Akma niyang lalapitan ang matandang panahuin, pero agad siyang napigilan sa braso ni Abeng.
"Mister Serna, please, don't do this to us! Mahirap makakuha ng isang daang milyon sa loob lamang ng ilang araw!" histerikal na niyang wika.
Tumayo ang matanda at taas-noong sinalubong ang tingin niya subalit hindi ito nagsalita. Nang tumikhim ang lolo niya ay nabaling dito ang tingin ng lalaki.
"Wala na akong magagawa." Bahagya pang umiling ang lalaki. "Kung ayaw mong makulong ang lolo mo, bayaran n'yo ang utang ninyo sa bangko at sa mga taong niloko ninyo. Kung wala kayong maipambabayad, hindi ko na problema iyon."
Umawang ang bibig niya sa narinig na sagot mula sa matanda. Muli siya nitong tinapunan ng tingin at bahagya pang yumukod bago tuluyang naglakad patungo sa malaking pinto ng mansiyon.
Natatawa siyang umiling sa mga narinig. Makikitaan man ng ngiti ang kaniyang mga labi ay ibig naman maluha ng mga mata niya.
"Diyos ko! Ano nang gagawin natin ngayon?" nangangambang tanong ni Abeng.
Lumunok siya bago nilingon ang kaniyang lolo na ngayon ay tahimik pa rin at matalim ang tingin habang nakatitig sa kawalan.
"Mga walang puso! Alam na nilang hindi maganda ang kalagayan ni Don Corne, pero ito pa ang ginawa nila! Ginigipit nila tayo!" pagalit na litanya ni Mando.
Nanatili naman siyang nakatitig sa matandang don. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nito, ngunit nasisiguro niyang nahihirapan na ang kalooban ng kaniyang lolo.
"Paano kaya kung... " kusang ibinitin ni Abeng ang sasabihin. Tila nagdadalawang-isip ito kung dapat ba talagang isatinig ang laman ng isip. "...Paano kung tanggapin n'yo na lang ang alok ni Linus Gallardo, señorita?"
Mula sa kaniyang lolo ay nabaling sa babae ang tingin niya. Puno ng simpatya ang mukha nito para sa kanila ni Don Corne. Muli niyang binalingan ang lolo niya at nakita itong sa malayo pa rin nakabaling ang paningin.
Maya-maya lang ay tumikhim ang matanda at tumayo mula sa pagkakaupo. Walang sabi itong umalis sa receiving area at umakyat na sa hagdan. Agad naman sumunod si Mando rito. Inalalayan nito ang matandang don hanggang sa mawala ang mga ito sa paningin niya.
"Señorita Ciara, kailangan mo nang magdesisiyon para kay Don Corne. Isang linggo na lang ang mayroon kayo," muli niyang narinig ang tinig ni Abeng. Halata sa boses nito ang pag-aalala.
Nagbuga siya ng hangin bago nanghihinang napaupo sa armchair at sinabunutan ang sariling buhok gamit ng isang kamay. Pagod na pagod siyang bumuntong-hininga. Umupo naman sa tabi niya si Abeng at mataman siyang tinitigan.
"Señorita, kausapin mong muli ang lolo mo. Kumbinsihin mo siya. Para sa kaniya rin naman itong gagawin mo."
Mula sa sahig ay nabaling ang mga mata niya sa babaeng si Abeng. Mataman itong nakatitig sa kaniya at tila hinihintay ang kaniyang magiging desisiyon.
Naramdaman niya ang malakas na ihip ng hangin mula sa nakabukas na balkonahe ng mansiyon. Nilingon niya iyon at pinagmasdan ang maaliwalas na kalangitan mula sa kinauupuan nila.
Ang prinsipyo ng matandang don, wala iyong magiging halaga kung makukulong naman ito. Kung hindi siya gagawa ng paraan, malaki ang tiyansang pagsisihan niya sa huli ang pagtanggi sa alok ni Linus Gallardo.
Humugot siya nang malalim na hangin saka iyon ibinuga. Tumayo siya at buong lakas na pumanhik sa itaas upang kausapin nang masinsinan ang matanda.
Huminto siya sa tapat ng pinto nito at sandaling nag-isip. Ilang segundo pa lamang ang nakalilipas ay bigla na itong bumukas at iniluwa ang lalaking si Mando.
"Oh, Señorita Ciara, pasok ka," ani Mando at nagbigay ng daan para sa kaniya.
Nang makapasok siya sa loob ay narinig pa niya ang mahinang pagsara ng pinto sa kaniyang likuran. Tumikhim siya na siyang nakakuha sa atensiyon ng matanda.
Nang mabaling sa kaniya ang paningin nito ay sandaling natigilan ang don bago maagap na bumangon mula sa pagkakahiga.
"Narito ka para kausapin ako," ani ng lolo niya saka bumuntong-hininga.
Pilit siyang ngumiti bago umupo sa tabi nito. Ginagap niya ang nangungunot na kamay ng don at mahigpit itong hinawakan.
"Lolo, kailangan na po nating bitiwan ang asiyenda." Isang luha ang tumakas mula sa mga mata niya.
Alam niya, kung gaano kahalaga sa kaniya ang mansiyon, doble ang halaga nito para sa kaniyang lolo. Hindi pa man siya ipinapanganak, iginagapang na ng lolo niya ang asiyenda nila para sa binitiwan nitong pangako sa mga yumao nitong magulang. Kaya nauunawaan niya na higit sa kanilang lahat, ito ang mas nasasaktan at nahihirapan.
Si Don Corne naman ay tila hindi alam ang gagawin sa kaniyang sinabi. Nais nitong umiling ngunit sa tuwing ginagawa naman nito iyon ay mabilis itong natitigilan. Bakas ang paghihirap ng kalooban nito sa magiging pinal na desisiyon.
"Ano na lang ang mangyayari sa Hacienda Lancheta kapag tuluyan itong nawala sa atin?" bumubuntong-hiningang saad ng matanda. Tila bigat na bigat ang dibdib nito sa problemang iniinda. "And you, my granddaughter, paano ka na lang? Ikaw dapat ang magmamana nito. Ito lang ang maiiwan ko sa iyo."
Ngumiti siya bago pinahid ang luhang naglandas sa kaniyang pisngi. "Higit na mas mahalaga ka sa akin, lolo."
Mataman siyang tinitigan ng matandang don sa mukha. Bakas sa mga mata nito ang pasakit na pinagdadaanan nito.
"Wala ka dapat dito ngayon, hindi mo dapat ito pinoproblema," umiiling nitong sabi. Makikita ang matinding pagsisisi at kalungkutan sa tinig. "This is all my fault."
"Lolo, no."
Umiling ang don. "Kasalanan ko ito, apo. Kung hindi dahil sa akin, nasa Maynila ka sana. Doing the things that you love and having the best time of your life, pero dahil sa akin... " Muli itong umiling habang punong-puno ng pagsisisi ang mukha.
Huminga siya nang malalim at umayos ng upo. Pilit siyang ngumiti habang mataman na nakatitig sa matandang lalaki.
"Lolo, ibinigay mo sa akin ang lahat ng kailangan ko. Kahit noong namatay sina Mama at Papa, you were there and you never left me. Kahit wala na sila, hindi ko naramdaman na nag-iisa ako kasi lagi kang nandiyan."
Ngumiti siya nang malapad. Ramdam niya ang pangingilid ng luha sa magkabila niyang pisngi.
"Hindi ka nagkulang sa akin, lolo. Pagsubok lang ito. Malalampasan din natin ito nang magkasama."
Isang lunok ang ginawa ni Don Corne at mariing pumikit. "Thank you, my granddaughter."
Nagbuga siya ng hangin bago nagbaba ng tingin. Masakit man para sa kaniya, pero kailangan niya itong gawin. Hindi lang iyon para sa kapakanan nila ng lolo niya, kundi para sa kapakanan ng lahat.
"Lolo, tanggapin na natin ang alok ni Linus Gallardo."
MAG-ISANG nakaupo ni Linus sa labas ng balkonahe ng library sa pangalawang palapag ng bahay nito nang marinig niya ang humahangos na tinig ni Elton.
Ibinaba niya ang dokumentong pinag-aaralan at nilingon ang lalaki. "Ano iyon, Mister Francisco?"
Napansin niyang hawak ng matanda sa isang kamay nito ang telepono. Inabot nito iyon sa kaniya. "Ang mga Lancheta."
Mabilis na umaliwalas ang mukha niya sa narinig. Tinanggap niya iyon at nakangiting itinapat ang telepono sa tainga. Ilang sandali rin siyang nakipag-usap sa babaeng nasa kabilang linya bago ito tuluyang ibinaba.
"Sino iyon? Si Don Corne ba o si Señorita Ciara?"
Umiling siya sa tanong ng matandang sekretarya nang hindi nawawala ang ngiti sa mga labi. Bahagya namang kumunot ang noo ni Elton. Sa pagkakaintindi nito sa sinabi ng katulong nila na nakasagot ng tawag, mula sa mansiyon ng mga Lancheta ang nasa kabilang linya.
"Mister Fancisco," agad na lumapit ang lalaki sa kaniyang tabi nang tawagin ito. Lumapad ang ngiti sa mga labi niya bago nag-angat ng tingin sa matanda. "Mag-withdraw ka ng dalawang milyon sa bangko. Tagumpay si Mister Serna."