"LINUS Gallardo?" tila hangin na lumabas mula sa bibig niya ang pangalan ng binata.
Natigilan at nagkatitigan naman sina Abeng at Luisita. Si Abeng ay mabilis na nagsalubong ang mga kilay habang si Luisita ay malapad na napangiti.
"Ang romantic naman pala niyang Linus na iyan, Señorita Ciara! Biruin mo iyon? Nagpadala pa sa iyo ng mamahalin at napakagandang bulaklak! Nanliligaw ba iyan?"
Mabilis na nabaling kay Luisita ang tingin nila ni Abeng dahil sa sinabi nito. Nang mapansin naman ng babae ang mga titig nila ay sandali itong natigilan bago nahihiyang ngumiti. Sinamaan ito ng tingin ni Abeng kaya napapakamot sa ulong nagpaalam ito sa kanila.
"Sa kusina muna ho ako, magluluto lang," pahabol pa ng babae bago sila tuluyang iniwan.
Nakaismid niyang ibinaba ang hawak na bungkos ng bulaklak at pinagsalikop ang mga braso sa tapat ng dibdib.
"Bakit kaya... nagpadala si Linus ng bulaklak sa iyo, Señorita Ciara?" tila nagtatakang tanong ni Abeng. Ang mga mata nito'y nakatutok sa mga bulaklak na halos sumakop na sa bilugang lamesa dahil sa laki nito.
Nagbuga siya ng hangin at nagkibit ng balikat. "Baka nagpapabango ng pangalan."
"Dahil sa asiyenda?" hindi kumbinsidong tanong ni Abeng saka umiling. "Hindi siguro."
Mula sa mga puno ng mangga ay binaling niya ang tingin sa babae. "Iyon lang naman ang puwedeng dahilan ng pagpapadala niya ng bulaklak."
Bahagyang ngumiti ang babae. "Tama ka, Señorita Ciara... o puwede ring dahil... " pasadya nitong ibinitin ang sinasabi. Kunot ang noong tinitigan niya ito. "...dahil may gusto siya sa iyo."
Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya dahil sa sinabi ng babae. Hindi makapaniwalang umiling siya at muling inabot ang baso ng juice saka uminom.
"Señorita Ciara, hindi naman sa pang-aano pero nakita ko kung paano ka niya titigan kahapon. Napakalagkit ng mga titig niya."
Dahil sa sinabi ni Abeng, bumalik sa isipan niya ang malalalim na mga mata ng lalaki at kung paano siya nito titigan. Aaminin niya, paminsan-minsan mula pa kagabi, laging pumapasok sa isip niya ang mga mata nito. Ang mga matang tila ba pamilyar sa kaniya.
Napalunok siya bago iwinaksi sa isipan ang binata. May mas marami pa siyang kinakaharap na problema sa kasalukuyan. Ayaw niyang abalahin ang sarili sa isa pang problema at iyon ay si Linus Gallardo.
"Pero ano ang tingin mo kay Linus, señorita?"
Muli niyang ibinaba ang hawak na baso at inayos ang buhok na tinatangay ng malamig na hangin. Bumuntong-hininga siya bago nilingon ang babae sa kaniyang harap.
"What do you mean, Aling Abeng?"
Nagkibit ng balikat si Abeng. "Tingin ko kasi, maliban sa mayaman na at guwapo, parang mabait naman iyong bata."
Muli siyang nagbuga ng hangin. "Tama ka," sang-ayon niya sa sinabi nito. "Kaya tatanggapin ko itong bulaklak niya dahil sa ginawa niyang pagliligtas sa akin kahapon."
Biglang napangiti si Abeng. "Ay, hindi ba dapat, ikaw ang magbigay sa kaniya ng bulaklak?"
Muli niya itong nilingon at nakita itong malapad ang ngiti sa mga labi.
"E, siyempre, Señorita Ciara, ikaw ang niligtas niya, hindi ba nga?"
Bahagyang kumunot ang noo niya sa narinig. Napalunok siya at mabilis na ibinaling sa ibang direksiyon ang tingin. "Sinusuwerte siya."
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Abeng dahil sa kaniyang sinabi. Matapos ng naging pag-uusap nila ay muli siyang bumalik sa kuwarto dala sa isang kamay ang bulaklak na ipinadala ni Linus.
Muli siyang nagbukas ng laptop at tumambay sa kaniyang blog sa pag-aasam na may himalang mangyari at makatatanggap siya ng mensahe tungkol sa asiyenda. Pero maliban sa kaibigan niyang si Heizel na kahapon pa tawag nang tawag sa kaniya at sa ex niyang si Cedrick ay wala nang ibang nagpapaingay ng kaniyang selpon.
Ayaw naman niyang sagutin ang tawag at text ni Heizel dahil paniguradong magtatanong ito ng tungkol kay Linus. Mas lalong ayaw niyang sagutin ang tawag ni Cedrick dahil iniiwasan na niya ang lalaki. Ito lang naman ang habol pa rin nang habol sa kaniya at alam na niya ang dahilan kung bakit. Mukhang naiwanan niya talaga ng malaking problema ang binata dahil sa sinabi niya noong araw na makipag-break siya rito bago bumalik sa asiyenda nila.
Bumuntong-hininga siya bago humiga sa kama saka tinapunan ng tingin ang bulaklak na ipinadala ng binata. Muli niyang kinuha ang card na kasama ng bulaklak at saka binasa ulit ang nakasulat doon.
Hindi niya mapigilan ang paulit-ulit na pagpapakawala ng malalim na hangin habang pinagmamasdan ang sulat-kamay ng lalaki. Maganda iyon, parang sulat-kamay ng mga doktor pero naiintindihan. Katulad ng dalawang pares ng mga mata ni Linus, pamilyar din sa kaniya ang sulat-kamay ng binata. Saan nga niya iyon nakita?
May ilang minuto pa niyang tinitigan ang card bago natigilan nang may biglang naalala. Mabilis siyang bumangon at mas lalong tinitigan ang nakasulat sa card. Nag-angat siya ng tingin at tila may iniisip na tumitig sa kawalan. Makalipas ang ilang segundo ay tumayo siya at naglakad palapit sa kaniyang mga maleta.
Binuksan niya iyon at kinuha ang isang hindi kalakihang kahon mula sa loob. Matapos buksan ang kahon ay kinuha naman niya ang isang kapirasong papel saka ipinagkumpara ang sulat-kamay ng dalawa. Matagal niyang tinitigan ang sulat sa card at sulat sa papel bago napatitig muli sa kawalan.
Natatawang umiling siya sa sarili. "What's gotten into you, Ciara? Napakaimposible."
NAKANGITING tumungo ng dining room si Linus habang nakahawak ang isang kamay nito sa batok at ang isa naman ay nasa loob ng bulsa ng suot niyang black denim shorts. Maliban sa denim short ay nakasuot din siya ng simpleng puting shirt na bakat sa katawan niya. Ganoon lagi ang gusto niyang isinusuot sa tuwing nasa bahay lang siya, ang mga komportable at puting damit.
Nang tuluyang makapasok sa dining room ay agad na luminya ang mga katulong sa loob at binati siya ng magandang umaga. Ngiti lamang ang itinugon niya sa mga ito bago umupo sa harap ng hapagkainan sa pinakadulong kaliwa.
Nakahanda na sa harap niya ang mango juice, scrambled eggs, corned beef hush, pancakes and cinnamon buns. Agad niyang inabot ang baso na naglalaman ng juice at mabilis na uminom.
"Nasaan ang secretary ko?" tanong niya habang nakabaling ang tingin sa kinakain.
Agad na lumapit sa tabi niya ang isang katulong na siyang pinakamalapit sa kaniya.
"Kanina pa pong umalis. May sinundo raw. Sa palagay ko ay pabalik na iyon maya-maya lang, Sir Gallardo."
Tumango siya sa sinabi ng babae. Sa palagay niya ay nasa tatlumpu pa lamang ang edad nito kung ibabase niya sa boses nito.
Patapos na siya sa pagkain ng scrambled eggs at cinnamon buns nang marinig ang paghinto ng kotse sa labas ng bahay niya. Itinaas niya ang isang kamay at mabilis na lumapit ang isa na namang katulong.
"Maghanda pa kayo ng mga pagkain at dalawang plato," utos niya sa kasambahay. Agad naman itong tumalima.
Inubos niya ang natitirang laman ng baso at tahimik na hinintay ang panauhin. Nang tuluyang makapasok si Elton kasama ang isang lalaking nakasuot ng pang-opisinang damit at tila nasa animnapu ang edad, nakangiti siyang tumayo at sinalubong ng ngiti ang mga ito.
"Nice to finally meet you, Mister Serna." Inilahad niya ang kamay sa mga upuan. "Please, sir, have a seat."
Nag-umpisang maghain ng dagdag na mga pagkain ang mga katulong niya. Sinigurado niya sa mga ito na punuin ng masasarap na handa ang hapagkainan. Nakangiti naman niyang tinitigan ang matandang panahuin. Nakaupo ito sa kaniyang kanan habang ang sekretarya niyang si Elton ay nakaupo sa kaliwa.
Habang nasa kalagitnaan ng pagkain ang dalawa, umusog siya sa lamesa at idinantay ang mga siko sa ibabaw bago pinagsalikop ang mga daliri sa magkabila niyang kamay.
"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Mister Serna. Gusto kong gipitin n'yo lalo si Don Corne." Nawala ang ngiti sa mukha niya at napalitan iyon ng kaseryosohan. Naging matalim din ang bawat titig niya sa matandang lalaki.
Huminto sa pagkain si Mister Serna bago uminom ng kape. "Walang problema, Sir Gallardo. Kami na po ang bahala," nakangiti nitong tugon.
Agad naman bumalik anh malaking ngiti sa mga labi niya bago bahagyang tumawa.
"Iyan ang gusto ko sa isang tao. Marunong kumilatis ng taong susundin niya."
Tumango ang matanda sa mga sinabi niya. Sa puntong iyon, kinuha ng kaniyang sekretarya ang dala nitong briefcase na nasa ibabaw ng katabing silya, binuksan nito iyon at may iniabot sa kaniyang maliit na brown envelope.
Tinanggap niya envelope nang hindi inaalis ang mga mata sa matandang panahuin. Maagap niyang inilagay ang envelope sa tabi ng plato ng matandang lalaki. Nang kunin at silipin nito ang nilalaman niyon ay bahagya itong nagulat sa nakita.
"Huwag kang mag-alala, Mister Serna," makahulugan siyang ngumiti nang sabihin iyon. "Sa susunod, hindi lang kalahating milyon ang ibibigay ko sa iyo. Basta't siguraduhin mo lang na masisindak mo ang mga Lancheta."
Nag-angat ng tingin ang matanda at malapad ang ngiting tumango nang sunod-sunod.
"Kapag nakatanggap ako ng tawag mula sa kanila pagkatapos ng inyong pag-uusap, ipapadala ko sa mismong bahay mo ang karagdagang dalawang milyong piso."
Bahagyang natigilan ang lalaki at napalunok sa presiyong binanggit niya. Huminga ito nang malalim bago tumango nang ilang ulit. Muli nitong inabot ang tasa ng kape sa tabi nito saka uminom. Ibig pa niyang matawa nang makita ang panginginig ng mga kamay nito.
"Makakaasa kayo sa akin, Sir Gallardo. Ako na po ang bahala sa lahat, pero puwede ko po ba kayong matanong?"
Napangisi siya sa sinabi nito. "Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang pakialamero. Hindi pa ba sapat ang dalawang milyon para sa katahimikan mo?"
Mabilis na nagbaba ng tingin ang lalaki. "P-pasensiya na kayo, Sir Gallardo."
Maagap siyang tumango rito bago muling uminom ng juice sa kaniyang baso.
TAHIMIK niyang tinanaw mula sa malaking balkonahe ng kaniyang mansiyon ang papalayong kotse kung saan lulan ang matandang lalaki. Matalim ang tinging ipinupukol niya rito habang iniisip ang Hacienda Lancheta.
"Paano kung hindi pa rin nila tanggapin ang alok mo, Linus?" narinig niyang tanong ng sekretarya niya mula sa likuran.
Nilingon niya ito at bahagyang ngumiti. "Maraming paraan para makuha ko ang Hacienda Lancheta, Mister Francisco. Pero kailangan kong makuha iyon sa ganitong paraan, dahil maliban sa asiyenda, may mas mahalaga pa akong dapat na makuha."
Bahagyang nangunot ang noo ni Elton sa sinabi niya. "Mas mahalaga?" ulit nito.
Ngumiti siya sa sekretarya at muling tinanaw ang malaking gate kung saan lumabas ang kotseng kinalululanan ni Mister Serna. Tumango siya habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin.
"Higit na mas mahalaga kaysa sa Hacienda Lancheta?" dagdag ng matandang sekretarya.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata. "Oo, higit na mas mahalaga kaysa sa kanilang asiyenda."
Bahagyang natigilan si Elton. Pilit nitong iniisip kung ano ang bagay na tinutukoy niya. Nang hindi nito matukoy ang ibig niyang sabihin ay humakbang ito papalapit at mataman siyang tinitigan.
"Maaari ko bang malaman kung ano ito, Linus?"
Ipinasok niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng suot niyang denim shorts. Binaling niya sa sekretarya ang paningin at ngumiti.
"Kapag nagtagumpay si Mister Serna, saka mo malalaman."
Nag-iwas naman ng tingin si Elton. Binaling nito ang mga mata sa kulay asul na langit. Pinagmasdan nito ang mga ibong malayang lumilipad.
"Ano'ng iniisip mo, Mister Francisco?" untag niya nang mapansin ang bigla nitong pagtahimik.
Mula sa kalangitan ay muling binaling sa kaniya ng matanda ang paningin nito. Mababakasan ito ng pag-aalala sa buong mukha.
"Hindi ka pa man ikinakasal kay Donya Mila, parang anak na ang turing ko sa iyo," madamdaming wika ng matandang sekretarya.
Nagbuga siya ng hangin at bahagyang tumango. "At parang ama na rin ho ang tingin ko sa inyo."
Nilapitan siya ng matanda at mahigpit na hinawakan sa isang balikat. "Nag-aalala ako sa iyo, Linus. Ayaw kong matulad ka sa pamilya ni Donya Mila, mga nilamon na ng galit."
Ngumiti siya nang banayad bago hinawakan ang kamay nitong nakahawak sa kaniya saka ibinaba iyon. "Hindi mo kailangan mag-alala sa akin, Mister Francisco. Kaya kong kontrolin ang sarili ko. Hawak ko ang sitwasiyon."
"Kung ganoon sabihin mo, ano ang tunay na dahilan? Bakit parang napakalaki ng galit mo sa mga Lancheta?"
Isang lunok ang kaniyang ginawa bago mataman na tinitigan ang matanda.
"May malaki silang pagkakautang sa akin. Isang utang na hindi maaaring hindi bayaran."
Nagbuga ng hangin si Elton. "At ito ang kabayaran? Ang makuha mo ang lahat-lahat sa kanila?"
Walang emosiyon ang kaniyang mukha. Nakatitig siya sa matanda ngunit kahit na kaunting liwanag ay walang makita ang matandang lalaki sa mga mata niya. Tila binabalot ang paningin niya ng kadiliman.
Ngumiti siya nang hindi inaalis ang tingin sa lalaki. "Hindi. Kulang pa. Kulang pang kabayaran ang lahat ng ari-arian nila."
Mas lalong nangunot ang nakakunot nang noo ni Elton. Mababakasan ng pagkalito at pagkabahala ang mukha nito.
"Kinuha niya sa akin ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Kukunin ko rin sa kaniya ang pinakaimportanteng tao sa buhay niya."
Bahagyang umiling ang matandang sekretarya. "Huwag, Linus! Mapapahamak ka lang sa gagawin mo. Hindi madaling kalaban si Corne Lancheta—"
"Kung hindi mo kayang pumanig sa akin, malaya kang umalis. Bumalik ka sa Greece at doon ako hintayin."
Tuluyang naipikit ni Elton ang mga mata nito. Ramdam ng matanda na hindi na siya nito mapipigilan pa. Tila nawawalan ng pag-asang bumuntong-hininga ang lalaki.
"Hindi kita iiwan, Linus."
Isang ngiti ang sumilay sa mga labi niya. "Kung ganoon, manood ka, Mister Francisco. Panoorin mo akong agawin ang lahat kay Corne Lancheta."