— Ika-anim na Palapag
Ika-anim na Palapag- ang lugar kung saan pansamantalang naninirahan ang mga sirena at sirenong nasa mundo ng mga tao (Geo)
“Nawa’y naging maayos ang iyong tulog Afiya,” bungad ng isang matandang lalaki nang makalabas ang dalaga mula sa kaniyang kwarto.
“Maayos naman po ang tulog ko Maginoong Ahmad,” nakangiting tugon ng dalaga na ngayon ngay nagmano sa matanda bilang pagpapakita ng kaniyang paggalang.
“Mabuti naman kung ganoon, halika’t saluhan mo kami sa umagahan—“
“Binibining Afiya, nais mo bang matikman ang nilutong umagahan ni Maginoong Ahmad?” tanong ni Protacio na isang magiliw na batang lalaki at kaisa-isang apo ni Maginoong Ahmad.
“Naku, ibig ko mang saluhan kayo Maginoong Ahmad ay maaga pa akong paparoon sa isla upang bisitahin ang aking ama.”
“Sayang naman kung ganoon, siya magbaon ka na lamang ng kakanin na makakain mo sa daan papunta sa dagat at ikamusta mo nalang din ako sa iyong ama,” ani ng matanda na siya ngang kumuha ng dalawang suman at iniabot ito kay Afiya.
“Sige ho Maginoong Ahmad, ikakamusta ko po kayo kay ama.”
“Binibining Afiya, mamayang gabi ba ay may pupuntahan ka rin ba?” tanong ni Protacio dahilan upang mapangiti ang dalaga’t manikluhod sa sahig upang hawakan ang magkabilaang pisngi nito.
“Huwag kang mag-alala Protacio wala akong pupuntahan mamayang gabi kaya’t makakasalo niyo ako sa hapunan.”
Tuluyan ngang napangiti ang batang lalaki dahilan upang hindi mapigilan ni Afiya na marahang pisilin ang mga namimintog at namumula nitong mga pisngi.
“O’ siya Afiya, ikaw ay pumaroon na sa iyong pupuntahan,” putol ni Maginoong Ahmad sa usapan ng dalawa dahilan upang mapatayo na ng maayos ang dalaga.
“Sige ho Maginoong Ahmad, ako po muna ay mauuna na.”
Tuluyan ngang lumabas si Afiya sa bahay ng matanda kung saan siya pansamantalang nakikitira.
At sa paglabas nito sa bahay ay napaatras ito sa gulat nang bigla na lamang lumitaw ang isang binata sa kaniyang harapan.
“Magandang umaga Afiya,” nakangiting bati nito sabay kuha ng isa sa mga hawak na suman ni Afiya.
Kapansin-pansin ang maputlang balat ng binata na sa una ay aakalain mong may sakit sa dugo ngunit natural lamang ito sa kanilang uri.
“Ebraheem isang beses mo pa talagang gawin iyon ay hindi na ako magdadalawang isip pa na—“
“Na ano? Gawin akong likido at ikulong sa bote tulad na lamang nang ginawa mo kay Abrax noong isang araw?”
“Ginawa ko yaon dahil ayaw niya akong tigilan at patuloy pa rin akong sinusundan saan man ako pumunta.”
“Eh, alam mo naman kasing may gusto siya sa iyo, kaya kahit pa na anong gawin mo ay hindi mo iyon mapipigilan.”
“May gusto man siya sa akin ay dapat matuto pa rin siyang respetuhin ako.”
“Afiya, matino namang nilalang si Abrax ha, bakit ba ayaw mong paunlakan ang nararamdaman niya patungo sa iyo?” tanong nga ngayon ni Ebraheem dahilan upang mapabuntong hininga ngayon si Afiya.
“Hindi porket gusto niya ako ay makukuha na niya ako Ebraheem.”
“Grabe ka talaga Afiya, alam mo bang galit na galit si Helios sa kaniya noong araw na ginawa mo siyang likido dahil hindi niya nagawa ang pinapagawa nito sa kaniya noong araw na iyon? Wala ka man lang bang awa sa kaniya?”
“Hindi ko na kasalanan iyon Ebraheem,” buntong hiningang sagot ni Afiya. “Mabuti pa ay bumalik ka na sa ika-pitong palapag bago ka pa man makita ng ibang serena at baka mamaya ay pagkaguluhan ka pa nila.”
Ngunit natigilan ang dalaga sa paglalakad nang mapansin na hindi siya inimik nito at kasalukuyan nga itong nakatitig sa isa pa niyang hawak na suman.
“Ebraheem, kung gusto mo pa ng isa ay doon ka kay Maginoong Ahmad humingi dahil nakalaan ito para kay Ulyses,” pakli ni Afiya na siyang agad na ngang ibinulsa ang suman.
“Sa iyong kapatid? Paparoon kang muli sa Nero? Bibisitahin mo rin maging ang iyong Khaaya Amina?”
Khaaya – nakatatandang kapatid na babae
Agad ngang napabuntong hininga ang dalaga at inilingan si Ebraeheem.
“Bibisitahin ko si Ulysses dahil kaarawan ngayon ng aking ama ngunit wala sa plano ko na pati ang reyna ay bisitahin ko.”
“G—gayon ba, kung gusto mo ay samahan na kita papunta sa isla—“
“Hindi na kailangan Ebraheem dahil susunduin naman ako ni Ulyses sa daan upang sabay kaming pumaroon sa Nero,” pakli ng dalaga na siyang bumuntong hininga nga at nagpatuloy nang muli sa paglalakad.
“Kung gayon ay mauuna na ako—“
Halos sabay ngang natigilan ang dalawa nang makarinig sila ng hiyawan mula sa kumpulan ng mga dalaga na siyang kasalukuyang tumatakbo papunta sa kinatatayuan nila ngayon.
“Lintek na!” bulalas ni Ebraheem na siyang dahilan upang ngisian siya ngayon ni Afiya.
“Ginoong Ebraheem!”
Halos sabay-sabay ngang sigawan ng mga serena na hindi ngayon magkamayaw sa tuwa nang makita ang binatang bampira na kinahuhumalingan nila.
“Sabi kasing umalis ka na nang hindi ka pagkaguluhan ng mga iyan.”
“Siya, siya, aalis na ako,” ani nito na siya ngang kasing bilis ng kisap-matang tumakbo papunta sa elevator.
“Binibining Afiya, hindi kami maaaring magkamali, narito ang Ginoong Ebraheem kanina hindi ba?” tanong ng isa sa mga serena na hingal na hingal nga katulad ng mga kasama niya.
“Sa kasamaang palad ay nakaalis na siya mga Binibini.”
Halos sabay-sabay ngang napakamot ng kanilang mga ulo ang mga serena dahil sa pagkadismaya.
“Ako ay mauuna muna Terriana,” paalam ni Afiya na siyang iniwanan na nga ang mga dalaga at nagpatuloy na sa paglakad papunta sa elevator.
Pagbukas ng elevator na pinasukan nito ay sumalubong nga sa kaniya ang mga nagkalat na tao sa paligid na nakasuot ng unipormeng katulad ng suot niya.
“Afiya!”
Agad na nabaling ang tingin ni Afiya sa dalaga na siyang palapit na ngayon sa kaniya.
“Papasok ka na? Ang akala ko ay hapon ka lang pumapasok?”
Umiling si Afiya bilang tugon. “Kinausap ko lang si Ma’am Rosales kaya ako pumunta ngayong umaga pero hapon pa ako papasok sa klase. Ingon Melissa (Sige Melissa), I have to go.”
Tumango ngang marahan ang dalaga dahilan upang magpatuloy na ngayon sa paglakad si Afiya na siyang lumabas na sa gusali.
“Gimel, teka lang.”
Ngunit natigilan siya ngayon at napukaw ang atensyon sa isang binata na bago lamang sa kaniyang paningin.
“If you need anything anak, tawagan mo lang ako ha,” sambit ng babaeng humabol sa binata.
“I don’t need anything from you,” ani ng binata sabay alis ng kamay ng babae dahilan upang mas mapukaw ang atensyon ni Afiya rito.
“At iyong plinaplano mong dinner mamaya, huwag mo na lamang ituloy.”
“Gimel anak, sayang naman iyong mga ipinabili ko at ipinahanda kila manang kung ganoon lang. Kahit ngayon lang anak, pagbigyan mo naman ako—“
“Ayaw nila ako—alam ko iyon. Malinaw na ayaw ako ng bagong pamilya niyo at nirerespeto ko iyon kaya’t huwag niyo nalang ituloy ‘yong dinner na binabalak niyo.”
“Sabi ko naman kasi sa iyo, huwag kang makikinig sa usapan ng mga mortal.”
At tuluyan ngang natigilan ang dalaga nang marinig ang boses na iyon sa kaniyang isipan.
Napatingin ito sa bandang itaas ng gusali at napabuntong hininga nang makita si Ebraheem sa ikalawang palapag na kasalukuyang nakangisi at kumakaway ngayon sa kaniya.
“Ebraheem, huwag ka ngang basta-basta nalang pumapasok sa aking isipan—“
“Edi huwag ka rin kasing magbalak na basahin ang isipan ng mga mortal nang hindi ko rin ito gawin sa iyo.”
Marahan ngang bumuntong ng hininga si Afiya at tuluyan na ngang nagpatuloy sa paglakad ngunit natigilan at napahawak ito sa kaniyang dibdib nang makaramdam ng kirot nang sandaling magtama ang mga mata nila ng binata na siyang tuluyan nang nakapasok sa gusali.
Unti-unti siyang huminga ng malalim at pinakalma ang sarili bago pa man nagpatuloy nang muli sa paglakad.
_________________________
Nang makarating si Afiya sa pinakaliblib na parte ng Isla Mandaramat ay agad nga nitong inilibot ang paningin nang masigurong walang sino mang tao sa paligid maliban sa kaniya.
Nang masiguro ngay ibinaba na nga niya ang mga gamit sa buhangin at unti-unti na ngang naglakad kasabay ng mga pabalik na alon sa dagat.
Kasabay nang paglubog ng buo niyang katawan sa dagat ay ang siya ring unti-unting pag-iibang anyo ng kaniyang mga paa na naging tulad ng buntot ng isda.
Kapansin-pansin ang kulay ginto nitong buntot na siyang naiiba sa ordinaryong mga serena.
Ang kaniyang kayumangging buhok ay unti-unti rin ngang napalitan ng kulay asul na buhok na tila ba umiilaw sa gitna ng karagatan.
At maging nga ang berde nitong mga mata ay napalitan din ng namumukadkad na kulay asul na maihahambing ang kagandahan sa isang mamahaling kulay asul na perlas.
— NERO
“Magandang umaga Binibining Afiya,” bungad ng serenong nakabantay sa bungad ng Kaharian ng Nero.
“Magandang umaga sa iyo,” nakangiting bati ni Afiya na siyang pumasok na nga sa Nero.
“Khaaya Afiya! Bakit naman hindi mo ako inantay na sunduin ka?” bungad ng isang binatang sereno na tulad ni Afiya ay may kulay asul din na buhok at mata.
“Patawad Ulysses, hindi na ako nakapaghintay pa at maaga pa ang pasok ko mamaya kaya maiging magmadali ako sa pagdalaw.”
“Kung gayon Khaaya Afiya ay narapat lamang na tayo ay pumaroon na dahil natitiyak kong kanina pa iyon naghihintay,” nakangiting ani ni Ulysses dahilan upang mapangiti at tumango ang dalaga.
_________________________
“Magandang Umaga ho Haring Awang, narito po ang resulta ng ipinagawa niyong pag-uulat kay Ulysses.”
Unti-unting napukaw ang atensyon ng hari at kunot noo ngayong tinignan ang tagabantay.
“At bakit ikaw ang siyang naghatid nito at hindi si Ulysses?”
“Ako po ay pinagbilinan niya sapagkat kailangan ho niyang salubungin ang Amatista mahal na hari,” sagot ng tagabantay dahilan upang matigilan ang hari at mapahawak ngayon sa kaniyang baba.
“Narito ang Binibining Afiya?”
“Opo mahal na hari, narito po siya ngayon upang bisitahin ang puntod ng kanilang yumaong ama na si Haring Barzin.”
“Kung gayon ay magmadali kang puntahan ang Reyna at papuntahin siya ngayon dito sa aking tabi dahil natitiyak kong tutungo ang Amatista dito matapos bisitahin ang kaniyang ama,” saad ni Haring Awang dahilan upang agad na mapatayo ang tagabantay mula sa pagkakaluhod at agaran ngang tinanguan ang Hari.
_________________________
“Ama“—ani ni Afiya na siyang marahang inilapag ang kahon na naglalaman ng isang kumikinang na perlas katabi ng puntod ng kaniyang yumaong ama—“nagagalak akong masilayan kang muli.”
“Natitiyak ko Khaaya Afiya na gayon din ang ama—nagagalak siyang marinig muli ang boses mong halos isang daang taon din ang nakalipas nang huli niyang marinig,” ani ni Ulysses na siyang inilapag din ang isang kahon na naglalaman ng kaparehong perlas.
“Ama, tulad ng sinasabi ko sa iyo araw-araw ay hinding-hindi ko po pababayaan si Khaaya Afiya maging ang Khaaya Amina kahit pa na buhay ko ang kapalit basta’t mailigtas lamang siya sa kapahamakan. Mas malakas man ang kapangyarihan ni khaaya sa akin ay gagawin ko pa rin ang lahat-lahat upang protektahan siya,” patuloy ng binata dahilan upang buntong hiningang ngumiti ngayon si Afiya at sabay gulo nga sa buhok ng kaniyang kapatid.
“Khaaya!”
“Ako rin po ama, tulad ng ipinapangako ko sa iyo, proprotektahan ko si Ulysses at maging ang buong Nero na siya mong hangarin mula pa noong una,” nakangiting ani ni Afiya sabay tingin nga ngayon sa kaniyang kapatid. “Tulad ng lagi mong ibinibilin ay proprotektahan po namin ni Ulysses ang isa’t isa.”
“At maging po ang Khaaya Amina ay proprotektahan din namin ama,” patuloy ni Ulysses na dahilan upang mapabuntong hininga na lamang si Afiya.
_________________________
“Ako ay nagagalak na makita kang muli Prinsesa Afiya ng Nero na siyang Amethyst at tagapagbantay ng Nero,” nakangiting bungad ni Haring Awang matapos marahang halikan ang likurang palad ng kanang kamay ni Afiya.
“Naparito ako upang bisitahin ang aking pamilya at maging na rin ang buong Nero,” ani ni Afiya na siyang unti-unti ngang kumawala sa pagkakahawak sa kaniya ng hari.
“Mahal kong Amina, mukhang naparito ang iyong kapatid upang kamustahin ang iyong kalagayan,” saad ng Hari na siyang hinawakan nga ngayon ang kanang kamay ng Reyna Amina at ito ngay kaniyang nginitian.
“Wala kang dapat ipag-alala mahal kong kapatid dahil maayos ang kalagayan ko sa piling ng aking pinakamamahal na asawa,” nakangiting sambit ng Reyna na siyang dahilan upang mapaiwas ngayon ng tingin si Afiya
“Hindi ako naparito upang kamustahin ka Khaaya Amina”—ani ni Afiya na siyang ikinatigil ng kaniyang kapatid maging ng hari—“narito ako para bisitahin ang ating yumaong ama na siyang may kaarawan ngayon.”
Unti-unting napaiwas ng tingin ang Reyna Amina na siya ngang naistatwa sa kaniyang kinatatayuan,
“Mukhang maayos na nga ang iyong kalagayan dito khaaya at sa sobrang tahimik at tiwasay ng iyong buhay ay mukhang nakalimutan mo na ata kung sinong nasa likod ng marangya mong buhay na iyan.”
“Khaaya,” sambitla ni Ulysses na siyang hinawakan ang kanang kamay ni Afiya.
“Wala akong intensyon na magtagal dito Haring Awang. Gayong nabisita ko na ang puntod ng aming ama at nabisita ko na rin naman ang kalagayan ng mamamayan ng Nero, ako ay magpapaalam na sa iyo upang bumalik sa Geo.”
“Samahan ka nawa ng Bathala sa iyong paglalakbay pabalik sa Geo,” sagot ng hari dahilan upang tumango si Afiya at tumalikod na mula sa trono.
“Teka lamang Afiya—“
Ngunit natigilan nga ito sa paglalakad ng tawagin siya ng reyna na siyang naglakad nga papunta sa kaniya at pumunta sa harapan nito.
“Nagagalak akong makita kang muli mahal kong kapatid—“
“Ako ay mauuna na muna mahal na reyna gayong may pupuntahan pa ako,” pakli ni Afiya na siyang nagpatuloy na ngang muli sa paglalakad.
“Khaaya Amina, mauuna na rin ako at ihahatid ko pa ang Khaaya Afiya sa daan,” paalam naman ni Ulysses na siyang tumakbo na nga upang abutan ang nakaalis ng si Afiya.
_________________________
“Khaaya!” bulalas ni Ulysses na mabilisang lumangoy at hinarangan ang dalaga.
“Khaaya Afiya, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ba kakausapin ang Khaaya Amina?”
“Ulysses, may mga bagay na ibig ko man sabihin sa iyo ay alam kong hindi mo maiintindihan—“
“Khaaya, malaki na ako at hindi na ako bata para—“
“Ulysses,” sambitla ni Afiya na ngayon ay hawak-hawak ang kaniyang dibdib na bigla na lamang kumirot nang wala sa oras. “Kailangan ko nang umalis.”
At sa pagkakasabi nga niya non ay lumangoy na nga itong muli na tila ba isang kisap-matang nawala sa harapan ni Ulysses.
— CEBU
Wala sa katinuang naglalakad ngayon si Afiya pabalik sa paaralan ngunit natigilan ito sa paglalakad nang makapa sa kaniyang bulsa ang suman na ibibigay niya dapat sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Sa susunod na lamang siguro,” buntong hiningang sambit nito sa sarili na siyang muling ibinaling ang tingin sa daan ngunit natuon ang kaniyang atensyon sa binata na patakbo nga ngayong lumabas ng paaralan.
Magpapatuloy na sana siyang muli sa paglalakad ngunit natigilan siyang muli nang mahulog ang isang bagay mula sa binata.
Buntong hininga itong naglakad at marahan ngang pinulot ang nahulog na ID ng binata.
“Gimel Trevor Perez.”
“Afiya Abadiano,” nakangiting pagpapakilala ng babae sabay abot ng kamay niya kay Gimel.
“Hulat lang Afiya (Teka lang Afiya) you know him?”
“Y—yup, nagkasalubong kami kanina—“
“Afiya, I am telling you, mas mabuting huwag mo nang kausapin ulit ‘yang lalaking iyan,” usal ni Melissa kay Afiya na siyang dahilan upang unti-unting kumunot ang noo ni Afiya na siyang ibinaling nga ang tingin kay Gimel na buntong hininga ngang pumasok na sa classroom.
“At bakit naman ganun? Bakit naman hindi ko kakausapin ‘yong tao?” sunod-sunod na tanong nito kay Melissa.
“Balita kasi na kaya raw nandito ‘yan ngayon sa Cebu ay tinatakbuhan niya iyong krimen na ginawa niya sa Maynila,” sagot ni Melissa sa kaniyang dahilan upang mapukaw ang buong atensyon niya rito.
“K—krimen? Anong klaseng krimen?”
“Isang estudyante na namatay dahil sa party drugs—at siya nga iyong suspect na nambully at nagpumilit na ibigay sa estudyante iyong party drugs.”
Unti-unti niyang ibinaling ang tingin kay Gimel na kasalukuyang nakaupo na ngayon sa kaniyang kinauupuan habang nakatingin sa bintanang katabi niya.
“Kaya kung ako sa’yo Afiya, ayaw na pagduol anang tawhana (huwag mo nang lapitan iyang lalaking iyan).”