Chapter Six

1470 Words
MULA sa silyang kinauupuan ay nakangiting tinanaw ng binatang si Argento ang larawan ng dalagang si Ciara. May ngiti sa mga labi ang babae at nakatitig sa camera habang naka-dutch braid ang buhok nito at nakasuot ng dilaw na bestida na hanggang tuhod ang haba. Mula sa larawan ng kababata, binaling niya ang tingin sa hawak na papel at lapis sa ibabaw ng dining table. Muli niyang pinagalaw ang kamay at tinapos ang guhit na halos magtatatlong araw na rin niyang ginagawa. "Argento!" Natigilan siya at mabilis na napalingon nang marinig ang boses ng kaniyang ina. Nabungaran niya itong kasama si Don Corne na kapapasok lang sa pintuan ng dining room. Mabilis niyang itinago sa bulsa ng suot niyang kupas na pantalon ang lapis at papel. "Bakit po, inay?" tugon niya nang makatayo at tuluyang makalapit sa dalawa. Bahagyang dumistansiya si Angela sa matandang don at nakangiti siyang binalingan. Ang nanay niya ang mayordoma ng mansiyon. "Bilisan mo, manungkit ka ng mga mangga. Siguraduhin mong matamis, ha? Pauwi na si Señorita Ciara mula sa Maynila! Ipaghahanda natin siya ng masarap na juice." Malapad na ngumiti ang babae. Narinig pa niya ang mahinang pagtawa ng don. Agad naman nagliwanag ang mukha niya sa nalaman. May pagmamadali siyang nagpaalam sa ina at sa matandang don bago mabilis na tumakbo patungo sa labas ng mansiyon. Tinungo niya ang mga puno ng mangga sa pinakadulong bahagi ng likuran ng mansiyon. Malapit ito sa kuwadra ng mga kabayo. Sa dinami-rami kasi ng puno roon, iyon ang may pinakamatamis na bunga ng mga mangga. Nakangiti siyang umakyat at nag-umpisang pumitas para sa paparating na dalaga. TATLONG araw na rin ang nakalilipas simula nang dumating ang nag-iisang apo ni Don Corne. Hindi niya ito matiyempuhang lapitan dahil sa tatlong kaibigan nitong laging nakabuntot dito. Huling araw na iyon ng dalaga sa asiyenda, sa susunod na araw ay babalik na muli ito sa Maynila. Kailangan niyang makahanap ng magandang pagkakataon upang malapitan ito. Kagaya noong huling taon nang palihim niyang inilagay sa mga gamit nito ang guhit niya at sulat para sa babaeng tinatangi. "Argento!" natigilan siya sa paglalakad nang makitang palabas ng kanilang silid ang kaniyang ina. "Ano'ng ginagawa mo rito? Hindi ba nga, inutusan kita kanina?" Ngumiti siya sa ina at sandaling tinapunan ng tingin ang nakaawang na pintuan ng kuwarto nila. Mabilis iyong isinara ng babae. "Inay, kukunin ko lang ho ang sulat ko... p-para sa isang kaibigan." Akmang lalagpasan niya ito nang biglang humarang ang babae sa daraanan niya. "Anak, nililinis ko pa ang silid-tulugan natin. Mamaya mo na lang kunin." "Pero, inay, sandali lang ako—" "Argento, huwag nang matigas ang ulo, ha? Sige na." Matamis na ngumiti ang ina niya. Wala siyang nagawa kundi tumango rito. Napapakamot pa sa ulong muli niyang tinapunan ng tingin ang silid sa pag-aalalang makita o maitapon ng ina niya ang hinandang sulat para sa dalagang lihim na minamahal. Paalis na sana siya ng maid's quarter nang bigla siyang matigilan nang muling marinig ang boses ng ina. "Argento, matutuloy ka ba sa Maynila para sa trabaho?" nakangiti nitong tanong. Ngumiti na rin siya at napakamot uli sa ulo. "Hindi ko alam, inay. May hinihintay pa po akong tao, e." Nagpakawala ng buntong-hininga ang inay niya matapos nitong tumango. Si Angela, labing-anim na taong gulang pa lang ay nabuntis na ito ng tatay niyang hindi sila pinanagutan at iniwan lang pagkatapos siyang mailuwal. Pero sa kabila ng pag-iisa at sa hirap ng buhay, hindi siya pinabayaan ng babae. Itinaguyod siya nito. Sa oras na iyon, sa edad nitong tatlumpu't anim na taong gulang ay napakaganda at nakapa-sexy pa rin nito. Karamihan sa mga lalaking trabahador sa mansiyon ng mga Lancheta, nabibighani sa ganda ng inay niya. Kaya nga madalas siyang tanungin ng mga tao roon kung tunay niya bang ina ang babae. Paano'y kung gaano ito kaganda ay ganoon naman siya kapangit. Kabaliktaran siya ng kaniyang ina pagdating sa pisikal na anyo. Bago tuluyang makaalis ay muli niyang nilingon ang kuwarto nila. Sakto namang isasara pa lamang ng inay niya ang pintuan ng kanilang silid-tulugan kaya hindi nakatakas sa mga mata niya ang mukha ng lalaking nagnakaw ng halik sa pisngi ng babae. Matapos magdesisiyong magtapat ng tunay na nararamdaman para sa dalagang señorita, lumabas siya ng mansiyon at patakbong hinanap ang babae sa buong bakuran. Bigo siyang mahanap ito sa tabi ng mansiyon. Natagpuan niya lang ito sa labas ng Lancheta mansion, malapit sa taniman ng mga tubo. Lakas-loob niyang ibinigay sa dalaga ang dalang isang piraso ng gumamela at ang picture frame na pinaglalagyan ng ginuhit niyang larawan nito. Ang plano niya ay nakasalalay sa magiging sagot ng babae ang pananatili niya sa Hacienda Lancheta. Maiintindihan niya kung ayaw sa kaniya ng dalaga, ang mahalaga ay maipagtapat niya rito ang tunay niyang nararamdaman. Ngunit hindi niya inaasahan na taliwas pala sa naiisip ang magiging reaksiyon nito. "Kung inaakala mong magkakagusto ako sa iyo, nagkakamali ka!" Malakas nitong itinapon ang picture frame sa lupa dahilan ng pagkabasag niyon. "Uminom ka ng kape o `di kaya'y manalamin ka!" Walang awa siyang pinahiya ng babae sa harap ng mga kasama nito, ngunit higit na mas masakit ang ginawa nito sa kaniyang puso. Alam niyang hinding-hindi nito matutugunan ang kaniyang pag-ibig, pero ni minsan, hindi sumagi sa isipan niyang magiging ganoon kasaklap ang pagtugon nito sa damdamin niya. Matapos ng araw na iyon, nagdesisiyon siyang umalis na at tuluyang lisanin ang Hacienda Lancheta. HUMINTO ang magarang sasakyan ni Linus sa tapat ng mansiyon ng mga Lancheta. Nakasunod sa kotse niya ang malaking puting van kung saan naroon ang mga tauhang binayaran niya upang manatiling magbantay sa kaniya habang nasa Pilipinas siya. Kasunod niyang bumaba mula sa loob ng kotse ang sekretarya niyang si Elton. May dalawalang lalaki sa magkabilang gilid nila na pawang mga nakasuot ng formal attire. Siya naman ay nakasuot ng classic men's suit. Nag-umpisa silang humakbang sa malawak na hagdan nang bumukas ang malaking pintuan ng mansiyon. Sinalubong sila ng mga babaeng si Luisita at Abeng. Agad siyang ngumiti sa mga ito na mabilis namang tinugunan ng isang ring ngiti ng dalawa. Iginiya sila ng mga ito papunta sa malaking receiving area ng mansiyon at doon ay sandaling iniwan. Muli namang bumalik sa loob ng kusina si Abeng upang asikasuhin ang mga pagkain para sa tanghalian ng mga bisita nila. Si Luisita naman ay mabilis na pumanhik sa pangalawang palapag upang ipagbigay alam ang kanilang pagdating. Itinaas niya ang kanang kamay bilang senyas sa dalawang lalaking personal bodyguards niya. Tumalima ang mga ito at agad na nilapag sa ibabaw ng mesang nasa harap nila ang mga ipinadala niya. Isang malaking bouquet ng puting rosas at isang basket ng mga prutas. Naupo siya sa mahabang sofa habang si Elton ay nanatiling nakatayo sa likuran niya at ang dalawang lalaki ay bumalik na sa labas ng mansiyon. Abala niyang pinagmamasdan ang paligid nang makarinig ng tunog ng mataas na takong mula sa enggrandeng hagdan ng mansiyon. Nang mag-angat siya ng tingin ay bumungad sa kaniya ang nag-iisang apo ni Don Corne Lancheta, si Señorita Ciara. Sandali siyang natulala habang nakatitig sa papababang babae. Nakasuot ito ng bodycon vintage pink dress na yumayakap sa makurba nitong pangangatawan. Bumagay rin sa suot ng babae ang heay makeup nito at ang waterfall braid hairstyle. Nagmistulan itong kaakit-akit ngunit inosenteng dalagita. Isang lunok ang kaniyang ginawa nang makita ang pagtaas ng isa nitong kilay nang makita siya. Nagbawi siya agad ng tingin at tumikhim bago tumayo. Kinuha niya ang malaking bouquet ng puting rosas sa ibabaw ng coffee table at ibinigay iyon sa babae nang makalapit dito. Iwas naman itong tinanggap ng dalaga saka nagpasalamat sa kaniya. Mariin niya itong tinitigan sa malapitan. Hindi niya maiwasan ang mas lalong humanga rito sa taglay nitong kagandahan. "Napakaganda mo, Señorita Ciara," nakangiti niyang papuri sa babae. Kinuha niya ang kamay nito at dinala iyon sa kaniyang mga labi, ang mga mata ay nakatuon pa rin sa mukha ng babae. Napansin niya agad ang pamumula ng pisngi nito. Kapansin-pansin iyon dahil sa mala-niyebeng kutis ng dalaga. Mabilis nitong binawi ang kamay at umiwas ng tingin. "S-salamat," nag-aalangan nitong tugon. Mas lalo siyang napangiti dahil sa reaksiyon nito. Makalipas lamang ang ilang segundo ay nakarinig sila ng isang tikhim mula sa unang baytang ng hagdan. Nilingon nila iyon at bumungad sa kanila si Don Corne, matalim ang titig nito sa kaniya. Sa likuran nito ay naroon at nakasunod si Luisita. Nagsimulang humakbang pababa ang matandang don at nang tuluyang makalapit sa kanila ay mas tumalim ang mga titig nito. Ngumiti siya nang malapad sa matanda. "Magandang araw, Don Corne." Nang-uuyam na ngumiti ang matandang don. "Kanina, maganda pa ang araw ko. Ngayon, hindi na!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD