo palayo sa parating na alon. Nang tuluyang dumampi ang mga alon sa katawan ni Afiya ay unti-unti nga nitong iminulat ang kaniyang mga mata kasabay nang pag-iibang anyo ng kaniyang mga paa. Agad ngang natigilan si Shakir nang makita ang kulay gintong buntot ni Afiya at ang pag-iibang kulay ng buhok nito na kung kanina ay kulay kayumanggi, ngayon ay kulay asul na katulad ng kaniyang mga mata. Agad na sumulong si Afiya kasabay ng mga pabalik na alon sa dagat at napangiti nga ito ng pagkalaki-laki nang makarating sa gitna ng dagat at palibutan siya ng iba't ibang uri ng isda. Samantalang si Shakir naman ngayon ay marahan ngang naupo sa buhangin at buntong-hiningang tinignan ang dagat na kung aakalain ay tila baga walang dulo. Kalaunan ay natigilan ito nang matalsikan siya ng tubig dagat kasabay nang unti-unting paglabas ni Afiya mula dito na siyang wala na nga ang buntot. Agad na tumayo si Shakir at kinuha nga ang pamunas na dala-dala niya sa pagpunta dito. Marahan niya itong iniabot sa dalaga na siyang nakangiti rin namang tinanggap ang pamunas. "Maraming salamat," nakangiting sambit ni Afiya ngunit natigilan ito sa pagkuha ng punas at kunot-noong ibinaling ang tingin kay Shakir dahilan upang maski ang binata ay matigilan din. "Ikaw ba ay nakaligo na sa dagat Shakir?" Tuluyang natahimik ang binata na siyang iniiwas ngang agad ang tingin dito dahilan upang pasimpleng ngumiti ang dalaga. "Natatakot ka bang lumangoy dito Shakir?" nakangising tanong ni Afiya dahilan upang mapalunok si Shakir at umiling nga bilang pantakip sa takot na kaniyang nararamdaman. "Kung gayon ay magaling," saad ni Afiya na siyang hinablot ang pamunas at ibinato ito sa buhangin kasunod nang paghawak niya sa pulso ni Shakir. "Teka, ano ang iyong plinaplano binibini," nanlalaking mga matang tanong ni Shakir ngunit huli na nga nang mahila siya nito at tuluyan na ngang nasa bandang tuhod niya ang tubig dagat. "Kung ano man ang iyong plinaplano--" Hindi na naituloy pa ni Shakir ang kaniyang sasabihin nang matumba dahil sa pagtama ng alon sa kaniya at mailublob ngang tuluyan ang kaniyang mukha sa dagat. Agad na ipinikit ni Shakir ang kaniyang mga mata at hirap nga kung huminga sa ilalim ng dagat. Sa kaniyang isipan ay hindi maiwasang lumitaw ang memoryang lagi niyang naaalala sa tuwing siya ay nasa ilalim ng tubig. Isang binata ang kaniyang nakikita, malabo ang mukha at unti-unti ngayong naglalakad sa dalampasigan habang nakapikit ang mga mata. May mga luhang pumapatak mula sa kaniyang mga mata, kalaunan ay napabuntong ng hininga ang binata at inalis ang suot na pang-itaas kasunod ng kaniyang pagsulong sa malalim na dagat. Sa dagat ay hirap kung huminga ang binata at unti-unti ngang nawawalan ng hininga tulad ni Shakir ngayon na hirap kung lumangoy at halos maubusan na ng hininga sa ilalim ng dagat. Agad na napamulat ng kaniyang mga mata si Shakir nang maramdaman ang paghawak ni Afiya sa magkabilaan niyang mga pisngi. Kasunod nito ay ang paghawak ni Afiya sa kaniyang braso at tiyaka nga ito marahang iniangat paitaas. "Shakir," sambitla ni Afiya na siyang nag-aalalang diretsong nakatingin ngayon sa binata. Naubong tuluyan ang binata habang pilit na hinahabol ang kaniyang hininga. "Hindi ka malulunod Shakir," nakangiting ani Afiya. "Nandito lang ako sa tabi mo, harapin mo ang iyong takot Shakir at huwag kang mag-alangan na tanggapin ang tulong ko." "B--baka malunod ako Afiya, mabuti pa sigurong ibalik mo na lamang ako sa dalampasigan--" "Tulad ng sabi ko Shakir, nandito lamang ako sa tabi mo, malunod ka man ay agad naman kitang iaahon," ani Afiya dahilan upang matigilan si Shakir. Kalaunan ay unti-unti itong huminga at sa hindi malamang dahilan ay tila baga gumaan ang kaniyang pakiramdam nang marahan siyang tinanguan ni Afiya. "Sabihin mo lang kung handa ka na at bibitawan na kita," patuloy ni Afiya dahilan upang mapabuntong muli ng hininga si Shakir at kalaunan ngay marahang tinanguan ang dalaga. Unti-unting binitawan ni Afiya ang mga braso ni Shakir at nang una ngay naroon pa rin ang takot na baka malunod siya ngunit nang makita si Afiya sa kaniyang tabi unti-unting tila baga nawala ang takot na iyon na kaniyang dala-dala mula pagkabata. Napangiti na rin ngang tuluyan si Shakir nang makita ang mga nakapalibot na isda sa kanila ngayon at ang marahan ngang pag-ikot ni Afiya na siyang mas nagpaliwanag pa sa kaniyang gintong buntot. Makaraan ang ilang minuto ay sabay ngang umahon ang dalawa sa dagat at halos sabay ngang napabagsak ng kanilang mga katawan sa buhangin dahil sa pagod. Hindi maiwasang ngumiti ni Shakir at parang nawalan ito ng bigat na dala sa kaniyang damdamin nang sandaling suungin ang dagat na isa sa kaniyang kinatatakutan mula pagkabata. "Maraming salamat," ani Shakir na ngayon ngay ibinaling ang tingin kay Afiya dahilan upang magtama ang kanilang mga mata at halos sabay ngang napangiti sa isa't isa. "Maraming salamat Afiya," pag-uulit nito na siyang nginitian at marahang tinanguan ni Afiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD