NAKANGITING bumaba ng enggrandeng hagdan si Ciara nang malamang nasa ibaba ang lolo niya at gustong sumabay sa kanila sa pagkain.
"Mukhang maganda talaga ang naidulot ng pagdating mo sa kalusugan ni Don Corne," nakangiting pahayag ni Abeng habang kasama niya itong naglalakad pababa ng hagdan.
Nilingon niya ang babae at mas lumapad ang ngiti sa mga labi. "Sana nga po, magtuloy-tuloy na ang paggaling ni Lolo."
"Panigurado iyon, kasi nandito ka na!"
Nagkatawanan sila sa sinabi nito bago tuluyang nakababa ng hagdan. Mula roon ay dumiretso sila sa dining room. Sinalubong siya ng mabangong halimuyak ng mga bagong lutong pagkain.
Mula naman sa mga pagkaing nakahilera sa kahabaan ng mesa, nabaling sa don ang tingin niya nang mapansin itong nakaupo sa puwesto nito sa dulong kanan ng dining table.
"Come here, my granddaughter! Let's eat. Kanina pa ako nagugutom," nakangiting anyaya ng matanda.
Masaya niya itong nilapitan saka umupo sa silyang katabi nito. Pinagmasdan niya ang matandang lalaki habang ganado itong kumuha ng mga paborito nitong ulam at nilagay iyon sa sariling plato.
"Mukhang maganda ang gising mo, lolo. May good news ba?" usisa niya sa matanda na nagpatigil dito sa ginagawa.
"Kailangan pa bang may good news para gustuhin kong makasama ang pinakamamahal kong apo sa tanghalian?" Kumunot ang noo nito at humawak sa tapat ng dibdib. Umaaktong nasasaktan ang puso. "Nagtatampo na ako sa iyo. You're breaking my heart, apo!"
Natawa siya sa nakikitang kilos ng matanda. Noong nabubuhay pa ang mga magulang niya ay madalas din itong umakto nang ganito lalo na sa hapagkainan kaya lagi silang masaya at nagtatawanan.
Umiling siya bago kumuha ng isang grilled shrimp. "Okay, fine! Hindi na po ako magsasalita."
Nag-umpisa na silang kumain ng tanghalian. Sinaluhan na rin sila ng iba pang kasamahan nila sa bahay. Kung may isang bagay man siyang higit na nagustuhan sa lolo niya, iyon ay ang hindi nito tinatratong iba ang mga tao nito. Para dito ay parang kapamilya lang nila ang kanilang mga kasambahay. Iyon ang nakalakihan niya kaya nagkaisip siyang close kina Abeng at sa iba pa.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagkain ay bigla silang natigilan nang makarinig ng mahinang pagbusina ng kotse sa labas ng tarangkahan ng mansiyon. Napalingon pa sila sa gawi ng pinto at nagkatitigan. Wala naman kasi silang inaasahang bisita sa araw na iyon.
Mabilis naman tumayo si Mando mula sa silya nito. "Ako na! Sino na naman kaya ito?"
Napangiti siya bago ibinalik ang atensiyon sa lolo at sa kinakain niya. Naisip niya, siguro ay isa na naman iyon sa mga taong pinapapunta ng lolo niya sa mansiyon. Inabot niya ang baso ng mango juice sa kaniyang kanan saka nagsimulang uminom. Napangiti siya matapos malasahan ang matamis na katas ng mangga. Fresh and sweet! Refreshing ang hatid nito sa kaniya. Agad na nilingon niya sa kaniyang tabi si Abeng.
"Wow, Aling Abeng! Ang sarap nitong juice mo, ah," nakangiti niyang puri sa babae.
Napangiti na rin si Abeng. Agad nitong ibinaba ang hawak na kubyertos at uminom ng tubig upang mabilis na malunok ang pagkain sa loob ng bibig.
"Naku, salamat naman, Señorita Ciara at nagustuhan mo!" tuwang-tuwa nitong wika. "Iyong kaninang umaga kasi, aba'y nakulangan sa tamis!"
Natawa siya sa sinabi ng babae at tumango nang ilang beses. Ang tinutukoy nito ay ang mango juice na hinatid nito sa kaniya sa silid. Walang katamis-tamis kasi kaya kinailangang lagyan ng asukal. Ang uwi, mas nalalasahan pa niya ang sugar kaysa sa mismong lasa ng mangga.
"Napansin ko nga rin po."
Natawa na rin si Luisita sa pinag-uusapan nila. Muli siyang uminom ng juice bago binalingan ang matandang don.
"Lolo, `di ba, may tagagawa kayo noon ng mango juice? Iyong masarap magtimpla? S-si Nanay Angela? Nasaan na po siya ngayon?"
Natigilan ang matandang don sa kaniyang tanong. Kahit si Abeng na muling binalik sa pagkain ang atensiyon ay muli ring huminto bago itinuon sa kaniya ang tingin.
Sa halip na sumagot, nanatiling tahimik si Don Corne. Bagay na napansin niya kaya agad niyang nilingon si Abeng sa kaniyang tabi. Mabilis namang nag-iwas ng tingin ang babae nang magtagpo ang mga mata nila. Nakapagtataka ang kilos ng mga ito. Tila ba may ayaw ipaalam sa kaniya.
Muli niya sanang ibubuka ang bibig upang magsalita, ngunit natigilan siya sa ingay ng pagbukas ng pintuan ng dining room. Nilingon nila ang lalaking si Mando at nakita ang pag-aalala sa mukha nito nang lapitan ang kaniyang lolo.
"Don Corne, nasa sala po si Mister Serna," narinig niyang pagbibigay alam ng lalaki.
Agad na natigilan ang don at ilang minuto itong natahimik bago bumuntong-hininga. Mabilis niyang nilingon muli si Abeng sa kaniyang tabi at kunot ang noong tinanong ang babae.
"Who's Mister Serna?"
Napalunok si Abeng bago bahagyang nilapit ang sariling mukha sa kaniya para bumulong, "Taga bangko, señorita."
Agad siyang natigilan nang marinig ang sinabi nito. Muli nilang nilingon ang matandang don nang makita itong tumayo at nagsimulang humakbang palabas ng silid-kainan. Agad na rin siyang tumayo mula sa kinauupuan at mabilis na sumunod sa matanda.
Bumungad sa kaniya ang isang lalaking nakasuot ng pang-opisinang damit. Medyo may katabaan ito at bahagyang nakakalbo na ang ulo. Nakasuot ito ng malaking reading glasses at may hawak na tote bag sa isang kamay.
Nang makita sila ng lalaki ay agad na sumilay ang malapad na ngiti mula sa mga labi nito. Tumayo ito at inilahad ang kamay sa kaniyang lolo na agad naman tinanggap ng matandang don.
"Upo ka, Mister Serna," nakangiting saad ng lolo niya. Nang mapansin siya ng lolo niyang nakasunod sa likuran nito ay banayad itong ngumiti saka tumango. "Oh, by the way, this is my granddaughter, Ciara. I suppose you already know her."
Mula sa kaniyang lolo ay nabaling sa kaniya ang tingin ni Mister Serna. Muli itong tumayo at nakipagkamay sa kaniya bago umupo sa mahabang sofa.
"Don Corne, hindi na po ako magpapaliguy-ligoy pa. Nandito ako dahil sa utang ninyo sa bangko," diretso at walang pag-aalinlangang pahayag ng matanda.
Nagkatinginan naman sila nina Abeng at Mando dahil doon. Narinig niyang tumawa ang kaniyang lolo.
"Yes, I know, I know," tumatangong wika nito.
Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Paniguradong problema na naman ang kahaharapin nila matapos mag-usap ng dalawa. Napansin niyang malapad ang ngiti ng lolo niya na para bang wala itong inaalala. Mas lalo tuloy siyang kinabahan.
Dalawa lang ang reaksiyon ng lolo niya sa tuwing nahaharap ito sa mga taong hindi nito gusto: ang magalit at ipagtabuyan ang taong iyon o ang ngitian ito nang malapad at makipag-plastic-an.
"Kailan ka ba naman bumisita sa akin nang hindi pera ang dahilan?" nakangiti pang dagdag ni Don Corne sa lalaki.
Bahagya siyang natigilan sa sinabi ng matanda. Nang balingan niya ng paningin ang kanilang panahuin ay halatang napahiya ang lalaki. Umismid ito at ilang segundong nag-iwas ng tingin habang inaayos ang suot na salamin.
"Go on. Get straight to the point."
Tumikhim muna si Mister Serna bago nag-umpisa. "May isang linggo na lamang po kayo para bayaran ang utang ninyo."
Umawang ang bibig niya sa narinig. "Ano?" tila hindi makapaniwala niyang tanong.
"Kung sa loob ng isang linggo, hindi ninyo mababayaran ang utang ninyo, kukunin namin itong mansiyon n'yo at kakailanganin namin kayong pagbayarin nang naaayon sa batas."
"S-sandali! Ano'ng nangyari? May mahigit tatlong linggo pa kami!" inis niyang tanong sa matandang lalaki. Hindi na niya napigilan ang hindi manghimasok sa usapan ng dalawa.
Samantalang si Don Corne naman ay nanatili lamang na tahimik habang mariin ang titig sa panahuin.
"I'm sorry, Don Corne. Nag-demand ang mga taong niloko ninyo. Kailangan n'yo na silang bayaran sa loob lamang ng pitong araw."