Unang Bahagi: Kabanata 18

1994 Words
—BUNDOK MAKILING “Berhenti, engkantasyon na ginagawang bato ang sino man,” basa ni Tunku dahilan upang mapahinga ngayon ng malalim si Gimel at diretso ngang tignan sa mata ang Kibaan. “T—teka lamang Gimel, huwag mong sabihin na ako ang pag-eeksperimentuhan mo sa engkantasyon?” nanlalaki ngang mga matang ani ni Tunku. “Tunku, sino pa bang magagamit ko ngayon bukod sa’yo?” “Hoy Gimel, nais ko mang makatulong sa iyong pagsasanay ay hindi sa ganitong paraan,” ani ng Kibaan na siyang dahilan upang unti-unting ngumisi at matawa si Gimel nang makitang pagpawisan at mapaatras ito. “I am just kidding Tunku! Kung gagamitin ko man ang aking kapangyarihan ay sa—“ ani ni Gimel na siyang ibinaling ang tingin sa nakadapong ibon sa sangang nasa itaas ng kinatatayuan ni Tunku—“Berhenti!” Ilang segundong nag-antay si Gimel ngunit nanatiling gumagalaw ang ibon at hindi nga tuluyang naging bato dahilan upang mapakunot ng noo si Gimel at buntong hiningang tinignan muli ng diretso ang ibon. “Berhenti!” Sa pangalawang pagkakataon ay hindi muli tumabla ang mahika sa ibon dahilan upang isang buntong-hininga muli ang pinakawalan ni Gimel na ngayon ay nagpasya na ngang umupong muli sa batong kinauupuan niya kanina. “Bakit ganon Tunku? Walang kahirap-hirap kong ginamit ito nang akmang babarilin ka na ni Joseph pero ngayon ni hindi ko naman magawa kahit pa na ibon na nga lang ang paggagamitan ko nito.” “Huwag kang madismaya kaibigan dahil hindi naman talaga madaling sanayin ang sarili sa kahit na anong bagay. Pero hindi ibig sabihin non na nabigo ka sa una ay susuko ka na agad,” sagot ni Tunku na siyang tinabihan nga si Gimel at marahang inilapag ang hawak na libro sa lupa. “Halos ilang taon ding nagsasanay ang mga babaylan na tulad mo noon Gimel. Ayon nga sa binasa nating libro kahapon ay nasa edad isang taon pa lamang ang mga Babaylan ay sinasanay na sila. Maraming beses kang mabibigo Gimel pero nasisiguro kong sa oras na sanay ka nang gamitin ito ay higit pa sa anong ligaya ang iyong madarama.” Unti-unti ngang ngumiti at marahang tumango si Gimel nang tila ba gumaaan nga ang pakiramdam nang dahil sa payo ng Kibaan. “Huwag kang mag-alala Tunku, hindi naman ako susuko agad eh lalo pa’t alam ko ‘yong pinaglalaban ko,” saad ni Gimel na ngayon ay nakangiting ibinaling ang tingin sa kalangitan. “Kahit na anong mangyari ay gagawin ko ang lahat-lahat mabigyan lamang ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang ko.” “Matanong ko nga kaibigan, bakit buong-buo ang loob mong ipaghiganti sila gayong hindi mo naman sila nakilala o nakasama minsan sa iyong buhay?” Natigilan ngang husto si Gimel dahil sa katanungang iyon ni Tunku. “May mga bagay na dapat kong naranasan kung hindi sila nawala Tunku. At sinisisi ko ang mga pumatay sa kanila kung bakit hindi ko naranasan ang bagay na iyon. Magbabayad ang mga bampira sa ginawa nilang iyon Tunku.” Tuluyan ngang natigilan at napaiwas ngayon ng tingin si Tunku na kalaunan ay kapwa natuon ang tingin nila ni Gimel sa paparating na si Afiya mula sa masukal na bahagi ng kagubatan. Nang akmang sasalubungin na siya ng dalawa ay halos sabay silang napatigil at nanlaki ang mga mata nang mapansing paika-ika ngayon sa paglalakad ang dalaga habang hawak ang isang makapal na libro mula sa kaniyang kaliwang kamay at sa kabilang kamay naman ay hawak-hawak nito ang kanang bahagi ng beywang na may bahid ng dugo. Dahilan ito upang patakbo ngayong nilapitan ng dalawa ang dalaga kasabay ng pag-alalay ni Gimel dito. “A—afiya, anong nangyari sa’yo?” kunot-noong tanong ni Gimel na siyang dahilan upang matigilan si Afiya sa paglalakad. Nanlaki ngang muli ang mga mata ni Gimel nang hindi pa man siya nasasagot ng dalaga ay unti-unting ipinikit nito ang kaniyang mga mata kasabay nang pagbagsak ng kaniyang katawan na siyang agad na sinalo ni Gimel. “Ikaw ay magmadali Gimel, ipasok mo siyang agad sa kubo!” _________________________ “Anong nangyari sa kaniya Tunku? Akala ko ba ay imortal kayo at hindi nasasaktan o nasusugatan pero bakit may galos siya?” sunod-sunod na tanong ni Gimel nang maipahiga na si Afiya sa papag na gawa sa kawayan. “Oo imortal kami ngunit may limitasyon pa rin kami Gimel,” sagot ng Kibaan na siyang nagmadali ngang kumuha ng tubig at mga tuwalya upang malinisan ang sugat ng Amatista. “Tulad ng mga sirenang katulad ni Afiya ay nanghihina sila kung matagal nang hindi sila nakakalangoy sa tubig dagat,” patuloy ni Tunku. “At sa oras na manghina sila ay manghihina rin ang kanilang kapangyarihan at tuluyang masasaktan ng kahit na sino man. At ang mahirap nga ay sa oras na nagkakasugat kami ay hindi tulad ng mga mortal ay mahirap itong gamutin.” “A—at sino naman kaya ang gagawa sa kaniya nito?” “Hindi ko alam Gimel pero base sa mga sugat niya ay natitiyak kong isang tiyanak ang may gawa sa kaniya nito,” sagot ng Kibaan nang makita ang iba pang mga kalamot sa katawan ng amatista. “T—tiyanak?” “Taga-Fotia rin sila Gimel kaya’t siguradong naikalat na nila Ebraheem ang paghahanap sa ating tatlo,” ani ni Tunku na siyang tuluyan na ngang nalinisan ang mga sugat ng Amatista. “Gimel, kailangan ko ng halamang makagagamot sa kaniya. Halamang hindi pangkaraniwan at sa dagat lamang nakikita.” “A—anong halaman iyon Tunku? Ako na maghahanap,” ani ni Gimel na dahilan upang matigilan ang Kibaan. “S—sigurado ka ba? Kung delikado para sa akin ang lumabas dito sa kagubatan ay mas delikado naman para sa iyo kaibigan.” “Ako na ang maghahanap ng halamang Ludwiga.” Unti-unti ngang natigilan at nanlaki ang mga mata ni Tunku habang ito ay nakatingin sa likuran ni Gimel dahilan upang unti-unting mapakunot ang noo ni Gimel at marahang ibinaling ang tingin sa kaniyang likuran. “E—ebraheem, ano ang iyong ginagawa rito?” Natigilan nga ngayong husto si Gimel nang malamang ang kaharap niya ngayon ay ang bampirang nagtangka sa kaniyang buhay at ang suspek niyang pumatay sa kaniyang mga magulang. Unti-unting itinikom ni Gimel ang kaniyang mga kamay at diretso ngang tinignan sa mata bampira. “Berhenti!” Kasunod ng pagkalakas-lakas na sigaw na ‘yon ay ang unti-unting pagiging bato ng Amatista ng Fotia. “Magbabayad ka sa ginawa mo sa mga magulang ko!” bulalas ni Gimel na siyang akmang susuntukin na ang batong katawan ni Ebraheem ngunit natigilan siya nang hawakan ni Afiya ang kaniyang pulso. “H—huwag Gimel,” utal kung sambitin ng dalaga na siyang pinipilit ngang imulat ang kaniyang mga mata at nag-iipon ng lakas upang makapagsalita. “Kakampi siya Gimel at hindi kalaban.” “K—kakampi? Paanong magiging kakampi natin Afiya ang taong pumatay sa mga magulang ko at sa akin?” “Hindi ka niya magagawang saktan at patayin ngayon lalo pa’t alam na niyang sa oras na patayin ka niya ay mamamatay siya kasama ang ibang mga bampira,” ani ni Afiya na siyang dahilan upang matigilan ang binata unti-unti ngang kumunot ang noo tanda ng kaniyang pagtataka. —Ika-anim na Palapag “Afiya, anong ginagawa mo rito? Halika at pumasok ka sa loob dahil ilang araw nang inaantay ni Protacio—“ “Maginoong Ahmad, kailangan ko po ng tulong niyo,” ani ng dalaga na dahilan upang kunot-noo siyang tignan ngayon ng matanda. “Kailangan ko pong mahanap ang limang libro ng mga babaylan Maginoong Ahmad—“ “T—teka lamang, ang Lama Ribusika ba ang iyong tinutukoy iha?” Lama Ribusika- koleksyon ng mga engkantasyon na isinulat ng mga pinakamakapangyarihang baybaylan mula sa iba’t ibang henerasyon. “At bakit mo naman kailangang hanapin ang mga bagay na ito Aifya gayong halos ilang taon na ang nagdaan mula nang huli nating nakita ang mga ito?” “Si Shakir, nahanap na namin siya Maginoong Ahmad at ngayon ngay kasama ko siya,” sagot ni Afiya dahilan upang manlaki ang mga mata ng matanda. “Afiya, ano itong iyong pinasok? Ibig mong tulungan ang huling babaylan gayong alam mong labag ito sa kasunduan niyong mga Amatista? Siguradong paparusahan ka ni Bathala katulad na lamang ng nangyari kay Mahalia.” “Maginoo, alam mo kong alam niyo kung bakit ko ito ginagawa—“ “Pero Afiya, hindi ko ibig na sa ganitong paraan mo pagbayaran ang kasalanan mo—“ “Maginoo wala ng ibang paraan pa. Kung noong una ay naging duwag ako para protektahan siya ay sa pagkakataong ito sisiguraduhin kong maproprotektahan ko na siya. Kaya parangawa mo na Maginoong Ahmad, kung alam mo kung saan naroon ang limang libro ay sabihin mo na sa akin bago tuluyang mahuli na naman ang lahat.” Unti-unting natigilan ang matanda na kalaunan ay marahang tinanguan si Afiya. “Madali mo lamang mahahanap ang limang aklat sapagkat hindi ito nakatago’t walang nagbabantay sa mga ito.” “Saan naroon ang limang aklat Maginoo?” “Nandito sa Geo ang limang aklat iha, partikular na sa mga lugar kung saan nanirahan ang mga huling henerasyon ng mga babaylan,” sagot ng Maginoo dahilan upang buntong hiningang tumango ang dalaga. “At may isa pang aklat Afiya na matagal nang ibinaon sa limot at lihim naming mga Maginoo ngunit sa tingin ko ay dapat mo itong malaman upang mabawasan ang alalahanin mo patungkol sa Fotia sapagkat hindi sila kaaway bagkus ay maaari mo silang maging kakampi sa laban na ito.” “Anong ibig mong sabihin Maginoo?” “Ang huling aklat o ang pang-anim ay nasa pangangalaga at protektado ng mga taga-Fotia,” patuloy ng matanda dahilan upang mapakunot ng husto ang noo ng dalaga. “Hindi ko maintindihan Maginoong Ahmad, bakit ho nasa kanila ito? At paanong magiging kakampi namin sila sa pamamagitan nito?” “Ang librong ito ay isinulat ni Punong Rani Aisyah o ang kilalang babaylan na gumawa ng unang bampira at ng iba’t iba pang nilalang ng Fotia. Nakasulat ang mga engkantasyon na konektado sa kapangyarihan at kahinaan ng mga bampira sa librong iyon kaya nila ito protektado,” usal ng matanda dahilan upang unti-unting mawala ang kunot sa noo ng dalaga. “Totoo si Punong Rani Aisyah? Ang buong akala namin ay isa lamang ito sa mga kwento-kwentong ginawa ng mga tao?” Marahang umiling ang matanda. “Totoo ang kwento Afiya na ang babaylan na ito ang siyang pinagmulan ng buhay at kapangyarihan ng mga bampira. Nang namatay ang Punong Rani Aisyah ay naipasa sa pamangkin nito ang titulo ng pinagmulan. Sa pagkakataong namamatay ang pinagmulan ay napapalitan ito ng isang babaylan na kadugo rin lang niya at konektado pa rin sa rani. Protektado ng mga bampira ang bawat pinagmulan sa bawat henerasyon dahil sa oras na mamatay ang pinagmulan ay mamamatay rin ang lahat ng mga bampira.” “At si Shakir—siya na lamang ang natitirang babaylan at magpahanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang mga bampira. Ibig sabihin ay siya ang kasalukuyang pinagmulan?” Unti-unti ngang tumango ang matanda bilang tugon. “Alam na ba ito ni Ebraheem? Alam niya bang sa oras na patayin niya ang babaylan ay mamamatay rin sila?” “Hindi ko alam iha pero sa oras na makuha mo ang pang-anim na libro ay maaari itong magamit ni Shakir laban sa kanila sapagkat naroon sa librong iyon ang iba’t ibang engkantasyon na maaaring makapagkontrol sa sino mang bampira.” Unti-unti ngang napabuntong ng hininga si Afiya na ngayon ngay unti-unting ngumiti at niyakap ang matanda. “Maraming Salamat ho Maginoong Ahmad.” “Iha, ipangako mo sa akin na mag-iingat ka lalo pa’t hindi tayo sigurado kung kakampi niyo na ba ang mga taga-Fotia.” Marahan ngang tumango ang dalaga habang kumakawala sa yakap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD