“MISS?”
Napalunok si Jianna nang magtama ang mga mata nila ng lalaki. Mukhang hindi na nga siya nito naalala dahil hindi man lang ito nagulat nang makita siya.
Samantalang siya…
Paano nga naman niya makakalimutan ang taong pinag-alalayan niya ng kaniyang virginity?
Pero kung tama ang memorya niya at si Luther nga itong kaharap niya ngayon, ano ang ginagawa nito roon? Ito rin ba ang Sir Luther na big boss niya? Ngunit paano nangyari iyon? Paano niya babayaran ang utang niya rito nang hindi sinasabing anak niya si Gale?
Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan habang nag-iisip ng sasabihin. Wala siyang balak na magpakilala rito, ipaalala ang nakaraan nila at sabihin ang tungkol kay Gale. Kahit limang taon na ang lumipas, malinaw pa sa memorya niya ang mga nangyari sa kanila noon.
Mula sa paglapit nito sa kaniya hanggang sa nauwi iyon sa kama. Parang nanunudyo pa na biglang narinig ni Jianna sa isipan niya ang mga daing at ungol niya habang inaangkin siya ni Luther ng gabing iyon.
Her cheeks were burning. Malay ba niya na magkikita uli sila? At magiging boss pa niya!
“Miss, ikaw ba ‘yong sinasabi ng secretary ko na magbabayad daw ng utang sa’kin?” muling untag nito sa kaniya habang nakakunot nang bahagya ang noo.
Ngayon na narinig na niya uli ang boses nito, lalong nasiguro ni Jianna na ang Luther na naka-one night stand niya noon at ang Sir Luther na big boss niya ay iisa. Hindi niya alam kung paano iyon nangyari. Basta iisa sila!
“Ah, y-yes po… a-ako nga po,” nauutal na sagot niya. Gusto sana niyang kumaripas ng takbo palabas ng opisina nito. Pero magmumukha naman siyang ewan.
Baka wala na rin siyang babalikang trabaho sa Quezon kapag ginawa niya iyon
Tumuwid ito ng upo at tumitig sa kaniya. “Okay. Wala kasi akong maalalang empleyado ko from Quezon Province na may utang sa’kin. O baka naman hindi lang kita matandaan kasi naka-face mask ka?” amused nitong sabi.
Saka lang napagtanto ni Jianna na suot pa rin pala niya ang face mask niya hanggang sa mga oras na iyon. Kaya naman pala hindi siya matandaan nito! Ngunit bigla siyang nagdalawang isip kung tatanggalin ba niya iyon o hindi. Kapag wala na siyang face mask, posibleng matandaan na siya ni Sir Luther. Baka magduda pa ito kapag sinabi niya ang tungkol kay Gale. Lalo na at nagkaharap na noon ang dalawa.
Hindi nito puwedeng malaman ang tungkol sa anak niya. Baka matunton pa sila ng kaniyang ama.
Umubo nang malakas si Jianna. “E-excuse me po, Sir. Okay lang po ba kung babalik na lang ako mamaya? Nakakahiya lang po kasi umubo rito sa opisina n’yo,” palusot niya nang muli siyang humarap dito habang suot pa rin ang face mask.
“It’s okay. Hindi naman ako maarte, eh,” nakangiti pang sagot nito.
Hindi naman niya mapigilan na muling manumbalik ang paghanga niya rito noon. Mabait nga talaga si Luther kaya pumayag siyang sumama rito. Malambing pa at sobrang sweet. At higit sa lahat, guwapo. Guwapo na ito noon pero mas guwapo pa ngayon. Kaya naman pala hangang hanga rito ang mga babaeng empleyado, kasama na si Ninang Lara.
Habang nakatitig siya sa mukha ni Sir Luther, may kung anong damdamin ang bumangon sa dibdib ni Jianna. Paanong hindi? Eh, kamukhang kamukha pala talaga ito ni Gale. Kaya naman pala nasabi ng anak niya na parehong pancit canton daw ang buhok ng mga ito.
At kapag nakita uli ni Sir Luther ang anak niya at naalala ang nangyari sa kanila noon, siguradong magkaka-ideya na ito.
“H-hindi, Sir. Nakakahiya po talaga,” giit pa ni Jianna. Pilit niyang binabago ang boses sa pag-alalang maalala iyon ni Sir Luther. “Babalik na lang po ako mamaya. Pasensiya na po sa abala. Bye!”
Hindi na niya hinintay na sumagot ito. Dali-dali na siyang lumabas ng opisina nito. Takang-taka man ang secretary pero magalang pa rin siyang nagpasalamat at nagpaalam.
“SAYANG naman. Akala ko talaga nagkakilala na rin kayo ni Sir Luther sa wakas,” sabi sa kaniya ni Ninang Lara nang bumalik siya sa playhouse. Hindi pa tapos ang oras kaya naglalaro pa si Gale.
At wala na siyang balak na bumalik pa sa opisina ng big boss nila. Saka na lang niya siguro babayaran ang utang niya. Hindi niya alam kung paano iyon gagawin. Basta sa ngayon, hindi pa talaga siya handa na magkaharap silang muli at makilala siya nito.
“N-nasa importanteng meeting daw sabi ng secretary,” pagsisinungaling ni Jianna habang nakamasid sa anak na enjoy na enjoy sa paglalaro.
Sasabihin na kaya niya kay Gale na nagkita na uli sila ng ama nito?
Simula nang magkaisip ang kaniyang anak, sinabi na ni Jianna ang totoo kung bakit hindi nila kasama ang ama nito. Na pinagtagpo lang sila pero hindi itinadhana. Ipinaintindi niya kay Gale na may ganoong pangyayari talaga pagdating sa pag-ibig. At dahil likas na matalino ang kaniyang anak kaya naintindihan naman nito iyon sa murang edad pa lang. Ni hindi ito nangungulit na malaman kahit ang tunay na pangalan ng ama.
Pero ngayon na nagkita na uli sila ni Luther, parang ang sama naman niyang nanay kung hindi niya iyon ipapaalam kay Gale. Unfair naman kung ipagkakait niya sa anak ang karapatan nito pagkatapos siyang unawain.
“Eh, bakit parang namumutla ka?” puna sa kaniya ni Ninang Lara habang nakatingin sa kaniya. “Para kang nakakita ng multo, ah.”
“N-napagod lang ako kasi tinakbo ko pabalik dito. Akala ko kasi hinahanap na ako ni Gale.” Umiwas siya ng tingin.
Alam ng kaibigan niya na hindi siya magaling magsinungaling. Baka makahalata pa ito at kulitin siya.
Lalo na at hindi rin naman inilihim ni Jianna kay Ninang Lara ang pagkakabuo ni Gale. Alam nito ang buong kuwento nila ni Luther at ng kaniyang ama. Pero hindi na niya sinabi ang pangalang ‘Luther’. Iniisip kasi ni Jianna na baka hindi rin naman iyon totoong pangalan ng lalaki. Hindi rin kasi totoong pangalan ang ibinigay niya rito.
Laking pasalamat ni Jianna na hindi naman nakahalata sa pagkabalisa niya si Ninang Lara hanggang sa umalis sila sa playhouse. Nakokonsensiya lang siya sa tuwing napapatingin siya kay Gale. Abot-kamay na nito ang ama sa mga oras na iyon ngunit ipinagkait pa niya.
Bukod kasi sa takot na baka maging daan iyon para matunton sila ng ama niya, natatakot din si Jianna na baka hindi tanggapin ni Luther si Gale kahit mabait pa ito. Siguradong may anak na rin ito sa babaeng pinakasalan nito.
Oo.
Narinig niya noon na ikakasal na ito at isa iyon sa mga rason kung bakit umalis siya nang walang paalam nang gabing iyon…