Chapter Three

2603 Words
"Linus Gallardo." Gulat na tinitigan niya ang lalaki dahil sa pangalang binanggit nito. Mabilis na kumabog ang dibdib niya nang mapagtanto kung sino ang binata. Mula sa mabining ngiti nito sa mukha, agad na nabaling sa kaniyang lolo ang mga mata ni Ciara. Nakita niya kung paano nag-iba ang timpla ng hitsura ni Don Corne. "Ikaw?" Tila hindi ito makapaniwala sa nalaman. Naglandas ang paningin nito sa kabuuan ng lalaki. Mabilis na binitiwan ng don ang kamay ni Linus, ang binata naman ay bahagyang napangiti bago ipinasok ang dalawang kamay sa loob ng bulsa nito. "Ano'ng ginagawa mo rito?" matalim ang tinging tanong ni Don Corne sa lalaki. Mabilis siyang tumayo habang nakatitig sa dalawa. Maski sina Abeng at Mando ay hindi makapaniwala habang pinagmamasdan ang lalaking panauhin. "Nandito ako para sa Hacienda Lancheta," ngumiti ang binata matapos iyong sabihin. Mariin ang tingin ni Don Corne nang unti-unti itong tumayo habang ang mga mata ay nakatitig pa rin sa lalaking si Linus. "Hindi ko ipinagbibenta ang asiyenda ko!" mababa ngunit mapapansin ang galit sa tinig ng matanda. Bahagyang natawa si Linus. "Hindi iyon ang nakalagay sa blog ng apo n'yo." "Sa akin ang asiyenda, ako ang magdedesisiyon kung ibebenta ito o hindi!" Mabilis siyang lumapit sa lolo niya nang bigla itong magtaas ng tinig. Natatakot siya na baka sumama bigla ang pakiramdam nito. "Don Corne, huminahon po kayo! Ang puso n'yo!" nag-aalala namang wika ni Mando matapos din itong lumapit sa matanda. Hinawakan niya sa braso nito si Don Corne bago muling binalingan ng tingin si Linus. Tila wala lang sa lalaki ang paninigaw at ang masamang pagtrato rito ng kaniyang lolo. Tahimik lang ito habang banayad na nakangiti sa kanila. "Sa tingin ko ay sa ibang araw na lang tayo mag-usap—" "Wala nang susunod pa, Linus Gallardo! Dahil hindi ko ipagbibili sa iyo ang asiyenda ko!" putol ng don sa sinasabi ng binata. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa braso ng matanda. "Lolo, ang puso mo." Bumilis at lumalim ang bawat paghinga ng matandang don. Sa bawat segundong nagdaraan ay mas lalong tumatalim ang tinging ipinupukol nito sa lalaki. Hindi naman natinag ang binata sa kinatatayuan. Tuwid pa rin itong nakatayo habang naroon ang mabining ngiti sa mga labi. Tila ba sinasabi ng ngiti nito na nagugustuhan nito ang nangyayari. Hindi niya alam kung bakit, pero may masama siyang nararamdaman para dito. "Sa tingin ko ay nabubulagan lang kayo ng... galit, Don Corne," sinundan ng lalaki ng maikli at mahinang tawa ang sinabi. "Babalik na lang ako." Tumawa nang nang-uuyam ang don. Inilingan nito ang mga sinabi ng lalaki. "You are not welcome here, boy! Get out!" Sa hindi malamang dahilan, bigla siyang nakaramdam ng kaunting awa para sa binata. Pinagmasdan niya itong mabuti at bahagyang natigilan nang mula sa lolo niya ay binaling nito ang tingin sa kaniya. Ngumiti ito bago tumango. "Sayang naman," muli nitong binalingan ang don matapos sabihin iyon. "Alam ko kung gaano ka-importante ang asiyendang ito sa inyo. Balak ko sanang doblehin ang presiyong ibabayad ko kaysa sa hinihingi n'yo sa akin." Natigilan silang lahat sa sinabi nito. Pilit niyang hinahanap ang pagbibiro sa mukha ng lalaki pero ni katiting ay wala siyang nakita. Namimilog ang mga mata niya nang muling balingan ang matandang don. Si Don Corne naman ay mababakasan din ng pagkagulat ang mukha. Sumilay ang isang ngiti sa mga labi ni Linus. "Kung sakaling magbago ang isip n'yo, madali lang akong hanapin." Bahagya pa nitong ibinaba ang ulo bago sila tuluyang tinalikuran para lumabas ng mansiyon kasama ang mga bodyguards nito. Naiwan silang lahat na nakatulala sa malaking receiving area. "Tama ba iyong narinig ko? Dodoblehin niya ang bayad?" gulat na gulat na wika ni Abeng. Lumapit ito sa kanila at pinagmasdan sila habang nanlalaki ang mga mata. Umiling si Don Corne. "Napakayabang! Hindi naman kaniya ang perang ipambibili niya," tila nang-uuyam pa nitong sabi bago pagalit na nilisan ang receiving area at pumanhik sa itaas. Inalalayan ito ng lalaking si Mando hanggang sa makapasok ang mga ito sa kuwarto ng matanda. Tila nauubusan ng lakas siyang napaupo sa mahabang sofa. Umupo sa tabi niya si Abeng at mataman siyang tinitigan. "Ano nang gagawin mo ngayon, Señorita Ciara?" bumuntong-hininga ang babae at nababahalang umiling. "Mahirap nang makahanap ng buyer ngayon, lalo na iyong nakahanda pang magbayad nang doble. Hay, Diyos ko... " Sa sinabi ng babae ay napabuntong-hininga na lamang siya. Mukhang si Linus Gallardo na nga ang makatutulong sa kanila. Ang problema nga lang, ayaw rito ng lolo niya. At ang isa pang gumugulo sa isipan niya, bakit ito nakahandang magbayad nang doble sa isang asiyendang lubog na sa utang? HUMINTO sa tapat ng isang malaking bahay ang bugatti divo car na kinalululanan ni Linus Gallardo. Mula sa kotse ay mabilis itong umakyat sa malaking hagdan ng rest house at pumasok sa loob. Bumungad sa kaniya ang halos sampung katulong na pawang mga nakasuot ng kulay kayumangging uniporme. Agad na luminya ang mga ito at sabay-sabay na nagbigay galang sa pagdating niya. "Magandang hapon, Sir Gallardo!" korus ng sampu. "Magandang hapon," nakangiti niyang bati at agad na nagdiretso sa pangalawang palapag ng bahay kung nasaan ang nag-iisang silid sa palapag na iyon na nagsisilbi niyang tulugan at pribadong opisina. Sa pagpasok niya sa office ay nabungaran niya ang kaniyang sekretarya na si Elton Francisco, limampung anim na taong gulang na ang lalaki. Nakasuot ito ng pang-opisinang damit at bahagyang namumuti na rin ang ilang buhok nito. Yumukod ito at agad siyang binati. "Nakabalik na kayo, Sir Gallardo." Ngumiti siya sa lalaki matapos hilahin ang kaniyang desk chair at umupo roon. "Ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo, Mister Francisco?" Nag-angat ng tingin si Elton at akmang ibubuka ang bibig nang bigla itong matigilan sa napansin. "Ano'ng nangyari sa noo mo?" nababahala nitong tanong nang makita ang sugat sa kaliwa niyang noo. Mula sa mga papeles na nasa harap niya, nabaling sa lalaki ang tingin niya bago napahawak sa kaliwang noo. Nang maalala ang nangyari sa Hacienda Lancheta ay makahulugan siyang ngumiti. "Wala ito," nakangiti niyang wika at muling ibinalik ang tingin sa mga papeles. "Ang mahalaga ngayon, nagkausap na kami ng mga Lancheta." Tumango nang isang beses si Elton bago nito inilagay ang hawak na brown envelope sa ibabaw ng mesa niya sa tabi ng mga papeles na inaasikaso niya. "Nariyan na ang kontratang hinihintay ninyo mula kay Mister Salvador," anito at muling naglapag ng white folder sa harap niya. "Ito naman ang mga papeles na kailangan mong pirmahan para sa closing deal ninyo ni Mister Abuelo." Tumango siya nang ilang ulit bago isinandal ang likod sa inuupuan. "Kumusta naman si Gill Cojuangco? Bumuntong-hininga si Elton at mahinang umiling. "Ayaw pa rin niyang tanggapin ang alok mo." Bahagya siyang tumawa sa narinig. "Huwag mong tigilan. Pataasin mo lang ang alok nating bayad. Pasasaan ba't bibigay rin iyan. Walang hindi nabibili ng pera." Inabot niya ang brown envelope at kinuha mula sa loob nito ang kontrata. Habang pinapasadahan ng tingin ang papel ay mariin siyang tinititigan ni Elton. Tila may gustong sabihin ang lalaki ngunit hindi nito kayang isatinig ang nilalaman ng isip. Sa kalagitnaan ng pagbabasa niya ng kontrata, isang malalim na hangin ang pinakawalan niya. "Hangga't hindi pa ako masiyadong abala, sabihin mo na ang gusto mong sabihin, Mister Fancisco." Nagbaba ng tingin si Elton bago humugot ng hangin saka iyon ibinuga. "Mananatili ka ba rito, Linus?" Ibinaba niya ang hawak na kontrata at matapos iyon pirmahan, muli ring ibinalik sa loob ng brown envelope. Sumandal siya sa kinauupuan at ilang sandaling nanahimik. Makaraan lang ang ilang segundo, narinig na nila ang ilang katok sa pinto. Sumunod roon ang boses ng babaeng isa sa mga katulong niya. "Sir Gallardo, dala ko po ang inumin ninyo." Binuksan nito ang pinto at pumasok habang tangan ang tray kung nasaan ang isang baso ng mango juice, isang tasa ng kape at dalawang slice ng carrot cake. Matapos ilapag sa ibabaw ng mesa ang dala nitong mga pagkain ay muli itong lumabas ng opisina niya. Nakangiti niyang inabot ang baso ng juice at diretso iyong ininom. "Mananatili ako rito hanggang sa makuha ko ang Hacienda Lancheta." Sumilay ang makahulugang ngiti sa mga labi niya. Napatango si Elton sa narinig. Umupo ito sa upuang nakaharap sa kaniya at inabot ang kape. "Siya nga pala, kumusta ang winery?" pag-iiba niya ng usapan. Ibinalik niya ang atensiyon sa mga papeles na kinakailangan niyang pirmahan. Ipinaliwanag naman ng kaniyang sekretaryang si Elton ang gustong mangyari ng isang potential investors nila. Nakinig siya sa mga paliwanag ng matanda, ngunit hindi niya maitatanggi na ang isip ay hindi magawang alisin sa mga nangyari kanina. Sa tuwing bumabalik sa isipan niya ang larawan ng babae habang mariin ang pagkakatitig nito sa kaniya ay nawawala siya sa pokus. "Ang gusto nila ay 5% discount sa lahat ng kukunin nilang wine; ang kapalit niyon ay sa atin lang sila kukuha ng wine na bibilhin. Kung nakahanda kang ibigay ang gusto nila—" "Ano'ng magandang bulaklak ang puwedeng ibigay sa babae?" putol niya sa sinasabi ng sekretarya. Bahagyang natigilan si Elton bago nag-isip nang ilang segundo. "Ang alam ko, mahilig sila sa mga rosas. Bakit?" Ngumiti siya sa lalaki. "Bukas na bukas, magpabili ka ng pinakamaganda at pinakamahal na bulaklak sa Maynila." Muling sumilay ang ilang gitla sa noo ni Elton. "Para saan, Linus?" "Ipadala mo sa Hacienda Lancheta; para kay Señorita Ciara." ISANG mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ni Ciara matapos ng mahabang pagpapaliwanag sa matandang don. "Apo, buo na ang desisiyon ko. Hindi ko ibebenta ang asiyenda ko sa oportunistang iyon!" Mabilis na ininom ng matanda ang gamot nito bago muling humiga sa kama. Napapailing siyang umupo sa tabi ni Don Corne. "Lolo, hihintayin mo pa bang marimata ng bangko itong mansiyon? At ikaw, ikukulong ka nila." "For the hundredth time, Ciara, I won't sell my hacienda to that user!" Tuluyan nitong pinikit ang mga mata. Muli siyang umiling at mabigat ang dibdib na nagpakawala ng hangin. Halata sa kaniyang mukha ang matinding pag-iisip dahil sa mga problema. "But, lolo, he's the only buyer who's willing to pay double for our hacienda." Muli siyang nagbuga ng hangin at mariin na tinitigan ang matandang lalaki habang nakapikit ang mga mata nito. "Wala na tayong mahahanap na buyer na katulad niya!" "The more reason why I'm not selling him the Hacienda Lancheta. Can't you see, my granddaughter? May iba siyang pakay sa paglapit sa atin!" Natigilan siya sa sinabi ng matanda. Iyon din ang inaalala niya, ang tunay na pakay ni Linus Gallardo. "Hindi ako tumanda nang ganito para lang maloko nang ganoon kadali, Ciara. I am maybe old but I'm not stupid." Binaling niya sa ibang direksiyon ang tingin at ninamnam ang malamig na hangin na nagmumula sa mga nakabukas na bintana. "Kahit ano pa ang dahilan sa pagbili niya sa Hacienda Lancheta, siya na lang ang makatutulong sa atin, lolo." Muli siyang tumayo at nagtungo sa nakabukas na balkonahe. Pinagmasdan niya ang malawak nilang bakuran na pinalilibutan ng mga puno ng mangga. Mula sa kinatatayuan niya ay tanaw ang rancho ng mga kabayo at ng iba pang mga hayop. Biglang nagbalik sa isip niya ang mga araw kung kailan masaya siyang nakikipaghabulan sa mga magulang niya noong bata pa siya; noong nabubuhay pa ang mga ito. Malungkot niyang nilingon ang don na ngayon ay nasa kaniya rin ang paningin. "I can't lose this mansiyon, lolo." Humugot siya nang malalim na hangin upang punuin ang kaniyang dibdib saka iyon ibinuga. "And I can't lose you. Ikaw na lang ang natitira sa akin." Pilit na bumangon ang matanda at malungkot na ngumiti. Naluluha siyang lumapit sa kinahihigaan nito at mahigpit itong niyakap. "Don't worry, hija, may ilang linggo pa tayo para makahanap ng buyer. Don't cry, my granddaughter. Hindi ako mawawala sa iyo." Matapos ng naging pag-uusap nila ay buong hapon siyang nagkulong sa kuwarto. Ibinabad niya ang oras sa paghahanap ng potential buyer para sa kanilang asiyenda. Maya't maya siyang napapabuntong-hininga sa tuwing naaalala ang alok ni Linus Gallardo. Kung siya lang sana ang madedesisiyon, nakahanda na siyang tanggapin ang alok nito. Pero lalaking may prinsipyo ang lolo Corne niya; ang pinakaayaw nito sa lahat ay ang paggasta o pagkuha ng perang hindi mo pinaghirapan. Pero kahit na namomroblema sila ngayon dahil sa prinsipyo nito, proud pa rin siya sa kaniyang lolo dahil sa matindi nitong paninindigan. Kinaumagahan ay nagpalipas siya ng oras sa balkonahe ng kanilang mansiyon. Isinasayaw ng malamig na simoy ng hangin ang mahaba at malalambot niyang kulay itim na buhok. Nakasuot siya ng kulay peach na tent dress at hawak niya sa kanang kamay ang isang baso ng mango juice. Ito ang lagi niyang iniinom noong bata pa siya dahil na rin sa nagkalat ang prutas na mangga sa kahit saang parte ng mansiyon nila. Lumaki siyang mangga ang laging kinakain mula umaga, tanghali, miryenda sa hapon at paminsan, kahit sa gabi bago matulog. Alas-siete na sa umaga at kagaya ng dati niyang ginagawa, ini-enjoy niya ang magandang tanawin ng lupain nila. "Señorita Ciara." Nagtaas siya ng tingin nang marinig ang isang boses. Bumungad sa kaniya ang nakangiting mukha ni Abeng. Umupo ang babae sa katapat niyang silya at mataman siyang pinagmasdan. "Kumusta ang lolo mo? Ayaw pa rin bang pumayag ni Don Corne?" Bumuntong-hininga siya nang marinig ang tanong nito saka umiling sa babae. Dismayadong-dismayado siya at nanghihinayang. Muli niyang ibinaling ang tingin sa malawak nilang lupain. "Hindi ko na alam kung ano ang gagawin, Aling Abeng," tila sumusuko na niyang turan. "Kung nandito lang sana sina Mama at Papa, siguradong hindi magiging ganito kahirap ang lahat." Tinitigan siya ni Abeng na waring nakikisimpatya ito sa paghihirap na pinagdaraanan niya. Mahigpit na hinawakan ng babae ang malaya niyang kamay na nakapatong sa mesa at tumango nang ilang ulit. "Kaya mo iyan, Señorita Ciara." Pagpapalakas nito ng kalooban niya. "Malalagpasan mo rin ito." Nilingon niya ang babae at nginitian. Nasa ganoon silang akto nang biglang bumukas ang malaking pintuan ng mansiyon at pumasok si Luisita habang may bitbit itong isang may kalakihang bouquet ng bulaklak. "O, kanino naman galing iyan?" baling ni Abeng sa babae. Ngumiti naman nang malapad si Luisita bago nagkibit ng balikat. "Malay ko?" anito at binaling ang tingin sa kaniya. "Magandang umaga, Señorita Ciara! Para po sa inyo." Bahagyang kumunot ang noo niya. "Mine?" nagtataka niyang tanong at ibinaba ang hawak na baso ng juice sa ibabaw ng mesa. "Kanino pa ba, señorita? May nakikita ka pa bang ibang maganda rito maliban sa ating dalawa?" sinundan pa ng pabebeng tawa ng babae ang sinabi nito. Natawa na rin sila ni Abeng bago niya tinanggap ang bulaklak. Sa isiping baka galing na naman iyon kay Cedrick at nalaman na nito kung nasaan siya ay bigla siyang nawalan ng gana. "Ang babango ng mga red roses, Señorita Ciara! Siguro mahal iyan?" muling wika ni Luisita bago lumapit sa nakatatanda nitong kapatid na si Abeng. Pinagmasdan niyang mabuti ang bulaklak, iyon ang unang beses na nagbigay sa kaniya si Cedrick ng rosas. Kadalasan kasi sa mga ibinibigay nito ay gerber daisies at peonies. May allergy ito sa rosas kaya umiiwas ito sa mga ganoong bulaklak. At isa pa, hindi ganoon kalaki at kamahal ang mga ibinibigay nito noon dahil pagdating sa kaniya, kuripot ang lalaki. Nang makita ang kulay lila na card sa pinakababa ng bulaklak, kinuha niya iyon at binuksan upang malaman kung ano na naman ang kailangan nito. Pero bigla siyang natigilan at nagtaka nang mabasa ang mensahe. A beautiful flower for a beautiful lady. -Linus Gallardo
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD